Kabanata 34

3K 102 16
                                    

Halaga ng buhay

"Isa kang sumpa! Mamamatay tao! Hindi ka nababagay sa mundong 'to!"

"Demonyo!"

"Walang puso!"

"Halimaw!"

Sigaw ng mga taong nakapalibot sa kay Harper habang dinuduro siya ng mga ito. Nanginginig siya sa takot. Hindi totoo ang mga sinasabi ng mga ito! Walang katotohanan ang lahat ng iyon!

Napapitlag siya nang may humawak sa kaniyang braso. "Walang kabuluhan ang buhay mo!" Bakas ang galit sa mukha nito. Mahigpit rin ang pagkakahawak nito sa kaniyang braso. "Wala kang kwenta sa mundo!" sigaw pa nito sa kaniya.

Hindi! Hindi totoo 'yan!

Halos maputol ang hininga niya sa bilis ng tibok ng kaniyang puso. Bakit ba nito ginagawa ang mga ito sa kaniya? Hindi naman totoo ang lahat ng mga sinasabi nito!

"S-Sinungaling... h-hindi t-totoo iyo—"

"Anong hindi?" putol ng isang babaeng bigla na lang lumapit sa kaniya. Hinawakan nito ang mukha niya at pinatingin siya rito nang diretso.

"Ikaw ang papatay sa lahat ng salamangkero sa mundo!" Tuluyan nang tumulo ang mga luhang pinipigilan niya dahil sa sinabi nito.

Walang katotohanan ang lahat ng binibintang ng mga ito sa kaniya!

"Hindi! Hindi totoo 'yan!" Malakas siyang bumitiw sa pagkakahawak ng matanda saka marahas itong itinulak maging ang babaeng nakahawak sa mukha niya.

Napasubsob ang dalawa sa lupa at napayuko.

Natigilan siya. Para naman siyang natauhan sa ginawa. Hindi niya dapat iyon ginawa. Hindi dapat siya nananakit ng kapwa niya!

Dahan-dahan lumingon ang mga ito sa kaniya at napaatras siya nang nakita niya ang mukha ni Hedia at Lian.

"T-Tiya...hindi ko s-sinasadya..." Natataranta siyang lumapit sa kaniyang tiyahin. Tinulungan niya itong tumayo pero nang hinawakan niya ito ay bigla na lang itong lumiyab.

Napaatras siya sa nakita. Ang tiya niya!

"Tiya!" sigaw niya ngunit mabilis na itong naging abo.Napaluhod siya at napatulala sa nangyari.

Hindi... hindi!

"Kita niyo na? Walang hiya ka! Pinatay mo ang Tiya mo!"

"Pinatay mo si Hedia!"

"Hindi!" Hapong-hapo siyang napabangon habang hawak-hawak ang kaniyang dibdib. Basang–basa rin ang mukha niya dahil sa sunod-sunod na pagluha. Masamang panaginip! Napakasamang panaginip!

Alam niya na panaginip lang iyon pero alam niya rin na magiging totoo iyon!

Bakit ba nangyayari sa kaniya ang mga bagay na ito? Wala naman siyang masamang ginawa sa kaniyang buhay! Hindi niya kailanman inisip na pumatay o kahit manakit man lang.

Kinagat niya ang kaniyang ibabang labi.

Bakit ba siya pa ang napiling magbuhat nang mabigat na pasaning ito?

Tinago niya ang mukha sa mga palad at sunod-sunod na umiyak. Sobrang sakit ng puso niya. Para siyang pinapatay nang dahan-dahan. Pinapahirapan siya ng mga ito.

Wala nga siyang kapangyarihan pero siya naman ang nakatakdang pumatay sa mga ito.

Sa mga taong mahal niya. Sa mga taong itinuring niyang pamilya. Sa mga taong tumanggap sa kaniya.

Sleight Of Magic (COMPLETE)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon