Chapter 18
Jazz's POV
"Kalimutan mo na lang ako, dahil kakalimutan na rin kita"
Hanggang ngayon, paulit-ulit ko pa rin itong naaalala. Paulit-ulit akong pinapahirapan. Kagabi pa ako hindi makatulog dahil lang dun sa sinabi sa akin ni Shazalm.
Paano ko siya kakalimutan kung siya ang buhay ko? Paano ko 'yon magagawa kung hanggang ngayon, hindi pa rin nagbabago ang pagtingin ko sa kaniya?
Mahal ko si Shazalm, at hinding-hindi na 'yon magbabago. Pero, kung ang paglayo ko sa kaniya ang magpapasaya sa kaniya, wala akong rason upang hindi ko 'yon gawin. Kahit masakit. Kahit mahirap. Kahit ikamatay ko pa, gagawin ko alang-alang sa kaligayahan niya.
Ang suwerte talaga ni Khalid, kasi siya ang pinili ni Shazalm. Siya ang pinili at minahal ni Shazalm kaysa sa akin.
"Asan na 'yong panyo na ibinigay ko sa'yo?" tanong ni Jennifer sa akin.
Andito pala kami sa labas ng campus, nakatambay. Nakita niya kasi ako rito na mag-isa kaya nilapitan niya ako. Si Jennifer pala 'yong babaeng nagbigay sa akin ng panyo dati.
Tiningnan ko siya na halatang naaawa sa kalagayan ko. Kung tutuusin, kahapon pa ako umiiyak simula noong sinabi ni Shazalm na kalimutan ko na siya. Hindi ko pa rin kasi kaya. Hindi ko kakayanin pang malayo ulit sa kaniya.
"Pasensiya na naiwan ko sa bahay 'yong panyo mo." sagot ko kay Jennifer kahit nahihirapan pa akong magsalita.
May kinuha siya sa kaniyang bag. "Gamitin mo." sabi niya sabay lahad ng panyo.
Agad ko rin naman iyon tinanggihan kasi hindi ko pa nga nasasauli 'yong isa, tapos papahiramin niya ulit ako? Umaabuso na 'ata ako.
"Kahit isang daang panyo pa ang ibigay ko sa'yo, hindi ako magagalit." sambit niya sa harap ko at pilit niyang inaabot sa akin ang panyo.
Nginitian niya ako kaya pilit din akong ngumiti sa kaniya.
Kanina pa niya inaabot ang panyo sa akin kaya wala na akong nagawa, dahan-dahan ko 'tong kinuha. Nakakahiya naman sa kaniya.
"Dahil ba 'yan sa babae?" biglang tanong ni Jennifer sa akin.
Hindi agad ako nakasagot kasi nahihiya akong sabihin sa kaniya na tama siya.
"Bakit hindi mo subukang magmahal ng iba?" sambit niya. "I mean, marami pa naman diyan na handang suklian ang pagmamahal mo na hindi kayang suklian ng taong mahal mo."
Hindi ko alam kung ano ang ibig ipahiwatig ni Jennifer. Pero, parang sinasabi niya na kailangan ko ng layuan at kalimutan si Shazalm.
"Hindi mo 'ko naiintindihan." mapait na sambit ko habang nakatingin sa malayo. "Hindi mo 'ko maiintindihan kasi wala ka sa kalagayan ko."
Bumagsak na naman ang luha ko matapos ko 'yon sabihin. Siguro nakapuno na ako ngayon ng isang timba dahil lang sa kakaiyak ko. Magang-maga na nga rin 'tong mga mata ko. Malaki na rin 'tong eye bugs ko dahil ilang gabi na ako walang maayos na tulog. Hindi ko nga maintindihan kung bakit nakukuha ko pang tumayo, kahit napapabayaan ko na ang sarili ko.
"Wala man ako sa kalagayan mo, alam ko na nasasaktan ka na. Nahihirapan ka na sa sitwasyon mo ngayon." napatingin ako sa kaniya nang sabihin niya 'to. "Kung mahal mo talaga siya, mahalin mo muna 'yang sarili mo."
Para akong sinampal ng katotohan sa sinabi ni Jennifer. Hindi na nga ako halos makapagsalita dahil hindi ko kayang tapatan 'yong sinabi niya.
"Sige. Una na ako." bago pa man siya maka-alis, pinigilan ko siya.
"Salamat." sambit ko.
Kahit naman papano, may naitulong siya sa akin. Hindi ko nga alam kung bakit niya ako tinutulungan. Kung bakit niya ako dinadamayan kahit wala naman akong pakialam sa kaniya.
"Ginusto kong tulungan ka." sagot niya at agad siyang naglakad papasok sa campus.
Bago pa man siya makapasok, tiningnan niya ako. "Hindi ka ba papasok?" tanong niya at agad naman akong umiling, pagkatapos tuluyan na nga siyang pumasok.
Kahit naman ako um-attend ng klase, wala ring saysay, kasi hindi ko pa kayang mag-focus sa discussion. Makakasira lang ako sa buong klase. Kaya mas pinili ko na lang tumambay rito sa labas.
Habang mag-isa na lang ako ngayon, naalala ko bigla 'yong sinabi kanina ni Jennifer.
"Bakit hindi mo subukang magmahal ng iba?"
Paano naman ako magmamahal ng iba kung si Shazalm lang talaga ang nilalaman ng puso ko?
"Kung mahal mo talaga siya, mahalin mo muna 'yang sarili mo."
Siguro, tama nga siya. Tama siya na kailangan ko munang mahalin ang sarili ko. Kasi paano ko mamahalin ang taong mahal ko kung wala na akong lakas para gawin iyon? Kaya simula ngayon, pipilitin kong tatanggapin ang gusto ni Shazalm. Pipilitin ko siyang hayaan sa gusto niyang mangyari sa aming dalawa. Ang magkalayo at magkalimutan, kahit sa panandaliang panahon lang.
~~~*
Shazalm's POV
Kahit naalala ko na ang lahat ng nakaraan namin ni Jazz, hindi na magbabago ang nararamdaman ko para kay Khalid. Si Khalid na ang mahal ko at mamahalin ko.
Wala naman kasi akong dahilan upang iwan ko si Khalid kasi naging mabuti naman siyang boyfriend sa akin. Naging masaya naman ako sa kaniya. Kinilig naman ako sa kaniya, at higit sa lahat, minahal din naman niya ako gaya ng pagmamahal na ibinibigay ko sa kaniya.
Siguro, kaya nangyari ang lahat ng iyon sa aming dalawa ni Jazz kasi hindi talaga kami para sa isa't-isa. Hindi kami ang itinadhana ng tadhana, kasi may iba na mas deserve at iyon na nga si Khalid.
Siguro, may iba ring babae ang nakalaan para kay Jazz. Babae na mas mamahalin siya, at mas deserve kesa sa akin.
Ayoko rin kasi siyang paasahin. Ayoko rin siyang saktan kasi marami na akong naging kasalanan sa kaniya. Ayoko ng dagdagdan 'yon kasi naaawa na ako sa kaniya.
"Mahal, kape ka muna." sabi ni Khalid habang bitbit ang dalawang basong kape.
Andito kasi kami ngayon sa coffee shop kasi katatapos lang ng klase namin.
"Salamat." sambit ko nang mailapag niya ang kape sa mesa na nasa harap ko.
"Walang anuman." sagot ni Khalid, sabay upo sa tapat ko.
Binigyan niya ako ng isang matamis na ngiti kaya napangiti na rin ako ng wala sa oras. Nakakahawa kasi ang ngiti ni Khalid.
"Iniisip mo pa rin ba si Jazz?" tanong niya.
Hindi talaga ako magaling magtago ng nararamdaman. Kahit anong gawin ko, nababasa pa rin niya ako. Kaya napatango na lang ako bilang sagot sa tanong ni Khalid. Ayoko rin namang magsinungaling sa kaniya kasi kahit anong gawin ko, alam na naman ni Khalid na si Jazz nga 'tong bumabagabag sa akin.
Actually, kanina ko pa siya iniisip. Kasi nung nandoon kami sa hospital, alam kong nasaktan ko siya nun. Sobrang nasaktan ko siya sa sinabi ko sa kaniya. Pero, wala na akong magagawa kasi para rin naman iyon sa kaniya. Para rin naman ito sa ikatatahimik sa relasyon namin ni Khalid. At para hindi na rin siya mahirapan at masaktan pa.
"Sorry." paghingi ko ng paumanhin kay Khalid. Pansin ko kasi na nasasaktan din siya sa nangyayari, hindi niya lang sinasabi sa akin.
"Ahmm... Mamaya darating si mama. Gusto ko sanang ipakilala kita sa kaniya." sabi ni Khalid.
Tumango na lang ako bilang sagot ko sa kaniya.
"Magpapaalam lang ako mamaya kay mama." sabi ko. Kasi baka mag-alala 'yon sa akin.
"Sure! Sabay ka na sa akin mamaya, ako na ang maghahatid sa'yo." aniya.
Tumango na lang ulit ako sa kaniya.
[End of Chapter 18]
BINABASA MO ANG
Ang Love Story ng isang Single
General Fiction[COMPLETED] Paaano ba magmahal ang isang single? O, paano ba magmahal ang isang NBSB? Well, sa istoryang ito, makikilala mo si Shazalm. Isang dalagang bente anyos ng single. Yes! Tama ka! Bente anyos na siyang NBSB. Hanggang ngayon, patuloy pa rin n...