Chapter 15

5.7K 207 93
                                    

Chapter 15

-----

Hindi ko alam kung anong reaksyon ang gagawin ko. Halos para akong isang malaking bloke ng yelo na nakaupo sa tabi ni Kal. Tulala. Hindi makapagsalita.

Mabilis din namang natapos ang gabing iyon. Hindi ko sigurado kung paano ako naka-survive noong dinner, pero tanda kong nagpasalamat ako dahil wala doon ang mommy ni Kal. Sa estado ko, baka ipahiya ko lang ang sarili ko sa kanya.

"Ito ang mesa mo." Itinuro ni Louise ang magiging mesa ko dito sa opisina ng transportation company nina Kal. "Gusto ni sir na malapit ka lang sa kanya in case kailangan ka niya."

Namula kaagad ang pisngi ko dahil sa sinabi ni Louise. Wala naman iyong ibang kahulugan pero sa hindi ko malamang dahilan ay kapag ikinukontekta kaming dalawa ni Kal sa isa't isa ay kakaiba na lang iyong hiya at sayang nararamdaman ko. Pati ang kiliti sa loob ng tiyan ko ay kakaiba rin.

Iniwan din naman ako ni Louise doon kaagad. Kung ikukumpara sa akin ay mas marami talagang trabaho si Louise kahit parehas naman kaming sekretarya ni Kal. Ipinaliwanag niya sa akin na si Louise ang bahala sa mga mahahalagang paperworks at ako naman doon sa iba pang kailangan niya. Parang personal na alalay lang ako ni Kamahalan dahil parte raw ng trabaho ko ang sumunod sunod sa kanya saan man siya pumunta. Ako iyong sekretarya niya kapag sa field, si Louise dito sa opisina.

"Dapat talaga ay dalawa ang secretary nila sir Kal at sir Storm." Sabi ni Paul, sekretarya ng tatay ni Timothy. Ipinapaliwanag nila sa akin kung bakit si Kal ay dalawa pa kami ni Louise na sekretarya kung tutuusin ay sapat na ang isa. "Sila kasi iyong may field talagang dapat i-check. Sa kanila rin kasi iyong pinakamalaking kompanya na member nitong conglomerate."

"Oo nga, sinabi ko na rin iyan dito kay Starr." Natatawang sabi ni Louise. "Ayaw maniwala na may trabaho rin siya dito. Akala ay aalilain lang siya ni sir."

Nagtawanan iyong iba pa naming kasama. Napanguso ako. Eh kasi naman! Akala ko talaga noong una, personal alalay ako ni Kal!

"Don't doubt your position, Starr." Nakangiting sabi ni Niko. Siya iyong sekretarya ni Timothy na muntik na raw masapak noon. "You're a secretary, too. Just like us."

Napanatag na rin naman ako dahil doon. Pilit kong isiniksik sa utak ko na hindi lang gawa gawang posisyon iyong ibinigay ni Kal sa akin. Na may silbi rin talaga ako dito sa kompanya.

"Tingin ko nga mas mahirap ang trabaho mo." Sabi ni Christine, sekretarya ng tatay ni Caspian. "Kasi you need to deal with the big bosses on a daily basis, on a personal level, too."

"Hindi ko alam kung kakayanin ko bang sundan si sir Timothy kahit saan siya pumunta." Nakangiwing sabi ni Niko. "Okay na ako dito sa opisina. Ayokong sumama kay sir kung saan saan."

Napatawa na rin ako. Baliw rin talaga itong mga workmates ko. Natutuwa ako at naging madali lang para sa akin iyong makihalo sa kanila. Akala ko kasi ay mga striktong professionals sila na walang panahon para magbiro. Pero sa ilang linggo ko nang tagal dito sa opisina ay nakilala ko na rin naman sila nang maayos.

Simula nang ipasok ako ni Kal dito sa opisina bilang pangalawang sekretarya niya, ramdam ko na iyong pagbabago sa sarili ko. Noong una ay naiilang pa ako kay Kal dahil sa magulong takbo ng isip ko noong mga panahong iyon. Akala ko kasi ay mahal ko na talaga siya. Pagkatapos naming mag-date nang gabing iyon ay isinabak niya na ako sa trabaho kinabukasan. Naging busy rin ako kahit papaano kaya nawala na rin sa isip ko iyong naramdaman ko nong gabing iyon hanggang sa bumalik na lang sa normal ang lahat.

"Starr?" Napa-angat ang tingin kong tutok sa time table ni Kal na inaayos ko.

"Bakit?" Tanong ko. Pinagalitan ko ang sarili ko nang makitang may empleyado palang kaharap si Kal. Hindi ko man lang napansin. Tumikhim ako at nagsalita ulit. "Is there anything you need of my assistance, sir?"

EZH #3: Kal Verano [COMPLETED]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon