Mapakla naman akong napangiti habang binabaybay ang mabuhanging daan patungo sa may dalampasigan.Marahan akong napapikit at dinama ang simoy ng hangin.
Kailan nga ba noong huli akong pumunta rito?
Halos hindi ko na maalala.
Makalipas ang ilang taong pagdudusa at paghihirap ay muli ko na namang nakamtan ang kalayaang matagal ko nang hinahangad.
Ang kalayaang matagal ko nang minimithi ngunit ang kapalit naman nito ay ang aking kaluluwa.
Sapagkat tuluyan na akong bumitaw at tila sumanib sa kadiliman.
"H'wag kang gagalaw. Inaaresto ka namin sa salang pagpatay. May karapatan kang kumuha ng--"
Hindi na naituloy ng pulis ang kanyang sinasabi nang lumingon ako sa kanila.
Lumingon ako sa kanilang tumatawa at lumuluha.
Tawagin na nila akong baliw at sinto-sinto ngunit wala na akong pakialam basta't ang alam ko lang ay gusto kong maging malaya.
Mula sa kaharasan at lahat-lahat.
Gusto kong lumaya sa lahat ng mga taong gustong manakmal at manamantala ng mga kagaya kong mahihina.
Pero ano nga ba ang laban ko sa kanila?
Wala.
Walang-wala.
"Hinuhuli niyo ko sa salang pagpatay? Pero inisip niyo rin ba kung ano ang dahilan kung bakit ko iyon ginawa? Ilang beses akong nagmakaawa pero binalewala niyo ko dahil lang sa mayaman at makapangyarihan ang ama ako. Paulit-ulit akong umiyak at lumuhod sa inyong harapan pero hindi niyo ako pinansin at pilit na binalewala dahil para sa inyo, mas matimbang ang salapi kaysa sa tulungan at protektahan ang mga nangangailangan at naghihirap kahit iyon naman talaga ang inyong mga tungkulin. Nakakatwang isipin na kung sino pa iyong akala mong tutulong sa iyo ay siya ting unang tatalikod sa iyo."
Ani ko.
Nakita ko naman ang awa at pagka-konsensya sa mga mata nila.
Ngunit huli na ang lahat dahil naging sakim na ako.
Para sa kalayaang gusto kong hawakan at i-hagkan.
Paunti-unti naman akong umatras habang tinititigan sila.
Ngumiti ako bago tumalikod at nagsimulang tumakbo papalapit sa dagat.
Hanggang sa maramdaman ko na ang tubig sa aking paanan at ang pagkirot ng aking likuran.
Napangiti naman ako at yinakap ang sarili.
Ilang putok pa ng baril ang narinig ko bago ko naramdamang hinihila na ako ni Kamatayan.
At sa wakas, tuluyan ko na ring nakamtan.
Ang kalayaang matagal ko nang inaasam.
Ang kalayaang doble ang kabayaran.
Sapagkat impyerno na naman ang aking pupuntahan.