Kabanata 17

181 52 8
                                    

Steal

Gumaan ang pakiramdam ko pagkatapos ng maikling pag-uusap namin ni Clinton. Para bang naalis ang isang mabigat na bato na nakadagan sa dibdib ko.

Pagdating nila mommy ay hindi na nila ako tinanong kung bakit ako umuwing mag-isa na mas nakabuti dahil hindi ko sigurado kung tama bang sabihin sa kanila ang nakita. Kahit walang katotohanan ang engagement at kasal ay may parte sa akin na gustong protektahan ang pangalan ni Clinton.

Bukas ng gabi ang flight namin patungo sa Palawan. Ayon kay daddy ay mauuna kami ni Clinton doon at susunod na lang ang mga batikang photographer dahil mayroon pa silang pictorial kasama ang ilang sikat na artista.

Maaga akong nagising kinabukasan para mamili ng mga susuotin. Kinamusta ko rin si Liana kung ano na ang lagay ng mommy niya. Maayos naman daw at nakauwi rin agad. Tumaas ang altapresyon kaya nag-panic sila. Hindi ko pa nababanggit sa kanya ang tungkol sa agreement, malaki ang tiwala ko sa kanya pero hindi ko rin sigurado kung dapat bang sabihin ko pa.

Pagkatapos ng ilang oras na pag-iikot sa iba't ibang boutique ay halos hindi na magkasya sa kamay ko ang mga paperbag na dala. Karamihan sa binili ko ay mga swimsuit at dress dahil alam kong maraming magagandang beach doon. Blessing in disguise rin siguro ang prenuptial shoot na ito dahil makakapagpahinga ako.

Nakaramdam ako ng gutom kaya nagpasyang kumain muna sa isang Japanese restaurant. Tatawagin ko na sana ang waiter para sabihin ang order ko nang bigla kong natanaw si Jerson na papalapit sa gawi ko.

"I knew it! Sabi ko na nga ba ikaw ang nakita ko. Would you mind?" Turo niya sa upuang nasa tapat ko na para bang nanghihingi ng permiso.

"Sure. Wala namang nakaupo riyan." Pagkaupo niya ay agad kaming nilapitan ng waiter para kuhain ang order.

Habang naghihintay sa order ay nagbukas ako ng pwedeng pag-usapan. Hindi naman pwede na magtinginan lang kami dito.

"Why are you here?" Nakangiting tanong ko dahil ayokong mapunta ang usapan sa nangyari noong birthday niya.

"Malapit lang dito yung hospital na pinagtatrabahuan ko. Ilang araw na akong nagki-crave ng Japanese food kaya lang ay maraming pasyente. Fortunately ngayon ay konti lang kaya nakalabas ako." Tumatawa niyang sagot. Magsisinungaling ako kung sasabihin kong hindi gwapo si Jerson. Maraming babaeng nagkakandarapa sa kanya noong high school kami dahil bukod sa magaling magbasketball ay malakas rin ang appeal niya pero ni minsan ay hindi ako nagkaron ng interes sa kanya.

"Ikaw bakit ka nandito? Wala kang kasama?" Dagdag niya.

"Wala akong kasama. Namili lang  naman ako ng ilang mga damit. Hindi rin sana ako magtatagal kaya lang ay nagutom ako."

Pagdating ng order namin ay tuloy-tuloy pa rin kami sa pagku-kwentuhan. Ngayon ko lang nalaman na masaya at nakakatawa pala siyang kausap. Hindi naman kami ganoon ka-close noon lalo na at lagi siyang tinutukso ng mga kaibigan niya sa akin. Napag-usapan namin ang mga nangyari noong nawala ako. Ang trabaho niya patin na rin ang trabaho ko.Hanggang sa mapunta na ang pinag-uusapan sa pinaka-iniiwasan ko.

"Tungkol sa mga sinabi ko noong birthday ko. Lahat yun totoo. I don't know, but until now I still like you. Akala ko infatuation lang yung nabuo kong paghanga sayo pero hindi. That particular feeling is alive even you're far away. Mas nabuhay pa noong nalaman kong bumalik ka." Matapang niyang pag-amin habang umiinom ako ng tubig kaya muntik na akong masamid.

"Hindi ko alam na ganyan ang nararamdaman mo dahil masyado pa tayong mga bata noon kaya hindi ko seneryoso. At kung totoo nga na all this time gusto mo ako bakit hindi ka man lang nagparamdam?" Hamon ko sa kanya.

"Hindi mo ba napansin na every year lahat ng special occasions ay binabati kita. Yun lang ang tanging paraan na nakita ko to communicate with you dahil natatakot akong i-reject mo ulit ako."

Naaalala ko nga na taon-taon lahat ng espesyal na okasyon ay nagmemessage siya sa social media account ko pero dahil hindi ko naman binigyan ng kulay kaya ipinagsawalang kibo ko na lang.

"Kung natatakot kang ma-reject bakit ngayon ay kinakaya mo nang magsabi ng totoo sa harap ko?" Hindi ko na maisubo ang huling piraso ng tempura dahil sa init ng pinag-uusapan namin.

Ibinaba niya ang chopstick na hawak at ngumiti bago tuluyang sumagot.

"Noong nabalitaan kong nakauwi ka parang sinampal ako ng katotohanan. I realized that life is all about taking risks. Walang mangyayari kung patago lang kita gugustuhin. I know that you are worth the risk. You are the risk that I will always take Claud."

Nagulat ako sa sinabi niya kaya naubusan ako ng mga salitang sasabihin. Nakakatunaw ng puso na malaman na may taong nakaka-appreaciate sa akin ng ganito.

"Humahanga ako sa pagiging straightforward mo Jerson kaya lang ay hindi na pwede ang nararamdaman mo. Ikakasal na ako." Diretso kong sabi sa kanya sabay pakita sa daliri ko na may suot na singsing ngunit hindi man lang siya natinag nito.

"I know Claud, but no one can stop me. I'm gonna steal you." Nakangiti niyang pagbabanta. Hindi ko sigurado kung seryoso ba siya o nagbibiro kaya napailing na lang ako.

"Hindi pa kayo kasal. Ikakasal pa lang kayo. May maliit pang chance kaya hindi pa ako nawawalan ng pag-asa." Dagdag niya pa.

Si Jerson ang nagbayad ng lahat ng kinain namin. Ayon pa sa kanya hindi raw ito ang una at huling magiging date namin. Natawa na lang ako dahil  sa labis na pagiging pursigido niya.

Natapos ang usapan namin dahil kailangan niya ng bumalik sa ospital. Bago tuluyang umalis ay tinulungan niya akong dalhin sa kotse ang mga pinamili ko. Hindi ko na rin siya tinanggihan dahil mahihirapan ako kung magpupumilit akong bitbitin ang lahat ng ito.

Pagkauwi sa bahay ay nag-impake na ako. Isang maleta lang ang dadalhin ko dahil isang linggo lang naman kaming mananatili doon. Pagkatapos mag-ayos ng sarili ay bumaba na ako. Nagulat ako dahil naka-abang si Clinton sa akin. Hindi naman namin napag-usapan na susunduin niya ako dito. Ang akala ko ay sa airport na kami magkikita.

"Bakit nandito ka?" Tanong ko habang hila-hila ang maleta.

"Sabay na tayo para isang kotse na lang ang gagamitin." Inagaw niya ang hawak ko at dire-diretsong lumabas ng mansyon.

Sa labas ay nakaabang na rin si daddy at mommy. Ang mas ikinagulat ko lalo ay ang presensiya ni tito George at tita Gwen. Bakit nandito silang lahat?

Ilang bilin lang at paalala bago kami tuluyang pumasok sa sasakyan. Tinanaw ko ang apat na matanda mula sa loob ng kotse at nakita ang malaking mga ngisi nila. Talagang inirereto nila kami sa isa't-isa. Tsss.

Habang tahimik at busy sa pagmamaneho ang katabi ko unti-unti namang lumilipad ang isip ko sa mga sinabi ni Jerson kanina.

"I'm gonna steal you." Bulong ko habang natatawang nakatingin sa labas ng bintana.

"Saan ka galing kanina?" Tanong ni Clinton na nagpabalik sa ulirat ko.

"Namili lang ako ng ilang kailangan at ng ilang damit na rin." Sagot ko kahit sa labas pa rin nakatingin.

"Sinong kasama mo?"

"Ako lang mag-isa. Bakit?" Nagtatakang tanong ko.

"Are you sure?" May bahid ng paghihinala niyang tanong kaya napabaling ako sa kanya.

"Oo ako lang mag-isa ang namili." Siguradong sigurado ko naman sagot.

"One of my friend saw you with a guy in a Japanese restaurant." Sakto namang paghinto ng sasakyan dahil sa traffic kaya diretso siyang nakatingin ngayon sa akin.

"N-nakita ako ni J-jerson sa restaurant mag-isa kaya nagsabay na kaming kumain kanina." Kinakabahang pagpapaliwanag ko.

"Hindi magandang tingnan na may kasama ka pang ibang lalaki kahit engaged ka na." Malamig niyang sabi.

Wala naman akong nakikitang mali doon. Magiging bastos naman ako kung tatanggihan at papaalisin ko si Jerson. Tsss.

"Sana maisip mo rin na hindi magandang tingnan na may kahalikan kang babae kahit ikakasal ka na." Basag ko sa sinabi niya na naging dahilan ng pagtahimik niya.



The Lifetime AgreementTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon