Chapter 23: Portrait

372 15 1
                                    

NAKANGITI ang lahat nang makababa sa bangka at nakita ang magiging bagong Barbosa, ang aming magiging bagong tahanan. Mayaman ito sa yamang dagat at lalo na ang kagubatan. Hindi mapagkakaila ang ganda ng buong isla. Mabuti narin at walang nakakaalam tungkol dito at may paglilipatan kami. Hindi man ito kalakihan tulad ng dati ngunit sapat ito para sa lahat. Sa paglalakbay palang ay nakaplano na ang mga dapat gagawin. Nais kong mamuno na organisado at lahat ay may maayos na buhay.

"Zion, ikaw ang itatalaga ko para masimulan ang paggawa ng mga bahay at imprastraktura." Tumango naman siya.

"Azman, ikaw naman sa pagkolekta ng mga bagong armas na kakailanganin natin."

"Walang problema," sabay kindat sa'kin. Para sa kaniya nakakatuwa ngunit nakakasuka naman sa paningin ko.

Itinalaga ko rin ang ibang kapitan sa ibang gawain.

Naging abala ang lahat, at naging maayos ang kahihinatnan ng desisyon na pinili ko. At hindi ako papayag na may titibag muli sa Barbosa.

ILANG araw nalang at koronasyon ko na bilang Pirate Queen, hindi pa lubusang naiintindihan ng mamamayan ang sitwasyon at pagkakataon narin 'yon para mapaliwanag sa kanila ang lahat. Nais kong bigyan sila ng sagot sa mga tanong na tinatapon nila sa'kin sa panahon ng aming paglalakbay kamakailan. Matapos ang koronasyon ay idadaan ako sa mahigpit at mahirap na pagsasanay para sa pagsubok na ibibigay nila para mapatunayan na nararapat ako sa trono.

Napapadalas na nakakatanggap ako ng bulaklak kay Azman na ikinababahala ko. Ayaw ko itong bigyan ng kahulugan ngunit nakakarinig ako ng usap-usapan na nanliligaw ito sa'kin na wala namang katotohanan.

Tanging isang maliit ngunit magandang bahay ang ipinagawa ko para sa aking sarili bilang Pirate Queen, nais pa sana nilang gumawa ng kastilyo ngunit napaisip kong, dapat ay hindi kami kumuha ng atensyon kapag may mapadaan na barko. Nais ko na parang simpleng mamamayan lang ang naninirahan. Naging mahigpit ang pamumuno ko, at tanging mga pirata lang ang pinapalabas ko. May ginawa akong mga bagong patakaran at regulasyon. Kailangan ng pagbabago ang Barbosa para hindi na muli masira.

Tanging kasama ko lang sa bahay ay si Jael at minsan si Zion. Napapadalas ang pagdalaw ng mga crew ko ngunit tanging pinupunta lang ay ubusin ang pagkain na nasa storage room. Ginawa ba namang source of food ang bahay ko.

"Jael wala parin bang dumating na sulat?"

"Wala pa po."

Ilang linggo na ang dumaan simula nang umalis si Eight at ni isang sulat ay wala akong natanggap. Nag-aalala na ako sa kalagayan niya ngayon. Kung nais ko lang sanang maibalik ang nakaraan at naipaliwanag ni Papa ang lahat sa'kin. Hindi sana napagkaitan si Eight ng bagay na nararapat sa kaniya. Kaya pala sa simula palang noong iniligtas niya ako ay may kakaiba na sa kaniya at naalala ko kung paano ko ito nalaman.

Ang gabi matapos ang pagbalik namin galing sa konting bakasyon ay muli akong dumalaw sa opisina ni Papa. Walang sumagot sa pagkatok ko ng tatlong beses kaya pinihit ko ang siradura at pumasok. Naagaw ng pansin ko ang mga nakakalat na papeles sa mesa at isang lumang larawan, may apat na tao ang nandoon. Walang duda na ang aking ama ang may kalong na bagong sanggol at ang aking ina may hawak na lalakeng nasa iisang taon gulang pa lamang.

Nakarinig ako ng pag-uusap sa isang pinto at nakita ko si Papa kasama si Eight. "Thank you, son." Kahit 'yon lang ang narinig ko malinaw na sa'kin na siya ang batang lalakeng kalong ng aking ina sa larawan. Wala akong sinabihan kanino man kahit kay Papa. May bagay na pumipigil sa'kin na magtanong at hindi ko na pinilit pa. Nakakalungkot nga lang isipin na kahit ang isa kong kapatid ay tinago rin sa anino tulad ko.

"Okay ka lang?" Bumalik ako sa ulirat at nakita ang mukha ni Azman na napakalapit.

"Lumayo ka nga," tinulak ko siya. Napangisi lang siya sa ginawa ko at umupo sa katabing sofa.

The Pirates And I (PUBLISHED UNDER TDP PUBLISHING HOUSE)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon