Part 13

5K 222 6
                                    


SA ISANG for-rent condominium unit sa Marikina nag staycation si Gabby. Dahil sinabi niya sa ina na nag out of town siya, siguradong hindi nito maiisip na nasa malapit lang talaga siya. Malapit na mag alas dose ng madaling araw nang makarating siya. At dahil emotionally drained na rin siya ay nakatulog siya agad.

Hindi siya nag set ng alarm pero alas singko ng umaga gising na siya. Hinawi niya ang kurtina sa bintana at nagkaroon ng ideya nang marealize na tanaw sa condo na iyon ang Marikina Sports Complex. Hindi na siya nakakapag work out lately kaya mag ja-jogging siya ngayong umaga.

Thirty minutes lang nakarating na siya sa running track suot ang kanyang jogging outfit. Medyo nagulat si Gabby na makitang marami-rami na ang tao doon. Karamihan grupo-grupo at kahit hindi pa sumisikat ng tuluyan ang araw ay maririnig na ang tawanan at masayang usapan. Matagal na nanatili lang tuloy na nakatayo sa may entrada si Gabby kasi may kumutkot na inggit sa dibdib. Lampas isang taon na siyang hindi bahagi ng kahit anong grupo. Mayroon siyang acquaintances. Mga katulad niyang social influencer at blogger na palagi niya nakakasama sa events. Pero hindi rin niya matatawag na mga kaibigan ang mga ito.

"Excuse me."

Napaderetso ng tayo si Gabby at nahigit ang hininga nang marinig ang boses na iyon ng isang lalaki. Pagkatapos naramdaman niya ang pamilyar na presensiya sa bandang likuran niya. Sumikdo ang puso niya at lumingon. Namilog ang mga mata niya at nahigit ang hininga. "Jaime?"

Halatang nagulat din ang binata at napatitig sa mukha niya. "Gabriela? Anong ginagawa mo rito?"

Hindi nakasagot si Gabby kasi busy siya sa pagtitig kay Jaime. Five days niya itong hindi nakita at ngayong nasa harapan na niya ito lalo niya narealize na na-miss niya ito. Mukhang nagpagupit ito kasi mas maiksi at malinis tingnan ang buhok nito ngayon kaysa last week.

Dryfit shirt ang suot nito na humahakab sa maganda nitong pangangatawan. She was tempted to touch his chest, just to remind herself how those hard muscles felt against her skin. Uminit ang mga pisngi niya pero hindi tumigil sa pagbaba ang tingin niya hanggang sa suot nitong running shorts kung saan nagtagal ang titig niya. Nanuyo ang lalamunan niya at wala iyong kinalaman sa malamig na hanging humahampas sa kanila.

Bigla kumalat ang nakakakiliting kilabot sa buong katawan niya nang lumapat sa baba niya ang isang kamay ni Jaime at maingat na inangat ang kanyang mukha. Nagtagpo ang kanilang mga paningin. "Hindi mo na sinagot ang tanong ko," sabi ng binata sa tono na lalo lang nagpatindi sa kuryenteng gumagapang sa mga ugat niya. "Alam ko na hindi ka nakatira dito sa Marikina o sa kalapit na mga lugar. Bakit nandito ka sa amin?"

Kumurap si Gabby at saka lang talaga nag sink in sa isip ang mga tanong ni Jaime. "Naka-staycation ako sa malapit na condo dito. Taga rito ka?"

"Oo," sagot ng binata na naging matiim ang titig sa mukha niya. "Staycation? With friends?"

"I don't have friends," nasabi ni Gabby bago pa niya na-filter ang mga salitang lumabas sa kanyang bibig. Nakita niyang natigilan si Jaime. Uminit ang mukha niya kaya napatikhim siya. "I mean, wala akong kasama. Ako lang mag-isa."

"Pero totoong wala kang friends?"

Hindi nakasagot si Gabby. Pinisil ni Jaime ang baba niya at parang magtatanong pa uli pero pareho silang napalingon nang may malakas na tumikhim sa likuran nito.

"Sir, ma'am, huwag ho kayo sa daanan," sabi ng guwardiya na may nanunudyong ngisi sa mukha. Pagkatapos sa bandang likuran ng guard may ilang senior citizen na naka-jogging outfit at nakatingin sa kanila.

"Pasensiya na ho sa abala," sabi ni Jaime. Inalis nito ang kamay sa baba niya at hinawakan naman ang lower arm niya. Pagkatapos maingat na siya nitong hinila para tuluyang makapunta sa running track. "Let's go for a jog," sabi nito bago binitawan ang braso niya.

Napakurap si Gabby at nagtatakang tiningnan ang guwapong mukha ni Jaime. Akala kasi niya ipu-push na naman nito na sagutin niya ang tanong nito bago sila sinaway ng guwardiya.

Mukhang napansin nito ang pagtataka sa mukha niya kasi nagsalita ito, "Sandali lang sisikat na ang araw at magiging masyado nang mainit para mag jogging. Come on." Pagkatapos nagsimula na ito mag stretching.

Oh wow. Oh my. Napalunok si Gabby at hindi napigilan titigan ang pag flex ng muscles nito sa bawat stretching routine na ginagawa nito. Hindi malaki ang katawan nito na katulad ng mga lalaking nagbubuhat talaga ng mabibigat na weights sa gym. Jaime has an athlete's physique; lean and hard. Lalo na ang mga braso at binti. Halata na aktibo ito sa outdoor physical activities.

Patuloy niyang pinagmasdan ang bawat flex ng muscles ng binata habang wala sa loob na nag iistretching din. Sa gilid ng kanyang mga mata nakikita niyang nakatingin din kay Jaime ang mga babaeng nasa malapit. Like her, they are all obviously checking him out.

Napakurap lang si Gabby nang matapos ito at dumeretso ng tayo. Kumunot ang noo nito habang nakatingin sa kaniya. "Mai-injure ka kung ganiyan ka mag stretching. Don't underestimate jogging," saway ng binata sa kaniya.

Sumikdo ang puso niya nang humakbang ito palapit sa kaniya at maingat na hinawakan ang magkabilang braso niya. "Ganito ang tamang stretching. Tuturuan kita."

Napalunok si Gabby at napatitig sa mukha ni Jaime habang ipinupuwesto nito ang mga braso niya sa tamang posisyon. Bigla hindi na niya kailangan mag warm up kasi ang bilis nan g tibok ng puso niya. Sa unang mga sandali sinubukan niya gawin lahat ng tinuturo nito. Kaso hindi talaga niya kaya mag concentrate kasi affected siya ng bawat hawak nito sa kaniya.

Mayamaya bumuntong hininga si Jaime, hinawakan siya sa magkabilang balikat at pinagtama ang kanilang mga paningin. "Gabriela, sisikat na ang araw. Focus please?"

Napatitig siya sa mukha nito at hindi napigilang sabihin, "How can you be so unaffected?"

Halatang nagulat ito sa tanong niya kasi napakurap-kurap ito at hindi nakapagsalita. Tipid na ngumiti si Gabby at marahang umiling. "Never mind." Humakbang siya paatras hanggang tuluyan na siya nitong nabitawan. "Okay na ang warm up na 'yon. Thank you for helping me." Pagkatapos nauna na siya mag jogging.

Ilang segundo lang nakaagapay na sa kaniya si Jaime pero wala nang nagsalita pa sa kanila. It was not a comfortable silence though. Nararamdaman niya ang tensiyon sa katawan ng binata na walang kinalaman sa pagod dahil sa ilang ikot nila sa track. Na-guilty si Gabby kasi siya ang dahilan kaya nagkakaganoon si Jaime. Sigurado nailang ito sa tanong niya. Stupid Gabriela. Hindi ka na ang campus queen na kinahuhumalingan ng lahat noong college ka. Gising, girl. Lipas na ang hype ng sex appeal mo.

Sa totoo lang, habang tumatagal bumababa ang self-esteem ni Gabby. Maganda naman ang mukha at katawan na nakikita niya kapag nasa harap siya ng salamin. Photogenic at telegenic naman siya kapag tinitingnan niya ang vlog niya at posts niya sa social media. Libo-libo pa nga ang nag la-like at comment sa mga iyon. Pero sa tunay na buhay niya, pakiramdam niya wala na ibang nakaka-appreciate sa kaniya kung hindi sarili na lang niya. Pati nga iyon malapit na rin mabawasan dahil sa arranged marriage na pinaplano ng parents niya para sa kaniya.

Dahil gustong alisin ni Gabby sa isip ang mga negative thought na iyon ay naging takbo ang jog niya. Tumakbo siya ng tumakbo, bumabagal lang kapag naninigas na ang mga binti niya at kinakapos ng hangin. Nararamdaman niya na umaagapay sa kaniya si Jaime kahit gaano pa kabilis at kabagal ang takbo niya pero hindi niya ito nililingon. Mayamaya naramdaman niya ang kamay nito sa braso niya at pinahinto siya.

"Tama na. Take a break."

Napahugot ng hangin si Gabby nang hilahin siya ng binata palayo sa running track at pinaupo sa isa sa mga nakahilerang stone bench sa pinakagilid. Nang makaupo siya saka lang niya lalo naramdaman ang pamimintig ng mga binti niya at ang kirot sa dibdib niya dahil sa sobrang hingal.

Nakatayo sa harapan niya si Jaime, nakapamaywang at ilang beses din huminga ng malalim bago nagsalita, "What made you think I am not affected?"

THE SOCIAL ICONTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon