BASE sa nanunudyong tingin at ngiti nina Betty at Jaja nang makipagkita sina Gabby at Jaime sa mga ito, nahalata ng mga ito na may nabago sa pagitan nila ng binata. Pero nakahinga siya ng maluwag na hindi direktang nagtanong ang mga ito. Katulad kasi nila ni Jaime ay masyado nang excited ang dalawa para sa concert ng Ikon.
Nang nakapila na sila para pumasok sa loob ng venue ay nanginginig na talaga ang mga kamay ni Gabby at pakiramdam niya mahuhulog na sa sahig ang puso niya. Ganoon siya ka-tense at excited na mapanood uli ang paborito niyang kpop band. Ang weird lang kasi noong college siya at kahit noong nasa Paris siya palagi naman siya nanonood ng concerts pero iba ang epekto sa kaniya ng Ikon. Ang feelings niya para sa idol group, mga seventy percent ng feelings niya para kay Jaime. And that is saying a lot, given that she loves Jaime too much even if he doesn't know it yet.
Bigla nagkaingay sa labas ng venue, nagtilian ang lahat at may mga nagtatalon pa. Humaba ang leeg ni Gabby, nagpalinga-linga habang nakahawak sa kanyang dibdib. "Anong nangyayari?"
"Binuksan na yata ang gates. Makakapasok na tayo," sabi ni Jaime na nakatayo sa likuran niya at yumuko pa yata para sabihin iyon kasi tumama ang mainit nitong hininga sa tainga niya. Napasinghap si Gabby at lalo lang bumilis ang tibok ng puso, sa pagkakataong iyon dahil na kay Jaime. Mukhang naramdaman nito ang tension niya kasi lumapat ang mga kamay nito sa magkabilang balikat niya at magaan siyang minasahe.
"Relax ka lang. Hindi pa nagsisimula ang concert, baka himatayin ka na," sabi nito sa amused na tono.
Kaso lalo lang siya na-tense sa ginagawa nito. Mas matindi pa nga kaysa kanina kasi ngayon naging hypersensitive na ang buong katawan niya dahil sa marahang pagpisil-pisil nito sa mga balikat niya.
"Kalmado ka na?" tanong ni Jaime, sa bandang batok naman niya ngayon tumama ang mainit nitong hininga. Kinagat niya ang ibabang labi at tumango na lang. Feeling kasi niya kapag sinubukan niya magsalita, ungol ang lalabas sa bibig niya.
Mabuti na lang gumagalaw na ang pila kaya tumigil na ito sa pagmamasahe sa kaniya. Iyon nga lang hindi na nito inalis ang mga kamay sa mga balikat niya kaya sa bawat hakbang nila pasulong ay nagdidikit ang mga katawan nila. Masarap na nakakanerbiyos sa pakiramdam. Malapit na sila sa pinaka-gate papasok sa venue nang hindi makatiis si Gabby. Patingala niyang nilingon si Jaime para tingnan ang facial expression nito. Gusto niyang makita kung affected din ba ito ng nearness nila na katulad niya?
Parang may lumamutak sa sikmura niya nang yumuko ito at tingnan din siya. Ngumiti ito at may nakita siyang warmth sa mga mata nito. "Bakit?" tanong nito. Kahit ang boses nito mainit at masuyo. Napahinga siya ng malalim, umiling at kumilos para magkaagapay na sila sa paglalakad sa halip na nasa harapan siya nito. Umangat ang mga kilay nito at halatang magtatanong pero hindi natuloy kasi kumapit na siya sa isang braso nito at mahigpit iyong niyakap.
"Malamig," palusot ni Gabby. Totoo naman iyon. Malamig maghapon pero higit na bumaba ang temperatura nang dumilim na sa Tokyo.
Sandaling natigilan si Jaime at napatitig lang sa kaniya. Pagkatapos naramdaman niyang narelax ang katawan nito. Umangat pa ang isang kamay nito at hinaplos ang buhok niya. "Konti na lang makakapasok na tayo sa loob. Hang in there."
Humigpit ang yakap niya sa braso nito at lalo pang sumiksik sa katawan nito. Alam niya nagiging shameless siya pero wala siyang pakielam. Masyadong overwhelmed ng maraming emosyon si Gabby na wala siyang ibang gustong gawin kung hindi ang isiksik ang sarili kay Jaime. Ni hindi niya alam na may pagka clingy at touchy pala siya. Isa sa reklamo ng ex-boyfriends niya dati ay hindi raw siya malambing. Ni ayaw niya ng pda kahit usong-uso iyon sa Paris. Kahit noong fiacee na niya si Gray, hanggang holding hands lang sila kapag may ibang tao at bihira siya magkusang yumakap o humalik dito. Hindi niya tuloy alam kung tumanda na lang ba siya at nawala na ang hiya sa katawan o talagang ibang level lang talaga ang love niya para kay Jaime. O puwede ring pareho.
"Gabriela, ang ticket mo?"
Napakurap siya at saka lang narealize na nasa harap na pala sila ng staff na kumukuha sa tickets at nag iinspeksyon ng bag. Bumitaw siya sa braso ni Jaime at inabot ang ticket niya. Ganoon din ang ginawa ng binata.
Napakapit na naman siya sa braso ni Jaime makalipas ang ilang minuto, nang makapasok na sila sa loob ng stadium at papunta na sa seat numbers nila. Napahinga siya ng malalim kasi kumakabog na naman sa excitement ang puso niya habang iginagala ang tingin sa libo-libong taong unti-unti nang pumupuno sa stadium. Huminto ang tingin niya sa malaking main stage, stage extentions na mas malapit sa audience, at sa giant LCD screens.
"This is it," sabi ni Gabby sabay pisil sa braso ni Jaime.
Tumawa ito at ginagap ang kamay niya. "Tara na. Kanina pa kumakaway sa atin sina Betty at Jaja," sagot ng binata at hinila na siya papunta sa seats nila. Bago kasi ang actual selling ng tickets para sa concert ay bumuo na silang apat ng group chat at nagdesisyong isa lang dapat ang bibili para magkakatabi sila. Iyon nga lang ang bilis nagkaubusan kaya ang magkatabi lang ngayon ay ang dalawang babae. Nahiwalay sila ni Jaime na nakapuwesto isang row sa itaas ng mga ito. Puwede na rin kasi magkalapit pa rin silang apat.
Mayamaya pa nagsimula na ang concert. Sa unang bagsak pa lang ng beat nagtitili na si Gabby at iwinasiwas ang hawak na cheering lightstick. Kahit si Jaime at lahat ng taong naroon, ganoon din ang ginawa. Mula sa sandaling iyon hanggang sa sumunod na mga oras nafocus lang siya sa concert. Nakikanta, tumili, tumawa at tumalon-talon pa kapag pinapatayo ng Ikon ang audience para maki-party.
Sobrang saya ni Gabby. Nang magkaroon ng intermission at nagpalabas ng video habang nasa backstage ang grupo ay ngiting ngiti siyang pumihit paharap kay Jaime. Nakatitig pala ito sa kaniya at ngiting ngiti rin. "This is so fun," komento niya rito.
Tumango ang binata, tumawa at hinawi ang buhok niyang dumikit na sa pawisan niyang noo. Pagkatapos pinahid nito ang pawis niya gamit ang likod ng kamay nito. "Tama ka. This is really fun. Bago matapos ang concert paos na tayo pareho pero worth it naman, di ba?" nakangiti pa ring sagot nito.
Tumawa si Gabby at sunod-sunod na tumango. "I'm really glad I got to experience this with you. Seriously, everything feels so special because I am with you."
Napatitig sa kaniya si Jaime, ang kamay nitong pumahid sa pawis niya at humawi sa buhok niya ay marahang lumapat sa bandang batok niya. Patapos na ang VCR na pinapalabas at papadilim na ang paligid nang biglang tinawid ng binata ang pagitan ng kanilang mga mukha. Sumikdo ang puso ni Gabby at napasinghap na umawang ang bibig. Nang tuluyang dumilim sa buong stadium mariin nang magkalapat ang kanilang mga labi.
Kumalat ang masarap na kilabot sa buong katawan ni Gabby at parang lumobo ang kanyang puso nang maramdaman niya ang intensidad ng emosyon ni Jaime dahil sa halik na iyon. Napapikit siya, umangat ang mga braso at pumaikot sa batok nito. Pagkatapos gumanti siya ng halik hanggang lumalim iyon. Wala pa yatang isang minutong magkalapat ang mga labi nila pero pakiramdam niya eternity ang lumipas bago natapos ang halik dahil lumiwanag na ang stage at naghiyawan na uli ang mga tao sa stadium.
Sandaling nagkatitigan sila ni Jaime na ngumiti at pinahid ang gilid ng kanyang mga labi. Tumugtog ang pamilyar at masiglang awitin ng Ikon na sinabayan ng malakas at nakakabinging hiyawan ng audience kaya nang bumuka ang bibig ng binata at may sinabi ay hindi niya iyon narinig. Pero nabasa niya ang galaw ng mga labi nito at pakiramdam niya sasabog ang puso niya sa labis na emosyon. Kasi kung tama siya ng pagkakaintindi ang sinabi nito ay... I love you.
BINABASA MO ANG
THE SOCIAL ICON
Romance(sequel to THE LATE BLOOMER and THE ASSISTANT) Isang taon ang nakararaan nagkaroon ng one night encounter sina Gabby Roman at Jaime Diamante. Pareho silang heartbroken noon at may nagawang sigurado si Gabby na pareho nilang pinagsisisihan. Kaya sob...