54. STARTING OVER AGAIN

520 21 3
                                    

"Wow. Nakakakilig naman itong manliligaw mo. Tataba tayong lahat kapag ipagpapatuloy pa niya ito ng isang linggo," ani Rhea kay Penelope habang kinakain ang packed lunch na dinig niya ay personal pang hinanda ni Atong para ipadala para sa kanila. Pati ang ilang kasamahan niya sa station, nag-thumbs up sa kanya. Bakit naman hindi? Lahat sila, pinadalhan! In all fairness, masarap iyon. Marunong din naman kasing magluto si Atong at mukhang nahahasa pa ito dahil halos araw-araw, ginagawa nito iyon.

Kundi nito personal na dinadala ang mga pagkain kasama si Riu, nagpapa-deliver na lang ito mula sa isang kilalang restaurant sa Baguio. Sa tuwing may pagkakataon ito, dumadaan ito doon para kumustahin siya saglit. Madalas din itong dumadalaw sa bahay nila. Hindi lang kasamahan niya sa trabaho ang sinusuyo ni Atong kundi ang pamilya din niya.

Lagi din itong may dalang pasabulong sa pamilya niya. Nagboluntaryo din itong tutulong na hanapan ng trabaho si Peter. Hindi napigilan ng distansya nila—dahil paluwas-luwas ito sa Maynila para sa trabaho sa Hades' Lair—ang panunuyo nito sa kanya.

Magiisang buwan na siya nitong sinusuyo at aaminin niya, gusto na niya itong sagutin! Hindi na nga siya nakakatulog sa effort nito. Lagi niya iyong iniisip at inaalala. Pati ang pamilya niya, ang effort na lang ni Atong ang nakikita. Natutuwa siya na tuluyan ng nawala ang pagkaalangan sa pamilya niya pagdating kay Atong. Hinaharap naman nila ito ng maayos.

Dream come true para sa kanya ang ginagawa ni Atong. Doon din niya napagtanto na masarap pa rin sa pakiramdam na ito mismo ang nanunuyo sa kanya. Tipong pinaghihirapan siya kahit pa alam naman nito na mahal din naman niya ito. Kung tutuusin ay mas minahal pa niya ito ngayon. Dahil sa mga pimagdaanan nila, lalo pang tumibay ang pagibig niya dito.

Iyon nga lang, hindi niya ito masagot. Papaano niya ito sasagutin kundi naman ito nagtatanong? Napailing siya sa naisip.

"Ikaw talaga." natatawang sagot niya kay Rhea at tinapos na ang ginagawa para makakain na rin. Nang matapos ito, nagpalit sila sa puwesto. Siya naman ang pumasok sa maliit na pantry ng station sa likuran para makakain. Dahil malaki ang ospital, bawat floors ay inilaanan ng maliit na silid para sa kainan nila at stock ng mga medical supplies. Isa pa ay mga private rooms ang hawak nila kaya okay lang dahil hindi sila expose sa ibang pasyente.

Kumain na siya at naaliw sa sarap ng pakbet. Alam na alam ni Atong talaga kung papaano siya pasisiyahin. Pakbet pa lang, happy na talaga siya. Napabungisngis siya sa naisip.

Matapos kumain ay nagtrabaho na siya hanggang sumapit ang uwian. Hanggang alas tres ng hapon ang pasok niya. Napangiti siya ng makitang saktong alas tres ay dumating naman si Atong. On time ito lagi. Natutuwa siya talaga dito. Kung nagpapalakas ito sa kanya, sobrang lakas na nito dahil sa effort na ipinakita nito.

"Ready?" nakangiting tanong nito.

Tumango siya. "Maga-out lang ako," sagot niya saka siya sinamahan sa admin kung nasaan ang biometric nila. Pagkatapos noon ay inalalayan na siya nitong lumabas. Kilig na kilig na naman siya, Para tuloy siyang lumutang sa saya.

"Maaga pa. May gusto ka bang puntahan?" nakangiting tanong nito.

Umiling siya. "Sa bahay na lang tayo,"

"Okay. Pero bumili muna tayo ng meryenda. How about pansit?" anito saka pinausad na ang sasakyan.

Napabungisngis siya. Pagkain na naman! Mananaba na talaga silang lahat kakapakain ni Atong. "Alam mo? Tataba kaming lahat sa'yo," biro niya.

Natawa ito. "Okay lang. Kahit tumataba ka, mamahalin pa rin kita."

Natunaw ang puso niya. Hindi niya napigilan dahil ramdam niyang totoo iyon. "Sabi mo lang 'yan," sagot niya. Nagpapalambing pa rin kahit tunaw na tunaw na ang puso niya.

HADES LAIR TRILOGY BOOK 3: THE FALL OF NAGATO (SOON TO PUBLISHED UNDER PHR)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon