Kabanata 24

3.4K 138 6
                                    

Sagot

"Tiya? Paanong?" Pabalik-balik ang tingin ni Harper sa dalawang tao na ngayon ay magkamukha. Para pinagbiyak na bunga ang mga ito. Magkakambal ba sila? Sino sa kanila ang totoo kong tiyahin?

"Hedia," narinig niyang ani Maria sa bagong dating. Tiningnan niya ito. Ibig sabihin, ang taong ilang araw niyang nakasama ay hindi totoong tiyahin niya?

"Ako nga," anito kay Maria saka siya tinapunan ng tingin. "Harper," tawag nito sa kaniya na siyang nagpatindig ng balahibo niya. Para siyang tinakasan ng dugo nang marinig niya ang pagtawag nito sa kaniya. Hindi ito nakangiti o ano. Seryoso lang ang mukha nito.

"T-Tiya," bulong niya sa hangin. Si Hedia ba talaga itong nasa harapan niya? Kaya pala parang may kung ano siyang bagay na hinahanap na hindi niya makita sa nagpapanggap niyang tiyahin . Iyon ang mga mata nito na kilalang-kilala niya.

"Hindi! H'wag kang maniwala sa kanila, Harper! Nililinlang ka lang nila!"

Napalingon siya sa taong nagpapanggap. Napaniwala niya ako! Ang tanga-tanga ko! Ngayon ay sigurado na siya. Hindi ito si Hedia!

Tiningnan niya lang ito at hindi na nagsalita. Biglang nag-iba ang emosyon nito. Mula sa kaninang kaawa-awang mukha ay naging seryoso na. Tumayo ito nang tuwid.

"Okay, okay. Tama kayo. Hindi nga ako si Hedia. Sayang. Ando'n na tayo, eh. Nagpakatanga na si Harper, eh." Umismid ito. "Sinira niyo pa ang diskarte ko," anito saka tumawa nang malakas.

Hindi nga ito ang kaniyang tiyahin dahil hindi ganoon kung magsalita ang tiyahin niya.

Pumitik ito sa hangin at bigla na lang nag-iba ang mukha nito. Mula sa mukha ni Hedia na kinopya nito ay naging mukha ito nang isang matandang babae. May pagkakulubot na ang mukha nito. May malaki ring itim na namumula, na parang napaso sa kaliwang pisngi nito.

Kulay puti na rin ang halos lahat ng buhok nito na nakatali.

"So, I'm right. Isa ka nga sa mga may kakaibang mahika na kayang magmanipula ng mukha," mariing sabi ni Greta. Nakayukom ang mga kamay nito na parang nagpipigil lamang sa galit.

"Oo, tama ka. Ang galing mo naman." Pumalakpak pa ang matanda pagkasabi nito niyon. Maging ang boses nito ay nag-iba na rin at naging boses matanda.

"Bakit mo ito ginagawa? Sino ang nag-utos sa 'yo?" Malakas na tanong ni Hedia. Hanggang ngayon ay naninibago pa rin si Harper sa ikinikilos ng kaniyang tiyahin. Sa tindig at pananalita hindi niya aakalain na ito ang tiyahin niya.

Parang may sumisigaw na kung ano sa tuwing nagagalit ito. Nakakatakot din ang awra nito.

"Bakit ko naman sasabihin sa 'yo, aber?" nang-uuyam na tanong ng matanda.

Tumigas at dumilim ang mukha ni Hedia. "Sasabihin mo sa akin kung gusto mo pang mabuhay."

Anong ibig sabihin ni Hedia? Papatayin ba nito ang matandang kung hindi ito magsasalita?

"Wala kang makukuhang impormasyon sa akin!" sigaw ng matanda.

Sa isang iglap ay nakahawak na si Hedia sa matanda. Sinasakal na nito ito sa leeg. Nakataas din ang isang kamay nito na may nakalutang na puting liwanag.

Parang kakapusin ng hininga si Harper habang tinitingnan si Hedia. Ngayon niya lang ito nakitang ginagamit ang kapangyarihan nito. Parang hindi niya na ito makilala. Nakakatakot ito. Parang ano mang sandali ay papatayin nito ang matanda.

Hindi niya lubos akalain na nagawa nitong itago ang bagay na 'to mula sa kaniya sa loob nang mahabang panahon!

"W-Wala akong sasabihin s-sa 'yo!" sinipa ng matanda si Hedia ngunit agad na nahawakan ni Hedia ang paa nito gamit lamang ang isang kamay at ibinalibag nito ito kaya ito napasalampak sa damuhan.

Sleight Of Magic (COMPLETE)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon