Kabanata 4

9.1K 464 325
                                    


Sagutan

Sa gulat niya ay napatuwid siya ng tayo at napahakbang paatras. Nais niyang tumakbo pabalik sa bahay ngunit hindi niya magawang humakbang. Para siyang nanigas sa kaniyang kinatatayuan. Hindi siya makagalaw. Parang bumigat ang mga paa niya at napako ang mga ito sa buhangin.

Hindi niya alam kung totoo ba itong nakikita niya. Hindi niya alam kung papaanong may nakapasok sa lugar na ito—rito sa isla. Ilang beses nang sinabi ni Hedia na walang nakakaalam sa lugar na ito at walang ibang taong naninirahan dito kundi sila lang.

Ngayon lang siya nakakita nang totoong tao! At isa itong lalaki! Kitang -kita niya ang kaibahan nito sa kaniya kagaya ng mga ikinukwento sa kaniya ni Hedia. Ngunit imbes na maging masaya na sa wakas ay nakakita na siya nang isang totoong tao maliban sa kaniyang tiyahin ay mas nanaig sa kaniya ang takot. Napuno ng takot ang kaniyang dibdib.

"S-Sino k-ka?" nauutal niyang tanong sa lalaki. Hindi niya nga alam kung papaano niya pa nagawang makapagtanong sa lalaki.

Hindi ito sumagot. Nakatingin lang ito sa kaniya na para bang pinag-aaralan nito ang buo niyang pagkatao. Halos manginig siya sa paraan ng pagkakatitig nito sa kaniya. Sa tingin niya ay hindi nagkakalayo ang edad nila. Hindi ito mukhang bata at hindi rin ito mukhang matanda—hindi pa naman ako nakakita ng bata o matanda.

Buong tapang niya itong tinanong muli kahit na nanginginig siya.

"S-Sino ka? P-Paano ka nakapasok sa lugar na ito?" Hindi ito sumagot. Nginitian lang siya nito saka tumalikod. Nakita niyang tumingin ito sa dagat at nagsimulang maglakad papunta roon.

Nang nakapunta na ang lalaki sa bahagi kung saan nabasa ang mga paa nito ay muli itong lumingon sa kaniya.

Imbes na sagutin ang kanina niya pang tinatanong ay iba ang sinabi nito.

"Sumama ka sa akin, Harper," malalim at mahinang ani ng lalaki sa kaniya pero sapat na iyon para marinig niya.

Napasinghap siya. Kilala siya ng lalaki? Parang narinig niya na ang boses nito ngunit hindi niya alam kung saan at kailan.

Tumalikod ito muli sa kaniya at nagsimulang maglakad patungo sa laot.

"S-Sandali! Hintayin mo ako!" sigaw niya saka ito sinundan. Hindi niya maintindihan ang kaniyang sarili ngunit parang may kung ano sa loob niya na nagsasabing kailangan niya itong sundan.

Nakita niya ang bangka nila sa gilid ng batuhan. Kinalas niya ang lubid na nakatali rito at sa bato. Sumakay siya sa bangka at sinundan ang lalaking papalayo na ngayon sa kaniya.

Giniya niya ang bangka papunta sa direksyon ng lalaki para masundan ito. Binigay niya ang buong lakas niya sa pagsagwan para maabutan niya ito.

Hindi ito pwedeng umalis! Marami siyang itatanong sa lalaki! Isa na roon ay kung bakit kilala siya nito!

Malayo-layo na siya mula sa dalampasigan nang nakita niya na mas lumalayo pa ang lalaki sa kaniya. Halos malaglag ang panga niya at napatigil siya sa pagsagwan dahil hindi niya alam kung dapat niya bang paniwalaan ang kaniyang nakikita. Biglang nagsitaasan ang mga balahibo niya.

Paanong nakakapaglakad ito sa gitna ng dagat? Nakakakilabot ang ginagawa nito! Hindi niya mawari kung tao pa ba ito o baka naman pinaglalaruan lang siya ng kaniyang imahinasyon.

"Sandali! H-Hintayin mo ako! Sino ka at bakit mo ako kilala?" sigaw niya dahil hindi niya na makita ang imahe nito. Bigla na lang itong naglaho na parang bula. Hindi niya nakita kung saan ito nagpunta.

Nang hindi niya na ito nakikita ay tila nagising ang kaniyang diwa at ganoon na lang ang gulat niya nang nakita niya na nasa gitna na siya ng karagatan at hindi na maabot ng kaniyang tingin ang isla kung saan siya nakatira. Tanging walang katapusang tubig na lang ang nakikita niya.

Sleight Of Magic (COMPLETE)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon