"Hindi Tayo Bagay, Kasi Tao Tayo"
Napatingin naman sa paligid si Amelia.
Abala ang lahat dahil sa paparating na bisita.
"Señorita" napalingon naman si Amelia sa tumawag sa kanya.
"O' Nang Martha, ano ang maitutulong ko sa inyo?" tanong niya rito nang tuluyang makalapit na ito sa kanya.
"Señorita, pinapatawag ka ng iyong ina. Nasa kanyang silid ang Doña" napatango naman siya saka sinimulang baybayin ang daan patungo sa silid ng kanyang ina.
Kumatok na muna siya ng tatlong beses bago pumasok.
"Ina?" tawag niya rito.
Lumingon naman ito agad at iginaya siya paupo sa malambot nitong kama.
"May gusto po ba kayong sabihin ina?" magalang niyang tanong.
Lumapit naman ang kanyang ina sa kanya at hinaplos ang mahabang buhok niya.
"Aking anak, alam mo ba kung ano ang dahilan ng pagbisita ng mga Francisco rito?" napailing naman siya.
"Nais nilang ipakasal ka sa ka-isa isa nilang heredero, Amelia." napasinghap naman siya sa kanyang nalaman.
"Ngunit ina, hindi iyan maaari. Ang bata bata ko pa para magpakasal." sabi niya nang may pangamba sa boses.
Hinaplos naman ng kanyang ina ang mukha niya.
"Pero pumayag na ang iyong ama sa kasunduan Amelia.
At alam mo naman siguro na kailangan mong sundin ang gusto ng iyong ama." napatungo naman siya at hindi mapigilan ang sariling hindi umiyak.
Muntik niya nang makalimutan na ang ama niya pala ang batas sa pamamahay na ito.
"Anak, h'wag ka ng umiyak. Mabuting bata si Alejandro kaya wala ka nang dapat na ipag-alala.
Pilitin mo nalang ang iyong sariling mahalin ang binata." napaawang naman niya ang kanyang mga labi dahil sa sinabi ng kanyang ina.
"Pero ina, hindi natuturuan ang puso. At alam mo iyan." nakita niya namang napatigil ang kanyang ina.
Nakita niya naman ang lumbay at kalungkutan sa mga mata nito.
Makalipas ang ilang minutong katahimikan ay niyakap niya ito.
"Pasensya na Ina, hindi ko sinasadya." bulong niya rito at agad naman itong umiling.
"Hindi natuturuan ang puso anak. Oo alam ko iyan. Pero sa mga kagaya nating ipinanganak na maimpluwesya ang pamilya ay wala tayong magagawa. Kailangan nating tanggapin ang masaklap na katotohanan na hindi natin hawak ang ating buhay." napabuntong hininga naman siya.
* - * - * - * - *
Pagkatapos ng pag-uusap nila ng kanyang ina ay agad siyang bumalik sa kanyang silid.
Habang naglalakad ay hindi niya naman mapigilan ang lungkot na nararamdaman sa tuwing iniisip niya si Fernando.Ang lalaking sinisigaw ng kanyang puso.
Ang lalaking pinakamamahal niya.
* - * - * - * - *
Dapit hapon na nang dumating ang mga bisita.
Napalingon naman siya sa may bintana ng kanyang silid at nakitang nakatingin sa kanya si Fernando.
Mgunit hindi ito nakangiti kagaya noong mga panahong kapag napapansin nitong nakatingin siya rito.
Sa halip ay pansin niyang tila ba kumikislap ang mga mata nito at tila ba puno ng kalungkutan.
Napapikit nalang siya nang mariin saka isinarado ang bintana at bumaba papuntang salas.
"O narito na pala ang napakaganda kong anak, Amelia halika rito. Ipapakilala kita sa napakakisig mong mapapangasawa. Amelia, si Alejandro Francisco. Alejandro, sya si Amelia, ang magiging kabiyak mo." sabi ng kanyang ama at mariin naman siyang napapikit nang kinuha ni Alejandro ang kanyang kanang kamay at dinampian ito ng isang marahan na halik.
Ngumiti ito sa kanya kung kaya't nginitian niya na lamang ito pabalik.
Habang naghahapunan ay panay lang ang diskusyon ng kanyang mga magulang at magulang ni Alejandro tungkol sa kanilang kasal.
At nang hindi niya na makayanan ay humingi siya nang paumanhin sa mga panauhin at sa kanyang magulang at sinabing gusto niya nang magpahinga dahil tila ba sumama ang kanyang pakiramdam.
Habang binabagtas ang daan patungo sa kanyang silid ay naiisip niya si Fernando.
Kaya sa halip na sa kanyang silid sya pupunta ay lumihis sya nang daan at nagtungo sa kanilang hardin, kung saan palagi silang nagkikita ni Fernando sa tuwing wala sa mansyon ang ama.
"Fernando" tawag pansin niya sa lalaking nakatalikod sa kanya.Nakatingala ito sa langit at tila ba pinagmamasdan ang buwan.
"Alam mo ba Amelia" napalunok siya nang marinig niya ang malamyos nitong tinig.
"Ika'y kasing rikit ng buwan na nais kong pagmasdan habang ako'y nabubuhay." nilingon siya nito at nilapitan.
"Ika'y kasing ganda ng buwan na sa tuwing aking tinititigan ay tila ba ako'y hinehele sa duyan." Isa-isa namang pumatak ang kanyang mga luha nang mapansin niyang gumagaralgal na ang boses ni Fernando.
"Ika'y kasing rikit at ganda ng buwan na nais kong makasama habang buhay." Yumakap sa kanya si Fernando kung kaya't niyapos niya ito pabalik.
"Nais ko ring ikaw ang makasama ko habang buhay Fernando." bulong niya rito.
"Napagtanto kong ikaw nga ay parang isang buwan, palagi kong pinagmamasdan at tinititigan ngunit hindi ko kayang abutin at kailanma'y hindi mapapasaakin." kumalas sa yakap si Fernando at saka hinawakan ang mukha ni Amelia.
Unti unting pinapahid ang iilang butil ng luha habang tinititigan siya na para bang ayaw niya itong mawala.
"Kasi ang buwan nasa langit habang ako naman ay nasa lupa. Kagaya na lamang sa ating dalawa Amelia." napailing naman si Amelia sa sinabi ni Fernando.
"Fernando" ani niya nang unti unting lumalapit ito na para bang hahalikan siya.
Napapikit naman si Amelia nang dumampi ang mga labi ni Fernando sa kanyang noo sabay sabi ng mga katagang nagpagising sa kanya sa katotohanan.
"Hindi tayo bagay Amelia." sabi nito sa kanya.
"Hindi tayo bagay, kasi tao tayo. Tao tayong nagmamahalan na kailanma'y hindi maaaring magkatuluyan. Ako'y isang dukha habang ika'y isang prinsesa. Malayong malayo." Unti unti na itong dumidistansya sa kanya.
Unti unti na itong lumalayo sa kanya kung kaya't hindi niya na mapigilan ang sariling hindi mapahagulhol.
"Paalam aking sinta, hanggang sa muli nating pagkikita." Sabi nito habang unti unting binibitawan ang kanyang mga kamay.
"Basta't pakakatandaan mo, ikaw lamang ang aking mahal. Ikaw at ikaw lang ang aking mamahalin, magpakailanman." sambit nito bago tuluyang lumakad palayo sa kanya.
Palayo sa buwang sinasabi nito na kailanma'y hindi mapapasakanya.