Kabanata 2

12.9K 578 376
                                    

Gusto

Tiningnan ni Harper si Hedia mula sa bintana habang nagdidilig ito ng mga halaman sa kanilang malapad na bakuran.

Labing-siyam na taong gulang na siya at ito naman ay isang taon na lang ay magiging sisenta na ngunit ang kutis nito ay napakabata pa.

Kung titingnan ay parang hindi nalalayo ang edad nito sa kaniya at parang nakakabatang kapatid lamang siya nito. Parang mas matanda lang ito sa kaniya nang ilang taon. Para itong dalaga! Kung siya ang tatanungin ay parang hindi ito tumatanda. Siguro ay dahil sa isda at gulay lang ang kanilang kinakain—na minsan ay talagang nakakasawa na. Ngunit hindi rin siya sigurado dahil hindi pa naman siya nakakakita ng ibang tao. Binabase niya na lamang ang kaniyang kaalaman at imahinasyon sa mga libro at sa mga tinuturo ni Hedia sa kaniya.

Maputi ang balat ng kaniyang Tiya Hedia na kasing puti at kintab ng mga perlas na kakukuha niya sa dagat. Ganoon din naman ang balat niya. Ang kaibahan lang ay kumikintab ang balat ni Hedia kapag nasisinagan ng araw sa hindi malamang kadahilanan. Hindi naman ganoon ang balat niya kaya siya nagtataka. May mali ba sa kaniya? Hindi niya maiwasang ikumpara ang kaniyang sarili sa kaniyang tiyahin sapagkat gusto niyang malaman kung ang mga totoong tao ba ay magkakaiba o magkakatulad.

Matangkad din ito at hanggang sa dibdib ang haba nang kulay itim na kulot nitong buhok. Ang buhok niya naman ay hanggang bewang ang haba ngunit ito ay tuwid at nahahati sa dalawang kulay. Ang kalahati ay itim at ang kalahati naman ay matingkad na puti.

Noong una ay labis siyang nagtaka kung bakit iba ang kaniyang buhok kumpara sa buhok ni Hedia. Kung bakit dalawa ang kulay ng kaniyang buhok? Ang sabi ni Hedia ay kakaiba raw ang buhok niya at ganito na talaga ito simula nang ipinanganak siya. Naiiba ang kaniyang buhok kumpara sa ibang tao. Iyon ang sabi ni Hedia sa kaniya. Ilang beses na itong kinulayan ni Hedia ngunit bumabalik pa rin ito sa orihinal pagkatapos nang ilang oras lamang. Ang sabi nito sa kaniya ay may kaakibat na paliwanag daw kung bakit ganito ang buhok niya pero hindi nito magawang isiwalat iyon.

Sa katunayan, inisip niya noon na baka sila lang ang tanging tao sa mundo ngunit alam niya na may iba pa. Nararamdaman niya iyon.

Ilang araw matapos siyang ipanganak ay nagkaroon nang malaking sunog sa kanilang bahay at siya lang ang nailigtas. Masakit para sa kaniya na malaman na wala na siyang mga magulang, gayoong sabik pa naman siya sa aruga at pagmamahal nang tunay na ina at ama. Lalo na ng ama.

Wala ring pamilya si Hedia maliban sa kaniya. Kapatid ito ng kaniyang ina. Hindi ito nakapag-asawa at nagkaanak dahil ito raw ang naatasang magbantay sa kaniya kaya nawalan na ito ng oras para sa sarili nito.

Minsan ay sinisisi niya ang kaniyang sarili dahil kung wala siya ay siguradong normal na namumuhay sa labas ng isla si Hedia. Malayo sa buhay nila ngayon.

Pagkatapos niyang magsaing ay agad siyang umakyat sa kaniyang silid. Nagbihis siya ng kaniyang pang-ibaba at damit na walang manggas. Binuksan niya ang kabinet at kinuha roon ang isang lagayan na gawa sa tela na palagi niyang dinadala kapag pumapalaot siya.

Pagbaba niya ng hagdan ay agad siyang lumabas upang magpaalam kay Hedia na pupunta siya sa laot para sumisid. Ayaw na ayaw ng kaniyang tiyahin na pumapalaot siya o pumapasok sa gubat na hindi nito alam, kaya palagi niyang hinihingi ang pahintulot nito kapag may gagawin siya.

Isa ang pagsisid sa pampalipas oras niya sa isla kapag wala siyang ginagawa. Ang mga perlas na nakukuha niya ay ginagawa niyang palamuti sa kanilang bahay. Ang iba naman ay ginagawa niyang hikaw o kwintas na binibigay niya kay Hedia. Paglabas niya ay hindi niya ito nakita sa paligid kaya naman naisipan niyang pumunta sa likod dahil baka naroon lamang ito at hindi naman siya nagkamali.

Sleight Of Magic (COMPLETE)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon