Kabanata 16

4.9K 216 35
                                    


Papatay

"Kapag natapos na ang problema natin at kapag okay na ang lahat, lilipat tayo sa mansyon. Pero kung wala na talagang ibang paraan, kaya ko namang kalimutan ang lahat makasama ka lang. Just promise me that you'll never leave my side. Don't leave me please," sabi ng lalaki.

Napangiti naman ang babae dahil sa sinabi nito.

"Basta kung nasaan ka ay naroon din ako. Hindi kita kailanman iiwan, mahal ko."

Sumasakit ang ulo ni Harper sa mga bagay na pumapasok sa isip niya na hanggang ngayon ay hindi pa rin maalis-alis. Alam niya na hindi nangyari ang mga bagay na iyon pero bakit niya naaalala?

Baka panaginip lang ang mga iyon pero hindi niya maipaliwanag ang pagsikip ng dibdib niya kapag iniisip niya ang mga bagay na iyon. Hindi niya kilala kung sino ang babae at lalaki sa alaala niya.

Hindi malinaw ang mga mukha ng mga ito pero parang pamilyar ang mga boses ng mga ito. Hindi niya rin ang makilala ang mga ito dahil sa lalim ng mga boses nito.

Maging ang lugar ay parang pamilyar din pero hindi naman iyon posible dahil hindi pa siya nakakalabas ng isla kahit kailan.

Nang dahil din sa nakita niya sa gamit ni Zeid kaya mas nadagdagan pa ang sakit ng ulo niya.

Hindi kaya ito ang kapangyarihan niya? Ang makakita ng mga bagay-bagay. Pero hindi naman yata dahil ang sabi nina Maria at Greta ay wala siyang kapangyarihan.

Pinaglalaruan lang yata siya ng kaniyang sarili.

Sa tingin niya ay si Hedia na lang talaga ang pag-asa niya. Ito lang ang tanging makakasagot sa kaniya.

Napangiwi na lang siya sa mga naiisip. Pinilig niya ang kaniyang ulo.

Nasaan na kaya si Zeid? Simula nang nagising siya kanina ay hindi niya pa ito nakikita. Siguro ay lumabas ito ng isla na hindi na nakapagpaalam sa kaniya dahil tulog siya. Wala rin naman siyang magawa rito kaya natulog na lang siya.

Hanggang ngayon ay hindi pa rin bumabalik si Maria at Lian. Sana naman ay walang nangyaring masama sa dalawa.

Lumabas siya ng bahay at pumunta sa likod.

Alas-siete na ng gabi. Sa likod ng bahay ay may napakagandang hardin. Nakakamangha ang lugar na ito. Hindi niya ito nakita kaninang umaga. Mas masisilayan pala ang ganda nito kapag gabi.

Pagtingin niya sa kalangitan ay nakita niya ang napakalaking bilog na buwan at napakaraming bituin na para bang nakadungaw lang sa kaniya. Pero hindi niya alam kung totoo ang buwan na 'yon.

Napatingin siya sa hardin. Ang sabi ni Maria, ang mga halaman daw sa hardin na ito ay nakakagamot ng kahit anong sakit o mababaw na sumpa.

Umupo siya sa isang malaking bato. Ang mga paruparo na lumilipad ay nagliliwanag at hindi mabilang ang dami ng mga ito. Nakakamangha. Ngayon lang siya nakakita ng paru-paro na nagliliwanag sa gabi at ang lalaki pa ng mga ito kumpara sa mga alitaptap na palagi niyang nakikita noon sa isla. Napakaganda ng mga ito at parang nagsasayawan pa.

Dumapo ang mga mata niya sa isang bahagi kung saan may mga puno. Nasa kabilang bahagi na iyon ng isla. Parang may kung anong lumiliwanag doon.

Gusto niyang malaman kung ano iyon kaya naman nilapitan niya ito. Baka sina Maria na iyon at iyon ang daan ng mga ito.

Paglapit niya ay nakita niyang parang may iba't ibang kulay ng apoy na umiilaw at patay-sindi pa ang mga iyon.

Nilapit niya ang mukha niya at tiningnan nang mabuti kung ano iyon nang bigla na lang itong sumabog at agad siyang tumilapon.

Sleight Of Magic (COMPLETE)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon