Chapter 30: Meet the King

448 15 0
                                        

BUONG gabi akong umiyak sa hindi maintindihang nararamdaman matapos ko siyang tinalikuran kagabi. Wala akong mukhang ihaharap sa kaniya pero nakakabagot na manatili sa loob ng cabin buong araw. Sumilip muna ako sa pinto at nang masiguradong wala kahit anino niya ay lumabas ako. "Sana hindi ko siya makita ngayon," bulong ko.

"Sinong ayaw mong makita?" Napatalon ako sa gulat nang marinig ang boses niya at napalingon.

"Nanggugulat ka ba?" Hindi ko maiwasang mainis.

"Sorry." Iyan na naman ang sorry niya, ilang beses ko ng narinig mula noong nagkita kami. Tinalikuran ko na siya ngunit hinagip niya ang kamay ko at hinila papalapit sa kaniya.

"Bitawan mo ako!"

"Sa ginawa mo kagabi, mas lalo akong ginanahang muling buhayin ang bato mong puso."

Kinindatan niya ako at hinila sa lowerdeck at nakita ang nakalapag sa mesa na bagong lutong pagkain. Walang nag-imikan sa aming dalawa habang kumakain hanggang natapos. Aalis na nga sana ako pero muli niya akong pinigilan.

"Nais mo bang maglibot sa isla?"

Umiling ako, ayaw kong maalala ang nangyari noon.

"Kahit ngayon lang? Nakikiusap ako sayo," puno ng pagsusumamo niyang pakiusap.

Hindi ako umimik at hinayaan siyang hilahin ako. Inalalayan niya akong bumaba sa barko. Habang naglalakad sa dalampasigan ay nasa likuran ko siya. Minsan lumilingon ako sa kaniya, at ang laki ng ngiti niya kapag ginagawa ko 'yon.

Umupo ako sa isang malaking bato sa dalampasigan. Sumunod din siya at umupo sa tabi ko.

"Kamusta na kayo ni Azman?" tanong niya.

"Okay naman."

"May namamagitan ba sa inyong dalawa?" Napatingin na ako sa kaniya, halata sa kaniyang mukha na labis siyang naghihintay sa sagot ko.

"Kayo ni Alia may namamagitan ba sa inyo?" Akala niya siya lang ang marunong magtanong.

"Sa una siya ang itinakdang ipapakasal sa'kin ngunit dahil nga may misyon ako, hindi natuloy. Sinundan niya naman ako sa Barbosa. Hindi ko siya gusto pero pinipilit niya ang kaniyang sarili kaya hinahayaan ko nalang. Pero noong dumating..."

"Ahh, kaya pala nakita ko kayo noon na naghahalikan. Normal lang naman sa isang magkarelasyon." Mabilis ko siyang pinigilan para hindi na muling pag-usapan ang tungkol sa aming dalawa.

"Hindi pa ba napag-uusapan ang kasal niyo ni Azman?"

"Bakit tututol ka ba?" May halong biro kong tanong pero hindi ko inakala ang isasagot niya.

"Bakit ako tututol? Alam ko namang walang mangyayaring kasal."

"At paano ka naman nakakasigurado?" taas kilay kong tanong.

"Ako lang kasi ang may karapatan na hintayin ka sa harap ng Diyos." Pataas-baba pa ang kilay niya at ngumiti. Napatitig ako sa mata niya, hindi ko alam kung may totoo ba sa lahat ng sinasabi niya.

"Hiningi niya ba ang kamay mo para maging asawa niya?"

"Oo, ilang beses."

"Anong sagot mo?"

"Hindi ako mahilig sumagot sa tanong na wala namang kwenta."

"Alam ko, naninigurado lang. Kasi hindi ka pwedeng magmahal ng iba dahil mula noong umalis ako ng Barbosa may isang mahalagang bagay akong ninakaw at wala akong balak ibalik."

Napakunot ang noo ko.

"Puso mo," sabay kindat niya.

"Isang sipa ko lang hindi na maibabalik ng maayos ang mata mo kaya tumigil ka sa pagkindat, nakakasuka."

The Pirates And I (PUBLISHED UNDER TDP PUBLISHING HOUSE)Mga kuwentong kahuhumalingan mo. Tumuklas ngayon