Chapter 44: Free Woman

3K 184 16
                                    

Dylan as Lance


Lance’s POV
Napapikit ako sa di inaasahang pagpapaputok ng baril na hawak ni daddy

Oops! Ang larawang ito ay hindi sumusunod sa aming mga alituntunin sa nilalaman. Upang magpatuloy sa pag-publish, subukan itong alisin o mag-upload ng bago.


Lance’s POV

Napapikit ako sa di inaasahang pagpapaputok ng baril na hawak ni daddy. Alam kong hindi siya naging mabuting ama sa akin ngunit hindi ko naman inaasahang magagawa niya iyon nang hindi man lang nagdadalawang isip. Isang sandali pa ay muli kong binuksan ang aking mga mata dahil wala akong naramdamang kahit anong sakit mula nang iputok ni daddy ang baril. Muli kong nasilayan ang kaniyang mukha na nakatingin sa baril na ngayo’y hindi na nakatutok sa akin.

“Gumagana nga kapag sayo ko itinutok ito” Sambit niya na para bang wala lang sa kaniya ang pagsubok sa kakayahan ng baril na kaniyang hawak-hawak.

“Hindi mo ba talaga kayang itutok sa akin ang baril?” Nabigla ako nang itanong niya sa akin ito.

“Hi-Hindi natin to kailangang gawin daddy” Nauutal kong tugon dahil pakiramdam ko ay seryoso talaga siya na barilin namin ang isa’t isa.

“Kapag hindi mo ginawa ang nais nilang mangyari ay tiyak na walang matitira sa ating dalawa, kaya ngayon ay binibigyan kita ng pagkakataong barilin ako” Mahinahong sambit ni daddy ngunit damang dama ko sa tono ng kaniyang pananalita ang kawalan ng pag-asa na malulusutan pa natin ito.

“Hindi natin kailangang gawin ito! Makakahanap pa tayo ng paraan upang malusutan ito” Pagmamatigas ko ngunit alam ko sa sarili ko na malabong malusutan pa namin ang pagsubok na ito.

“Kung hindi ka sana nakialam eh di sana hindi tayo aabot sa ganito!” Galit na sambit ng aking ama habang ako ay kaniyang dinuduro.

“Pero kung hindi ako nakialam ay malamang patay na ngayon si Gon” Sabat ko na kaniyang ikinagalit. Alam ko namang kamatayan ang magiging kapalit kapag nalaman ng organisasyon na may alam ako tungkol sa kanila ngunit nagpumilit pa rin ako alang-alang sa kaligtasan ng taong pinakamamahal ko. Hindi ko masisisi si daddy kung bakit labis ang galit niya kay Mang Arthur pero hindi naman tama na kailangan niyang idamay si Gon at si Ate Pritz sa kaniyang plano.

“Tutal mas mahalaga naman ang buhay ng kasintahan mo kaysa sa sarili mong ama ay bakit hindi mo na lang ako barilin ngayon? Kapag ako ang nabuhay sa ating dalawa ay sisiguraduhin kong mamatay si Gon at si Prisicilla!” Pagbabanta niya sa akin habang unti-unti siyang lumalapit at nakatutok sa akin ang hawak-hawak niyang baril.

“Dad-dy” Nauutal kong sabi habang dahan dahang inaangat ang hawak kong baril upang itutok ito sa kaniiya. Hindi dahil sa nais ko siyang barilin, yun ay dahil nais ko lang siyang takutin. Labis ang panginginig ng aking kamay habang tinututok ko ito sa kaniya. Kahit gaano pa man kasama ang kaniyang mga nagawa ay hindi ko pa rin kayang ilagay sa aking mga kamay ang batas. Hindi ko kayang kumitil ng buhay lalong lalo na’t siya ang aking magulang.

“Iputok mo na para matapos na ang lahat nang ito!” Sambit ni daddy nang tuluyan siyang makalapit sa akin at nakadikit na mismo sa kaniyang dibdib ang hawak kong baril. Wala siyang takot na maaari kong makalabit ang gatilyo na siyang kikitil sa kaniyang buhay.

“Kung hindi mo kayang gawin ay sabay na lang nating kalabitin ang gatilyo upang maging patas tayo sa magiging kahihinatnan ng isa’t isa” Dugtong niya at bigla na lang tinutok sa aking sintido ang kaniyang hawak na baril.

Mabilis nangilid ang mga luha sa aking mga mata hindi dahil sa natatakot akong mamatay, yun ay dahil hindi ko man lang nagawang magpaalam nang maayos kay Gon. Sa pagpasok ko sa gulong ito ay alam kong darating ang araw na babawiin nito ang aking buhay at hinanda ko na ang sarili ko para sa sandaling ito. Ang tanging kinakatakot ko lang ay ang mamatay nang hindi man lang nakakapagpaalam ng maayos sa kaniya. Marahil ay ito na nga ang nararapat naming gawin. Ang sino mang manatili sa amin ay siyang magdurusa. Umabot na ako sa pagkakataong ito upang maprotektahan si Gon kaya hindi ko hahayaang mapaslang siya ng aking ama. Labag man sa aking kalooban ay kailangan ko itong gawin alang-alang sa kaniyang kaligtasan at sa huling pagkakataon ay muli akong tumingin sa kaniyang kinaroroonan upang banggitin ang mensahe mula sa aking isipan.

“Alam mo kahit na puro galos ang iyong katawaan at wala na sa ayos yang buhok mo ay ikaw pa rin ang pinakamagandang nilalang sa paningin ko. Sinong mag-aakala na aabot tayo sa pagiging magkasintahan mula sa pagiging magkaaway nating dalawa? Gusto kong malaman mo na ikaw ang pinakamagandang bagay na dumating sa aking buhay. Mawala man ako ngayon ay sana ay laging mong iisipin na hindi dito nagtatapos ang pagmamahal ko sayo. Huwag na huwag mong pababayaan ang sarili mo dahil ayokong mag-alala ng labis sa kabilang buhay at sana’y huwag mong kakalimutan na minsan ay may nagmahal sayo na kagaya ko”

Sambit ko sa aking isipan na alam kong hindi naman niya maririnig. Sa ganitong paraan kasi ay mas magiging magaan sa akin ang pagtanggap na lilisanin ko na ang mundong ito. Huminga ako nang malalim bago ngumiti nang ibaling ko ang aking pagtingin sa aking ama. Nanatili pa ring nakatutok ang kaniyang baril sa aking sintido at ang akin naman ay sa kaniyang dibdib. Tumango ako sa kaniya bilang pagsang-ayon sa nais niyang mangyari at bigla na lang niya akong niyakap nang mahigpit habang nakatutok ang mga hawak naming baril sa isa’t isa. Bumulong siya sa akin ng mga salitang kailan man ay hindi ko pa naririnig mula sa kaniya. Mabilis umagos ang mga luha sa aking mga mata habang binabanggit niya ang mga salitang iyon. Kay tagal kong inasam na marinig ang mga salitang iyon mula sa kaniya at ngayon ay nagpapasalamat ako na marinig ito kahit na sa una’t huling pagkakataon.

Matapos niyang banggitin ang mga salitang nais niyang sabihin sa akin ay binigyan niya ako ng halik sa aking pisngi. Kasunod nito ang paghikayat niya sa akin na sabay naming ipuputok ang baril matapos niyang bumilang ng tatlo. Tumango ako bilang pagsang-ayon habang patuloy pa rin ang pagpatak ng aking mga luha. Hindi ko man lang nagawang tumugon sa kaniyang mga sinabi dahil pinangunahan ako ng aking emosyon. Hinawakan niya pa ang aking kamay na kasalukuyang may hawak na baril na nakatutok sa kaniyang dibdib. Sinugurado niyang nakatutok ito sa pwesto ng kaniyang dibdib na siyang tatama sa kaniyang puso. Mahigpit niya itong hinawakan upang masiguro na ipuputok ko ang baril sa sandaling matapos siyang magbilang. At sa pagkakataong nagsimula siyang magbilang ay kaagad akong pumikit dahil hindi ko kayang makita ang kaniyang mukha kapag kinalabit ko na ang gatilyo ng baril. Ngunit nasa ikalawang bilang pa lang ang kaniyang nabanggit nang marinig ko ang pagputok ng baril. 

Tila tumigil ang sandali matapos kong marinig ang nakakabinging ingay mula sa pagputok ng baril. Sa sandaling imulat ko ang aking mga mata ay muli kong nasilayan sa bihirang pagkakataon ang matamis na ngiti sa akin ng aking ama. Ang ngiting iyon ay unti-unting nawala nang siya ay dahan dahang bumagsak sa sahig. Mabilis nanlamig ang aking mga kamay nang maramdaman ko dugo sa aking palad at sa hawak kong baril. Kaagad kong nabitawan ang hawak kong baril nang mapagtanto ko ang karumaldumal na krimen na aking nagawa. Kasabay ng pagbasak ng baril na aking hawak ay pagbuhos ng luha sa aking mga mata habang nakatingin sa aking ama na nag-aagaw buhay sa aking harapan. Kaagad akong lumuhod upang maipatong ang kaniyang ulo sa aking mga hita habang pinipigilan ang paglabas ng dugo mula sa kaniyang dibdib gamit ang aking kamay.

“Huwag kayong mag-alala daddy…da-dalhin ko kayo sa ospital… Tatawag ako ng ambulansya” Sambit ko habang siya ay pinipilit na magsalita ngunit walang lumalabas na boses mula sa kaniyang bibig. Paulit-ulit akong sumisigaw mula sa loob ng arena upang humingi ng tulong ngunit ni isa sa kanila ay walang lumapit upang matulungan ang aking ama na nag-aagaw buhay. Ilang beses akong nagmakaawa sa kanila na gagawin ko ang lahat nang nais nilang ipagawa sa akin basta maisalba lang nila ang buhay ng aking ama ngunit wala akong narinig na tugon mula sa kanila. Sa huling pagkakataon ay naramdaman ko ang haplos ng aking ama sa aking mukha habang pilit na nagsasalita kahit na walang boses na lumalabas sa kaniyang bibig. Tinuon ko ang buong atensyon ko sa kaniya upang maintindihan ang kaniyang nais sambitin hanggang sa unti-unti siyang bawian ng buhay.

“Daddy gising.. Daddy huwag mo akong iwan please” Pagsusumamo ko habang marahan kong tinatapik ang kaniyang mukha upang siya ay gisingin ngunit hindi na muling dumilat pa ang kaniyang mga mata. Labis ang sakit na aking nadarama habang yakap-yakap ko ang walang buhay na katawan ng aking ama. Sobrang sakit lalo na’t ako ang dahilan ng kaniyang pagkamatay. Ngayon ko napagtanto na kahit gaano kasama siyang ama sa akin ay hinding hindi ko pa rin makakayang mawalay siya sa akin.

Labis ang pagsusumamo ko habang yakap-yakap ang aking ama. Tila walang katapusan ang pagbuhos ng aking mga luha habang sinisigaw ang kaniyang pangalan. Sa buong arena ay tanging boses ko lamang ang maririnig na umaalingawngaw. Habang ako ay lumuluha ay aking napansin ang baril na kanina’y hawak-hawak ng aking ama. Mabilis ko itong dinampot at muling pinahawak sa kaniya. Sinubukan kong alalayan ang kaniyang daliri upang kalabitin ang gatilyo habang nakatutok ito sa aking noo, ngunit kahit ilang beses ko pang kalabitin ito ay hindi pa rin siya pumuputok.

“Isa pa sa mga nakalimutan kong banggitin ay hindi na gagana pa ang mga baril na yan kapag may isa nang namatay sa inyo” Nakangiting sambit ng hayop na pinunong ito. Kung mabibigyan lang ako ng pagkakataon ay nais kong ako mismo ang kumitil sa buhay ng demonyong to.

Sa ngayon ay wala akong magawa kundi ang umiyak sa pagkawala ng aking ama. Pakiramdam ko ay walang silbi ang naging pag-eensayo ko sa mahigit na dalawang taon dahil hindi ko rin naman ito napakinabangan sa sandaling kailangan na kailangan ko. Patuloy lang ako sa pag-iyak at hindi lumayo sa tabi ng aking ama. Paulit-ulit kong sinasambit sa walang buhay niyang katawan ang paghingi ko ng tawad. Halos hindi ko na nga alam kung gaano katagal na akong umiiyak dahil mismo ang aking mga mata na ang napagod sa walang tigil na pag-iyak ko. Lalong naningkit ang aking mga mata dahil sa pamamaga nito mula sa matinding pag-iyak. Maging ang aking boses ay unti-unting namaos sa pagsisigaw.

Ngayon ay tila tinakasan na ako ng katinuan at hindi na ako makakilos mula sa aking kinauupuan. Hindi ko nga namalayan na muli na palang nakabalik sila Mang Arthur kasama si Ate Pritz na ngayo’y gising na ngunit hindi makatingin sa akin ng derecho. Si Gon ay nanatiling wala pa ring malay habang karga-karga siya ni Mang Arthur. Ang buong akala ko ay matatapos na ang lahat nang mamatay si daddy ngunit una pa lamang pala ito sa nais mangyari ng pinuno.

“Malinis na ang pamilya ng Fuentes ngayon naman ay magsisimula tayo sa pamilyang Rodriguez” Sambit ng pinuno na siyang ikinagulat ni Mang Arthur.

“Akala ko ba napag-usapan na natin ito?” Tugon ni Mang Arthur nang maihiga niya sa malamig na sahig ang kaniyang anak.

“Ang napag-usapan lang natin ay sasagipin ko ang anak mo mula kay Kendrick. Wala sa usapan ang iligtas ko ang anak mo sa organisasyon. Hindi ko pwedeng suwayin ang batas!” Sagot ng pinuno at kaagad inutusang kunin ang mga finger prints ng mag-ama. Nagpupumiglas man ay nagawang makuha ang finger print ni Mang Arthur dahil sa dami ng tauhang pumigil sa pagkilos niya.

“Huwag kang mag-alala dahil kayo lang ni Gon ang isasali ko sa larong ito dahil malaki pa ang pakinabang sa akin ni Priscilla” Dugtong ng pinuno at kaniyang hinimas ang ulo ni Ate Pritz na tila na wala na rin sa kaniyang katinuan. Kahit kaunting pagtutol ay walang makikita sa kaniyang pagkilos.

“Hindi naman natin to kailangang gawin kong papatawan mo ako ng seklusyon” Pagsusumamo ni Mang Arthur habang muling hinahanda ang mga baril na siyang ginamit namin kanina ng aking ama. Sa ikalawang pagkakataon ay muli na naman itong kikitil ng isang buhay mula sa mag-ama.

“Alam mong isa lang sa inyo ang pwede kong bigyan ng seklusyon dahil si Priscilla pa rin ang kikilanin ng organisasyon mula sa inyong pamilya. Ang mabubuhay sa inyo ni Gon ang mabibigyan ng seklusyon upang maligtas sa hatol ng organisasyon kapalit ang mahalagang impormasyong binigay mo”

Lalong sumama ang loob ko nang marinig ang tungkol sa seklusyon. Maaari pang maiwasan naming magpatayan ni daddy kung makikipagkasundo kami sa kanila ngunit hindi nila ito hinayaang mangyari. Sa pagkakataong ito ay nasisiguro kong mapapahamak si Gon dahil wala silang balak na iurong ang pagsubok kahit na wala itong malay. Sa sandaling pinatayo nila si Gon ng pwersahan ay tila ba nanumbalik ang aking lakas sa pagkataranta. Bago pa man ako makalayo ay may humila kaagad sa aking damit na malapit sa aking batok. Paglingon ko ay nakita ko na naman si Rin na pumipigil sa nais kong gawin. Ngunit sa pagkakataong ito ay hindi ako nagpalupig kaya dali-dali kong tinaas ang aking mga kamay at bahagyang lumuhod upang lumusot ang katawan ko sa suot kong damit bago nanakbo patungo sa kinaroroonan ni Gon. Nagawa kong agawin si Gon mula sa lalaking may hawak sa kaniya at mahigpit na niyakap ang kaniyang katawan.

“Kung balak niyong patayin si Gon ay isama niyo na rin ako” Sambit ko habang yakap-yakap ko ang walang malay na si Gon. Hindi ko kakayaning may isa pang mahalagang tao sa buhay ko na mamatay dahil sa demonyong organisasyong ito. Kung papatayin nila si Gon ay mas mabuting isama na rin nila ako dahil wala na ring saysay ang pananatili ko kung mabubuhay ako nang hindi siya ang aking kapiling.

“Wala ka bang balak na magpaubaya Urelio?” Natatawang tanong ng pinuno. Sukang suka ako sa inaasal ni Mang Arthur dahil hindi niya magawang magsakripisyo para sa kaniyang anak gayong siya naman ang dahilan ng gulong ito.

“Tutal wala na rin namang malay si Gon. Maituturing nating ikaw ang nagwagi sa pagkakataong ito maliban na lang kung pipiliin mo ang pagkatalo. Bibilang ako hanggang tatlo upang marinig mula sayo ang salitang pagsuko at kung hindi ay pauulan namin ng bala ang anak mo” Dugtong pa nito at karamihan sa kaniyang mga tauhan ay nakatutok na sa amin ni Gon ang kanilang mga baril. Ramdam ko na sa pagkakataong ito na hindi na ako makakaligtas mula sa kamatayan. Ngunit sa pagkakataong ito ay buong tapang kong haharapin ang aking kamatayan dahil sa huling sandali ng aking buhay ay si Gon ang aking kapiling. Yumakap ako ng mahigpit sa kaniyang katawan at nilapit ang kaniyang mukha sa aking dibdib habang nakasandal ang aking mukha sa kaniyang ulo. Paulit-ulit kong binubulong sa kaniyang tenga kung gaano ko siya kamahal. Naging maiksi man ang aming sandali dito sa mundo ay ang pagmamahalan naman namin ang naging pinakamagandang nangyari sa amin na habang buhay kong pinapasalamatan. Nang marinig ko ang pagbibilang ng pinuno ay kaagad kong pinikit ang aking mga mata bilang pagtanggap sa aming kapalaran.

“Isa, dalawa…” Malakas na sambit ng pinuno ngunit bigla na lamang natigil ang pagbibilang niya nang may nangahas magsalita.

“Grabe! No chill talaga Boss Keith?” Narinig kong sabi ng isang babae at kaagad kong dinilat ang aking mga mata upang malaman kung sino sa mga kasama niya ang nangahas na magsalita. Laking gulat ko nang makita ko ang pamilyar na mukha na mayroong mahabang buhok. Hindi ko napigilang sambitin ang kaniyang pangalan upang agawin ang atensyon nito.

“Ku-Kuya Eisen? Anong ginagawa mo dito?” Sambit ko na siyang ikinalingun niya kaagad. Mabilis kumunot ang kaniyang noo bago siya tumugon sa pagtawag ko.

“Kuya? Mukha ba akong lalaki sa paningin mo?” Tugon nito na aking ikinabigla. Babaeng babae ang boses nito na malayo sa pananalita ng pinsan ko. Hindi ko alam kung nililinlang ba ako ng aking paningin dahil ang laki ng pagkakahawig niya sa aking pinsan.

“Anong ginagawa mo dito Samantha?” Mahinahong tanong ng pinuno na tinawag nitong Boss Keith. Bigla ko na lang naalala na mayroon nga palang kapatid si kuya Eisen na ngayon ay nasa kulungan na ang pangalan ay Sam. Naguguluhan ako sa nangyayari dahil hindi ko malaman kong anong ginagawa niya dito kung kasalukuyan siyang nakakulong ngayon.

“Manonood lang sana ako kaso masyadong madrama itong pinsan ko kaya kailangan ko nang makisali” Tugon niya at doon ko nakompirma na siya nga ang nakakatandang kapatid ni kuya Eisen.

“What do you want?” Tanong ng pinunong pinangalanan niyang Keith. Gamit ang pagkumpas ng kaniyang kamay ay kaagad namang binaba ng mga armadong lalaki ang mga baril na nakatutok kay Sam.

“Kaligtasan ng pinsan ko” Mabilis nitong tugon at panandaliang tumingin sa akin upang kindatan ako.

“Kailan ka pa nagkaroon ng malasakit sa pinsan mo?” Tanong sa kaniya ni Keith at nilapit ang mukha kay Sam upang suriin ang mukha nito.

“Hindi ko naman to ginagawa para sa kaniya” Tugon niya at iniwas ang mukha mula kay Keith dahil halos halikan na siya nito.

“Anong ibig mong sabihin?” Tanong ni Keith na maging ako ay naguluhan sa kaniyang sinasabi.

“Ginagawa ko to para sa kapatid ko. Look! Sobrang depress na niya mula nang mamatay si mama. Kriminal ang kaniyang kapatid at hindi na siya maalala ng kaniyang first love” Tugon niya at nagbitaw ng hilaw na pagtawa.

“Tapos ngayon ay patay na ang kaniyang tiyo na siyang sinasandalan niya sa kaniyang pag-aaral. At malamang kukunin niyo ang kayamanan na mayroon sila matapos niyong patayin si Lance tama? Kailangang mabuhay ni Lance para damayan ang kapatid ko dahil kapag nalaman niyang patay ang mga kaanak niya ay magiging suicidal ang loko” Dugtong nito na nasundan ng malalim na paghinga
.
“Paano ka naman nakakasiguro na magpapakamatay si Eisen kapag nalaman niyang patay na ang kaniyang pinsan at tito?” Tanong sa kaniya ni Keith na kaniyang marahang inilingan.

“Dahil labis kong kilala ang bunso kong kapatid” Tugon niya na siyang tinawanan naman ni Keith. Maging ako ay hindi masyadong kumbinsido sa kaniyang dahilan.

“Lahat pa rin pala ng ginagawa mo ay para sa kaniya. Matagal ko na ring gustong makalaro si Eisen. Kailan mo ba siya isasama sa underworld?” Tanong ni Keith na kung saan bakas na bakas sa kaniyang mukha ang matinding pagnanasa. Mabilis namang natawa si Sam sa kaniyang narinig ngunit biglang naging seryoso ang mukha nito nang siya ay sumagot.

“Hanggang nabubuhay ako ay walang sino man sa inyo ang makakagalaw sa kapatid ko!” Seryosong sambit ni Sam na siyang ring tinawanan ni Keith.

“Ang lakas ng loob mong sabihin yan gayong palpak naman ang paghihiganti mo sa loob ng mansion ng Wells?” Tugon ni Keith habang umiiling na para bang ito ang pinakanakakatawang nabanggit niya.

“Planado na ang lahat at maging ang mga pulisya ay kontrolado ko na kung wala lang nagsulsol kay Chief Rinoa. Alam niya ang mangyayari sa mansyon at binayaran ko na ang hindi niya pagpakialam sa mga plano ko. Pero sino kaya tong hudas na binayaran ng doble ang balimbing na pulis upang bumaliktad sa aming usapan? Ang nakakatawa pa ay pinalabas niyong nasaksihan sa livestream ni James ang pagsalakay namin sa mansion gayong sinira namin ang lahat ng connection at nawalan pa ng kuryente ng isa-isa naming dinampot ang magkakapatid upang mailagay sa iisang kwarto” Inis na sambit ni Sam na siyang nagpa-atras ng kaunti kay Keith.

“Wala akong kinalaman diyan…Bakit hindi na lang tayo bumalik sa pakay mo?” Pagtanggi nito habang pinipigilang matawa at kaagad binago ang usapan.

“Wala naman talaga akong balak na patayin ang pinsan mo pero siya itong may gustong mamatay kasama ang kaniyang nobyo?” Dugtong niya at binigyan niya pa ng diin ang salitang nobyo para insultuhin ako.

“Alam ko yun kaya nga hinihingi ko ang kaligtasan ng kaniyang nobyo dahil alam kong wala siyang balak na mabuhay kapag namatay ito” Sambit ni Sam na para bang matagal na niya talaga akong kilala.

“At ano naman ang magiging kapalit nito?” Tanong ni Keith at kaagad dumukot si Sam sa kaniyang bulsa.

“Ang matagal mo nang hinahanap… Yin Yang Project” Tugon ni Sam habang hawak-hawak ang keychain na may nakasabit na dalawang flash drives na kulay puti at itim.

“Pa-panong napunta sa iyon yan?” Nauutal na tanong ni Keith nang makita niya ang mga flash drives. Hindi ko maipaliwanag nang husto ang kaniyang reaksyon dahil tila naghahalo ang takot at tuwa nang makita niya ang mga bagay na iyon.

“I have my ways” Tipid na tugon ni Sam at muling binalik sa loob ng kaniyang bulsa ang mga flash drives.

“Deal!” Mabilis na sambit ni Keith na para bang sobrang halaga ng mga flash drives na iyon at kaagad siyang sumang-ayon sa gustong mangyari ni Keith.

“Wait may isa pa akong demand!” Sambit ni Sam upang mapatigil si Keith mula sa kaniyang kinatatayuan. Halata sa kaniya ang labis na pagkasabik na makuha ang mga flash drives mula kay Sam dahil tila nagayuma ito papalapit sa kinatatayuan ni Sam.

“Niloloko mo ba ako?” Mabilis na sagot ni Keith na tila ba’y pag hindi niya nagustuhan ang isasagot ni Sam ay pauulanan na niya ito ng bala.

“Remember, Yin Yang Project ito. Ang unang demand ko ay kapalit ng flash drive na naglalaman ng soft copy ng Yin Project at ang kinaroroonan ng original files nito. Syempre iba rin ang magiging demand ko para sa nilalaman ng Yang Project. Pero nasasayo naman kung isa lang sa kanila ang kukunin mo. Ngunit nais kong malaman mo na hanggang ngayon ka lang pwedeng magdesisyon dahil kapag tinanggihan mo ito ay ibebenta ko na lamang ito sa mga interested buyers nito. Isipin mo maaari pa akong kumita ng daan daang milyon dahil lamang sa mga impormasyong ito” Natatawang sambit ni Sam. Labis akong napapahanga sa kaniyang tapang dahil nagagawa niyang makipag-usap ng ganiyan sa isa sa mga pinuno ng organisayon. Sa pagkaalaam ko ay malaki ang respeto ng mga miyembro sa mga pinuno nito dahil halos hawak na nila sa leeg ang mga ito. Pero sa uri ng pananalita ni Sam ay para bang ordinaryong tao lamang ang kaniyang kausap.

“Hindi ka ba natatakot na maaari kitang patayin mula sa kinatatayuan mo at agawin yang mga impormasyong meron ka?” Mahinahong pagkakasabi ni Keith ngunit ramdam na ramdam ang galit mula sa kaniyang pagbabanta.

“Hanggang ngayon ba naman ay minamaliit mo pa rin ako?” Natatawang tugon ni Sam at kaniyang ipinakita ang kulay gintong bracelet na kaniyang suot.

“Ang bracelet na ito ay sumusuri sa aking pulso at sa sandaling mamatay ako ay kusang mabubura ang laman nito” Dugtong ni Sam at muli niyang pinakita ang dalawang flash drives na kung saan ay may maliit na ilaw na kulay berde na nagpapatay-sindi gaya ng nasa bracelet ni Sam. Ito ay marahil bilang tanda na nakalink ang mga flash drives sa bracelet na suot ni Sam.

“Syempre ganun din kapag sapilitan niyong pinutol ang bracelet na suot ko. At kung sakali mang hindi ka tumupad sa usapan ay kakalat sa buong organisasyon ang pagpaslang mo sa mga miyembrong nanood sa munting palabas ni Tito Kendrick” Matapang na pagbabanta ni Sam na siyang nagpailing kay Keith habang tumatawa.

“Sa tingin mo ay maniniwala sila sayo?” Tanong nito at mas lalo pa siyang tumawa nang malakas.

“Sa akin hindi pero dito, oo” Bigla na lang may lumabas na video mula sa malaking screen na kung saan ay pinapalabas kung papano pagbabarilin ng mga tauhan ni Keith ang mga panauhin sa arena. Kitang kita rin mismo sa video kung papano pumasok sa eksena si Keith bilang patunay na siya ang tao sa likod ng pagpaslang sa daan-daang kataong naririto.

“Isa sa mga panauhin ni Tito Kendrick ay may suot na kwentas na mayroong hidden camera na nakainstall. Lahat ng nakuha niya ay derecho sa database ko na handang kumalata sa sandaling mamatay ako”
Nagawa pang ituro ni Sam ang kinaroroonan ng panauhing may suot na kwentas na mayroong hidden camera na siyang kinumpirma ng mga tauhan ni Keith. Imbes na mainis ay muling tumawa si Keith habang siya ay pumapalakpak na tila ba’y nasisiraan na siya ng bait.

“Ngayon ay humahanga na ako sayo at napatunayan kong anak ka nga talaga ng ama mo dahil parehas kayong magaling at tuso!” Natatawang sambit ni Keith habang pumapalakpak.

“I’ll take that as a compliment” Masayang tugon ni Sam bilang tanda na hawak niya ang sitwasyon.

“Okay let me hear your second request” Ani ni Keith habang nakapamaywang.

“Gusto kong ipasa mo ang lahat ng mga ari-arian ni Tito Kendrick kay Urelio na siyang papalit sa katayuan ni tito sa organisasyon” Kagaya ni Keith ay ako rin ay nabigla sa hindi inaasahang pabor na hinihingi ni Sam. 

“Nakakalimutan mo bang hindi siya isang Fuentes?” Mabilis na tugon ni Keith.

“Kaya nga magpapalit siya ng apelyido upang maisakatuparan ito. Kung hindi ako nagkakamali ay nagawa mo na rin ito para sa ibang tao?” Sambit ni Sam na siyang nagpabago sa hitsura ni Keith. Bakas sa kaniya ang pinaghalong takot at galit mula sa kaniyang naririnig. Matagal-tagal rin siyang nag-isip kung sasang-ayon ba siya sa nais mangyari ni Sam. Labis akong nahihigawaan sa dahilan ni Sam kung bakit niya ipagpapalit ang mga impormasyong nagkakahalaga ng daan-daang milyon para sa mga hinihingi niyang pabor na walang kasiguraduhan kong makikinabang ba siya.

“Okay, It’s a deal” Labag sa loob na sambit ni Keith matapos ang ilang sandali niyang pananahimik.

Mula sa likuran ni Keith ay may lumapit na tauhang may dala-dalang maliit na libro at kaagad itong binuklat nang makalapit sa pagitan ng kaniyang amo at ni Sam. Sabay silang nagtusok ng matulis na bagay sa kanilang hinlalaki upang magdugo ito at isa-isa silang nag-iwan ng marka ng kanilang hinlalaki sa loob ng libro. Marahil ay ito ang magiging katibayan ng kanilang kasunduan dahil maging si Sam ay naglabas ay naglabas ng maliit na libro mula sa kaniyang dibdib. Gaya ng ginawa nila sa naunang libro ay nag-iwan rin sila ng kanilang marka dito.

“Siguraduhin mo lang na totoo ang nilalaman ng mga ito” Sambit ni Keith matapos mapasakay niya ang dalawang flash drives na inabot ni Sam.

“Limang taon mo na akong kilala Keith este Boss Keith. Madalas pa tayong magkasama noon bago mo maagaw ang posisyo-” Hindi na natuloy ni Sam ang kaniyang sagot nang pigilan siya ni Keith sa pagsasalita.

“Enough!” Pagsuway nito at sa pagkakataong ito ay hindi na niya napigilang magtaas ng boses.

“3 months bago mapapalitan ang apelyido ni Urelio dahil kailangan pa nating maisagawa ang pekeng paglilitis sa pagkamatay ni Kendrick at ang paglipat ng mga ari-arian nito kay Urelio” Dugtong niya na tanging pagtango lang ang naging tugon ni Sam pero kapansin-pansin ang mapang-asar na pagngiti nito kay Keith. Hindi rin nagtagal nang magpasiyang umalis si Keith dala-dala ang mga flash drives na tila ba isang premyong kaniyang napanalunan. Ngunit bago pa siya makaalis sa loob ng arena ay muli siyang lumingon kay Sam upang magbitaw ng salita.

“Siguraduhin mo lang na marami ka pang alas bukod dito dahil sinisigurado kong darating ang araw na magiging parte ng organisasyon ang kapatid mo” Sambit nito na siyang tinawanan ni Sam.

“For sure, you’ll be surprised” Masayang tugon ni Sam na siyang kinainis ni Keith. Hindi na ito muling nagsalita pa at nagpasiyang lisanin ang lugar kasama sina Rin at Ran.

Ang ilan sa mga tauhan ni Keith ay naiwan upang linisin ang crime scene. Kasama dito ang paglalagay nila sa daan-daang katao sa loob ng mga body bag. Malakas ang aking pagtutol na galawin nila ang katawan ng yumao kong ama dahil nais kong ako ang umasikaso sa mga labi nito. Sa tulong ni Sam ay naidala sa isang sekretong clinic si Gon upang gamutin. Hindi daw namin siya pwedeng dalhin sa ospital dahil maaaring magsanhi pa ito ng suspetya ng mga doktor sa totoong nangyari kay Gon. Kasabay nang paghatid kay Gon sa clinic ay siya ring paglagay sa katawan ni daddy sa loob ng isang malaking freezer upang mapreserve ang kaniyang katawan habang inaasikaso pa ang magiging pekeng dahilan ng kaniyang pagkamatay. Sobrang gulong gulo ng isip ko ngayon at hindi ko malaman ang dapat gawin. Mabuti na lang at nariyan si Sam upang umasikaso sa lahat. Mula sa pagpapagamot kina Gon hanggang sa pag-asikaso sa labi ng aking ama.

Madaling araw na nang makita ko si Sam na naghahanda upang lisanin ang clinic. Hindi ko talaga mapigilang ikumpara ang kanilang pagkatao ni Kuya Eisen. Sobrang laki ng pagkakahawig nila sa isa’t isa na halos mapagkakamalan mong kambal silang dalawa. Napansin niya siguro na kanina pa ako nakatingin sa kaniya kaya bago pa man siya umalis ay lumapit muna ito sa akin.

“Sa tingin mo ba ako pa rin si Eisen?” Tanong niya habang pilit niyang ginagaya ang boses ni kuya. Kung sa tipikal na pagkakataon ay malamang tumawa na ako sa uri ng kaniyang pagbibiro. Sa dami ng nangyari sa kagabi ay hanggang pagngiti na lang ang naigawad ko. Matagal akong nakatitig sa kaniya habang nag-iisip ng sasabihin ngunit ni isang salita ay walang lumalabas sa aking bibig.

“Siguro ay iniisip mo kung bakit ko ginawa ang lahat ng mga ito gayong pwede naman ako kumita ng malaking halaga kapalit ng impormasyong meron ako?” Nagulat ako ngunit tanging pagtango na lang ang naging tugon ko sa pagkakabasa niya sa aking isipan.

“Unang una ay ginawa ko ito hindi dahil sa gusto ko kayong tulungan. Ginawa ko ang lahat ng ito para sa nakakabata kong kapatid na nag-iisa mong pinsan” Sambit niya na binigyang diin pa ang mga salitang nag-iisang pinsan.

“Wala na akong kinikilalang pamilya maliban sa nag-iisa kong kapatid nang tahakin ko ang landas na ito. Ginagawa ko ang lahat nang ito upang maprotektahan siya mula sa organisasyon” Saad niya na lalong pumukaw sa aking kuryusidad.

“Anong kinalaman ni kuya sa organisasyon?” Mabilis kong tanong na siya ring kauna-unahang salitang nabanggit ko simula nang lumapit siya sa akin.

“Mahilig sa menor de edad na lalaki si Keith at ang isa sa mga tipo niya ay kagaya ng iyong pinsan” Sambit niya na lalong nagpagulo sa aking isipan.

“Nasa grade school pa lang si Eisen noon nang una siyang makita ni Keith na kung saan nakuha niya agad ang interes nito. Hindi pa siya ganap na lider noon nang organisasyon kaya wala siyang kapangyarihan upang maipasok ang aking kapatid sa organisasyon. Ngunit ngayon ay gagawin niya ang lahat upang mapasok sa organisasyon si Eisen” Dugtong pa niya na mas lalo kong hindi naiintindihan.

“Hindi na po menor de edad si kuya at saka nasa organisasyon na po kayo” Sabat ko na kaniyang inilingan.

“Ang buong akala namin ni mama ay titigil din siya kapag tumungtong na si Eisen sa hustong gulang ngunit hanggang ngayon ay malaki pa rin ang interes niya sa aking kapatid. Apelyido ni papa ang ginagamit ko at Fuentes naman ang kay Eisen. Binago namin ang dinadala niyang apelyido hindi lang dahil sa tinatago namin siya mula kay Barry. Isa pa sa dahilan namin ni mama ay ang mailayo si Eisen mula sa organisasyon dahil kung sakali mang masawi ako ay hindi si Eisen ang papalit sa aking katayuan sa organisasyon dahil hindi naman Fuentegilio ang kaniyang dinadalang apelyido. Hindi pa namin alam na kabilang si Tito Kendrick sa organisasyon nang palitan namin ang apelyido ni Eisen kaya ang apelyido ni mama ang ginamit namin” Tugon niya at tila unti-unti ko nang nauunawaan kung bakit niya ako niligtas kahit na hindi niya pa ito nababanggit.

“Nasa huling habilin ni papa na ilayo namin si Eisen sa organisasyon at yun ang patuloy kong ginagampaman. Kaya naman matagal na akong nagmamanman sa loob at labas ng inyong tahanan. May mga mata ako sa loob ng bahay niyo kaya alam ko ang mga nangyayari sa loob nito. Nang malaman kong ginamitan ng pampatulog si Eisen ay kaagad akong nagtungo sa lugar na ito. Hindi lihim ang pagtitipon na ito sa organisasyon kaya marami ang nakakaalam nito. Sinalba ko ang buhay mo at pansamantalang nilayo sa organisasyon para sa kaligtasan ng aking kapatid. Isipin mo, sa pagkamatay ng iyong ama ay ikaw ang magpapatuloy sa kaniyang sinimulan sa organisasyon. Sa sandaling masawi ka bilang baguhang miyembro.. sa tingin mo sino ang papalit sayo?”

Kahit na hindi niya banggitin ito ay nakuha ko na agad ang kaniyang dahilan kung bakit niya ako niligtas. Napagtanto ko na sa sandaling mamatay ako ay si Kuya Eisen ang papalit sa akin kaya naman ginawa ni Sam ang lahat upang hindi ito maisakatuparan. Hindi pa man ako nakakasagot ay muli na siyang nagsalita.

“Ganun katuso ang mga tao sa loob ng organisasyon. Matiyagang naghintay ng kahinaan at pagkakataon si Keith upang mabagsak ang iyong ama kaya ito nangyayari” Hindi ko alam kung bakit sa loob-loob ko ay sinisisi ko si Kuya kung bakit nasawi ang aking ama. Kung hindi dahil sa pagkahumaling sa kaniya ni Keith ay malamang buhay pa sana si daddy ngayon.

“May pagkakataon kang isalba si daddy, bakit hindi mo ito ginawa?” Hindi ko mapigilang itanong dahil sa labis na hinanakit na aking nadarama.

“Bago kita sagutin ay tatanungin din kita. Para sayo sino ang mas matimbang ang daddy mo o si Gon?” Nang banggitin niya yun ay muli akong hindi nakapagsalita dahil sa katunayan ay pipiliin ko si Gon pero hindi ko naman hahangaring mapahamak ang ama ko.

“Dalawa lang ang pwede kong hilingin kay Keith kapalit ng impormasyong meron ako. Kapag pinili ko ang kaligtasan ng ama mo ay mapapatawan siya ng seklusyon dahil sa kaalaman mo tungkol sa organisasyon. Hinding hindi ko mahihiling ang kaligtasan ni Gon sa pangalawa kong hiling dahil si Prescilla ang pinatawan ni Keith ng seklusyon. Kaya naman, ang tanging magaganap ay katulad ng nangyari sa inyo ng daddy mo yun ay ang kung sino ang matitira ay siyang maliligtas. Sa tingin mo ba makakalaban si Gon sa kalagayan niyang iyon at sa tingin mo ba magpaparaya si Urelio para sa kaniyang anak matapos niyang magtago nang matagal upang makaganti sa daddy mo?”

Tugon niya na lalong nagpalumo sa akin. Kung ako ang nasa katayuan ni Sam ay malamang mahihirapan akong timbangin kung sino ang aking isasalba. Hindi ko rin mapigilang sisihin ang aking sarili dahil kung nag-ingat lang ako ay malamang hindi namatay ngayon si daddy ngunit kung hindi naman ako dumating ay malamang si Gon naman ang nasawi. 

“Sa dinami-dami ng miyembro ng organisasyon bakit si Mang Arthur o si Urelio pa ang napili mong pagpasahan ng yaman at katungkulan ni daddy? Ginagawa mo ba to para parusahan ako lalo?” Inis kong tugon at bigla na lang akong nakaramdam ng malakas na pagbatok mula sa kaniya.

“Hindi mo pa rin nauunawaan eh noh? Nilipat ko ang katungkulan ng iyong ama sa kaniya upang mailigtas ka mula sa organisasyon dahil kapag pumasok ka na sa under world ay hindi muna pwedeng makasalamuha si Gon. Sa tingin mo ba pinili kong malayo sa kapatid ko? Pinili ko siyang pumalit kay Tito Kendrick dahil alam kong handa siyang gawin ang lahat upang mabuhay gaya ng pag-iwan niya sa kaniyang mga anak upang magtago. Madiskarte at maraming nalalaman si Urelio sa under world kaya hanggang ngayon ay buhay pa rin siya. Hangang nabubuhay siya ay hindi maipapasa sayo ang responsibilidad ng ama mo at lalong malalayo sa kapatid ko ang organisasyong ito”

Lubusan kong naintindihan ang kaniyang sinabi ngunit masama pa rin sa loob ko na ang tao sa likod ng pagkamatay ng aking ama ang siyang makikinabang sa mga bagay na pinaghirapan nito. Alam kong magiging parusa sa kaniya ang madaming banta sa kaniya buhay dahil sa kagustuhang maipasok ni Keith si Kuya Eisen sa organisasyon.

“Wala tayong magagawa kundi harapin ang pagsubok na ito. Nagmula tayo sa pamilyang may koneksyon sa illegal na kabuhayan kaya natural lang na pagbabayaran natin ang magiging hatol nito” Sambit ni Sam nang tumagal ang aking pananahimik.

“Ano ba ang laman ng mga flash drives na yun at bakit daan daang milyong piso ang halaga nito?” Hindi ko mapigilang itanong at bigla na lang siyang tumayo mula sa kaniyang kinauupuan.

“Hindi mo na kailangang malaman. Kung ang iba ay nasa hukay na ang kanilang mga binti nang pasukin nila ang organisasyon. Ang buong pagkatao ko naman ay nasa impyerno na habang naglalakad ako sa dito sa mundo” Tugon niya na nasundan pa ng pagkindat.

“Ang tanging hiling ko lang sayo ay masiguro mo ang kaligtasan ng aking kapatid. Hindi ko sinuko ang aking sarili sa mga pulis dahil sa nakonsensya ako sa nangyari sa kaniya at sa kaniyang nobyo. Dahil sa loob ng preso ay mas madali akong nakakasagap ng impormasyon at mas matatag ang proteksyon ko laban sa aking mga kaaway. Ikaw lang ang inaasahan kong aagapay sa kaniya ngayon habang ako ay magsisilbi niyong proteksyon mula sa organisasyon” Tanging pagtango lang ang aking naging tugon sa mga bagay na kaniyang nilahad. Paulit-ulit na tumutunog ang kaniyang cellphone na hindi niya binibigyan ng pansin.

“Kinakailangan ko nang bumalik sa kulungan dahil preso ako sa umaga. Pagsapit lang ng gabi ako nagiging Free woman. Sana ito na ang huli nating pagtatagpo dahil sa susunod na magkrus ang landas natin ay maaaring susunod ka na sa yapak ng ama mo” Sambit niya bago siya tuluyang lumisan.

Hindi lubusang malinaw sa akin kung gaano kalakas ang impluwensiya ni Sam sa loob ng organisasyon at nagagawa niyang maglabas masok sa kulungan. Sobra akong nahihiwagaan sa kaniyang pagkatao dahil minsan ay hindi ko mapagtanto kung alin sa kaniyang mga sinasabi ang totoo at hindi. Sa paglisan niya ay muli akong bumalik sa kwarto kung saan kasalukuyang nagpapahinga si Gon. Balot na balot ng mga benda ang kaniyang talampakan hanggang sa kaniyang mga hita. Labis ang awa na aking nadarama sa tuwing masisilayan ko ang kaniyang kalagayan. Hinawi ko ang buhok na nakatakip sa kaniyang noo at binigyan ito ng halik bago ko tuluyang lisanin ang lugar.

Bago pa man ako makaalis sa clinic ay hinarang ako ni Urelio at sinabing nakahanda na raw ang lahat sa pag-uwi ko. Mabilis nabalitaan ng mga tauhan ni daddy ang kaniyang pagkamatay at mabilis ring nalipat kay Urelio ang pamamahala sa mga ito. Palalabasin nila na magdamag akong natulog sa aking kwarto upang magiging alibi ko sa pekeng imbestigasyong magaganap. Wala akong naging tugon sa kaniya kundi pagtango lang ang aking tugon habang patuloy siyang nagsasalita. Sa sandaling lumapat ang kaniyang kamay sa aking balikat ay kaagad ko siyang binigyan ng malakas na suntok sa kaniyang mukha. Kaagad siyang natumba sa sahig habang hawak-hawak niya ang nagdurugong ilong. Wala akong pakialam kong ama pa siya ng minamahal ko dahil alam kong hindi siya karapat-dapat na tawaging ama sa kabila ng kaniyang mga nagawa. Kulang pa nga ito sa panloloko niya na ginawa sa amin ni daddy.

Matapos kong bigyan ng malakas na suntok si Urelio ay kaagad akong lumabas sa lumang building na may lihim na clinic sa loob. Nag-abang ako ng taxi sa may kanto upang makauwi at ipahinga ang sarili. Halos hindi na ako makapag-isip nang husto dahil sa pinaghalong pagod at antok. Hindi ko lubusang maipikit ang aking mga mata sa loob ng taxi dahil sa pamamaga nito. Sinandal ko na lang ang aking ulo habang nakatingin ako sa bintana ng sasakyan. Patuloy ang pagtakbo nito habang ako ay nakatingin sa kawalan. Halos sigawan na ako ng driver nang hindi ko nagawang tugunan ang kaniyang pagtawag dahil hindi ko namalayan na nakarating na pala kami sa bahay. Aking hinubad ang suot kong gintong kwintas upang ipangbayad sa kaniya dahil wala na akong pera. Narinig ko pa itong nagmura bago umalis dahil sa binayad ko sa kaniya. Kung malalaman niya lang ang halaga nito ay tiyak na magpapasalamat pa siya.

Bago pa man ako tuluyang pumasok sa aming tahanan ay aking pinagmasdan ang tahanang aking kinalakihan. Ang daming alaala sa akin na bumabalik kasama ang aking ama. Sa pagpasok ko ay naging tahimik ang buong bahay kahit na napakaraming tao ang naririto. Gamit ang kanilang pagyuko ay nagawa nila akong batiin at marahil ay paraan na rin nila ito ng pakikiramay. Nagawa kong libutin ang buong bahay upang sariwain ang mga alaalang nabuo rito dahil alam kong bilang na lang ang pananatili namin dito. Labis na kalungkutan ang aking nadarama lalong lalo na nang dalawin ko ang opisina ni daddy. Hindi ko mapigilang maging emosyonal nang makita ko ang kaniyang larawan. Gaano man kabigat ang aking nadarama ngayon ay hindi ko pa rin magawang lumuha dahil tila nailabas ko na ang lahat ng ito kagabi.

Nagawa pa akong alukin ng mga katulong na kumain ngunit kaagad ko itong tinanggihan dahil sa kawalan ko ng gana. Minabuti ko muna na matulog sa aking kwarto upang kahit papano ay mapawi ang pagod na aking nadarama. Nais ko ring ipahinga ang aking sarili mula sa walang katapusang pag-iisip ng mga bagay-bagay. Bago pa man ako magtungo sa aking kwarto ay muli kong sinilip ang aking pinsan na ngayo’y mahimbing pa rin ang pagkakatulog. Labis ang inggit na aking nadarama dahil wala siyang kaalam-alam sa mga nangyayari. Habang ako ay unti unting nilalamon ng sarili kong isipan. Pagbalik ko sa aking silid ay kaagad akong dumapa sa ibabaw ng aking kama at pinilit makatulog. Tila ayaw akong lubayan ng mga bagay na patuloy na tumatakbo sa isip ko kaya halos isang oras akong nakahiga bago ako nakaramdam ng antok at tuluyang nakatulog.

Nagising na lang ako nang makarinig ng malakas na pagkatok mula sa aking pinto. Tumingin ako sa orasan at napagtanto na nakatulog din ako ng limang oras. Halos nakapikit pa rin ang aking mga mata habang binabaybay ang daan patungo sa pinto upang pagbuksan ang sino mang gumambala sa aking pagtulog. Pagbukas ko ng pinto ay kaagad na sumambulat sa akin ang aking pinsan na halos namamaga na ang mata sa pag-iyak. Nauutal-utal pa siya nang banggitin niya sa akin ang tungkol sa pagkamatay ng aking ama na hindi ko na ikinagulat. Ang tanging nagpabigla sa akin ay ang kaniyang pagyakap habang patuloy itong umiiyak. Muling nanumbalik ang kalungkutang nadarama ko kagabi na siyang naging dahilan upang muli akong lumuha. Ang luha na akala ko ay naubos na ay muli na namang bumuhos sa aking mukha.

Makalipas ang isang araw matapos ang pekeng pagsusuri sa katawan ng aking ama ay kaagad naisagawa ang lamay. Iilan lang sa mga kakilala niya ang dumalo sa unang lamay dahil pinalabas na siya ang sinisisi sa pagkamatay ng daan-daang katao sa loob ng eskwelahan. Pinalabas nila na namatay ang mga ito nang pagbabarilin ng mga armadong lalaki habang nagdidiwang sila ng Alumni party. Sinisisi nila ang kakulangan ng sekyuridad sa eskwelahan kaya naganap ang karumal dumal na krimen. Naging tikom ang aking bibig sa tunay na nangyari dahil alam kong mapupunta sa wala ang pagkasawi ni daddy kapag hinayag ko ang totoong nangyari. Wala akong kapangyarihan upang labanan ang organisasyon ngunit pinapangako ko sa aking sarili na darating ang araw na mabibigyan ng hustisya ang pagkamatay ni daddy.

Apat na araw lang ang tinagal ng lamay at kaagad na nilibing si daddy. Hindi nagawang makadalo ni Gon sa lamay at libing ni daddy dahil kasalukuyang nanatili pa rin siya sa clinic at nagpapagaling. Maraming dugo ang nawala sa kaniya kaya labis ang panghihina ng katawan nito kaya napatagal ang kaniyang paggaling. Hindi ko na nagawang sagutin ang kaniyang mga tawag at hindi ko rin magawang magreply sa kaniyang mga text messages noong bumuti na ang kaniyang kalagayan. Hindi dahil sa wala na akong nararamdaman, yun ay dahil hindi ko alam kung papano namin haharapin ang isa’t isa matapos ang trahedya na to. Masyadong magulo pa rin ang isip ko at madalas mag-init ang aking ulo na maaaring hindi makabuti sa aming relasyon kaya pinilit ko munang lumayo sa kaniya. Kahit na ganon pa man ay nirespeto niya ang aking desisyon ngunit araw-araw siyang nagpapadala ng mensahe upang humingi ng tawad sa nagawa ng kaniyang ama sa aming pamilya.

Sa sumunod na buwan ay nagsimula ang pekeng paglilitis na kung saan sobrang makatotohanan ang kanilang pag-iimbestiga. Ang hurado at ang mga abogado sa loob ng korte ay pawang mga tauhan ng organisasyon na kung saan ay nagsasagawa ng pekeng paglilitis sa mga ari-arian ni daddy. Nagawan nila ng alibi lahat ng pinagkukunang yaman ni daddy ay nagmula daw sa illegal na pasugalan at ang karamihan sa mga ari-arian niya ay si Urelio daw ang tunay na nagmamay-ari. Kung maaari lang sana akong lumaban ay magagawa kong sagutin at punain ang mga butas sa kanilang alibi ngunit nanatili akong tahimik upang makiayon sa paglilitis na ito. Tanging ang pinsan ko na si Kuya Eisen ang pilit na nilalaban ang kayamanan ng aking ama alang-alang sa aking kinabukasan.

Gaya ng inaasahan ko ay mabilis natapos ang paglilitis na tumagal lang ng halos isang buwan. Binigyan kami ng tatlong araw upang lisanin ang bahay at napilitang mangupahan sa maliit na apartment. Halos wala akong nadalang bagay na mapakikinabangan ko dahil karamihan sa mga ito ay kinamkam nila bilang pag-aari ni Urelio. Simula sa mamahalin kong gaming console hanggang sa aking kotse ay naging pag-aari ni Urelio. Mabuti na lang at mayroong savings si Kuya Eisen na matagal niya nang napag-ipunan bago pa man siya dumating sa aming tahanan. Ito ang tumulong sa amin upang makapagsimula ng panibagong buhay. Ninais kong tumigil muna sa pag-aaral ngunit labis ang pagtutol ni kuya dahil gusto niyang makapagtapos kaming dalawa.

Ayon sa kaniya ay may sapat na pera siya panggastos sa buong taon naming renta at sa iba pang bayarin. Ang kinakailangan lang naming paghirapan ay ang pagkukunan namin ng ibabayad para sa aming tuition. Isang taon na lang ay magtatapos na sa kolehiyo si kuya kaya labis-labis ang pagsusumikap niya na maitaguyod ang kaniyang pag-aaral. Doble-doble ang naging part time job niya upang masiguro na sapat ang aming pera para sa pang araw-araw na gastusin. Gaya niya ay nagsumikap din akong magtrabaho sa iilang fast food chain upang may magamit na pera para sa aking pag-aaral. Ngunit kahit anong pagpupursige ko ay hindi naging sapat ang aking kinikita para matustusan ang aking pag-aaral. Mabuti na lang at nariyan lagi si kuya para isalba ako sa mga dapat kong bayaran sa eskwela. Sobra kaming naging abala sa trabaho at pag-aaral kaya minsan ay halos hindi na kami nakakapag-usap. Isang araw ay nakita ko siyang nakayuko sa ibabaw ng mesa habang may nakahaing noodles na lumamig na. Marahil ay nakatulugan niya ito habang nag-aantay na lumambot ang noodles sa mainit na tubig. Sa pagkakataong iyon ay labis akong nakonsensya dahil nagawa ko siyang sisihin sa pagkamatay ni daddy gayong ginagawa niya ang lahat ng kaniyang makakaya para sa aming dalawa. Niyakap ko siya mula sa kaniyang likuran at paulit ulit na humihingi ng tawad habang ako ay umiiyak.

Sumapit ang bakasyon ngunit mas lalong naging abala ako dahil naging full time na ako sa fast food chain na aking pinagtatrabahuhan. Madalas akong umuwi na pagod o kaya naman nakakalimutan nang kumain at dumiderecho na lamang sa pagtulog. Isang umaga nang magising ako mula sa panaginip na totoong nangyari bago mamatay si daddy. Ito yung sandali na nakatutok ang kaniyang baril sa aking sintido habang mahigpit niyang hinawakan ang aking kamay upang itutok sa kaniya ang baril.

Anak, sana ay dumating ang araw na mapatawad mo si daddy. Alam kong hindi ako naging mabuting magulang sayo at marami akong naging pagkukulang para sa iyo. Naging makasarili man ako sa mga naging desisyon ko ay hinding hindi ko hinangad na mapahamak ka. Sa pagkakataong ito ay nais kong ipaalam sayo na mahal na mahal ka ni daddy. Lagi mong tatandaan na ikaw ang pinaka mahalagang regalong dumating sa akin. Huwag na huwag mong sisisihin ang sarili mo sa pagkawala ni daddy dahil sa pagkakataong ito ay mas nais kong mamatay nang dahil sayo kaysa maghirap sa kamay ng iba”

Habang sinasariwa ko ang mga nangyari ay muling pumatak ang mga luha sa aking mga mata. Muling nanumbalik sa akin ang sandali kung papano niya sinimulan ang pagbibilang hanggang sa pilit niyang pagtulak sa aking daliri upang makalabit ko ang gatilyo ng baril. Kahit ninais niyang mangyari ito ay hindi ko pa rin maiwasang sisihin ang aking sarili sa kaniyang pagpanaw. Isa hanggang dalawang beses sa isang buwan ko siyang dinadalaw sa kaniyang puntod upang siya ay kausapin at humingi ng tawad. Sa tuwing ginagawa ko ito ay tila ba nababawasan ang bigat na nadarama ko sa tuwing nakukwento ko sa kaniya ang mga nangyayari sa aking buhay. Naghirap man kami noong nawala siya ay naging daan naman ito upang mas bumuti akong tao na kung saan ay natuto akong tumayo sa sarili kong mga paa. Araw-araw akong natututo na siyang na siyang nagpapatibay sa aking pagkatao.

Halos anim na buwan rin kaming hindi nagkita ni Gon at sa loob ng mga buwang ito ay hindi ko man lang nagawang kamustahin siya. Ngayon lang ako nagkalakas ng loob na makipagkita sa kaniya ngunit sa pagkakataong ito ay nakapagdesisyon na ako na makipaghiwalay sa kaniya. Nais kong kalimutan ang masasakit na aalaala na nangyari sa aming dalawa at nais kong magfocus kami sa aming mga sarili. Ipagpapasa diyos ko na lang kung muli kaming pagtatagpuin matapos maghilom ang mga sugat sa aming damdamin. Nasasabi ko ito hindi dahil sa wala na akong nararamdaman sa kaniya. Ang tanging hangad ko lang ay mapabuti ang aming kinabukasan at tuluyang mapagaling ang aming damdamin mula sa naging sugat ng aming nakaraan. At kung mabibigyan ng pagkakataon ang aming relasyon ay muli naming mamahalin ang isa’t isa na walang bigat na dinadala.

Handang handa na akong sabihin sa kaniya ang lahat ng ito at ang tanging hindi ko napaghandaan ay ang pagbuhos ng ulan. Wala akong dalang payong habang nag-aantay sa lugar na aming pinag-usapan. Wala akong masilungan kaya naman kinuha ko ang aking cellphone upang tawagan siya. Bago ko pa man matawagan ang kaniyang numero ay bigla ko na lang narinig ang pagtawag niya sa aking pangalan.

“Lance”

Malumanay niyang pagtawag sa aking pangalan. Sa aking paglingon ay muli kong nasilayan ang mukha ng taong pinakamamahal ko. Ang mukha ng taong nagpabago sa pananaw ko sa buhay. Ang mukha ng taong nagbigay ng dahilan upang maging masaya akong muli. Sinabi ko sa sarili ko na handa na akong makipaghiwalay para sa ikabubuti naming dalawa ngunit sa sandaling makita ko ang matamis niyang ngiti ay unti-unting nanumbalik ang pakiramdam kung papano ako labis na nahumaling sa kaniya. Hindi ko napigilan ang aking sarili na lumapit upang mayakap ang kaniyang katawan at bago pa man siya makapagsalita ay nagawa kong halikan ang kaniyang mga labi. Ramdam ko ang pagprotesta niya dahil marahan niya akong tinutulak sapagkat nasa mataong lugar kami ngayon na hindi ko binigyang pansin. Ang kaniyang pagtulak ay unti-unti nahinto hanggang sa mabitawan na niya ang payong na kaniyang hawak-hawak upang tugunan ang aking paghalik.





Itutuloy…


A/N:

OMG, 8345 words!

Facts:

• Ang ama ni Eisen ay miyembro ng 7DS at pati na rin si Barry Wells. (May nagmana sa posisyon ng kanilang ama pero sekreto pa kung sino sa magkakapatid)

• Nakasaad sa Special Chapter ng Living with my step brothers ang pag-angkin ni Mang Arthur/Urelio sa mga ari-arian ni Kendrick.

• Ang kwento ng 7DS ay nagmula sa istorya ko noong nasa college pa lamang ako. Tatlo sa aming magkakaibigan ang mahilig magdrawing tapos naisipan naming magkaroon ng paligsahan sa paggawa ng sariling MANGA/COMICS na kami ang bibida. Ang naisipan kong gawin ay gumawa ng babaeng version naming magkakaibigan na kung saan ay may kaniya-kaniyang masamang karanasan mula sa organisasyon kaya bumuo sila ng grupo upang isa-isang patumbahin ang mga lider ng organasasyong ito. Mala Charlie’s Angel ang datingan kumbaga pero pinag iisipan ko pa kung magagawan ko sila ng sariling kwento.

• Magkakaroon ng 3 special chapters ang TCOFK kapag natapos na ang kwento. 1st Special chapter ay nakafocus sa muling pagsasama ni Gon at Lance bago mangyari ang pagdakip ni Kendrick kay Gon. 2nd Special chapter ay nakafocus sa paghihirap nila bilang working student at kung papano sila natulungan ni Jethro. 3rd Chapter ay nakafocus sa pamumuhay nila bilang live in partner.

At heto na nga ang pinakahihintay niyo, ang nanalo ng P500 ay walang iba kundi si JonaldRoldan. Please message me kung papano mo makiclaim ang iyong prize.

 Please message me kung papano mo makiclaim ang iyong prize

Oops! Ang larawang ito ay hindi sumusunod sa aming mga alituntunin sa nilalaman. Upang magpatuloy sa pag-publish, subukan itong alisin o mag-upload ng bago.




Sobrang stressed ko nitong mga nakaraang araw kaya hirap akong makapagsulat. Hindi ko alam kung bakit sumakto kung kelan dalawang chapters na lang ang natitira. Ngayong naupload ko na ito ay iisang chapter na lang para makompleto ko ang istorya.

Maraming salamat


The Curse of Fuentes Kiss (BL)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon