Part 32

5.2K 226 5
                                        


MULA sa mala-rave party na sigla ng concert, naging emotional ang lahat nang encore na ang kumanta ng mas mabagal na awitin ang Ikon. Nakatayo na ang lahat by the time na isa-isa nang nagsasalita ang mga ito para magpasalamat sa mga pumunta, kahit walang masyadong maintindihan si Gabby ay namasa na ang kanyang mga mata at napasinghot pa. Ayaw pa niya matapos ang gabing iyon at the same time sobrang thankful siya na naroon siya at nakilala niya ang kpop boygroup na iyon na maraming beses siyang iniligtas mula sa pakiramdam na nasasakal siya at hindi makahinga. Higit sa lahat dahil sa Ikon nagkaroon siya ng matibay na koneksyon kay Jaime.

Para bang naramdaman nitong iniisip niya ito kasi niyakap siya ng binata gamit ang isang braso at hinigit padikit sa katawan nito. Hinaplos-haplos nito ang braso niya, malamang para i-comfort siya kasi umiiyak siya. Hindi pa ito natapos doon, yumuko pa ito at hinalikan ng paulit-ulit ang tuktok ng ulo niya. Imbes tuloy na kumalma siya lalo lang bumalong ang mga luha niya. Hindi na lang kasi Ikon ang dahilan kaya emotional siya. Mas lalo na si Jaime. Napasinghot na lang uli tuloy siya at hinilig ang ulo sa dibdib nito hanggang tuluyang magpaalam sa stage ang kpop boygroup at kinailangan na nilang lumabas ng stadium.

PAGKATAPOS ng concert nag dinner sina Gabby at Jaime kasama sina Betty at Jaja. Animated ang usapan habang binabalikan nila bawat detalye ng concert na para bang hindi sila lahat galing doon. Alam niya napansin ng dalawa na sobrang dikit na nang upuan nila ni Jaime kaysa noong una silang nagkita-kita. Imposible ring hindi napansin ng mga ito ang isang braso ng binata na nakasampay sa sandalan ng upuan niya o na kapag masyado siyang excited sa pagkukuwento at may napupuntang buhok sa mukha niya ay masuyo iyong hinahawi ni Jaime. Pero katulad kanina bago ang concert makahulugan lang na nagtitinginan at ngitian ang dalawa at hindi nagkokomento.

Thankful si Gabby kina Betty at Jaja dahil doon. Sa mga nangyari sa maghapon na iyon, pakiramdam niya nakalutang ang mga paa niya sa ulap at ang saya ng puso niya. Kapag may nagtanong at napilitan silang lagyan agad ng label ang nangyayari sa kanila ni Jaime, baka maunsiyami pa.

Makalipas ang ilang oras nagpaalam na sila kina Betty at Jaja. Nagyakapan sila ng mahigpit kasi hindi nila alam kung kailan uli sila magkikita. Bukas na kasi ng umaga ang flight ni Gabby pabalik ng Pilipinas habang ang mga ito pati na rin si Jaime ay bukas pa ng gabi. Pagkatapos nilang pagmasdan ang dalawang babae na naglakad palayo pabalik sa kani-kanilang hotel accommodation ng mga ito ay ginagap ni Jaime ang kanyang kamay. Nagkatinginan sila. "Gusto mong maglakad-lakad muna bago tayo bumalik sa inn?" tanong nito.

Masuyong ngumiti si Gabby, yumakap sa braso nito at tumango. Magkaagapay silang naglakad-lakad sa Shibuya na kahit palalim na ang gabi ay marami pa ring tao at may mga bukas pang restaurants at café. Hindi sila nagsasalita pero komportable silang pareho at hinayaan lang na mapalibutan sila ng ingay ng paligid.

Tumawid na sila sa Shibuya crossing papunta sa direksyon ng Dormy Inn nang biglang may tumawag sa pangalan ni Jaime. Napahinto silang pareho ng binata at sabay na napalingon. Humigpit ang hawak ni Gabby sa braso nito nang makitang isang magandang babae ang tumawag sa atensiyon nito.

"Jaime, it's really you! Oh my God," masayang bulalas pa nito, umaliwalas ang mukha at mabilis na lumapit sa kanila.

Napatingala si Gabby sa binata at nakita niyang bumakas din ang rekognisyon sa guwapo nitong mukha. Katulad ng babae ay ngumiti rin ito. "Eliza." Humakbang pasalubong kay Eliza si Jaime kaya nabitawan niya ang braso nito. Walang magawang pinagmasdan lang tuloy niya nang excited na nagyakap ang dalawa bago dumistansiya uli sa isa't isa.

"Akalain mo dito pa tayo sa Shibuya magkikita after all these years?"

Tumawa si Jaime. "Oo nga. Anong ginagawa mo rito?"

"Wedding celebration namin ng asawa ko. Actually, part business trip para sa kaniya. May dinner meeting siya at hinihintay ko matapos kaya nagiikot ako dito. I am perfectly fine and happy. Ikaw? Kamusta ka?" nakangiting tanong ni Eliza. Pagkatapos napaigtad si Gabby nang bigla itong lumingon sa kaniya at tumamis ang ngiti. "Wife?"

Uminit ang mukha niya, bumuka ang bibig para sumagot pero naunahan siya ni Jaime at tumatawang sinabi, "Hindi pa."

Hindi pa... paulit-ulit na nag echo sa isip niya ang sinabi ng binata. Napahinga siya ng malalim at wala sa loob na napahawak sa dibdib kasi feeling niya sasabog ang puso niya. Mabuti na lang na kay Jaime na uli ang tingin ni Eliza kung hindi nakita nito ang reaksiyon niya.

"So totoo ang tsismis na kumakalat sa batchmates natin na hindi kayo ni Arci ang nagkatuluyan."

"Tsismis talaga?" natatawa na naiiling na komento ni Jaime. Pagkatapos lumingon ito sa kaniya. Napakurap si Gabby nang magtama ang kanilang mga paningin. Nginitian siya ng binata, humakbang palapit sa kaniya at hinawakan ang kanyang kamay. Pagkatapos marahan siya nitong hinila at pinakilala kay Eliza.

Apparently, schoolmates ang mga ito noong college. Tumawa ang babae at idinugtong nang matapos sila mag shakehands. "Actually, mag ex kami. Nag break kami kasi feeling ko mas mahal niya si Arci kaysa sa akin. I hated him that time pero ngayon thankful na akong naghiwalay kami. Kasi nakilala ko ang mister ko at may isa na kaming anak ngayon."

"El," reklamo ni Jaime.

Hindi ito pinansin ng babae, nanatili lang nakatingin kay Gabby. "He is an amazing guy, though. Hindi ka magsisisi sa kaniya."

May init na humaplos sa puso niya hindi lang dahil sa sinabi nito kung hindi dahil sa facial expression nito. Ang ganda ng ngiti nito at halata sa mga mata ang contentment at happiness. Kaya napangiti rin si Gabby at sumagot, "Alam ko."

Naramdaman niyang napatitig sa kaniya si Jaime. Mukhang nagustuhan naman ni Eliza ang sagot niya. Ngumiti ito at nagpaalam na sa kanilang dalawa nang magsimula na uli tumawid ang mga tao sa Shibuya crossing. Kumaway-kaway pa ito bago tuluyang naglakad palayo sa kanila.

"That's so cool," komento ni Gabby makalipas ang ilang minuto.

"Ang alin?"

Tiningala niya si Jaime. "Na okay ang relasyon ninyo ng ex mo."

Napatitig ito sa kaniya. "Hindi ba mas cool ka na natatanong mo sa akin ang tungkol sa ex ko?"

Tumaas ang kilay ni Gabby. "Ikaw nga alam mo ang tungkol sa amin ni Gray. Hindi ba mas cool ka?"

Natawa ang binata at inakbayan siya. Iginiya siya nito para maglakad uli. "Matagal na ang sa amin ni Eliza. Hindi kami okay noong bagong break kami. Nagkataon na marami pa kaming common friends kaya ilang taon din kaming sobrang awkward sa isa't isa. Pero mga five years after breakup, nagkita kami uli sa reunion at nagkausap ng maayos. Hindi ko alam kung proper closure ba ang tawag doon kasi nagawa na namin 'yon years before. Maybe a confirmation? Na talagang hanggang doon na lang kami at pareho na kaming okay. Basta pagkatapos ng conversation na iyon, naging friendly na kami sa isa't isa. Hindi man kasing close ng dati at inaabot ng taon bago uli magkita pero pareho na kaming at peace sa isa't isa."

Hindi nakakibo si Gabby kasi bigla niya naalala si Gray. Narealize niya wala silang proper closure ng ex-fiancee niya. Iyong naging pag-uusap nila last year, ang pangit din ng kinahantungan. Alam niya na masaya na ito sa piling ni Arci at baka nga wala na talaga ito ni katiting na pakielam sa kaniya pero paano kung kailangan din nilang dalawa na mag-usap?

Sa kakaisip niya tungkol doon hindi namalayan ni Gabby na nakarating na sila sa Dormy Inn at naglalakad na sa hallway ng floor kung nasaan ang mga silid nila ni Jaime. Hinatid siya nito sa tapat ng pinto niya at pinihit siya paharap dito. Ngumiti ito at hinaplos ang ulo niya. "Good night?"

Parang may kamay na lumamutak sa puso niya kasi ayaw pa niyang malayo rito. Babalik na siya ng Pilipinas kinaumagahan at ang sakit isipin na hindi na sila magkakasama ng ganito bukas. Kaya humakbang si Gabby palapit sa binata at kumapit sa magkabilang side ng jacket nito. Na-tense si Jaime at tumiim ang titig sa kaniya. "Gabriela?" halos pabulong na tawag nito sa kaniya.

Tumingala siya at sinalubong ng tingin ang mga mata nito. "Hindi pa ako inaantok. Gusto pa kita makasama. Please?"

Mahabang sandaling nagkatitigan lang sila. Mayamaya hinawakan ni Jaime ang mga kamay niyang nakakapit pa rin sa jacket nito at pinisil ang mga iyon. Yumuko ito hanggang halos maglapat na ang mga labi nila at bumulong, "Okay."

THE SOCIAL ICONTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon