ILANG ORAS sila nagtagal sa restaurant at kung hindi isasama ni Gabby ang heartache niya dahil kay Jaime, masasabi niyang nag enjoy siya ng husto. Pareho ang personalidad nina Betty at Jaja sa twitter at sa tunay na buhay. Parehong kuwela ang mga ito at masarap kausap.
Ang refreshing din sa pakiramdam na finally may kausap siya tungkol sa Ikon nang personal. Iyong hindi mawi-weirdohan sa kaniya kapag nalamang mahilig siya sa kpop. Iyon puwede nila pag-usapan kahit kaliit-liitang detalye lang tungkol sa grupo kasi pare-pareho nila iyong alam.
Katunayan bitin pa sila sa oras na inilagi nila sa restaurant. Nagpunta pa sila sa Starbucks na nasa opposite side ng Shibuya station. Hindi lang para magkuwentuhan kung hindi para makita ang view ng sikat na Shibuya crossing mula sa second floor. Sobrang daming tao pero sinuwerte silang may isang grupo na umalis sa isang parte ng window seat kaya nagmadali silang pumalit sa mga ito.
Hindi alam ni Gabby kung nagkakataon lang o lihim na pinaplano nina Betty at Jaja pero magkatabi na naman silang dalawa ni Jaime. Tuloy ang kuwentuhan habang nag sa-sightseeing. Malalim na ang gabi nang magdesisyon silang lahat na maghiwa-hiwalay na para makapagpahinga. Nagkasundo silang magkikita uli bukas ng gabi para makapag dinner uli sila ng sama-sama.
Naghiwa-hiwalay sila sa Shibuya crossing. Magkaiba ang direksiyong tinahak nina Betty at Jaja at akala ni Gabby sa ibang direksiyon din tatawid si Jaime. Kaya sumikdo ang puso niya at nataranta nang marealize na nasa likuran lang niya ito. By the time na nasa sidewalk na uli sila ay pumihit siya paharap dito at hindi na natiis na manahimik.
"May gusto ka ba sabihin sa akin?"
Tumaas ang mga kilay ni Jaime. "Bakit?"
"Kasi imbes na bumalik ka na sa hotel mo ay sinusundan mo ako?" patanong din na sagot niya.
Isinuksok nito ang magkabilang kamay sa bulsa ng suot nitong jacket bago nagsalita. "Ito rin ang way ko papunta sa accommodation ko."
Kaswal lang ang pagkakasabi nito niyon pero uminit pa rin ang mga pisngi ni Gabby sa pagkapahiya. "Fine." Tumalikod na siya at nagpatuloy sa paglalakad. Sobrang daming tao at palagi siya may nakakabungguan braso pero kahit ganoon ramdam pa rin niya ang presensiya ni Jaime sa likuran niya. Pinigilan na lang niya lumingon kasi baka mapahiya na naman siya.
Kaso nang nasa tapat na siya ng Dormy Inn nakasunod pa rin ang binata. Manghang nilingon niya ito. "Dito na ako. Talaga bang hindi mo ako sinusundan?"
Napahinto sa paglalakad si Jaime at bumakas ang pagkagulat sa mukha. Nilingon nito ang mataas na gusali ng inn bago ibinalik ang tingin sa kaniya. "Diyan ka naka-check in?"
Kinabahan si Gabby. "Oo. Bakit?"
Napatitig sa mukha niya ang binata bago sumagot, "Diyan din ako naka-check in."
SA GABING iyon may narealize si Gabby. Series of coincidences ang palaging nagdudugtong sa kanilang dalawa ni Jaime. Kahit na mag effort itong putulin ang koneksiyon nilang dalawa, may mas makapangyarihang force ang gumagawa ng way para magkasama sila.
Bukod sa hindi pa rin siya nakakarecover na si Jaime pala ang twitter friend niyang si junhoehoho, ngayon nalaman niyang iisang inn lang sila naka check in. Hindi lang iyon, nang pumasok sila sa gusali para magpunta sa kani-kanilang designated rooms nagkagulatan na naman sila nang malamang iisang floor lang sila at may isang pinto lang na nakapagitan sa kanilang mga kuwarto.
"How can this happen?" bulalas ni Jaime habang nakatayo sa harap ng sarili nitong silid at nakatingin sa kaniya.
"Hindi ko rin alam kung paano," sagot ni Gabby na hindi rin maialis ang pagkakatitig sa guwapong mukha ng binata. Ilang oras sila magkasama kanina pero ngayon lang siya nagkaroon ng pagkakataong matingnan ito ng direkta. May init na humaplos sa puso niya kasi na miss niya talaga ito. "At least ngayon hindi mo na ako puwede iwasan," hindi niya napigilang sabihin.
Natigilan si Jaime at nakita niyang humigpit ang hawak nito sa doorknob. "Hindi ka na ba engaged ngayon?" mahinang tanong nito.
Kumirot ang puso ni Gabby at may bumikig sa kanyang lalamunan. Nakita yata nito sa mukha niya ang sakit na naramdaman niya kasi nagmukha itong guilty. Bumuga ito ng hangin at marahas na sinuklay ng mga daliri ang buhok. "I'm sorry. Hindi ko dapat sinabi 'yon. It has an intention to hurt and you didn't deserve that."
Umiling si Gabby, pumihit paharap sa binata at sumandal patagilid sa nakasarang pinto ng kanyang silid. "Naiintindihan kita. Kung hindi ako ang nasa sitwasyon ko at narinig ko ang paliwanag na sinabi ko sa 'yo, baka katulad mo ang naging reaksiyon ko."
Umiling si Jaime, parang hindi na naman alam ang sasabihin. Nang dumeretso ito ng tayo at bumuntong hininga narealize niya na balak na nitong pumasok sa sariling kuwarto. Nataranta si Gabby kasi gusto pa niya ito makausap. Gusto pa niyang magbakasakaling maibalik ang closeness nila noong nasa Marikina sila. Kaya nilakasan na niya ang loob. "Sa concert bukas ng gabi pa natin uli makakasama sina Betty at Jaja. Anong plano mo maghapon bago ang concert?"
"Bakit?" tanong nito sa mahinang tinig.
"Para kung wala kang plano puwede tayong dalawa na mag-ikot? Sabi mo first time mo sa Japan 'di ba? Galing na ako dito early this year kaya puwede mo ako maging tour guide," alok ni Gabby sa magaan na tono kahit sa totoo lang ang bilis ng kabog ng dibdib niya.
Hindi agad sumagot si Jaime. Tinitigan lang siya nito, matagal at puno ng intensidad. Kinabahan siya kasi halata sa facial expression nito na plano siya nitong tanggihan kahit mukhang gusto rin naman nitong makasama siya.
Kinagat ni Gabby ang ibabang labi, hinanda ang sarili sa paparating na heartbreak. Kaya nagulat siya ng dumeretso ng tayo si Jaime, pumihit paharap sa kaniya at sumagot nang, "Okay."
Napakurap siya. "Okay?"
Tumango ang binata. "Mas weird at awkward na magkakilala tayo, magkalapit pa ang room tapos hiwalay tayo mag-iikot. So let's do it together."
Alam nilang pareho na palusot lang nito iyon para magsama sila bukas. May init na humaplos sa puso ni Gabby at hindi napigilang mapangiti ng matamis. "Okay. See you tomorrow."
Napatitig sa mukha niya si Jaime at para bang wala sa sariling napahakbang palapit sa kaniya. Nahigit niya ang hininga kasi parang umangat sa lalamunan niya ang puso niya. Bigla naman itong napahinto at napakurap na para bang noon lang nito narealize kung ano ang ginagawa. Tumikhim ito at humakbang paatras. "Sige. Good night."
"Good night," sagot ni Gabby sa halos pabulong na tinig. Hindi pa rin nakakarecover sa paglapit nito sa kaniya.
Tumango si Jaime at itinuro ang pinto ng silid niya. "Mauna ka na pumasok. I will watch over you."
Na-touch siya kasi kahit may ilangan sila ngayon ay lumalabas pa rin ang natural na kabaitan nito. Masuyong napangiti si Gabby. "Salamat Jaime. Bukas na lang ulit." Pagkatapos saka lang niya binuksan ang pinto at pumasok sa sarili niyang silid. Hindi siya agad lumayo sa pinto at sumandal lang doon. Pinakiramdaman niya kung binuksan na rin ni Jaime ang sariling kuwarto. Sumikdo ang puso niya nang marinig ang mga yabag nito... papalapit sa room niya?
Huminto siya sa paghinga nang tumigil ang mga yabag sa mismong tapat ng pinto niya. At dahil nakasandal si Gabby doon kaya naramdaman niyang may kung anong lumapat sa kabilang side. Inilapat ba nito ang kamay sa pinto? She felt and heard a quiet thump against the door. Parang may lumamutak sa puso niya nang makinita si Jaime na nakatayo sa labas, marahang inuuntog ang noo sa pinto niya. Frustrated din ba ito na sobrang awkward nang naging pag-uusap nila? Posible bang katulad niya, gusto rin nitong bumalik sila sa dati?
Mahabang sandali ang lumipas bago niya marinig ang malalim na buntong hininga sa kabilang side ng pinto. Sinundan iyon ng papalayong mga yabag ni Jaime. Pagkatapos may bumukas at sumarang pinto.
Biglang nawalan ng lakas ang mga tuhod ni Gabby at napadausdos paupo sa sahig. Sobrang bilis ng tibok ng puso niya to the point na ang sakit sakit na. Humapdi at namasa din ang mga mata niya kahit wala namang nakakaiyak sa sitwasyon.
Ilang segundo ang lumipas bago niya narealize kung bakit ganoon ang reaksiyon niya sa palihim na paglapit ni Jaime sa kanyang silid. Mas malalim kaysa akala niya ang nararamdaman niya para sa binata. At siguradong bago siya bumalik ng Maynila ay lalo pa iyong lalalim.

BINABASA MO ANG
THE SOCIAL ICON
Romance(sequel to THE LATE BLOOMER and THE ASSISTANT) Isang taon ang nakararaan nagkaroon ng one night encounter sina Gabby Roman at Jaime Diamante. Pareho silang heartbroken noon at may nagawang sigurado si Gabby na pareho nilang pinagsisisihan. Kaya sob...