5

8K 147 44
                                        

"Ano nga'ng tawag dito, Nokia?" tanong sa akin ni Haki at itinuro ang halaman sa paanan namin.

"Ewan ko," sabi ko sa kanya kahit hindi  ko naman nakikita kung anong itinuturo niya dahil nakatalikod ako sa kanya. "Bilisan mo na ngang umihi!"

"Oo, teka lang!" sabi niya sa akin. "Huwag kang umalis!"

Sobrang duwag talaga ng lalaking ito! And worst, palagi na lang siyang naliligaw! Wala tuloy akong choice kundi samahan siyang umihi. Naglalaro pa kasi sina Aegis at Nikos.

"Tapos ka na ba?" tanong ko sa kanya. Lumingon ako at nakita kong katatapos lang niyang isarado ang zipper ng suot niyang cargo shorts. Maya-maya ay lumuhod siya para kunin ang halaman na tinatanong niya sa akin kanina.

"Tingnan mo, Nokia!" sabi niya at ipinakita sa akin ang hawak pero hindi ako interesado. "What do you call these? Blowing them can grant your wishes."

"Sugar daddies," sabi ko sa kanya.

Napasimangot siya sa sinabi ko. Tiningnan ko ang hawak niya at nakita ko ang dandelions. Tumingin ako sa paanan namin at nakita ko na maraming ganoon dito. Tapos inihian niya lang!

Lumuhod ulit siya at pumitas nang marami. "Dadalhin ko ito doon! Para makapag-wish tayong lahat."

"Hindi naman totoo 'yan," sabi ko sa kanya at nagsimula nang maglakad pabalik sa pwesto namin. Nakita ko rin na mukhang malalanta na ang dandelions na pinitas niya, "At saka, naihian mo na 'yan. Wala nang bisa 'yan."

"Weh?" sabi niya at nakasunod pa rin sa akin. Nakaka-drain talaga ng enerhiyang makipag-usap sa lalaking ito. "Try nga natin."

"Bilisan mo riyan!" singhal ko ulit sa kanya dahil naiiwan na naman siya.

Tiningnan ko siya sa likuran ko at nakita kong pumikit siya bago hinipan ang dandelions. Naniniwala talaga siya doon? Ang isip-bata niya!

Mabilis siyang tumakbo para makaabot sa akin. Nagsimula na ulit akong maglakad. Akala ko ay mananatili lang siya sa likuran pero pumunta siya sa unahan ko nang nakapamulsa.

"Bakit?" tanong ko sa kanya. Naglalakad siya nang patalikod kaya naman natatakot ako dahil baka kung saan siya mahulog. "Umalis ka nga dya–"

Bago ko pa matapos ang sasabihin ko, hinawakan niya ako sa balikat, and he tilted his head until his soft lips touched mine. Sobrang bilis lang, pero sobrang nanginig ako. Kinindatan niya ako noong humiwalay ang labi niya sa akin, "See? I wished for a kiss. I got it!"

Naestatwa ako sa kinatatayuan ko habang pinanonood ko siyang bumalik sa pwesto namin. Did he just kiss me?

Noong nakabalik ako sa pwesto namin kanina, hindi niya ako pinapansin. Parang wala lang sa kanya ang ginawa niya kanina. Medyo nabwisit tuloy ako sa kanya. Talagang nagpapanggap lang siya na walang nangyari at kain lang nang kain! Ano naman kayang ibig-sabihin no'n?

"Blow it!" sigaw ni Haki kina Aegis at Nikos. Nahablot niya ang phone ni Nikos, "Magwish ka tapos hipan mo. Dali."

"Hindi naman totoo 'yan," nagkakamot na sabi ni Nikos at binawi ang phone niya mula kay Haki. Pamilyar na pamilyar ang sinabi niya dahil iyon rin ang sinabi ko kay Haki kanina. "Huwag ka pating makulit! Nagra-rank kami ni Aegis!"

"Totoo nga 'yan!" sabi ni Haki at tumingin sa akin, "Nagkatotoo nga ang wish ko kanina."

"Ano bang wish mo?" kuryosong tanong ni Aegis sa kanya.

"Ki-"

Tinakpan ko kaagad ang bibig ni Haki kaya naman pinagtinginan nila kaming lahat. Binatukan ko kaagad siya. Kung ano-ano talagang trip nito!

Hindi na kami nagtagal doon. Siguro ay next time na lang, kapag wala nang klase, gaya ng sabi ni Haki. May pasok pa kasi kami kinabukasan kaya naman bago mag-alas nuebe ay umuwi na kami. Ayos lang naman dahil kahit papaano ay nakapagstargazing kami doon. Iyon nga lang, hindi gaanong makita ang mga bituin dahil bilog na bilog at maliwanag ang buwan. Mas maliwanag pa naman ang bituin kapag walang buwan.

Kinabukasan, pagkatapos ng klase, magkakasabay kami nina Haki at ng mga kaibigan niya bago umuwi. Hindi ko alam, pero medyo masaya ako na may mga bago kaming kaibigan. Ang hindi ko lang talaga bet ay itong kaibigan nila na hindi nila kasama kahapon, si Sancho. Pakiramdam ko kasi, hindi niya rin gustong makasama kami, lalo na ako at si Aegis.

"San," sabi ni Haki kay Sancho na nakayuko lang sa gilid habang kumakain kami ng tusok-tusok. Iniabot ni Haki kay Sancho ang stick na may laman na fishball at kikiam. "Gusto mo?"

Natuwa naman ako kay Haki. Halata mo talagang hindi maselan kahit anak-mayaman. Nakakatuwa rin kasi may mga kaibigan siya sa ibang mga year level at nakikitusok rin siya mula sa baso nila. Hindi namimili ng kakaibiganin.

"I told you," inis na sabi ni Sancho at biglang tumingin sa akin. "Marumi nga kasi 'yan."

Ang attitude talaga nito! Talagang sa amin ni Aegis pa tumingin noong sinabi niya na "marumi". Grabe! Hindi kami mayaman pero hindi naman kami mabaho! Ang matapobre niya talaga, daig pa 'yung may-ari nung isla.

"Pagpasensyahan mo na," bulong sa akin ni Aegis habang sumasawsaw sa sauce ng fishball na kinakain niya. "Ganyan talaga 'yan."

Nagets ko naman agad ang sinasabi niya. Okay lang naman. Hindi ko naman kailangan na magustuhan at kaibiganin ng lahat. Masaya na nga ako na kinaibigan ako kahit papaano nitong mga kaibigan ni Haki kahit hindi naman ako mayaman gaya nila.

Nakita ko na biglang lumingon si Haki sa amin ni Aegis. Umupo kasi kami dito pagkatapos naming bumili ng fishball. Maya-maya ay pumagitna siya sa aming dalawa ni Aegis. "Pengeng lima."

Tinaasan ko naman agad siya ng kilay. Si Aegis naman, nagreklamo agad kasi kung saan daw sikip, doon pa sumisiksik si Haki. Sa akin pa siya nanghihingi ng limang piso! Ang yaman-yaman niya!

Hindi pa ako nagsasalita pero hinila niya na agad ako pabalik doon sa bilihan ng fishball. Kumuha ulit siya ng paper cup at stick, at tumingin sa akin, "Libre mo ako, ha? Limang piso lang."

Hindi na talaga ako naka-hindi. Medyo iniisip ko rin kasi na ayaw siguro ni Haki na itinuturing siyang iba sa amin. Nagbigay ako ng sampung piso sa magtitinda at lumingon sa kanya, "Pumili ka na kung ano'ng gusto mo! Ngayon lang 'yan, ha. Isasawsaw ko na talaga 'yang mukha mo sa sauce."

"Ikaw nga gusto ko," nakangiting sabi niya at nagsimula nang tumuhog doon. "Joke lang."

Napabuntong-hininga na lang ako habang tinitingnan siyang kumuha ng fishball at kikiam. Medyo naba-bother pa rin kasi ako sa paghalik niya sa akin kagabi. Don't tell me, wala lang talaga 'yon?

At kung ano-ano talagang mga banat niya. Isa na lang talaga, isasawsaw ko na siya sa sauce ng fishball.

PlaydateTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon