PAGSAPIT ng gabi nakahinga ng maluwag si Gabby nang makalabas siya ng mansiyon nila na hindi napapansin ng kanyang ina. Dahil siguro sinabi niyang masama ang pakiramdam niya ay hindi ito kumatok sa kuwarto niya maghapon. Hindi na rin siya nagdala ng sasakyan kasi maingay pa kung bubuhayin niya ang makina ng kotse at paandarin iyon mula garahe hanggang sa labas ng gate nila. Naglakad na lang siya ilang bloke palayo sa bahay kung saan sinalubong siya ng grab driver na tinawag niya.
Alas otso ng gabi nasa Ortigas na siya. Naglalakad pa lang siya palapit sa restaurant na napili niya ay nakita na agad niya si Jaime. Nakatayo ito sa labas niyon, malayo sa entrada at nakatutok ang atensiyon sa hawak na cellphone. Blue jeans, converse shoes at plain white t-shirt ang suot ng binata. Guwapo at ang fresh nito tingnan, mukhang bagong ligo.
Ilang hakbang pa naramdaman na yata nito ang presensiya niya kasi bigla itong nag-angat ng tingin. Bumilis ang tibok ng puso ni Gabby nang umaliwalas ang mukha ni Jaime at malawak na ngumiti. Ibinulsa nito ang cellphone at mabilis siyang sinalubong.
"Gabriela," masayang tawag nito sa kaniya. Ibinuka nito ang mga braso at bago pa siya nakapag-isip ay humakbang na siya at yumakap sa katawan nito. Sabay silang bumuntong hininga nang mahigpit ding pumaikot ang mga braso nito sa kaniya. Inilapat niya ang pisngi sa dibdib nito habang naramdaman naman niya ang pagsubsob ng mukha nito sa buhok niya.
Sa isang iglap nawala sa isip ni Gabby kung nasaan sila o kung ano ang mga nangyari sa loob ng mga araw na hindi sila nagkita. Being in his arms like this, feeling his fast heartbreat against her cheeks and being surrounded by his manly and fresh scent calmed her. Bigla pakiramdam niya magiging okay ang lahat.
Matagal silang magkayakap bago unti-unting kumalas at nginitian ang isa't isa. Pagkatapos ginagap ni Jaime ang isang kamay niya at hinila na siya papasok sa restaurant.
Halos isang linggo sila hindi nagkita pero nang sandaling nakaupo na sila sa lamesa nagsimula na sila mag-usap na para bang araw-araw nila iyon ginagawa. Kinamusta niya ang trabaho nito at walang pagdadalawang isip na nag kuwento ito. Maraming beses na natawa siya sa antics nito at ng mga katrabaho nito. Pagkatapos nang mapunta naman sa video calls nito sa magulang at mga pamangkin ang usapan ay na-touch naman si Gabby. Base sa mga kuwento ni Jaime mukhang close sa isa't isa ang pamilya nito. It seems he grew up in a warm and fun household. Hindi katulad niya.
"Ikaw kamusta naman ang linggo mo?" biglang tanong ni Jaime.
Parang nilamutak ang sikmura ni Gabby at muntik na mabitawan ang hawak na kutsara at tinidor. Nilunok niya ang kinakain at pilit na ngumiti. "Okay naman. Busy. May mga pinuntahan akong events. I managed my blog and youtube channel. At may photoshoot na ginawa kasama si mama."
Kumislap ang interes sa mga mata ni Jaime at ngumiti. "Okay na kayo ng nanay mo?"
Nanatili siyang nakangiti pero hindi nakasagot. Mabilis na nabasa ni Jaime sa mukha niya ang sitwasyon. Dumeretso ito ng upo at naglaho ang ngiti sa mga labi. "Hindi pa rin kayo okay?" worried na tanong nito.
Huminga ng malalim si Gabby at maingat na binitawan ang hawak na kutsara at tinidor. "Hindi naman sa ganoon. Hindi kami nag-aaway. Katunayan masaya siya lately."
"Pero bakit ikaw hindi ka masaya?" seryosong tanong ni Jaime.
Napatitig siya sa binata at nasiguro na ito na ang sandaling kailangan niya sabihin dito ang sitwasyon niya. Kailangan niyang sabihin dito ang tungkol pinaplanong kasal ng parents nila ni Dean McKinley.
"Gabriela? Okay lang kung ayaw mo pag-usapan. You don't have to force yourself," malumanay na sabi ni Jaime.
Uminit ang mga mata niya at marahang umiling. Inabot niya ang kamay nitong nakapatong sa lamesa at pinisil iyon. He turned his hand and opened his palms so their fingers are now tangled together. Pinagtama nito ang kanilang mga paningin at masuyong ngumiti. "Really, it's fine," sabi pa nito uli.
Magsasalita na sana si Gabby nang maramdaman niyang may lumapit sa lamesa nila. Unang nanuot sa ilong niya ang matapang na amoy ng mamahaling pabango. Sinundan ng mga matitinis na boses na pamilyar sa kaniya.
"Gabby? Such a surprise to see you here!"
Tumingala siya at nanlamig nang makita ang dalawang babaeng nakatayo na ngayon sa mismong tabi niya. Sina Clarice at Masey, dalawa sa ex-friends niya at nambully sa kaniya last year. Ang dalawa sa mga una at hanggang ngayon nangungulit sa kaniya tungkol sa balitang engagement nila ni Dean.
Nakangiti ang dalawa habang nakatingin sa kaniya, kumikislap ang excitement sa mga mata. Pero may palagay siyang hindi iyon dahil na-miss siya ng mga ito kung hindi dahil finally mako-corner at mauusyoso na siya ng mga ito.
"We have a lot of things to talk about! Paano at kailan pa naging kayo ni Dean?" excited na tanong ni Masey.
"Oo nga. Pero mukhang busy ka ngayong gabi at hindi fiancee mo ang kasama mo..." Napahinto sa pagsasalita si Clarice at makahulugang sinulyapan si Jaime.
Nanlamig si Gabby at mabilis na hinila ang kamay niyang hawak pa rin ng binata. Napatingin siya rito at narealize agad na mali ang ginawa niya nang makita ang magkakahalong tensiyon, pagtataka at hinanakit sa guwapo nitong mukha. "I can explain," mahina at halos ayaw lumabas sa lalamunan niya ang mga salita.
Kumunot ang noo ni Jaime at hindi nagsalita. Huminga siya ng malalim at gusto na sana magpaliwanag pero naalala niya na may annoying audience nga pala sila. Tiningala niya sina Clarice at Masey na matamang pinagmamasdan sila ng binata. Kinilabutan si Gabby sa nakita niyang kislap sa mata ng mga ito. Halata na tuwang tuwa ang dalawa sa nadiskubre ngayong gabi. Sigurado din siya na magiging topic na naman siya ng mga tsismis.
Kumuyom ang mga kamao niya at itinaas ang noo. Pinilit niyang ngumiti at sinalubong ng tingin ang mga mata ni Clarice. Alam niya na ang babae ang 'boss' ng ex-friends niya. "I'm sure gutom na kayong dalawa. You can have your dinner already. So can you please give us privacy?"
"Oh. Of course," sagot ni Clarice na ngumisi. Sinulyapan uli nito si Jaime bago ibinalik ang tingin sa kaniya at sinabing, "Don't worry. We will keep this a secret, Gabby. What are friends for, right? Engaged pa lang naman kayo ni Dean at hindi pa naman talaga kasal. You can have your fun while you still can."
"Unless balak mong sumunod sa yapak ng father mo?" singit ni Masey.
Nanlamig si Gabby. Pakiramdam niya sinampal siya ng isang daang kamay. Alam niyang alam ng dalawang babae na nasaktan siya ng mga ito kasi humagikhik pa ang dalawa bago umalis.
Tensiyonadong katahimikan ang namayani sa pagitan nila ni Jaime. Ni hindi niya ito matingnan. Magkahalong pagkapahiya, takot at guilt ang nararamdaman niya. Mayamaya ang binata ang bumasag sa katahimikan. At nang marinig niya ang boses nito pakiramdam ni Gabby nagkaroon din ng crack ang puso niya.
Sobrang lamig at halatang galit ang boses ni Jaime nang sabihing, "Tapos ka na ba kumain? Kukunin ko na ang bill. Then we can both go our separate ways."

BINABASA MO ANG
THE SOCIAL ICON
Romance(sequel to THE LATE BLOOMER and THE ASSISTANT) Isang taon ang nakararaan nagkaroon ng one night encounter sina Gabby Roman at Jaime Diamante. Pareho silang heartbroken noon at may nagawang sigurado si Gabby na pareho nilang pinagsisisihan. Kaya sob...