Kabanata 26

3.5K 117 6
                                    

Lakbay

Naputol sa pagmumuni-muni si Harper nang may tumapik ng balikat niya. Lumingon siya at nakita niya si Hedia. Ngumiti ito at minuwestra ang bag niya na may katamtaman lang ang laki.

"Handa ka na ba?"

"Opo. Kanina pa ako tapos sa pag-iimpake." Tumango ito.

"Sige, aalis na tayo," anito at tumalikod sa kaniya. Sunod niyang nakita si Lian na humahangos papalapit sa kaniya. Malawak ang ngising nakapaskil sa mukha nito. Kumikinang din ang itim na itim nitong mga mata.

"Are you ready? Oh, my gosh! I'm so excited for you!" May patili pa nitong sabi. Kinurot pa siya nito na para bang nangigigil ito. Bakas sa mukha nito ang lubos na pagkasabik.

Bahagya siyang napangiwi sa inasal ni Lian.

Kimi niya lang itong nginitian habang marahang hinahaplos ang braso niyang pinagkukurot nito. Medyo masakit ito.

Siya rin naman. Gustong-gusto niya na rin namang makita kung gaano kaganda ang pupuntahan nila. Mas gusto nga niya na makakita na naman ng ibang lugar kaysa mamalagi na lamang dito sa bahay.

"Mukhang wala ngang makakakilala sa 'yo dahil diyan sa wig mo. But you still need to be careful." Marahan nitong inayos ang wig na suot niya. Pinasuot niya ni Hedia ng wig para walang makakilala sa kaniya kapag pumunta na sila sa lugar na iyon.

Una pa namang makikita ng mga tao ang buhok niya na nakakaagaw talaga ng pansin. Hindi pwedeng magkaroon ng gulo kapag nakita siya ng mga ito.

Siguradong kukunin siya ng mga ito at papatayin. Iyon ang sabi ni Hedia sa kaniya. Ayaw niya rin naman na mangyari ang bagay na iyon kaya mas mabuti nang sundin niya ang mga inuutos nito.

"Lumabas na kayo. Kailangan na nating umalis. Malayo pa ang lalakbayin natin," narinig niyang sabi ni Hedia.

Kinuha niya ang kaniyang bag at naglakad na palabas ng bahay kasabay si Lian.

Silang tatlo lang ni Hedia at Lian ang magkasabay na aalis. Nauna na sina Maria, Lola Greta at Zeid dahil may aayusin daw ang mga ito para hindi sila mahirapang makapasok sa lugar na iyon.

"Tita, how about we transport ourselves to Bethehiel City? It will be easier, at hindi pa tayo mapapagod."

"'Yon din naman sana ang gusto ko pero hindi maaari. Kailangan ni Maria nang sapat na panahon para sa gagawin nila. Hindi pwedeng basta-basta na lang tayong susulpot doon..." Tumagos ang tingin ni Hedia sa kaniya, "at Harper, alam mo na ang gagawin mo."

TInanguan niya ito kahit na may pag-aalinlangan siya.

Paano kung hindi niya magawa nang maayos ang pinapagawa nito at mabuking sila?

Bahala na.

Sumakay sila sa tinatawag na tren, papuntang timog. Mga ilang oras din ang magiging byahe kaya naman marami silang oras para makapagpahinga at para ihanda ang mga sarili nila.

Pasulyap-sulyap siya sa mga taong kasama nila sa loob ng tren. Kakaunti lamang sila at ang lahat ay nakaupo.

Nilingon niya si Lian na tahimik lang na nakikinig sa telepono nito. Ang ibang tao ay ganoon din at ang iba naman ay nakapikit.

Napako ang tingin niya sa lalaking nakaupo sa hindi kalayuan. Ang suot nito ay itim mula sa damit, pantalon at maging ang sumbrero nito na nakatabon sa mukha dahil bahagya itong nakayuko, ngunit tiyak niya na lalaki ito.

Bigla nitong inangat ang ulo kaya naman nakita niya ang mga mata nito. Hindi niya makita ang mukha nito dahil tinatakpan iyon ng itim na tela. Nagulat niya nang bigla itong tumingin sa kaniya.

Sleight Of Magic (COMPLETE)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon