Part 35

5K 225 5
                                        


BAGO PA tumama ang suntok ng kanyang ama ay humahangos na dumating na si Dominic. Nakalapit ito agad at humarang sa harapan nila. "Tito, huwag naman ganiyan," hinihingal pero magaan ang tono na saway ng binata sa papa ni Gabby.

Huminto ang kanyang ama at halatang nagulat nang makita si Dominic. Pagkatapos matalim na tiningnan siya ng ama, alam na siya ang tumawag sa pinsan niya. Takot ang papa niya hindi mismo kay Dominic kung hindi sa tatay nitong matuturing na leader ng buong angkan ng mga Roman. May dahilan para mangilag ang kanyang ama kasi nakakatakot talaga ang tito niya na panganay na kapatid nito.

Itinaas niya ang noo at pilit sinalubong ng tingin ang nanlilisik pa rin nitong mga mata kahit sa totoo lang gusto na niya mag collapse at umiyak. Alam niya noon pa na hindi sila normal na pamilya. Pero ngayon alam niyang totoo na talaga ang pagkasira nila. Hindi siya papayag na magbago ang isip ng mama niya tungkol sa annulment.

"Palamig ka muna ng ulo, tito," patuloy ni Dominic na parang nang-aalo ng mabangis na hayop.

Ilang segundong hindi tuminag ang papa ni Gabby bago ito kumilos at lumabas ng pinto. Narinig niyang may naapakan itong mga basag na gamit sa labas pero hindi ito tumigil sa paglalakad hanggang mawala na ito sa kanilang mga paningin.

Napasinghap si Gabby nang biglang dumausdos paupo sa sahig ang mama niya. Lumuhod siya sa tabi nito at parang nadudurog ang kanyang puso nang humagulgol ito. Niyakap niya ang ina, hindi alam ang sasabihin. Narealize na lang niya tumutulo na rin ang mga luha niya. Nag-angat siya ng tingin nang tumalungko sa tabi nila si Dominic.

"Naging bayolente ba siya?" mahinang tanong ng binata.

"I think so," paos na sagot ni Gabby at niyuko ang ina.

Napahugot ng malalim na hininga ang pinsan niya. "Tatawagan ko ang abogado namin para makapag file tayo ng restraining order. Kung naging bayolente siya ngayon, imposibleng hindi niya iyon ulit gawin."

Tumango si Gabby kahit na parang nilamutak ang sikmura niya sa isiping kakailanganin talaga nilang umabot sa ganoon.

"Is that okay with you tita?" tanong ni Dominic sa kanyang ina.

Saglit na naisip ni Gabby na tatanggi ito at sasabihing nakakahiya sa mga tao. Pero tumingala ang mama niya at kahit umiiyak pa rin ay determinadong nagsalita, "Yes. And I will also call my lawyer to file for an annulment."

"Sigurado ka na talaga mama, ha? Hindi mo iyan sinasabi dahil lang galit ka ngayon. Please sabihin mo po sa akin na hindi magbabago ang isip mo kapag kalmado ka na," pakiusap ni Gabby.

Pinahid ng kanyang ina ang mga luha at hinarap siya. "Hindi magbabago ang isip ko. Matagal ko na siyang planong hiwalayan. Knowing your father he will make our annulment as messy as possible just to spite me. At pati ikaw madadamay sa gulo namin. Mapag-uusapan ka rin at lalong i-bu-bully ng mga dati mong kaibigan. Nilalait at pinagtatawanan ka na nga nila dahil sa ex-fiancee mo. Madadagdagan na naman sila ng rason para pagkaisahan ka."

Uminit ang mukha ni Gabby pero nanlamig ang buong katawan sa pagkapahiya nang matigilan si Dominic at mapatitig sa kaniya. "They are doing that to you?" mahinang tanong nito.

Hindi siya kumibo pero alam niyang sapat na iyong sagot para sa pinsan niya kasi mahina itong nagmura at lumingon sa pinto. Nagpatuloy sa pagsasalita ang mama niya at humarap pang lalo kay Gabby. Lumapat ang mga nanginginig nitong kamay sa magkabilang pisngi niya. May desperasyon sa mga mata.

"Kaya nga minamadali ko matuloy ang engagement at kasal ninyo ni Dean. Kasi mapoprotektahan ka ng pamilya nila kapag nalaman na ng lahat ang tungkol sa annulment namin. Kapag parte ka na ng pamilya McKinley, magdadalawang isip na silang siraan at pagtawanan ka. Irerespeto ka nila, Gabby."

THE SOCIAL ICONTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon