Kabanata 9

7.1K 369 159
                                    


Matagal nang hinahanap

"Ate, bakit ganiyan ang buhok mo?"

Natatawa si Harper habang pinaglalaruan ng mga bata ang buhok niya. Kakaiba raw kasi dahil nahahati raw ito sa dalawang kulay at hindi pinaghalo.

"Ganiyan na talaga iyan, simula pa ng bata ako," sabi niya rito. Ang dami palang kasama rito ni Bino. Masaya ang mga ito sa buhay. Marami ang mga ito at masaya ang pamilya ng mga ito. Hindi niya akalain na mararanasan niya rin ang ganito. Pero nalulungkot siya dahil sa ibang tao niya pa ito nararanasan ngayon.

"Marami na kayang katulad na buhok si Ate. Marami akong nakita sa magasin. Kaya lang sila, pinapakulayan lang yata, eh," ani Tina.

Totoo ba? Sana ay makakita rin siya nang katulad niya ang buhok.

"Ate," ani Liloy saka lumambitin sa leeg niya.

"Bakit, Liloy?"

"Antok ako," wala sa sariling sabi nito.

Marahan niyang hinaplos ang buhok nito. "Pumasok ka na sa silid mo at matulog. Gabi na," aniya pero umiling lang ito.

"Eh, Ate... wala naman kaming kwarto. Dito tayo siksikan na matutulog," sabad ni Tina. Natigilan siya sa sinabi nito. Hindi siya makapaniwala.

Rito? Sobrang liit ng lugar na ito. Anim na nga ang mga ito tapos ngayon ay daragdag pa siya. Siguradong hindi sila magkakasya sa sahig.

Nanlumo siya nang naalala niya ang bahay nila sa isla. Malaki ang bahay nila pero dalawa lang sila ni Hedia. Malaki rin ang silid niya. Kawawa naman ang mga batang ito na hindi magkasya sa isang lugar.

---


"Hoy, Bino! Ano bang pumasok diyan sa kukote mo at nagdala ka na naman ng alagain dito? Wala ka na ngang mapakain diyan sa mga ampon mo, tapos nag-ampon ka na naman ng isa! At ang laki na niyan, Bino! Nag-iisip ka ba? Anong ipapalamon mo riyan?" narinig niyang sigaw ng isang babae sa labas.

Kausap niya si Bino. Patuloy lang sa pagwawalis si Harper sa loob ng bahay. Siya ba ang pinag-uusapan ng mga ito? Hindi niya naman gusto na maging pabigat siya sa mga ito.

"Hinaan mo nga 'yang boses mo, Meling. Baka marinig ka niya!"

"Eh, ano naman ngayon?! Wala akong pakialam! May karapatan ako na magsalita kaya dapat nga ay mahiya 'yan! Dagdag palamunin lang 'yan!" Tiningnan siya ni Meling nang masama. "Mukhang mayaman naman 'yan! Isoli mo na sa pamilya niya 'yan. Pero bago mo 'yon gawin, huthutan mo muna ng pera para may silbi naman 'yan." Hindi niya naiintindihan ang sinasabi nito. Wala naman siyang pera. Wala itong makukuha sa kaniya.

"Hala! Kung dito mo patitirahin 'yan, kailangan niyang magtrabaho! Pagsabihan mo 'yan. Dadalhin ko siya sa club! Mukhang makinis naman. Malaki kikitain natin sa kaniya."

"Tama na nga 'yan, Meling. Hindi na tama 'yang pinagsasabi mo!"

"Tse!" Tinapon nito sa direksyon niya ang suklay nito. "Ang aga-aga nagsasabog kayo agad ng kamalasan!" sigaw nito saka pairap na umalis.

Mabuti na lang at hindi siya tinamaan nang itinapon nito ang suklay. Tumigil siya sa paglilinis. Nilagay niya ang walis sa gilid saka nakayukong lumapit sa matanda.

"Lo, pasensya na po kayo. Nag-away pa ho kayo ng dahil sa akin."

Kimi itong ngumiti. "Hindi naman, Iha. Mainitin lang talaga ulo ni Meling. Hindi na 'yon galit mamaya," sabi nito.

"Lo, salamat po sa pagpapatuloy sa akin. Malaki po ang utang na loob ko sa inyo. Pero kailangan ko na po sigurong umalis," sabi niya. Ayaw pa naman sana niyang umalis dahil alam niya na wala siyang mapupuntahan pero hindi niya gusto ang ganito. Ayaw niya na may nag-aaway ng dahil sa kaniya.

Sleight Of Magic (COMPLETE)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon