Shazalm's POV
Tirik ang araw habang naglalakad akong mag-isa. Wala akong kasama kasi gusto ko munang mapag-isa. Wala rin akong dalang payong o kahit ano mang pam-proteksiyon laban sa nagagalit na araw. Kahit papano hindi ko naman ramdam ang init.
Kahit sobrang bigat pa ng katawan ko, kahit mugto pa ang mga mata ko, at kahit sobrang sakit pa ng puso ko pinilit ko pa ring bumangon.
Ang bigat. Sobrang bigat ng araw ko ngayon. Parang pakiramdam ko bibigay at babagsak na rin ang katawan ko. Pero, pilit ko pa rin itong iniinda kasi kailangan. Kailangan kong maging malakas. Kailangan kong lumaban.
Dala ang mga mumunting bulaklak, dire-diretso lang ang hakbang ko. Pansin ko na walang tao sa paligid. Walang ingay. Sobrang tahimik. Patuloy lang ang paghakbang ko at hindi ko na nagawang lumingon hanggang sa marating ko na ang pakay ko. Ang puntod ni Jazz.
R.I.P.
Del Fuego, Jazz
1998 - 2020Dahan-dahan akong lumuhod sa damuhan kung saan nasa harap ko ang puntod ni Jazz. Kasabay ng paglapag ko ng bulaklak ay ang pagbagsak din ng luha ko.
Hindi ko nga halos maigalaw ang mga kamay ko dahil naninigas na rin ito. Ang sakit. Sobrang sakit na makita na wala na 'yong taong mahal mo. Wala na iyong taong gusto mo pa sanang makasama ng matagal. Wala na si Jazz.
"Jazz... Bakit mo naman kami iniwan?" sambit ko habang hinahaplos ang lapida.
"Ano ba 'yan! Sabing hindi na ako iiyak eh." ipinangako ko kasi kanina bago ako pumunta rito na hindi ako iiyak. Tatapangan ko ang loob ko kasi ayokong mag-alala si Jazz. Ayoko siyang pag-alalahanin. Pero, dahil sa hindi ko talaga kayang pigilan 'tong nararamdaman ko, wala na akong magawa kundi ang hayaan na lang bumagsak ang luha kong 'to. Ang hirap kasi. Sobrang hirap.
Bigla na lang ako napayakap sa sarili ko nang bigla akong makaramdam ng lamig. Sobrang lamig. Parang kanina lang, sobrang init.
"Jazz... kung andito ka man, kung nakikinig ka man, gusto ko lang sana sabihin sa iyo na mahal na mahal kita. Sorry, kung hindi ko 'to nasabi sa'yo noong mga panahong buhay ka pa. Sorry, kung huli ko na naramdaman na sobra ka palang importante sa buhay ko. Sorry." Dire-diretso pa rin ang pagbagsak ng luha ko.
Tumingala ako sa taas at ako ay napatitig sa nagdidilim na mga ulap. Uulan pa ata.
"Lord... Wala na 'yong taong mahal ko." sambit ko. "Wala na 'yong taong matagal ko ng hinihiling sa'yo. 'Yong taong 'the one'." ngumiti ako ng mapait at pansin ko na nagdidilim na ang paligid.
Ilang sandali lang naramdaman ko na may pumapatak ng tubig. Umaambon na. Gusto ko mang tumayo pero hindi ko magawa. Hindi ko kaya. Sobrang bigat talaga ng katawan ko.
Hanggang kalauna'y bumagsak na rin ang ulan pero nagulat na lang ako nang maramdaman ko na hindi ako nababasa. Nang tumingala ako, nakita ko si Khalid habang pinapayungan ako.
Dahan-dahan niya akong inalalayang tumayo at ihinarap ako sa kaniya. Pansin ko na ang lungkot din ng mukha niya. Pinunasan din niya ang luha ko gamit ang kamay niya nang mapansin niya ito. Nababasa na rin kami ng ulan kasi hindi naman kami kasya sa iisang payong.
"Tayo na, Shazalm." suhestyon ni Khalid. Lumalakas na kasi ang bagsak ng ulan.
Nilakad na lang namin ang daan kasi basa na naman kami.
Habang naglalakad ay tiningnan ko si Khalid. Basa na rin ang mukha niya. 'Yong buong katawan niya gaya sa akin.
"Salamat..." sambit ko na nagpahinto sa aming paglalakad.
Ngayon ay nakatingin na rin sa akin si Khalid. Naramdaman ko pa ang kaniyang mainit na palad na dumapo sa aking pisngi.
"Andito lang ako palagi sa tabi mo, Shazalm. Kung kinakailangan mo ng tulong, kung kinakailangan mo ng makakausap, at kung kinakailangan mo ng makakasama, hindi mo na ako kailangan tawagin kasi ako na mismo ang darating para sa'yo." mahinang sambit nito at naramdaman ko naman na sincere siya rito.
Ngumiti siya ng tipid pero hindi ko na iyon nagawang suklian kasi hindi pa okay ang katawan ko. Hindi pa okay ang puso ko. Hindi pa ako handang ngumiti kung hanggang ngayon ang puso ko ay nagdurugo pa rin.
Pansin ko na naghihintay pa rin si Khalid sa magiging sagot ko sa kaniya pero hindi ko pa talaga kayang magsalita. Pakiramdam ko kasi, namimilipit ang dila ko.
Ngumiti siya ng tipid. "Sorry." sambit nito.
Hindi naman talaga niya kailangang humingi ng sorry kasi wala naman siyang kasalanan. Hindi lang talaga ako okay. Hindi pa.
Pinagpatuloy na lang namin ang aming paglalakad kasi basang-basa na talaga kami.
"Suotin mo 'to." agad na hinubad ni Khalid ang sweater na suot niya at agad na ibinigay sa akin nang mapansin niyang nilalamig na ako.
Inuubo na rin kaya sobrang nag-aalala na si Khalid sa akin. Mas dinoble na namin ang aming paglalakad kahit sobrang nanghihina na ang buong katawan ko.
Mga limang metro na lang ang layo maaabutan na namin ang kotse ni Khalid, pero napahinto na lang ako bigla sa paghakbang nang dumodoble na ang paningin ko.
"Shazalm! Anong nangyayari!?"
Napahawak ako sa aking sintido nang bigla namang sumakit ang ulo ko hanggang sa ako ay tuluyang natumba at agad na nawalan ng malay.
[End of Chapter 35]
BINABASA MO ANG
Ang Love Story ng isang Single
Fiction générale[COMPLETED] Paaano ba magmahal ang isang single? O, paano ba magmahal ang isang NBSB? Well, sa istoryang ito, makikilala mo si Shazalm. Isang dalagang bente anyos ng single. Yes! Tama ka! Bente anyos na siyang NBSB. Hanggang ngayon, patuloy pa rin n...