Kabanata 13

5.3K 269 50
                                    


Pagsugod

"Gusto rin kita," sabi ng babae.

Hinawakan ng lalaki ang kamay ng babae at hinalikan nito iyon. Niyapos din nito nang mahigpit ang dalaga. Masaya sila.

"Harper, wake up. We're almost home." Napamulat si Harper nang narinig niya ang boses ni Lian. Nasa loob pa rin sila ng sasakyan. Hindi niya akalain na gagabihin sila dahil sa pamimili.

"Pasensya na, Ate. Nakatulog ako sa byahe." Sa dami ng pinuntahan nila kanina ay halos mahiga na siya dahil sa sobrang pagod ngunit masaya siya.

Ang dami nilang pinuntahan. Ngayon lang siya nakapunta sa isang mall. Sobrang laki ng lugar na iyon. Maraming bilihin at pwedeng pagpilian. Marami ring namamasyal doon.

Hindi niya akalain na sa tagal ng panahon niyang namumuhay sa mundo ay ngayon lang siya nakakita nang ganoon. Mabuti na lang at sinama siya ni Lian at hindi nito ipinagkait ang mga bagay na gusto niyang makita.

Nagpapasalamat talaga siya na nakilala niya ito.

Pagkarating nila sa gate ng mansyon ay nauna itong bumaba. Kinuha nito ang mga binili at sumunod naman naman siya sa likod nito.

Napakabait ni Lian dahil binilhan siya nito ng mga gamit na ngayon niya pa lang nakita at hindi niya pa ganoon kaalam kung papaano gamitin.

Nakasunod lang siya rito pero bigla itong huminto nang nasa bukana na sila ng mansyon.

"Ate?" Bakit ito huminto? Siguro ay may nakalimutan ito.

Hinarap siya nito.

"Harper, pakidala naman 'tong paper bag sa kwarto ko. Ilagay mo na lang sa gilid ng kama. Tapos, pumasok ka sa room mo," seryosong anito saka binigay nito sa kaniya ang mga supot. "H'wag na h'wag kang lalabas hangga't hindi kita tinatawag, okay? May pupuntahan lang ako." Tumango naman siya at hindi na nagtanong.

Lumabas ulit si Lian pero hindi ito tumungo sa gate. Pumunta ito sa likod ng mansyon. Anong gagawin nito roon?

Nagkibit-balikat na lamang siya at umakyat na sa hagdan. Dumaan muna siya sa kaniyang silid dahil iyon ang una niyang daraanan bago ang silid ni Lian.

Ang silid nito ay nasa dulo ng pasilyo. Pumasok siya roon. Ang laki ng silid nito. Inilagay niya ang mga supot sa gilid ng kama nito gaya ng sabi nito. Inilibot niya ang tingin sa kabuoan ng silid nito at nahagip ng tingin niya ang maraming papel na nakasabit sa isang lugar at may mga guhit iyon. Sa kabilang gilid naman ay nakadikit ang mga larawan.

Nilapitan niya iyon at nakita niya ang mukha ni Lian mula noon hanggang ngayon. Hindi niya alam kung anong taon kinuha ang mga larawang ito dahil wala man lang pagbabago sa mukha ni Lian maliban sa larawan nito noong bata pa ito.

Masasabi niya na maganda talaga ito mula sa bilugang itim na mata nito at matangos na ilong. Ang sabi ni Maria ay silid daw talaga ito ni Lian dahil dito ito minsan natutulog kapag wala si Greta o kapag bakasyon.

Lumabas siya sa silid nito na iniisip pa rin kung saan ito nagpunta. Lumiko siya pabalik ng silid niya nang maraanan niya ang isang silid na bukas. Siguro ay naiwang bukas ang pintuan ng mga ito. Sumilip siya sa nakaawang at nakita niyang isa pala itong silid-aklatan.

Baka maaari siyang pumasok dito at tumingin-tingin muna ng mga libro. Pero hindi pa siya nakakapagpaalam kay Maria at ang sabi ni Lian sa kaniya ay manatili na lang daw siya sa kaniyang silid. Isasara na sana niya ang pintuan nang may narinig siyang boses mula sa loob.

Sleight Of Magic (COMPLETE)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon