Part 29

4.5K 200 4
                                        


KANINANG UMAGA ramdam ni Gabby na may invisible wall pa ring nakapagitan sa kanila ni Jaime at medyo nakakailang pa rin ang katahimikan kapag walang nagsasalita sa kanila.

Pero medyo nabawasan iyon pagpasok nila sa loob ng Matsuya restaurant at dumating na ang order nilang tig isang beef bowl na ang tawag sa Japanese ay gyudon. Siguro kasi pareho silang giddy na nadiskubre nila ang kainan na iyon at kasalukuyang napapalibutan ng mga Japanese na halatang taga roon talaga at hindi bakasyunista.

Maliit lang ang Matsuya, parang convenience store lang kung titingnan mula sa labas. Sa loob ay isang mahabang counter ang nagsisilbing lamesa at high stool ang mga upuan. Puno iyon nang dumating sila pero mabuti na lang may dalawang Japanese ang tapos nang kumain at tumayo kaya nagkaroon sila ng puwesto sa pinakadulo, kadikit ng pader.

Nilabas ni Gabby ang camera niya at kinunan ang interior ng restaurant pati na rin ang pagkain niya. Pagkatapos nang makita niyang nakayuko sa pagkain si Jaime at wala sa kaniya ang atensiyon ay pasimple niya itong kinunan. Nakatatlong picture na siya nang lingunin siya nito kaya mabilis siyang nagkunwari na ang staff sa harapan nila ang kinukunan niya.

"Gusto mo bang kunan kita?" tanong ni Jaime na inilahad ang kamay para sa camera. "Kailangan mo ng ipo-post sa social media at sa blog mo 'di ba? Puwede mo akong gawing personal photographer habang nandito tayo."

Napatitig si Gabby sa binata. "Okay lang talaga?"

"Oo nga. Akin na." Kinuha nito mula sa kamay niya ang camera. Hindi pa rin siya natinag sa pagtitig sa mukha nito. Tumaas ang mga kilay ni Jaime at magaan na tinapik ang ulo niya. "Relax ka lang. Sisiguruhin ko na magandang maganda ka pa rin kahit anong angulo."

Nagliparan ang mga paru-paro sa sikmura niya hindi dahil nag volunteer itong kunan siya ng larawan kung hindi dahil ang natural nang pagkakasabi nito na maganda siya. Ang sarap sa pakiramdam marinig iyon mula kay Jaime. Napangiti tuloy siya, umayos ng upo, itinukod ang mga siko sa counter at nag pose sa harap ng kanyang pagkain. Tiningnan niya ang binata at malawak na ngumiti. "Gandahan mo ang kuha ha? Iyong hindi ko na kailangan i-edit para deretso post agad."

Natawa si Jaime at sa kabila ng ingay sa paligid ay para iyong musika na nag echo sa buong pagkatao ni Gabby. Nang iangat tuloy nito ang camera para kunan siya ng picture ay napatamis ang ngiti niya. Hindi pa man niya nakikita ang larawan, sigurado na siyang mahahalata sa mukha niya na may gusto siya sa kumuha ng picture niya.

PAGKATAPOS nila kumain ay naglakad uli sila papunta naman sa Shibuya crossing. Nagkuhaan sila ng picture kasi hindi nila nagawa iyon kahapon. Pagkatapos nagpunta naman sila sa Shibuya Station para makita ang sikat na monumento ng asong si Hachiko. Sandali silang tumambay sa tabi ng statue, inobserbahan lang ang napakaraming tao sa paligid at paminsan-minsan ay nag-usap.

Makalipas ang isang oras inaya na ni Gabby si Jaime na umalis kasi kailangan nila sumakay ng train para pumunta naman sa Tokyo Tower. Medyo natagalan sila sa train station kasi pareho silang hindi nakakabasa at nakakapagsalita ng Japanese at hand gestures lang halos ginamit nila para makabili ng ticket. Noong unang beses kasi na nagpunta siya sa Tokyo ay puro taxi ang ginamit niyang mode of transportation. Masyadong magastos.

Pagkababa nila sa train ay naglakad pa sila na inabot ng thirty minutes kasi pahinto-hinto sila para kumuha ng pictures bago nila narating ang mismong Tokyo Tower.

"Wow," manghang usal ni Jaime habang nakatingala roon. Sa mukha nito nakatingin si Gabby kaya kitang-kita niya ang facial expression nito. Bumata ang hitsura nito kasi halata ang saya at pagkamangha sa mukha nito. May init tuloy na humaplos sa puso niya, napangiti at tiningala na rin ang Tokyo Tower na ayon sa google ay may taas na three hundred thirty three meters.

THE SOCIAL ICONTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon