Dawi POV
Lumubog na ang araw at ang nagsisilbing liwanag na lamang namin ay ang mga apoy na gawa ni Ceruz.Nakahiga ako at pinagmamasdan ang mga nagkukumpulang bituin sa kalangitan.Sumagi sa isipan ko sila Ama.Ano na kaya ang nangyayari sa mundo namin at bigla na lamang may mga Dyos mula sa Kailaliman ang naririto sa ibaba.Napigilan kaya nila ang tuluyang pagkawasak ng lagusan o kaya'y bigo silang mapagilan ito.
" anong iniisip mo? " napatingin ako sa nagsalita.Si Ceruz pala,hindi ko man namalayang nasa tabi ko na pala ito.Nagpakawala muna ako ng isang malalim na paghinga bago siya tuluyang sinagot.
" madami,napakarami Ceruz " malumanay kong sagot habang ang mga mata ay nasa kalangitan,nakatingin.
" katulad ng? "
" kailan kaya ito matatapos?itong nangyayari sa mundong ito " salaysay ko.Namayani ang katahimikan sa aming dalawa.Alam kong maging siya'y hindi niya alam kung kailan ito magtatapos.
" sa oras na makuha natin ang ninakaw ni Yula sa Gitnang Kaharian sigurado akong matatapos na ang kaguluhang ito at babalik na sa dati ang lahat,ang buhay ng mga mortal at ang buhay nating mga Dyos " paliwanag nito.May punto siya sa kaniyang sinabi,ngunit hindi pa rin ako kampante.Sa bawat araw,wala kaming kasiguraduhan kung mahahanap ba namin si Yula at hindi naman namin alam kung bukas o sa makalawa sino namang Dyos mula sa Kailaliman ang siyang aming makakalaban.Hindi digmaan ang ipinunta namin dito.Gusto lang namin makuha kung ano ang nasa amin.Nagulat ako ng biglang isiniksik ni Ceruz ang aking mukha sa kaniyang dibdib at ipinulupot ang kaniyang kamay sa aking katawan.Ramdam ko ang init na nagmumula sa kaniya at kahit papano'y napawi ang lamig na aking nararamdaman.Hindi ko halos maisip na pwede palang magkaroon ng pag-ibig sa pagitan ng tubig at ng apoy.Masaya ako sa kung anong meron kami ngayon ni Ceruz at kapag dumating man iyong araw na kailangan naming maghiwalay,magiging masaya ako.Mas lalo pa nitong hinigpitan ang pagkakayakap sa akin.Hindi na ako nag-protesta pa dahil aaminin kong nagugustuhan ko rin naman itong posisyon namin ngayon.Nanatili kami sa ganoong puwesto hanggang sa nakatulog kami.
Nabulabog ang aming mahimbing na tulog nang umalingawngaw sa paligid ang isang napakalakas na sigaw kasabay nito ay ang mga sunod-sunod na pagsabog.Agad kaming bumangon at inihanda ang aming mga sarili.Baka natuntun kami ng mga kalaban.
" anong nangyayari? " usisa ni Tanglaw.Kasama na namin siya ngayon.Gising na rin ang ilan naming mga kasamahan.
" bigla na lamang umalingawngaw ang isang malakas na sigaw sa paligid " sagot ni Eiri.Walang nakakaalam sa amin kung ano nga ba talaga ang totoong nangyari.Lahat kami ay tinungo ang pinanggalingan nang pagsabog at sa aming pagdating ay bumungad sa amin ang papaguhong lokasyon.Sa may hindi kalayuan,tanaw na tanaw namin ang bulto ng isang nilalang na nakatayo.Bagaman natatabunan ito ng mga nagliliparang alikabok at usok,agad namin itong nakilala.Walang iba kung hindi si Terra.Napansin kong balak itong lapitan ni Ceruz,ang matalik niyang kaibigan subalit agad ko itong pinigilan.Mukhang natuklasan na ni Terra ang nangyari sa kaniyang mga kamay at heto ito ngayong nagpupuyos sa galit dahil hindi matanggap ang kaniyang sinapit.
" huwag Ceruz " mahinahon kong saway rito.Isang tingin lang ang iginawad nito sa akin at mukhang naintindihan niya naman ang nais kong iparating.Siguro hayaan muna naming palipasin ni Terra ang kaniyang galit bago namin siya puntahan at damayan.Mahirap na at baka magkaroon lang ng hindi pagkakaintindihan.Nanatili lang kami sa aming puwesto habang pinapanood si Terra sa kaniyang ginagawa upang mailabas nito ang kaniyang galit sa kaniyang dibdib at tanggapin sa sarili ang kaniyang sinapit.Habang nakatingin ako sa kaniya,nakaramdam ako ng galit at pagsisisi.Hindi ito aabot sa ganito kung madali naming nahanap si Yula.Pakiramdam ko kasalanan ko ito.
" ayos ka lang ba? " usisa sa akin ni Ceruz.Isang pilit na ngiti lamang ang ibinigay ko sa kaniya.Naramdaman kong ikinulong ni Ceruz ang aming mga kamay na bumibigay sa akin ng kaginhawaan.Ibinaling ko na lamang ang aking atensyon sa kay Terra na mapahanggang ngayon ay patuloy pa ring inilalabas ang kaniyang galit.