“Yes. This way please,” malamig na saad niya saka iginiya ito sa bakanteng upuan. Tumalima naman ito. Gayunman, bago ito naupo ay hinila nito ang kamay niya saka pinilit siyang tumabi. Naamoy niya ang mabini nitong bango na matagal niyang hinanap. Bumilis tuloy ang tibok ng puso niya sa pakakakalapit nila
“Atong, ano ba ang nangyari?” malungkot na tanong ni Penelope.
Napahinga siya ng malalim. Ang ina ni Bonsai ang tumawag dito para ipaalam ang nangyari sa kaibigan. Mukhang hindi rin naipaliwanag ng husto dito ang nangyari dahil na rin hindi pa makausap ng maayos ang mga kaanak ng babae. Dahil doon ay minabuti niyang paliwanagan si Penelope.
“The driver escaped. Pero hinahanap na siya ng mga pulis ngayon. Ang mahalaga, ligtas na si Ira. Nagpapagaling na siya. Sina Irish muna ang tumitingin kay Irvin habang hindi pa nakakalabas ng ospital si Ira,” imporma niya rito.
“G-Ganoon ba… N-Nakakaawa naman si Irvin… he lost his mom…” naluluhang saad ni Penelope. Muli, pinakalma niya ito. Hinaplos niya ang likod nito at napahinga siya ng malalim ng mapaiyak itong muli.
Kinabig niya ito. Naginit ang puso niya ng maramdamang muli ang init nito. Hindi niya ito pinakawalan hangga’t hindi gumagaan ang pakiramdam. Sisinghot-singhot ito ng kumawala sa kanya makalipas ang ilang minuto.
“I-I’m sorry. Iniyakan na kita,” nahihiyang hininging paumanhin nito.
Napasinghap ito ng punasan niya ang pisngi nitong basa na ng luha. Hindi na niya napigilan dahil hindi niya matiis na nakikita itong luhaan. “It’s okay. Lahat naman tayo, nalulungkot sa pagkawala ni Bonsai.” nakakaunawang anas niya.
Napatango ito at napahinga ng malalim. Saglit itong natahimik at tila napaisip. Siya naman ay hindi mapakali. Gusto niyang malaman kung ano ang iniisip nito. Hindi siya sanay na ganito ito katahimik. Dati kasi ay makwento ito.
“Are you hungry?” untag niya.
Tumango ito. “Oo. Magpapaalam nga sana muna ako. Pagkadating ko kanina, sa hotel ako dumiretso at iniwanan ang mga gamit doon. Hindi na ako kumain. Dito na agad ako nagpunta,” paliwanag nito.
Napatango siya. “Okay. Kumain ka na muna. Sasamahan kita. Sa Hades’ Lair na lang tayo magpunta. Malapit lang iyon dito,” suhestyon niya. Tutal ay nandoon naman sina Gerald at Anariz. Sila na muna ang bahalang umasiste sa mga kaanak nila Bonsai at Ira kapag may kailangan.
“Oh, no. Ako na lang. Magta-taxi na lang ako,” tanggi nito. Lihim siyang napahinga ng malalim. Mukhang sanay na talaga itong wala siya sa buhay nito. Nakakalungkot iyon at nakakapanghinayang…
“I insist. Gabi na rin. Hindi safe na mag-taxi ka na mag-isa lang,” sagot niya. Alam niyang hindi niya ito dapat nilalapitan pero hindi niya matiis. Hindi rin niya kayang palampasin ang pagkakataon. Ang tagal nilang hindi nagkita. Gusto rin niyang pagbigyan ang sariling makasama ito kahit sandali lang.
Natigilan ito at saglit na napaisip. Kinabahan tuloy siya at lihim na nagdasal na sana ay pagbigyan nito. Halos hindi na siya humihinga kakahintay ng desisyon nito.
Hanggang sa napahinga ito ng malalim saka napatango. “Okay,” pagpayag nito.
Doon na siya nakahinga ng maluwag. Saglit siyang nalito dahil dumagsa ang antisipasyon at pananabik sa sistema niya. Gusto niyang matawa sa sariling reaksyon. Simpleng dinner lang iyon pero nalito agad siya.
“Okay then. May tatawagan lang ako,” sagot ni Atong, saka bahagyang lumayo kay Penelope at tinawagan si Riu—ang kanyang personal assistant at “invisible” bodyguard na “lumilitaw” lang kapag kailangan nilang mag-usap nang personal. That was their arrangement.
Riu is also a half Japanese, half Filipino like him. Mas matanda lang ito nang dalawang taon. Riu was also his friend. Anak ito ng kanyang judo master noong nasa high school pa siya. Dati itong nagtatrabaho sa NBI. Nag-resign ito doon para maging body guard niya. Eksperto ito sa paggamit ng baril at kung anu-anong weapon. Bukod doon ay black belter din ito ng muay thai, aikido at judo. Sa ngayon, limang taon na niya itong body guard.
“Moshi moshi,” sagot nito sa wikang hapon. Baritono ang boses nito. Nasisiguro niyang akma iyon sa laking katawan nito. Magkasintangkad sila. Mas malaki lang ang katawan nito na mukhang hindi lang alaga sa ehersisyo kundi batak din sa trabaho.
Napahinga siya ng malalim. “Watashi ga ikanakereba naranai. Chodo watashitachi ni shitagaimasu,” simpleng bilin niya na ang ibig sabihin ay nagpapaalam siyang kailangang umalis at sumunod na lang ito. Kapwa sila matatas ni Riu sa salitang tagalog, Nippongo at English.
“Hai,” agad nitong sagot saka tuluyan nang tinapos ang tawag.
Pagkatapos noon ay sina Gerald naman ang hinarap niya. Ipinakilala niya muna si Penelope sa asawa nito bago nagpaalam. Simpleng tango naman at tipid na ngiti ang iginawad ng dalawang babae sa isa’t isa. Agad naman silang pinayagan ng magasawa at hinarap na niya si Penelope.
“Let’s go?” aniya, saka inalalayan na itong lumabas sa chapel at isinakay sa itim na Mustang. Tuluyan na nilang nilisan ang lugar. Gusto niyang batukan ang sarili dahil kinakabahan siya. Palibhasa, nasa tabi niya ngayon si Penelope. Nao-overwhelm siya sa presensya nito.
Pagdating sa Hades’ Lair ay agad siyang nagpahanda ng makakain. Sa opisina niya ito dinala dahil maingay na sa bar. Soundproof naman ang opisina kaya nasisiguro niyang makakapag-relax ito. Sinigurado din niyang paborito nito ang mga pagkain maging ang dessert. Pritong bangus, pakbet at enseladang mangga ang hinanda. Buko juice naman ang inumin nito.
Napanganga tuloy ito sa nakahain. “P-Paborito ko lahat ng ito…”
“Ubusin mo ‘yan,” aniya saka nilagyan na ng kanin ang pinggan nito. Doon ito napatingin at tinitigan siya. Biglang kumabog ang dibdib niya.
Napatikhim siya para pahupain ang sariling nailang sa titig nito. “We need to eat. Babalik pa tayo doon,” aniya saka nilagyan ng pagkain ang sariling pinggan.
“O-Okay.” sagot nito pero napatitig sa pagkain. Mukhang nagisip muli hanggang sa napahinga ng malalim saka tumalima na. Anuman ang gusto nitong sabihin ay hindi na nito ginawa. Mabuti naman. Dahil anuman iyon ay hindi rin siya handang sagutin.
Napabuntong hininga na lang siya.
BINABASA MO ANG
HADES LAIR TRILOGY BOOK 3: THE FALL OF NAGATO (SOON TO PUBLISHED UNDER PHR)
Romance[STATUS: COMPLETED]✓✓✓ THIS IS THE STORY OF NAGATO 'ATONG', THE 3RD BOOK OF HADES' LAIR TRILOGY. IMPRESSIVE RANK: #1 IN MOB BOOK IN ORDER: BOOK 1: GERALD'S SURRENDER LINK: https://www.wattpad.com/story/207874809-hades%27-lair-book-1-gerald%27s-surr...