Part 21

4.7K 191 3
                                        


"KAMUSTA ang date ninyo ni Dean? Mas naging close ba kayo? Magkausap kami ng mommy niya at excited na rin siya para sa inyong dalawa," bungad ng mama ni Gabby pagdating niya sa bahay nila.

Sobrang aliwalas ng mukha nito at halatang bilib na bilib sa sarili dahil nakahanap ito ng ipapareha sa kaniya. Balak sana niya ito komprontahin at pakiusapan na huwag na ituloy ang kasalan na pinaplano nito. Pero nawala ang galit at pagrerebelde niya nang makita ang facial expression nito. Lampas isang dekada na yata mula nang huli niya itong makita na ganoon kasaya.

Bumuntong hininga na lang si Gabby at pinilit ngumiti nang nasa tapat na sila ng kuwarto niya. "Mama, bukas na lang tayo mag-usap ha? I'm tired."

"Oh. Okay. Rest well, sweetie." Niyakap pa siya nito at hinalikan sa magkabilang pisngi. Nakangiti pa rin ito hanggang makapasok siya sa kuwarto niya at maisara ang pinto.

Huminga ng malalim si Gabby nang mapag-isa. Lumapit siya sa kama, hinablot ang headphone niya na nakapatong sa bedside table at isinaksak sa cellphone niya. She played her Ikon playlist in full volume. The energetic and fast beat began to overcome her whole being. Nakakabingi at nakakamanhid.

Sumampa siya sa kama, sumandal sa headboard at niyakap ang mga binti. Isinubsob niya ang mukha sa kanyang mga tuhod at pumikit. Sa sandaling iyon hinayaan niya ang sariling maramdaman lahat ng emosyon na pinigilan niya maghapon. Hinayaan niya sumakit ang puso niya at sa isang iglap lang, tumutulo na ang mga luha niya at humahagulgol na siya. Umiyak siya ng umiyak. Hindi niya alam kung gaano katagal siyang ganoon. Basta alam niya unti-unti siya dumausdos pahiga sa kama at parang batang namaluktot.

Tama si Dean nang sabihin nitong sa social circle nila, importante na maganda ang mukha na pinapakita mo sa lahat kaya uso din ang plastikan. Iyon mismo ang dahilan kaya kahit alam ng mga tao na babaero ang tatay niya ay umaattend pa rin ng parties ang parents niya na para bang in love talaga ang mga ito sa isa't isa. Iyon din ang dahilan kaya kahit kung anu-anong binabato sa kaniya ng mga dati ay kaibigan niya, hindi siya nagpapakita ng kahinaan o kahit isang patak lang ng luha sa harap ng mga tao. Ibang kaso nga lang kapag mag-isa lang siya sa kuwarto niya.

Umiiyak pa rin siya at nagpapakalunod sa mga kanta ng Ikon nang mag vibrate ang cellphone niya. Humihikbing tiningnan niya ang screen at lalo lang naiyak nang makitang si Jaime ang nag send ng message. Kinakamusta kung nakauwi ba raw siya ng maayos at kung nakapag bonding ba sila ng mama niya.

Hindi niya magawang replyan ang binata pagkatapos ng mga nangyari sa araw na iyon. Pakiramdam niya isang magandang panaginip lang ang nangyari sa kanilang dalawa habang nasa Marikina siya. At ngayon nagising na siya at kailangan tanggapin ang reyalidad na hindi niya matatakasan ang kasal na gusto mangyari ng mama niya at ni Dean McKinley. It is going to be unfair to lead Jaime on when she knew she will have to marry someone else.

Pero nang biglang tumawag si Jaime parang may lumamutak sa puso ni Gabby. Kasi ang totoo gusto niya marinig ang boses nito. Gusto niya itong makausap. Gusto niyang maramdaman na may taong tinuturing siyang espesyal at importante. Kaya pagkatapos i-off ang music player ng cellphone at pahirin ang mga luha ay sinagot niya ang tawag ni Jaime.

"Gabriela," bati nito sa kaniya, halata ang relief sa boses. Siguro kasi ang tagal niya sumagot. "Naistorbo ba kita? Gusto ko lang i-check kung nakauwi ka ng maayos."

May init na humagod sa puso niya at unti-unti siya kumalma dahil sa boses ni Jaime. Pinahid niya ang basang mga pisngi at tipid na ngumiti. "Hindi mo ako naistorbo. I love that you called. Thank you," mahinang sagot niya.

Ilang segundong natahimik ang binata sa kabilang linya bago nagsalita, "You don't sound okay. May problema ba?"

May bumikig sa lalamunan ni Gabby at namasa na naman ang kanyang mga mata. Gusto niya sabihin dito ang lahat pero alam din niya na hindi tamang sa cellphone nila iyon pag-usapan. Kaya pasimple siyang huminga ng malalim at pilit pinasigla ang boses. "I'm fine. Na mi-miss lang kita. Kapag nagkita tayo uli, marami akong sasabihin sa 'yo."

"Gusto na rin kita makita agad," pabuntong hiningang sagot ni Jaime. "Kailangan ko na uli bumiyahe pabalik ng Bataan bukas ng madaling araw. Sa sabado pa uli ako makakaluwas."

Kumirot ang puso ni Gabby. "Ang tagal pa," bulong niya.

"Oo nga eh. Ang weird kasi dati nabibilisan lang ako sa mga araw kapag nagtatrabaho ako. Pero ngayon pakiramdam ko ang tagal ng limang araw."

May luhang namuo na naman sa gilid ng mga mata ni Gabby. Sa pagkakataong iyon tunay na ang ngiting sumilay sa mga labi niya. "I'm so glad I got closer to you, Jaime."

Nahihiyang tumawa ito. "Same here. Sige na matulog ka na. Good night, Gabriela."

"Good night Jaime."

Mahabang sandali na hinintay niyang tapusin nito ang tawag. Pero naririnig pa niya ang hininga nito sa kabilang linya. Mayamaya sabay silang natawa nang mahina. "Good night na talaga," sabi ni Gabby.

"Okay. Good night."

Napangiti siya kasi mukhang wala pa rin itong balak magtapos ng tawag. Kaya pagkatapos niya uli mag paalam ay siya na ang pumindot ng end call button. Napaigtad siya nang mag vibrate ang cellphone niya. May pinadalang text message si Jaime.

Sleep and I hope you don't dream of anything. Para mapahinga ka talaga ng maayos. 'Night.

May isang patak ng luha ang tumulo sa pisngi ni Gabby pero napangiti rin siya. Huminga siya ng malalim, kinipkip sa dibdib niya ang cellphone at pumikit. Sa pagkakataong iyon hindi na niya kinailangan ng malakas na tugtog. Sapat na si Jaime para kumalma ang puso at isip niya. Wala pa rin siyang takas sa kasalukuyang sitwasyon niya pero at least sa gabing iyon ay maayos siyang nakatulog.

Hindi nagkatotoo ang wish ni Jaime na sana raw hindi siya managinip. Pero okay lang din. Kasi ito ang napanaginipan niya. Masaya raw sila, magkahawak ang kamay at nakatitig siya sa guwapo nitong mukha. Ang ganda-ganda ng ngiti nito habang nakayuko rin sa kaniya. Hindi niya alam kung nasaan sila pero sigurado siya wala sila sa Pilipinas kasi napapalibutan sila ng foreigners. Sa panaginip niya, masaya at payapa ang puso niya.

THE SOCIAL ICONTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon