HINDI MASAYA si Gabby na makitang muli si Jaime at obvious sa facial expression ng binata na pareho sila ng nararamdaman. Kumislap kasi ang disgusto sa mga mata nito at mariing naglapat ang mga labi. Matinding self-control ang kinailangan niya para manatiling expressionless at magkunwaring hindi niya kilala ang binata.
Ilang segundo pang nakatitig sila sa isa't isa bago pinutol ni Gabby ang eye contact nila at nilingon ang pinsan. "I have to go now, Nic." Hinalikan niya sa pisngi si Dominic bago nagpatuloy sa pagsasalita. "Huwag mo na akong ihatid sa labas. I can go out on my own. Please, pag-isipan mo ang sinabi ko ha? You need to go home."
Tipid na ngumiti si Dominic. "Huwag mong kakalimutan ang soft opening ng club ko next week. Kailangang nandoon ka at magdala ka ng friends."
"Oo na nga. I promise." Pagkatapos sinulyapan ni Gabby si Melissa, tipid itong nginitian at tinanguan bago naglakad palayo sa mga ito. Kinailangan niya ikuyom ang mga kamao at ideretso ang likod para lang hindi na sulyapan pa si Jaime. Ayaw niya mag assume pero pakiramdam niya nakasunod ang tingin nito sa kaniya.
Paglabas niya sa Slade House bumagal ang hakbang niya palayo kasi hindi pa lumulubog ang araw. Masyado pang maaga para umuwi. Kung sobrang tahimik at suffocating sa bahay nila kapag day time lalo na sa gabi.
Should I just watch a movie? Or finish editing my blog in a coffee shop?
Nag-iisip pa rin si Gabby nang puwedeng gawin nang marinig na naman niya ang boses ni Jaime. Mahina lang pero napaderetso pa rin siya ng tayo at may kilabot pa ring gumapang sa kanyang likod. Pagkatapos hindi siya nakatiis at dahan-dahang lumingon. Mula sa nakasarang glass door nakita niyang nakatayo na sa reception area si Jaime at ang batang babaeng kasama nito. Nakita niya ang warmth sa mukha ng binata habang nakatingin sa bata. Ang ganda rin ng ngiti nito kaya umaliwalas ang mukha. Ayaw niya sana aminin pero kahit side profile lang nito sobrang guwapo na.
Sa akin lang talaga siya suplado. Natigilan si Gabby at naeskandalo nang marealize na nakaramdam siya ng disappointment. Lalo siyang nanghilakbot nang biglang mapatingin sa direksiyon niya si Jaime at mahuli nitong nakatingin siya! Mabilis na tinalikuran niya ito at nagmamadali nang naglakad papunta sa parking area.
TUMAMBAY si Gabby sa mall na malapit sa Slade House dahil ayaw pa niya umuwi. Mabuti na lang palagi niyang dala ang macbook pro niya kaya pumuwesto lang siya sa isang coffee shop ay nakapagtrabaho na siya. Natapos niya i-edit ang episode na sinimulan niya gawin habang nasa KL airport siya bandang alas otso ng gabi. Masyado pa ring maaga para umuwi. Kaya nagpunta siya sa sm cinemas at pumili ng interesanteng pelikula na may malapit na showing schedule.
Marami nang tao sa cinema, madilim na at may nag pe-play nang movie trailers sa big screen nang pumasok siya sa loob. Nakatutok ang tingin niya sa sahig hanggang makarating sa isang bakanteng upuan para siguruhing hindi siya matitisod. Nag se-settle down na siya sa seat niya nang maramdaman niyang napalingon sa kaniya ang katabi. Hindi sana papansinin ni Gabby kung hindi lang niya naramdaman na para bang nagulat ito at na-tense, patunay na kilala siya nito. Hindi kaya isa ito sa followers niya sa social media? Isa sa viewer ng youtube channel niya?
Umayos ng upo si Gabby, sumilay ang friendly smile sa kanyang mga labi. Palagi kasi siyang masayang makakita ng taong nakakaappreciate ng online contents na ginagawa niya. Pero paglingon niya sa kanyang katabi nawala agad ang ngiti niya. Gulat na napaatras pa siya nang marealize na si Jaime ang katabi niya sa sinehan!
Namilog ang mga mata niya. "What are you doing here?" Napasinghap si Gabby at naitakip ang kamay sa bibig nang marealize na napalakas ang boses niya. Mabuti na lang nagsisimula na ang pelikula kasi sandali lang sila tinapunan ng tingin ng mga tao sa paligid nila. Habang sila ni Jaime ay sa isa't isa pa rin nakatingin.
BINABASA MO ANG
THE SOCIAL ICON
Romance(sequel to THE LATE BLOOMER and THE ASSISTANT) Isang taon ang nakararaan nagkaroon ng one night encounter sina Gabby Roman at Jaime Diamante. Pareho silang heartbroken noon at may nagawang sigurado si Gabby na pareho nilang pinagsisisihan. Kaya sob...
