Chapter 1: Under the Moonlight

1.5K 39 4
                                        

Pagpasok ko palang sa bayan, ingay agad ang sumalubong sa'kin. Bawat tao ay naghahanda na sa mangyayaring malaking kasiyahan sa buong isla. Sa isang beses lang sa isang taon ito nangyayari.

Hindi malaki ang isla ng San Carlo at bilang lang ang taong nakatira rito, kaya hindi masyadong napagtutunan ng pansin ng monarkiya. Pagtatanim at pangingisda ang pangunahing kabuhayan dito. May mga maliliit kasi na barko ang dumadaong sa isla, at nakakabenta at nakakaraos din. Walang karwahe rito, hindi katulad sa ibang isla, kailangan mong maglakad para makarating sa bayan.

Ilang kanto pa ang dinaanan ko bago nakarating sa pinagtatrabahoan kong shop. Nagbebenta kami ng tinapay at lahat ng tao ay nagtutungo rito para bumili, ito rin lang kasi ang tanging nagbebenta ng mga tinapay sa buong isla.

Pagpasok ko sa shop ay agad kong binati si Boss, ang totoo niyang pangalan ay Flin Cabter.

"Ireen mabuti naman at nandito ka na, marami na tayong customer."

Agad kong sinuot ang apron at itinirintas ang buhok ko. Naghilera agad ang mga customer sa harap at isa-isang kinuha ang kanilang order na tinapay.

"Magandang umaga po," masaya kong bati.

Alas-diyes na ng umaga nang humupa ang mga mamimili. Ang maingay na bakeshop kanina ay napalitan ng katahimikan. May iilan naman customer, ngunit nakaupo lang sa bakanteng mga mesa, kumakain ng tinapay at umiinom ng kape.

"Wala ka bang balak na magtungo ngayon sa pagawaan ng damit para bukas?"

Napalingon ako kay Boss sa biglaan niyang tanong. "Okay lang naman na lumang damit ang gamitin ko."

Naging tradisyon na ng isla na kapag dumating ang kasiyahan ay magsusuot ng pinakamaganda damit, pero wala naman akong sapat na pera.

Ang naiwang pera ni Lolo Esteban ay nasa bangko sa Mainland. Isang napakalaking isla kung saan nakatira halos lahat ng mayayaman, at lalo na ang Hari at Reyna. Kahit ipinamana niya sa'kin 'yon ay wala akong balak na kunin, sapagkat hindi naman kami magkadugo at na kokonsensiya akong gamitin ang perang kaniyang pinaghirapan. Natagpuan niya lang ako sa daungan at kinupkop noong sanggol palang ako, ayon sa kaniya. Wala siyang pera para maibalik ako sa totoo kong magulang sa mga panahon na 'yon, kaya kinupkop niya ako at inalagaan na parang totoong anak. Wala na rin akong balak panghanapin ang mga magulang ko. Isa pa, dapat hinanap nila ako at hindi na hinintay na si Lolo Esteban ang maghanap sa kanila.

"Pwede kong kausapin si Cecilia para pahiramin ka ng damit niya."

Mabilis akong umiling kay Boss, marami na siyang nagawa sa'kin. Malaki ang naitulong niya noong namatay si Lolo. Hindi pa nga ako bayad sa lahat, may bago na namang utang na loob ang madadagdag sa listahan. "Huwag na po Boss, nakakahiya na po. Isa pa, maaaring mag-away na naman po kayo ni Ma'am Delina kapag malaman niya. Sapat na po ang tulong niyo sa'kin at ayaw ko na pong dagdagan pa."

Wala na siyang nagawa at hindi nalang ako pinilit. Simula nang magtrabaho ako sa bakeshop ay hindi na maganda ang trato ng kaniyang asawa sa'kin. Hinahayaan ko nalang ngunit mas lumala ito nang mamatay si Lolo.

Nang magdapit hapon ay tapos na ang trabaho ko. Dumaan muna ako sa pamilihan bago dumiretso sa bahay ni Celeste, ang kababata ko. Humingi siya ng tulong para magsukat ng dress na kaniyang isusuot bukas.

Nasa tarangkahan palang ako ng kanilang bahay ay nakaabang na siya sa kanilang pintuan.

Maganda ang hubog ng katawan ni Celeste, at agaw pansin din ang kaniyang kulot na buhok na kulay ginto. Maraming nagkakadarapang binata na gusto siyang ligawan pero hindi naman niya pinapansin.

"Dumating ka." Tumakbo siya ng mabilis para salubungin ako. Dumapo ang tingin niya sa mga pinamili ko. "Iwan mo muna kay Mama para maitabi niya. Dapat mong tuparin ang ipinangakong tutulungan ako sa isusuot ko bukas."

The Pirates And I (PUBLISHED UNDER TDP PUBLISHING HOUSE)Mga kuwentong kahuhumalingan mo. Tumuklas ngayon