Part 5

5.9K 230 7
                                    


Hindi nakapagsalita si Gabby at napatitig lang sa mukha ni Jaime. Sa totoo lang naintindihan niya ang point nito. Wala rin siyang nararamdamang connection para sa isang tao maliban na lang kung nagkita sila ng personal at nagkausap. Maraming nuances at mannerisms ang mga tao na hindi makikita sa chat lang.

"Ikaw ba sinubukan mo mag online dating?" tanong ni Jaime.

"I did. Pero matagal na iyon at hindi ko rin na enjoy. Noong nasa Paris pa ako 'non."

"Hmm." Marahang tumango si Jaime.

Napatitig siya sa mukha nito. "Alam mong galing akong Paris?" Hindi niya natatandaang nabanggit niya iyon sa binata noon.

"Nakuwento sa akin ni Arci. Sa daldal niya wala siyang tinatago sa akin. Kahit nga tungkol sa lahat ng mga kaopisina niya, sinasabi niya sa akin."

Natigilan si Gabby. "Ganoon pa rin siya sa 'yo ngayon kahit may boyfriend na siya?"

Biglang nahinto sa akmang pagsubo si Jaime at napatingin sa mukha niya. Na-tense siya nang makitang sumeryoso ito at nagmukha na namang parang galit. "Dahil ba may boyfriend na siya kailangan na rin maputol ang pagiging matalik naming magkaibigan? We've been friends since high school at pamilya ang turing ng pamilya ko sa kaniya at ganoon din ang turing sa akin ng pamilya niya."

Hindi nakasagot si Gabby kasi na-caught off guard siya sa naging reaksyon ni Jaime sa tanong niya. Obvious na triggered ito kapag tungkol sa bestfriend nito ang usapan. Maybe he still loves her. Kasi more than one year ago nalaman niya na matagal na pala itong may gusto sa matalik nitong kaibigan na si Arci. By the time na magdesisyon itong mag confess at ayain magpakasal ang babae, in love na ito sa iba.

"Bakit? Sa tingin mo ba hindi okay kay Gray Delan ang relasyon namin ni Arci?" nakakunot pa rin ang noo na tanong ni Jaime. Parang ready na manugod at mang-away.

"Malay ko. Lampas isang taon na kaming hindi nag-uusap," sagot ni Gabby. Iniwas niya ang tingin sa binata at inabala ang sarili sa pagkain ng grilled pork belly. Wala siyang balak pahabain ang usapan tungkol sa ex-fiancee niya na boyfriend na ngayon ng bestfriend ni Jaime. Mas lalong ayaw niya alalahanin na pinahiya niya ng husto ang sarili niya noong huli sila nagkita ni Gray. Hindi lang sa harap ng ex niya kung hindi pati na kay Jaime.

Ilang minutong natahimik sila pareho, inuubos ang natitirang pagkain sa lamesa nila. Mayamaya ang binata ang bumasag sa katahimikan. "Kung may lingering feelings ka pa rin kay Gray, I hope mawala na 'yan. Para sa peace of mind mo. Kasi nagpaplano na sila magpakasal."

Natigilan si Gabby at napatingin kay Jaime. "Ikaw yata ang may lingering feelings pa sa bestfriend mo," sabi niya bago pa napigilan ang sarili.

Na-tense ang binata, dumeretso ng upo at naging matiim ang titig sa kanyang mga mata. "Let's drop this subject, okay?"

"Bakit naman?" nakataas ang kilay na tanong niya.

"Natatandaan mo ba kung ano ang nangyari nang una at huling beses na pinikon natin ang isa't isa, Gabriela?" mahina at seryosong tanong ni Jaime.

Napaderetso ng upo si Gabby at may humagod na kuryente mula sa anit niya hanggang sa talampakan niya. Dumaan sa isip niya ang mga eksenang nangyari more than one year ago. Noong napadpad sila sa isang madilim at masikip na sulok. Nakasandal siya sa pader habang nasa harapan niya ito, nakatukod ang mga braso sa magkabilang side niya. Parehong tumataas-baba ang mga dibdib nila dahil sa mabilis na paghinga. Parehong malapit na sumabog ang galit. Parehong inilapit ang mukha sa isa't isa –

Ipinilig ni Gabby ang ulo at wala sa loob na pinagdikit ng husto ang mga hita. Tumikhim siya at pilit inalis sa isip ang mga eksenang never niya aaminin na maraming beses niya binalikan kapag nakahiga na siya sa kama niya at hindi makatulog sa gabi.

"Fine. Bawal na sila pag-usapan," sabi niya sa tono na mas mataas kaysa dapat. "It's weird to talk about them anyway. Lalo ko lang nare-realize kung gaano ka-unusual ang koneksyon nating dalawa."

Bigla umangat ang gilid ng mga labi ni Jaime at kumislap ang amusement sa mga mata. Nagmukhang pilyo. "Oo nga. Unusual. But also interesting. Kung sa normal na pagkakataon tayo nagkakilala sigurado makakalimutan mo ako agad."

Imposibleng makalimutan kita agad kahit strangers lang tayong nagkasalubong ng isang beses. I actually like your face. Pero siyempre hindi niya iyon sinabi at nagkibit balikat na lang.

Fifteen minutes pa ang lumipas bago sila natapos kumain at nakapagbayad. Wala nang masyadong sasakyan sa parking space nang lumabas sila. Konti na lang din ang customers na naiwan sa restaurant. Alas dose na ng madaling araw at nabawasan na rin ang ingay sa paligid. Oras na para maghiwalay silang dalawa.

May disappointment na naramdaman si Gabby sa isiping iyon. Mabigat tuloy ang pakiramdam niya nang pumuwesto siya sa driver's seat ng kotse niya. Ibinaba niya ang glass window at tiningala si Jaime na nakatayo sa labas. Tumaas ang mga kilay nito nang magtama ang kanilang mga paningin. Pagkatapos itinukod nito ang braso sa bubong ng kotse niya at yumuko hanggang magpantay na ang kanilang mga mukha. Umangat ang gilid ng mga labi nito. "Yes? May gusto ka bang sabihin sa akin?"

Sumikdo ang puso ni Gabby, naapektuhan ng pilyong kislap sa mga mata nito. "Wala naman. Good night."

Mahinang natawa si Jaime, magaan na tinapik ang bubong ng kotse niya at tumango. "Okay. Good night. Ingat sa pagmamaneho." Pagkatapos dumeretso na uli ito ng tayo at humakbang paatras.

Tumikhim si Gabby at binuhay ang makina ng kanyang sasakyan. Sinulyapan niya uli si Jaime na nakatingin pa rin sa kaniya. Ngumiti ito at sinenyasan siyang umalis na. Gumanti siya ng tipid na ngiti bago tuluyang itinaas ang bintana at pinaandar na ang kotse.

Kahit nang makauwi na siya sa mansiyon nila sa Bel-Air na mas tahimik pa yata sa sementeryo, si Jaime pa rin ang nasa isip niya. Habang nag sha-shower siya, ang nasa isip niya ay kung nakauwi na ba ito o hindi pa. Habang nagbibihis siya at nag a-apply ng night routine beauty products sa mukha niya, pinapagalitan na ni Gabby ang sarili na hindi siya nagkalakas ng loob na hingin ang cellphone number nito. Nang nakahiga na siya sa kama, imbes na matulog inabala niya ang sarili sa paghahanap ng social media accounts ni Jaime. Mayroon lang itong facebook at instagram. Inaalikabok ang una dahil 2018 pa ang huli nitong update doon pero mas updated ang instagram nito.

"Active at adventurous pala siya," mahinang usal ni Gabby sa sarili habang tinitingnan ang pictures ni Jaime na kuha mula sa kung saan-saang lugar sa loob at labas ng bansa. Nag zipline na ito, nag bungee jumping, nag cliff jumping at may isang picture na nag paragliding ito. Nakalagay sa caption ng huling larawan na birthday gift daw nito iyon sa sarili. Dahil doon nalaman din niyang thirty six years old na ito.

"Ganoon ka ka-inlove sa bestfriend mo na single ka pa rin hanggang ngayon?" bulong ni Gabby habang hinahaplos ang nakangising mukha ni Jaime sa latest picture nito. Sumali ito ng milo marathon at isa sa finishers base sa malaking medal na nakasabit sa leeg. May 'until next time' sa caption.

"Pero kami walang until next time. Hindi man lang hiningi ang number ko," pabuntong hiningang bulong ni Gabby. Hindi naman niya ito mapadalhan ng direct message kasi mabibistong inistalk niya ito sa social media. Siya si Gabriela Roman at mula noong teenager siya hanggang noong nakatira siya sa Paris, siya ang palaging hinahabol. Hindi siya ang gumagawa ng first move.

Isang beses lang niya kinain ang pride para humabol ng lalaki pero napahiya na nga siya nagmukha pa siyang kontrabida sa love story ng ex niya at ng bago nitong girlfriend. Worst, kumalat pa iyon sa circle of old friends niya at ilang buwan siyang ginawang katatawanan. So she cut them off from her life. Mas okay nang walang kinabibilangang grupo at walang kaibigan kaysa naman palagi siyang bina-backstab.

Pero kahit ganoon, na-trauma siya nang nangyari. Hindi niya aaminin kahit kanino at malaman walang makakaalam pero kinailangan niya ang lahat ng tapang, lakas ng loob at kapal ng mukha na mayroon siya para sabihin kay Gray Delan na magbalikan sila. Nireject siya nito at kahit hindi niya pinahalata rito o sa girlfriend nitong si Arci, nasaktan at napahiya siya. Kaya nga nauwi sila ni Jaime sa gabing – Basta. Ang point ay natatakot na siya ulitin pang mauna mag approach sa lalaki.

Tinitigan ni Gabby ang picture ni Jaime sa huling pagkakataon. Pagkatapos binitawan na lang niya ang cellphone at pinilit matulog.

THE SOCIAL ICONTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon