After six months…
“ANAK, KAILAN mo ba itatayo ang plano mong negosyo?” tanong ng ina ni Penelope. Napangiti siya. Iyon sana ang sorpresa niya rito. Nakapagpasa na siya ng resignation letter at tinanggap naman iyon ng ospital. Mage-endorse na lang siya at magpapa-clearance para makuha ang mga benefits na puwede niyang ipandagdag sa negosyong itatayo.
Excited na talaga siya. Anim na buwan na siyang nakakabalik mula sa Pilipinas. Dahil sa huling paguusap nila ni Atong, iyon ang ginamit niyang motivation para abalahin ang sarili. Nagpaka-busy siya, panay ang overtime para makalimutan ito at makaipon.
Palibhasa, hanggang ngayon ay sariwa pa rin sa alaala niya ang lahat. Parang nakarma siya. Ang buong akala niya ay lilipas ang lahat dahil inabala niya ang sarili. Bagsak na siya sa pagod paguwi pero paggising sa umaga ay hungkag na hungkag ang pakiramdam niya.
At sa tuwing ganoon ang pakiramdam niya, naiisip niya si Atong. Naalala niya ang dilim ng mukha nito, ang sakit sa mga mata nito at sama ng loob iniwan niya rito. Naiisip niya kung galit pa rin ba ito, maganda ba ang kalagayan o nasa magandang disposisyo na ba. Nakalimutan na rin kaya nito ang nangyari sa hotel? Siya kasi ay hindi magawang makalimutan iyon.
Iyon na yata ang karma niya sa hayagang pagsisinungaling. Madalas siyang dalawin ng mga alaalang hindi nagpapatulog sa kanya. She was missing him terribly, so damn much that it hurts…
Sa huli, pinagagalitan niya ang sarili. Hindi siya dapat makaramdam ng ganoon. Ni hindi nga niya ito nobyo. Ni hindi nga sila puwede. Ininsulto din siya na ilang linggo niyang ininda hanggang sa nagawang maintindihan dahil ginalit din niya ito kaya nito nasabi iyon. Kailangan pa ba niyang ipagdiinan iyon sa sarili?
Ginawa niya ang lahat para makalimot. Bukod sa trabaho, sumubok na rin siyang tumanggap ng manliligaw. Mapa-doktor, nurse o relative ng pasyenteng nakatoka sa kanya ay hinayaan niyang ligawan siya. Nag-entertain naman siya pero sa huli, wala din siyang nagustuhan. Siguro, talagang ganoon. Wala talaga siyang nakapang interes kaya minabuti niyang tapatin din habang maaga.
“Paguwi ko ho. Itatayo ko na ‘yon,” nangingiting balita niya.
Natawa siya ng mapatili ito. “Anak! Matutuwa ang tatay mo nito! Naku, kailan ba ang uwi mo ng makapaghanda naman kami?” excited na tanong nito.
“Sa birthday ho ni Irvin. Uuwi ako at hindi na ako babalik dito,” nakangiting sagot niya. Sakto lang na matatapos na ang endorsement niya noon at clearance. Dalawang linggo mula sa araw na iyon ang birthday ni Irvin.
“Ah, oo nga pala. First birthday niya iyon. Tumawag nga si Ira dito kagabi. Iniimbitahan din kami. Nagbilin din na ipaalala sa’yo,”
Napangiti ulit siya. Sa tingin niya ay nakakabangon na rin si Ira sa mga nangyari. Nagtatawagan din sila nito at nagkukumustahan. Ilang beses din nitong pinaalala ang tungkol sa birthday Irvin. Gusto rin naman talaga niyang pumunta dahil nami-miss niya ang bata. Isa pa ay iyon na rin ang pambawi niya kay Bonsai. Kahit man lang sana ang anak nito ang madalaw niya, bagay na hindi niya nagawa noong nabubuhay pa ito.
“Magpahinga ka na, ha. Tumawag ka na lang kung pauwi ka na para masundo ka namin sa airport,” bilin ng ina niya saka tuluyan na silang nagpaalamanan.
Pagkababa ng cellphone ay napahinga siya ng malalim. Muli, naisip niya si Atong. Siguradong magkikita sila nito sa birthday ni Irvin. Binundol ng kaba ang dibdib niya. Nagliparan ang mga paruparu sa sikmura niya hanggang sa napailing siya sa sarili.
Bakit ba siya nae-excite? Napabuntong hininga siya at kinalma ang sarili. Pagkatapos ng mga nangyari? Excited pa rin siya? Naku, dalang-dala na siya. Napailing siyang muli at pinagalitan ang sarili sa huli. Minabuti niyang magpahinga na lang at baka kung saan na naman mauwi ang pagalala niya rito. Kung magkikita sila, hayaan lang niya. Karapatan naman nitong magpunta sa party dahil kaibigan at ninong dito ito ni Irvin. Iiwas na lang siya.
Napatango siya sa naisip.
BINABASA MO ANG
HADES LAIR TRILOGY BOOK 3: THE FALL OF NAGATO (SOON TO PUBLISHED UNDER PHR)
Romance[STATUS: COMPLETED]✓✓✓ THIS IS THE STORY OF NAGATO 'ATONG', THE 3RD BOOK OF HADES' LAIR TRILOGY. IMPRESSIVE RANK: #1 IN MOB BOOK IN ORDER: BOOK 1: GERALD'S SURRENDER LINK: https://www.wattpad.com/story/207874809-hades%27-lair-book-1-gerald%27s-surr...