Maaga akong nagising at mula rito sa bahay ay rinig ko na ang malakas na sigawan at kantahan ng buong isla, at sinabayan ng naglalakasang tambol. May grupo kasi ng mga kabataan na maaga palang ay umiikot na sa buong isla habang nagkakantahan.
Inayos ko na ang sarili, at hindi ko nga maalis ang tingin sa salamin habang suot ko ang gown. Hinayaan kong ilughay ang maalon kong buhok, malaki naman ang tiyansang sa oras na makita ako ng mga batang babae ay mamimilit silang itirintas ang buhok ko. May dala akong ilang pagkain na nakalagay sa isang basket at konting pera.
Pagkalabas ko sa bahay ay maganda ang sikat ng araw. Tinanggal ko ang suot na sapatos at hinayaang lumubog ang paa sa malamig na buhangin ng dagat. Napapansin ko ang mga tingin ng mga taong nadadaanan ko.
"Ang ganda mo yata ngayon Ireen," biro ni Emannuel kababata namin ni Celeste. Nakasandal siya sa isang poste at pormadong-pormado sa suot niyang polo. Palabiro at makwela si Emmanuel, maraming nagkakagusto sa kaniya dahil hindi mapagkakaila na may kagwapuhan siya. Sakto lang ang pangangatawan niya sa kaniyang edad, maitim ang buhok at nakakadagdag ang pagkakaroon niya ng cleft chin.
"Ngayon lang ito!" Inakbayan niya ako at sabay naming tinungo ang bahay ni Celeste, malamang tulog pa siya o 'di kaya'y naliligo pa lamang.
Nakita ko na agad si Tito Clinton sa labas ng tarangkahan nila habang binibisbisan ang mga halaman. "Magandang umaga po Tito!"
Agad siyang napalingon sa'min at kumaway. "Mabuti naman napaaga kayo, kanina pa gising si Celeste at nakaayos na."
"Isang himala!" malakas na sigaw ni Emmanuel.
Hindi naman mapagkakailang isang himala talaga, sa lahat ng lakad namin magkakaibigan siya ang palaging huli.
"Pasok na kayo at kanina pa 'yon nakasimangot sa kakahintay."
Nasa bakuran palang ay sinisigaw na ni Emmanuel ang pangalan ni Celeste. Kung titingnan ay parang may namumuo sa dalawa, madalang nalang kasi akong sumama sa kanila dahil sa trabaho at silang dalawa ang palaging magkasama buong araw.
Bumukas ang pinto at lumabas ang napakaganda kong kaibigan. "Tumahimik ka nga, ang ingay mo," binatukan niya si Emmanuel.
Ngunit nanatiling nakatulala si Emmanuel habang nakatitig kay Celeste. Ako nalang ang muling bumatok sa kaniya, maaaring kulang ang pagkaalog ng kaniyang utak.
"Bakit?"
Napasapo ako sa noo nang marinig ang tanong niyang at naguguluhan sa ginawa ko.
"Anong bakit? Tumutulo laway mo!"
Uto-uto naman at hinawakan ang kaniyang labi. "Wala naman, ang ganda kasi ni Celeste, ang kabayo ay naging diyosa, pwede pala 'yon?"
Namula na ang mukha ni Celeste ngunit nawala rin agad nang dagdagan niya ng panglalait. "Wala ka talagang modo."
Sinasakal ni Celeste si Emmanuel habang binabaktas namin ang daan patungo sa sentro ng bayan. Ako na ngalang ang nagpaalam kay Tito dahil abala ang dalawa sa paglalampungan.
Ang raming tao at maraming disenyo sa paligid, pinaghandaan talaga ito ni Ginoong Damasco. Isa siyang matandang lalake na inatasan ng monarkiya na kami'y pamunuon. Siya ang pinakamayaman sa buong isla, at mabait naman siya sa lahat. Kapag kasiyahan libre ang lahat ng pagkain, kaya bawat tindahan ay tinitikman namin ang kanilang mga luto. Hindi rin nagpaawat si Emmanuel at nakisali sa mga palaro. Sinusuportahan nalang namin siya kahit palaging talo. Tanging isang bracelet lang ang napanalunan sa lahat ng sinalihan niya.
Nangunguna sa paglalakad si Celeste kaya sinenyasan ko si Emmanuel na ibigay niya 'yon. Dakilang mahiyain at torpe kaya ako talaga ang inutusan, pero pinandilatan ko siya ng mata.
BINABASA MO ANG
The Pirates And I (PUBLISHED UNDER TDP PUBLISHING HOUSE)
RomancePirates are thieves of Seven Seas. They travel across the ocean to obtain treasures and attack the Mainland. On a small island of San Carlo, a young lady named Ireen with ocean blue eyes taken by the pirates, an order from the Pirate King. And she m...
