Eiri
Mula sa aking kinatatayuan ay tanaw na tanaw ko ang dalawang binatang nakikipagsagupaan sa mga Vixien.Kanina pa silang nakikipagbunuan sa mga nilalang na iyon subalit mapahanggang ngayon ay tila hindi nababawasan ang kanilang bilang.Halos balutin na nito ang himpapawid sa sobrang dami nila.
Wala akong magawa upang sila ay matulungan sapagkat ayon na rin sa utos ng dalawa.Ayon sa kanila ang isang katulad kong babae o isang dilag ay hindi dapat madumihan o pag-aksayahan ng lakas at panahon ang mga walang kwentang nilalang na ito.Bagama't nahihiya dahil kasama ako sa grupo subalit wala akong ginagawa upang sila ay tulungan.Ang totoo niyan ay mayroon rin naman akong kaunting kaalaman sa pakikipaglaban ngunit hindi naman ganoon kahusay katulad ng sa kanila.
Ang tanging magagawa ko na lamang ay alalayan sila sa kanilang ginagawa sa pamamagitan ng pagbibigay ng lakas at depensa habang abala sa pakikipagbunuan.
Katulad ng sinabi ko kanina ay nanatili akong nakatayo dito sa gilid ng dalampasigan habang binabantayan ang dalawa sa himpapawid.Nasa kanila nakatuon ang aking atensyon.Malamig at malakas ang bawat ihip ng hangin sa aking kinaroroonan,ang kalangitan ay binabalot ng kadiliman na para bang may nagbabadyang masamang panahon.Umiikot ang mga ulap sa iisang direksyon.
Nasa ganoon akong sitwasyon ng bigla na lamang akong nilukob ng malakas na enerhiya.Agad ko itong hinanap sa paligid.Hinanap ko ito saan mang dumako ang aking mga mata ngunit hindi ko ito mahagilap.Sino ang nagmamay-ari niyon?
Isang napakalakas na nilalang kung sakali.Kinalibutan ako sa naisip.Sa tingin ko'y may nagbabadya na namang panganib.Iwinaglit ko na lamang ito sa aking isipan at ipinagpatuloy ang ginagawang kaunting tulong sa dalawang kasamahan.
Mula sa di kalayuan ay isang malakas na pagsabog ang naganap kasabay nito ang pag-uga ng lupang kinatatayuan.Natigilan ako sa ginagawa at tinanaw ang pinangyarihan ng pagsabog na iyon.Balot ng makapal na usok ang nasabing lugar.Hindi ako magkakamali na gawa ito ni Terra.
" mukhang nagsisimula na sila " isang pamilyar na boses ang aking narinig mula sa aking likuran.Agad ko itong nilingon kung saan ang bumungad sa akin ay isang magandang babaeng nakatayo may ilang metro ang layo mula sa aking kinatatayuan.Nagkasalubong ang aking mga kilay.Pamilyar sa akin ang boses nito ngunit hindi ang kanyang mukha.Sino ito.Isa ba itong kalaban?
Kung pakasusuriin,wala akong maipintas sa kanyang itsura.Isa siyang maituturing na Dyosa ng Gitnang Kaharian dahil sa taglay nitong kagandahan.Sa kabila ng kulay dugo nitong mahabang damit kung saan malayang nakausli ang ilang parte ng malulusog nitong dibdib ay nangingibabaw pa rin ang kagandahan nito.Kulay nyebe rin ang balat nito tila tinakasan na ng dugo.
" maaari ko bang malaman ang pangalan mo? " mahinahon kong tanong rito.Sumilay ang pinong ngiti sa kanyang mapupulang labi.
" sa tingin ko'y hindi na iyon mahalaga " bagama't nabigla sa kanyang sagot ay isiniwalang bahala ko lamang iyon.
" kung gayun ano ang iyong sadya't naparito ka? " may bakas na ng kaseryosohan ang aking boses.Sa pagkakataong ito ay napalitan na ng ngisi ang kaninang pinong ngiti.Lumukob sa aking dibdib ang kakaibang kaba.Hindi ko mawari ngunit alam kong may mangyayaring di maganda sa pagitan namin.Bahagya akong umatras upang ihanda ang aking sarili kung sakaling may bigla itong gawin.
Kasabay ng kanyang pagngisi ang siyang pagsirkulo ng mga pulang enerhiya sa kanyang paanan.Tumagal ito ng ilang segundo at sa puntong iyon ay lalong tumingkad ang kulay nito.Binalot ang buong katawan ng nasabing babae.Nakakasilaw ito kaya naman agad kong hinarang ang aking kamay upang protektahan ang aking mga mata.
Lumantad ang totoong porma ng nasabing babae.Ang kaninang mahabang damit ay naging piranggot na lamang na tinatago ang mga maseselang bahagi ng kanyang katawan.Umusli sa kanyang likod ang kulay itim at malapad na pakpak na maihahalintulad ko sa isang lawin.Wala akong takot na naramdaman maliban sa kaonting paghanga sa kanyang kaanyuan ngayon.Agaw atensyon ang kanyang pakpak na nasa ritmo ang bawat hampas nito sa hangin.
" nasaan ang Pusong Kristal? " tsaka pa lamang akong bumalik sa sariling ulirat ng muli itong magsalita.Kung gayun tama nga ang hinala ko na ang bato ang pakay nila.Nasa aking hinuha na hindi natatapos ang laban namin mula sa alagad ni Polo.