2

9.8K 173 58
                                    

"Kia, kung pwede raw manligaw sa'yo si Paul." narinig kong tanong ng lalaki mula sa kabilang section.

Umiling kaagad ako. Ni hindi ko nga kilala 'yang Paul na 'yan! "Hindi. May anak na ako."

"Meron na agad? Kahapon lang, sinabi mo na may asawa ka na," sabi pa niya pero nagtuloy-tuloy lang ako sa paglalakad.

Napahinga ako nang malalim nang makalayo sa kanya. Masyadong napaaga ang pasok ko. Wala pa nga ang mga kaibigan ko.

Hindi pa naman ako pwedeng magpaligaw. Paniguradong mapapagalitan ako ni Papa kapag nalaman no'n na pumayag akong magpaligaw. At isa pa, wala talaga akong nagugustuhan na kahit sino.

"Hey," narinig kong nagsalita. Hindi pa rin talaga ako tinitigilan!

"Bakit ba?" nagulat ako dahil paglingon ko ay nakita ko si Haki. Ano namang ginagawa nito dito?

"So," sabi niya at sinabayan akong maglakad. Ang bango-bango niya! Ewan ko pero amoy baby cologne siya. Hindi katulad ng mga kaklase kong simula pa lang ng araw, amoy uwian na! "Kapatid ka ni Yona?"

Natigilan ako nang sabihin niya iyon. Naalala ko tuloy kagabi noong naglalakad kami ni Ate Yona, sinabi niya sa akin na huwag ko raw sasabihin kay Papa na doon siya nagtatrabaho sa mga Rivadenera. Ang lakas rin naman ng trip ng ate ko! Iwas na iwas nga ako kahapon dito kay Haki tapos siya, parang gamu-gamo lang na namamasyal sa lampara.

"Half-sister," pagtatama ko sa kanya, at nagpatuloy na sa paglalakad. Anak si Ate Yona ni Papa sa una niyang asawa. Pero si Papa, sa Mama ko ikinasal.

"E 'di kapatid mo pa rin siya?" tanong niya ulit. Ang kulit niya! Malamang!

"Bakit mo ba kasi ako kinakausap?" tanong ko sa kanya nang mahinang-mahina lang. Iniiwasan ko rin kasing makuha ang atensyon ibang tao. May ilan kasing nakakaalam dito na hindi kami taga-rito. Baka magsumbong pa sila kay Haki.

"Wala, may pinapractice lang ako," sabi niya at pumunta sa unahan ko. Nginitian niya ako nang nakakasilaw at nagsalita. "Hindi ka ba napapagod?"

Nagtaka naman ako bigla sa tanong niya. Bakit naman ako mapapagod? Ang aga-aga pa? Nahihibang na ba 'tong lalaking 'to? "Hindi. Bakit ba?"

"Kasi palagi kang tumatakbo sa isip ko," sabi lang niya at pinitik ang noo ko. Siraulo siya! "May sasabihin ako sa'yo mamaya, Nokia!"

Naestatwa ako sa kinatatayuan ko dahil sa sinabi niya. Hindi ko alam kung dapat bang kiligin ako sa sinabi niya. Medyo nawirdohan ako sa kanya. Nokia? Tumatakbo sa isip niya? Gago ba siya?

Natauhan lang ako nang makaramdam ng tapik sa likod ko. "Huy Kia! Anong ginagawa mo dyan?"

Napalingon ako at nakita ko si Jeni at Bana. "Si Haki ba 'yung kausap mo kanina? Bakit ka niya kinausap?"

"Huh?" nagtatakang tanong ko rin. "Ewan ko. Tara na nga!" sabi ko at pumasok na sa loob ng classroom namin.

Hanggang noong uwian, hindi mawala sa isip ko ang sinabi ni Haki. Pinagtitripan niya lang yata talaga ako! Ewan ko sa kanya!

Pero hindi naman kami close para pagtripan niya ako ng ganoon. Kakakilala nga lang namin kahapon. At saka bakit biglang ganoon siya umakto? Porket nakauwi na siya ng bahay niya, matapang na siya kunwari? Iiyak-iyak siya kagabi, parang tanga!

Maaga akong naglakad pauwi. Hindi ko na hinintay sina Jeni at Bana. They have club meetings to attend to. Samantalang ako, hindi naman ako palasali sa mga clubs. Maliban sa kailangan kong makauwi nang maaga. Bukod pa roon, hindi ko rin naman afford kung may mga bayarin kapag may events.

"Nokia!"

Napapikit ako nang marinig ko ang pagtawag na iyon. Isa lang naman ang tumatawag na Nokia sa akin. Sino pa? E 'di si Haki Rivadenera!

Hindi ako lumingon sa kanya at nagpatuloy lang sa paglalakad. Why the hell is he here again? Naligaw na naman ba siya pauwi?

"Hoy, Nokia!" narinig ko ulit na tawag niya at maya-maya'y naramdaman ko na kung gaano siya kalapit sa akin. Hindi ko pa rin siya pinansin at pumasok na lang sa bakuran namin kahit na malalaman niya ang bahay namin.

Nagulat ako nang lumabas bigla si Papa. Pumunta siya sa sampayan at agad akong napatigil sa paglalakad. Aah! Baka makita ni Haki 'yung mga nakasampay na panty kong walang garter!

Napasubsob siya sa likod ko nang tumigil ako. "Uy, Nokia."

"Bakit ba Nokia ka nang Nokia dyan!" naiinis na tanong ko noong hinarap ko siya. "Kiara ang pangalan ko. Kia! Hindi Nokia! Okay!"

"Alam ko," natatawang sabi niya. "Eh napansin ko na ang lapad ng noo mo. Noo-kia."

Pakiramdam ko ay umusok ang ilong ko sa galit. Baka magmukha akong toro dahil dito. Ang lakas ng loob niyang asarin ako! Close ba kaming dalawa!

"Alam ko na kung bakit malapad 'yan," sabi nya pa rin habang tumatawa at nakahawak pa sa tiyan niya. Tawang-tawa sis? Maya-maya ay pinitik niya ulit ang noo ko gaya ng ginawa niya kanina. "Puro ako ang laman niyan, 'no?"

Hindi ko pinansin ang sinabi niya at naglakad na lang ulit. Malay ko ba sa kanya kung bakit siya sunod nang sunod sa akin. At saka bakit ba ayaw niyang dumistansya sa akin! Baka isipin pa ni Papa, manliligaw ko itong unggoy na ito. Puro pa siya banat. Banatan ko kaya ang uling na 'to?

"Umalis ka na nga!" singhal ko noong lumingon ako sa kanya. "Bakit ka ba kasi nandito?"

"Okay, just hear me out," sabi niya habang nakapamulsa at naglalakad nang patalikod. "I want you to help me."

"Saan ba? Naligaw ka na naman ba dito? Bakit hindi ka umiiyak ngayon!"

"Nagpaligaw nga ako sadya para makarating dito. I'm not street smart," sabi niya. "Naglakad pa ako nang nakapikit."

Siraulo pala ang lalaking ito. "Ano ngang kailangan mo? Tutulungan kita saan?"

"Manligaw," kaswal na pagkakasabi niya. Wow ha? Mukha bang marunong akong manligaw? Lalaki ba ang tingin niya sa akin?

"Bakit ako pa?" tanong ko sa kanya. Sino bang balak na ligawan nito? Kaya ba puro wirdong pickup lines ang lumalabas sa bibig niya?

"Basta," sabi niya sa akin. "Bawal tumanggi. Kapag tumanggi ka, may makakaalam ng sikreto mo."

Sikreto?

Tiningnan ko siya at nakita kong nakafocus ang tingin niya sa maliit na bahay namin. Walang-wala sa mansyon niya. Kung ikukumpara ang bahay namin, baka mas malaki pa ang banyo niya.

"Oo, sikreto nyo," ulit niya. "Sikreto ng mga trespasser."

Nanlaki ang mata ko dahil sa sinabi niya at napaiwas ng tingin. Okay, he knew already. I'm doomed.

PlaydateTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon