Kabanata 3

11.3K 543 364
                                    


Lamig

Nanghihina man ay tinatagan niya ang kaniyang loob. Pagkasarado ni Harper ng pintuan ng silid ni Hedia ay agad siyang bumaba at lumabas ng bahay. Hindi niya na inisip kung maayos ba ang kaniyang kasuotan. Nakasuot lang siya nang lumang bestida na hanggang sakong at naka tsinelas ngunit wala siyang pakialam.

Habang naglalakad siya ay lumingon siya sandali at tiningnan muli ang kanilang bahay sa huling pagkakataon na unti-unting nawawala sa paningin niya.

Malaki ang bahay nila at wala na siyang mahihiling pa pero hindi iyon ang kailangan niya.

Umusbong sa loob niya ang pagdadalawang-isip ngunit para namang may nakikipaglaban din dito. Ang pagkasabik sa puso niya ay labis na umaapoy kahit na pinapatay iyon ng takot.

Kailangan niya ng kalayaan at hindi niya iyon makukuha kung maghihintay na lang siya sa sinasabi ng kaniyang tiyahin. Alam niyang padalos-dalos siya sa desisyon niya ngunit kung hindi siya kikilos ngayon ay kailan pa?

Umiling na lamang siya at muling naglakad papasok ng gubat. Diretso lang ang lakad niya at hindi siya lumiko kahit saan. Lumingon-lingon siya at nakita niyang masukal ang kagubatan at mataas pa ang araw. Napakataas ng mga puno at napakayabong pa ng mga dahon ng mga ito. Hindi rin masakit ang sikat ng araw dahil sa lilim na binibigay nang mga nagtataasang puno. Hindi niya na inintindi ang mga tunog ng ibon, puno at tunog ng iba pang hayop na maaari niyang makasagupa - huwag naman sana.

Habang naglalakad siya at nakatingin sa paligid ay nakaramdam siya ng pamilyaridad. Wala man lang siyang nakikitang pagbabago sa gubat kahit na ilang taon na ang lumipas. Ilang beses niya na ring ginawa ito noon kaya naman halos alam niya na ang pasikot-sikot dito.

Noong una ay malakas pa ang loob niya pero habang lumalayo siya ay mas lalo siyang kinain ng takot. Takot dahil hindi niya alam kung saan siya patutungo. Hindi niya rin alam kung ano ang mangyayari sa kaniya kapag nasa bayan na siya. Hindi niya alam kung ano ang naghihintay sa kaniya sa dulo ng gubat na ito. Nasa dulo ba talaga nito ang bayan? Paano kung sa ibang daan? Paano kung mali pala ang dinaraanan niya?

Pinilit niyang tumingin sa harapan. Hindi niya na tinitingnan ang paligid sa takot na baka may makita pa siyang hindi niya magugustuhan.

Pagkalipas nang ilang oras na paglalakad ay hindi niya pa rin nakita ang dulo ng gubat. Madilim na at ang liwanag na nagtatago sa likod ng buwan na lamang ang tanging nagbibigay sa kaniya ng ilaw. Parang pabalik-balik at paikot-ikot lamang siya.

Sa pakiwari niya ay naraanan niya na ang mga punong ito pero hindi iyon maaari dahil diretso lang ang lakad niya at kahit minsan ay hindi pa siya lumiko!

Umiling siya para alisin ang mga isipin na iyon. Marahil ay may kapareho lang ang mga punong iyon.

Ilang sandali niya pang nilakad muli ang gubat nang nakaramdam na siya ng sakit at labis na pagkainis dala ng pagod.

Nasaan na ba ako?

Bakit ba hindi ako makalabas sa gubat na ito?

Napaluhod siya nang naramdaman niya ang pagpitik ng kaniyang paa. Sobrang sakit na nito dahil sa ilang oras na paglalakad. Hindi niya na kaya pang maglakad ulit. Sunod-sunod na tumulo ang mga luha niya kasabay nang pagtulo ng mga pawis niya na hindi niya alam kung papaano papahiran. Masakit na masakit ang kaniyang katawan maging ang kaniyang puso ang nakaramdam nang matinding kasawian.

Masama ang kaniyang loob sa nangyayari. Hindi niya akalain na sa paglipas ng taon ay pareho pa rin ang mangyayari sa kaniya. Hindi pa rin siya makalabas dito.

Sleight Of Magic (COMPLETE)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon