Part 25

4.8K 190 10
                                    

SA ARAW ng flight niya papunta sa Japan sinubukan uli ni Gabby tawagan si Jaime. Dismayado at nasaktan siya uli. Ni hindi kasi nag ring ang cellphone nito. Automatic na out of coverage area. Baka pinatay nito ang gadget o worst nagpalit na ito ng number kasi ayaw na talaga siya nito makausap pa. Namasa ang mga mata niya habang nakatitig sa screen ng cellphone niya, ni hindi man lang na-seen ang mga text message niya.

Huminga ng malalim si Gabby at nagdesisyong huwag masyadong malungkot. Mag ta-travel siya kaya dapat masaya siya. Hindi ba at sa tuwing nagpupunta siya sa ibang lugar ay nakakalimutan niya ang lahat ng problema niya? Makakaya rin niya kalimutan si Jaime.

Kaya pinatay na lang niya ang cellphone at pilit inirelax ang isip nang nakasakay na siya ng eroplano. Nakatulog pa nga siya at maganda na ang pakiramdam nang makarating siya sa Haneda Airport pagkatapos ng ilang oras. Habang hinihintay umusad ang pila sa immigration area ay binuksan niya uli ang gadget. Pinigilan niya ang urge na padalhan uli ng message si Jaime.

Sa halip binuksan niya ang stan twitter account niya para tingnan ang updates tungkol sa Ikon at para replyan ang mentions ng mutuals niya. Sa isang araw na ang concert at sa pagkakaalam niya bukod kay user junhoehoho ay may iba pa siyang long time twitter friends na pupunta sa Tokyo para manood.

Ramdam na ramdam niya sa posts ng mga finafollow niya sa twitter ang excitement ng papalapit na concert. Kahit iyong mga taga ibang bansa na kasali sa concert tour ay halatang sabik din. Nakakahawa.

Nagtatype si Gabby nang sarili niyang post nang bigla siya makarinig ng kakaibang ingay mula sa kung saang bahagi ng airport. Parang mga taong nagkakagulo na sinundan ng tilian. Napaderetso siya ng tayo at katulad ng mga kasama niya sa pila ay iginala ang tingin sa paligid para hanapin kung saan nagmumula ang kaguluhan.

Napanganga siya at sumikdo ang puso nang makita niya ang kislapan ng flash ng mga camera na naglalakihan ang lens. Mga babae halos lahat ng kumukuha ng picture at parang agos na gumagalaw palapit sa direksiyon kung saan nakatayo si Gabby. Pagkatapos sunod niyang napansin ang maraming airport security na pilit hinahawi ang mga babaeng walang tigil sa pagkuha ng pictures.

Mamaya pa nakita na niya ang pinagkakaguluhan ng lahat. Napasinghap siya at nanginig ang buong katawan. Ikon members pala ang dumating! May suot na face mask at baseball cap na masyadong nakababa para takpan ang mukha ng mga ito pero hindi siya puwedeng magkamali. Isang buong taon siyang nakaabang sa airport photos ng Ikon para hindi niya makilala ang mga ito ngayon.

Hindi siya makapaniwalang nakasabay niya sa pagdating sa airport ang mismong kpop group na dahilan kaya siya nagpunta ng Japan! Hinanap niya kaagad ng tingin ang bias niya at muntik na siya umalis sa pila at tumakbo para makigulo sa mga kumukuha ng pictures para lang mapalapit sa lalaki. Kaso bago pa siya matauhan mula sa pagkatulala niya, nakalabas na sa kung saang gate ang grupo at nag disperse na ang mga fans.

Kung hindi pa siya sinabihan ng taong nasa likod niya na kumilos na siya hindi pa siya hahakbang paharap at mari-realize na nanginginig ang mga tuhod niya. Ang bilis din ng tibok ng puso niya at parang gusto niyang tumili sa sobrang saya. By the time na nakaharap na siya sa immigration officer ay ngising ngisi na siya.

"Too happy to visit Japan?" tanong ng officer, hindi napigilan hindi pansinin ang facial expression niya.

Matamis na ngumiti si Gabby at tumango na lang kahit iba ang rason bakit ganoon ang reaksyon niya. Ganoon pala ang feeling makasabay ang favorite idol group mo sa airport. Pakiramdam niya magiging masaya at memorable ang mga susunod na araw niya sa bansang iyon. Ikon already made it so.

SA Dormy Inn Premium hotel na matatagpuan sa Shibuya nag check-in si Gabby. Located kasi iyon sa tahimik at malinis na neighborhood at walking distance lang papunta sa train stations at maraming tourist spot destinations. Higit sa lahat, malapit iyon sa Yoyogi National Gymnasium kung saan ang venue ng Ikon concert.

Maaga pa para mag dinner kaya humiga muna siya sa kama at binuksan ang stan twitter niya. Bumaha kaagad sa timeline niya ang preview photos ng Ikon members na nasa Haneda airport. Patunay na ang mga ito nga ang nakita niya kanina!

Mabilis ang tibok ng puso na nag type siya. Guys you won't believe what happened to me! I saw Ikon at the airport earlier. I'm glad I chose to fly to Japan today! I can't wait to watch their concert! Pagkatapos nag attach siya ng meme na umiiyak dahil sa saya. Wala pang isang minuto marami na agad nagreply sa post niya.

@babibunny replying to @BInfluence: oh my God! You're so lucky! Did you take a photo?

@BInfluence replying to @babibunny: I didn't. huhu. I was so starstruck I just stood there like an idiot. The next thing I knew, they were already gone.

@babibunny replying to @BInfluence: Haha. That's understandable. I will probably become a statue too if I see them on the airport. By the way, my flight is tomorrow morning. I'm excited to finally see all of you!

Napangiti si Gabby habang nag re-reply kay babibunny. Bukas kasi ng gabi nasa Tokyo na rin ito, si yoyoyunhyeong at si junhoehoho. Napag-usapan na kasi nila noong una pa lang kumalat ang rumor tungkol sa concert na pupunta sila at mag mi-meet sa Japan. Nakadagdag iyon sa excitement at saya niya para sa darating na mga araw.

Sumikdo ang puso niya nang mag direct message sa kaniya si junhoehoho. Hey. See you tomorrow. Hindi masyadong maganda ang mood ko lately kaya pahingi ng kaunting positivity mula sa 'yo.

Kumunot ang noo ni Gabby. What's wrong? Hindi ka ba masaya na pumunta ng Japan? We are going to watch Ikon, you know.

Pinagmasdan niya ang gumagalaw na dots sa screen, patunay na nag ta-type ng reply si junhoehoho.

Something happened in my personal life and I'm a little upset. Pero don't worry. Sigurado akong gagaan pakiramdam ko kapag nakita ko kayo bukas at nanood na tayo ng concert. Habang wala pa kami diyan, mag-ingat ka ha?

Worried si Gabby na may personal itong problema pero alam niyang wala pa siya sa posisyon para mangusyoso. Kaya ang last part na lang ng message nito ang sinagot niya.

Thank you. Don't worry about me. Sanay ako bumiyahe na mag-isa. At second time ko sa Tokyo kaya familiar na ako.

Mabilis ang naging sagot ng online friend niya. Kahit na. Kahit sanay ka mag-iingat ka pa rin. I'm worried.

May init na humaplos sa puso ni Gabby. Touched na napangiti siya. I will. Thank you. Ingat ka rin sa flight mo bukas. Excited na akong makita ka.

Sumagot ng 'me too' si junhoehoho at nagpaalam na. Nakangiti pa ring binitawan niya ang cellphone at bumangon. Sayang ang pagpunta niya sa Tokyo kung matutulog lang siya sa loob ng kuwarto niya. Oras na para magtrabaho. Kinuha niya ang camera bag niya at sinimulang i-set up ang canon g7x mark 2 niya. Ikinabit niya iyon sa handheld tripod niya. Nag attach din siya ng portable LED video light at external mini microphone. Pagkatapos tumayo siya at sinimulan kunan ang buong silid niya. Hindi pa siya nagsasalita, footage lang muna. Nang makuntento sa kinunan ay sandaling ibinaba ni Gabby sa kama ang camera para mabilis na magbihis at mag apply ng light make-up.

Thirty minutes later, lumabas na siya ng Dormy Inn Premium para kumuha ng walktour footage. Isa iyon sa content na paborito niya gawin at palagi rin nag ge-gain ng maraming views sa youtube channel niya. Iyon ang tipo ng video na para bang ang mismong viewe ang naglalakad sa paligid. Hindi kita ang nag ba-blog sa video at wala ring nagsasalita. Pagkatapos ng walkthrough footage saka niya balak gawin ang video na kita naman siya sa screen. Naiplano na niya sa eroplano kung anong klase ng content ang gagawin niya kaya may outline at plano na siya para sa araw na iyon.

Ilang minuto pa, nafocus na sa pagkuha ng video at pagoobserba sa paligid si Gabby. Katulad ng dati, kapag ginagawa niya iyon ay naglalaho sa isip niya ang lahat ng mga bumabagabag sa kaniya. Nawala sa isip niya ang kanyang mga magulang, ang sapilitang engagement niya kay Dean McKinley at ang heartache niya dahil kay Jaime Diamante.

THE SOCIAL ICONTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon