Dylan as Lance
Gunter's POV
Hindi ko aakalaing magagawang halikan ako ni Lance sa harap ng maramig tao. Ang masaklap pa ay nandun si Chloe nang gawin niya sa akin ang karumaldumal na paghalik niya. Ano na lang ang iisipin ng mga tao sa akin? Habang nasa van pauwi ay panay ang kantyawan sa amin ng aming mga kaklase. Hindi ko alam kung saan ako mas maiinis. Yung nasaksihan kong kalokohan ni Chloe o yung paghalik sa akin ni Lance. Hindi ko nagawang lumabas ng bahay ng weekend. Wala akong ibang ginawa kundi ang magkulong sa bahay at magmukmok. Hindi ko alam kung papano ko haharapin si Chloe sa kabila ng ginawa niya at kung papano haharapin ang mga kaklase kong nakasaksi sa kalokohan ni Lance. Mahigit isang oras na akong nakahiga sa ibabaw ng aking kama. Walang kasiguraduhan kong babangon ba ako para pumasok sa eskwela. Parang mas gusto ko na lang na matulog magdamag at kalimutan ang lahat. Pipikit ko na sana ang aking mata nang marinig ko ang sigaw ni ate fritz.
"Ipapasok ko na ba dyan ang balde at paliliguan na kita dyan habang nakahiga ka sa kama mo?" sigaw ni ate at ako nama'y kumilos nang mabilis para kunin ang tuwalya.
"Eto na po!!" sabi ko nang makalabas ng aking kwarto.
"Sinasabi ko sayo Gunter haa!! Hindi tayo mayaman para magpatamad-tamad ka sa pagpasok sa eskwela!" bulyaw niya habang ako ay naglalakad patungo sa banyo para maligo.
"Bilis-bilisan mo dyan at kumain kana dito pagkatapos mo!" sigaw niya habang nasa loob ako ng banyo.
"Opooo!" sagot ko at mabilis na nagbuhos ng tubig sa aking ulo. Mabilisang nagsabon at shampoo. Kuskos kay junjun at sa pwetan sabay buhos ulit ng tubig para magbanlaw. Kaagad akong nagpunas ng aking katawan pero huli na nang mapansin kong hindi pala ako nakapagdala ng pamalit. Binalot ko sa aking bewang ang tuwalya at binuksan ang pinto para lumabas. Bago pa man ako makalabas ng banyo ay bigla na lang inabot sa akin ni ate fritz ang uniform ko kasama ang underwear at boxershorts.
"Salamat ate" sabi ko sabay sara ng pinto.
Ewan ko ba, basta simula ng magbinata ako ay pinapatungan ko ng boxer shorts pagkatapos kong magsuot ng brief. Sabi nila dapat pagnagboxer shorts ka ay dapat hindi kana magsusuot ng brief kasi yun na ang magsisilbing underwear mo. At ganun din naman sa brief pero mas komportable akong suot ang dalawang to nang sabay. Pagkatapos kong makapagbihis ay kaagad akong nagtungo sa aming kusina habang nagpupunas ng aking basang buhok. Naupo ako sa bakanteng upuan sa harap ng mesa para kumain ng hinain ni ate fritz. Gusto ko pa sanang magsandok pa ng kanin dahil ang sarap naman talaga ng hinain ni ate fritz pero pagginawa ko yun ay baka malate na ako sa school. Kaagad akong nagsipilyo sa lababo habang si ate fritz naman ay tinapik ako para magpaalam na papasok na siya. Tumango lang ako para tumugon sa kaniya. Sa huling pagkakataon ay humarap ako sa salamin upang pagmasdan ang aking sarili bago ko lisanin ang bahay patungo sa school.
May natitira pa akong sampung minuto bago malate sa klase. Dahan-dahan akong naglalakad sa gilid ng kalsada habang nakasuot ang earphones sa aking mga tenga. Sinimulan ko ang araw sa pakikinig sa playlist ko na puro kanta ng LANY. Hindi ko alam kung bakit gumaganda ang mood ko kapag pinapakinggan ko ang mga kanta nila kahit na ang lungkot-lungkot ng mga kanta nila. Matapos ang isang kanta ay narating ko na rin ang aming gate. Nasita pa ako ng gwardiya dahil nakalimutan kong suotin ang aking ID. Patuloy ang pakikinig ko sa music ng LANY na Malibu Nights nang biglang may umakbay sa akin. Tinanggal ko kaagad ang earphones na suot-suot ko dahil may sinabi siya na hindi ko narinig.
"Anong sabi mo?" tanong ko.
"Ang sabi ko bat hindi mo subukan sa akin. Mas magaling ako kaysa kay Lance" ngumuso siya sabay kindat. Siniko ko siya palayo sa akin at bigla siyang tumawa papalayo sa akin. Napaisip ako bigla kong kilala ko ba yung siraulo na yun dahil yun pa lang ang unang pagkakataon na nakausap ko siya. Sa pagkakatanda ko ah.
Malapit na magsimula ang mga klase pero ewan ko ba kung bakit andami paring mga estudyanteng gumagala sa hall way. Karamihan sa kanila ay nagkukompulan na tila may pinag-uusapan. Napansin ko pa yung isa ay bigla niyang siniko ang katabi nang makita akong papalapit sa pwesto nila. Bigla naman silang tumahimik nang dumaan ako sa harap nila. Ayokong isipin na ako yung pinag-uusapan nila pero bakit parang pakiramdam ko ay may kakaiba sa kinikilos nila. Pagkarating ko sa loob ng aming classroom ay maraming nagkukumpulan na tila nanonod ng porn. Abalang abala ang bawat isa sa panonood kaya hindi nila namalayan na pumasok ako ng classroom. Laking gulat ko nang makita ko ang video na pinapanood nila ay yung sandaling hinalikan ako ni Lance. Kaniya-kaniyang hiyawan ang mga kababaihan nang masaksihan nila yun at ang hiyawan ay biglang naputol nang mapansin nila akong nakatayo sa harap nila.
Hindi na ako nagsalita at tumalikod na lang ako at naupo sa aking pwesto. Wala namang naglakas loob na kausapin ako at wala ako sa mood para pag-usapan ang kalokohan ni Lance. Nakinig na lang ako muli ng music sa Spotify pero ngayon ay hindi na LANY ang pakikinggan ko. Kailangan ko ng heavy-metal music o rock music na babagay sa inis ko. Pinatugtog ko na lang ang CRUCIFIED na version ng GHOST. Ayokong may marinig na kung ano-ano sa kanila at wala ako sa mood para makipag-asaran. Kanina pa ako nagtataka kung bakit hindi pa rin dumarating ang aming guro. Halos walong minuto na siyang late sa klase. Maya-maya pa ay biglang bumukas ang pinto at nagsibalikan ang mga kaklase ko sa kani-kanilang upuan dahil akala nila ay aming guro na ang pumasok at yun pala ay si Lance lang na late ding pumasok. Nagtagpo ang aming mga mata at bigla kung iniwas ang paningin ko sa kaniya. Wala akong balak na kausapin o kibuin man lang sa araw na to dahil sa pamamahiya niya sa akin.
Pagkaupo nya sa kaniyang upuan ay kaagad siyang nagsalita pero hindi ko sigurado kong ako ba ang kausap niya dahil patuloy pa rin ang pakikinig ko ng music. Maya-maya pa ay kinalabit na niya ako pero wala talaga akong balak na kausapin siya. Sobrang kulit niya at ayaw niya akong tantanan. Hinayaan ko lang muna ang pangungulit niya at tinuring ko na lang na isa siyang multo na hindi ko napapansin. Buti na lang at dumating na ang aming guro at nagsimula ang klase. Natigil na din ang pangangalabit niya sa akin. Nagfocus na lang ako sa pakikinig sa aming guro pero sa totoo lang ay nababagot ako at gusto ko na lang umuwi para matulog.
Natapos ang una naming klase, ang buong akala ko ay titigilan na ni Lance ang pangungulit niya sa akin. Kanina pa niya ako kinakalabit gamit ang kaniyang ballpen habang nagtuturo ang aming guro. Minsan pa ay binabato niya ako sa mukha ng maliliit na papel na binilog niya. Naririnig ko na lang ang iba naming kaklase na nagpipigil ng pagtawa o ewan ko ba kung natatawa nga ba sila sa nakikita nila. Nang mapansin ng aming guro na nagtatawanan sila ay nasigawan sila dahil ang buong akala ng aming guro ay siya ang pinagtatawanan ng mga to habang siya ay nagtuturo sa harap. Hindi ko mapigilang mapangiti dahil kahit papano ay nakaganti ako sa mga siraulo kong kaklase. Habang pinapagalitan ang mga kaklase ko ay siya namang paghila ni Lance sa tagilirang bahagi ng aking uniform. Dahan-dahan niyang hinihila ito na para bang bata na nanghihingi ng pagkain sa kaniyang magulang. Tinitiis ko lang ang ginagawa niyang paghila sa aking uniform. Sa totoo niyan ay sensitive ang tagiliran ko dahil may kiliti ako dun. Kahit hindi naman niya intensyon na kilitiin ako ay nakikiliti pa rin ako. Buti naman at tinigilan niya kaagad yun nang hindi ko pa rin siya pinapansin. Nanginig ang buong katawan ko dahil siguro sa pagpipigil ko kanina. Hinimas ko ang aking mga kamay at braso dahil patuloy pa rin ang pagtayo ng mga balahibo ko dahil sa ginawa ni Lance.
Sa sumonod na subject ay tila wala pa rin siyang kapaguran sa pangungulit sa akin. Napansin niya siguro kanina na may kiliti ako sa aking tagiliran. Gamit ang kaniyang ballpen ay bigla na lang niyang pinagtutusok ang aking tagiliran. Ako naman ay parang baliw na tila napapakembot patungo sa aking kanan sa tuwing lalapat ang ballpen niya sa aking tagiliran. Ilang beses niyang pinaulit-ulit yun hanggang sa mapuna na ng aming guro.
"Okay ka lang ba Mr. Dela Paz?" tanong ng aming guro.
"Ahh opo medyo makati lang po ang tagiliran ko" sabay kamot kunwari sa aking tagiliran. Uulitin pa sana ni Lance ang pagtusok sa aking tagiliran pero nagawa kong mahawakan ang kaniyang ballpen at hinila ito para maagaw sa kaniya.
Dumating na rin ang huling klase namin bago mag lunch break. Ewan ko ba kung ano ang nakain ng siraulong to at ayaw pa rin akong tantanan. Wala ba siyang kahihiyan? Hindi niya ba nararamdaman na ayaw kong makipag-usap sa kaniya at siya tong panay ang papansin. Inisip ko na lang na malapit na ang break time kaya kailangan kong tiisin kahit unti-unti nang nauubos ang aking pasensya sa kaniya. Habang hindi ko siya pinapansin ay palala ng palala ang pagpapansin niya sa akin. Grabe para siyang bata na ang sarap ihagis sa bintana. Sa kalagitnaan ng aming klase ay bigla na lang niya akong inuuga gamit ang kaniyang kamay. Nasa sukdulan na ang pananahimik ko kaya naman hindi ko napigilan ang aking sarili.
"Ano bang trip mo haa? Kanina ka pa eh" napatayo ako sa aking kinauupuan habang pasigaw na sinabi ang mga salitang yun.
"Anong kaguluhan to?" lumapit sa amin an gaming guro para alamin kung ano ang nangyayari.
"Si Lance po kasi..." hindi pa ako tapos magsalita nang sapawan ako ni Lance.
"Inaabot ko lang po sa kaniya yung papel para sa pagchecheck" seryosong sabi ni gago na tila hindi man lang natinag sa pagsisigaw ko. Ngayon ko lang napagtanto na magchecheck nga pala kami ng mga test papers. Hindi ko alam kung anong isasagot ko dahil medyo napahiya ako dun. Mangangatwiran pa sana ako pero pinaupo na lang ako ng aming guro. Kahit hindi ko lingunin si Lance ay ramdam ko na nagpipigil siya ng pagtawa sa nangyari sa akin. Humanda ka lang talaga sa akin mamaya.
Sa wakas sumapit na rin ang lunch break. Wala akong gana kumain atsaka alam kong maraming tao ngayon sa cafeteria kaya mabuti nang umiwas ako sa maraming tao. Napagpasiyahan kong tumambay sa may rooftop. Mabuti na lang at walang tao nang pumunta ako. Pumuwesto ako sa bahagi na hindi masyadong nasisikatan ng araw dahil tanghaling tapat na. Tiniis ko ang init kahit nasa lilim na bahagi na ako ng rooftop. Mas mabuti na to kaysa naman kantyawan ako ng mga taong makakakita sa akin. Sinubukan kong sumipol para humangin. Sabi kasi nila effective daw ang pagsipol sa pagtawag ng hangin. Sa pangatlong pagkakataon ay sumang-ayon ang hangin sa pagtawag ko. Ang sarap sa pakiramdam na may hanging dumadampi sa aking mukha na tila nagpupunas sa mga namumuong pawis sa aking noo at sa aking pisngi. Pinikit ko ang aking mata para damhin ang hangin na unti-unting nagpapagaan ng aking nararamdaman. Ilang saglit pa ay nakaramdam ako ng kakaibang lamig sa aking pisngi. Hindi na ito ordinaryong lamig kundi para itong nagyeyelo sa lamig. Kaagad kong dinilat ang aking mata at nakita ko ang isang bote ng 12 oz Coke na hawak-hawak ni Lance habang dinidikit sa aking pisngi.
"Ano bang gusto mo?" naiinis kong tanong sabay hawi ng kamay niya na may hawak ng coke. Hindi naman natapon yun dahil mahigpit ang pagkakahawak niya dito.
"Ikaw" maiksi niyang tugon na ikinagulat ko.
"Ano?" halos mapasigaw ako nang sabihin ko yun.
"Ikaw, ano bang gusto mo? Inaalok ka ng coke ayaw mo naman" sabi niya sabay higop ng coke na hawak niya sa kabilang kamay nya.
"Ewan ko sayo" tumayo na ako para bumalik na lang sa classroom baka mas tahimik pa dun ngayon kaysa dito. Bago pa man ako makaalis ay bigla na lang niya akong hinila.
"Teka nga!" sabi niya sabay hila sa akin. Dahil hindi ko inaasahan yun at nawalan kaagad ako ng balanse at napaupo sa kandungan niya.
"Bakit mo ba ako iniiwasan?" tanong niya na wala man lang paki sa ayos naming dalawa.
"Bitiwan mo ko!" pagpupumiglas ko pero ayaw niya pa rin akong pakawalan. Hindi kami pwedeng magtagal sa ganitong ayos dahil pag may nakakita sa amin ay malamang iisipin nilang may ginagawa kaming kababalaghan dito sa rooftop.
"Sagutin mo muna yung tanong ko!" utos niya pero wala talaga akong balak na kausapin siya kaya naman siniko ko siya at nang makakalas siya sa pagkakahawak sa akin ay kaagad akong tumayo. Wala akong pake kung nasaktan ba siya sa ginawa ko, deserve niya naman yun.
Mabilis kong tinungo ang aming classroom at mabuti naman hindi ako sinundan ni Lance. Habang papalapit ako sa aming classroom ay nadaan ko si Chloe na nakikipagharutan sa lalaking yumari sa kaniya. Bigla siyang tumahimik nang makita niya ako. Magsasalita sana siya pero iniwas ko na lang ang aking paningin mula sa kaniya. Kung hindi niya pala ako gusto sana sinabi niya ng maaga hindi yung makikita kong nakikipagsex siya kung kani-kanino. Buti na rin siguro at nalaman ko ng maaga baka kung hindi ko nakita yun ay hanggang ngayon ay mahihibang pa rin ako sa kaniya. Kailangan ko na lang talagang tiisin ang taon na to para makapagbagong buhay na ako pagtungtong ko ng college.
Pagkarating ko sa loob ng aming classroom ay kaagad akong naupo sa aking pwesto. Pinasakan ng magkabilang earphones ang aking tenga at nagpatugtog ng mga random music sa Spotify. Hiniga ko ang aking ulo sa ibabaw ng arm desk. Meron pa akong 20 minutes para matulog. Pinikit ko na lang aking mga mata kahit hindi naman ako inaantok. Hindi ko alam kung anong playlist ang napindot ko pero nadadala ako sa mga tugtog at bigla akong inantok.
Nagising na lang ako sa ingay ng mga kaklase kong nasa loob ng aming classroom. Ang iba ay naghihiyawan pa na akala mo ay mamatay sa kilig. Nang dinilat ko ang aking mga mata ay nakita ko kaagad ang mukha ni Lance na nakahiga rin ang kaniyang ulo sa ibaba ng arm desk na nakaharap sa akin. Ang isa kong earphone ay suot-suot ng kabila niyang tenga. Bigla naman siyang ngumiti sa akin nang makita niya akong gising na. Hinatak ko kaagad mula sa kaniya ang aking earphone at saka nilagay ito sa aking bag. Naghiyawan na naman ang mga baliw kong kaklase. Iniisip na siguro talaga nila na isa akong bakla dahil sa kagaguhan nitong si Lance. Natigil ang kantiyawan nang pumasok ang susunod naming guro. Kinuha ko na lang ang notebook ko at kunwaring abala na nagsusulat ng kung ano-ano sa aking notebook para hindi na ako gambalain pa ni Lance.
Naging maganda ang sumunod naming subjects dahil bukod sa hindi na ako iniistorbo ni Lance ay naging interesado ako sa mga naging topic namin sa history. Hindi ko lubos akalain na gaya ng norse mythology at greek mythology ay meron din pala tayong sariling atin. Ngayon ko napagtanto na mayaman talaga ang kultura nating mga Pilipino. Nagbanggit ng ilang katauhan sa Philippine mythology ang aming guro na halos may kahalintulad sa greek mythology. Pero mas tinuon niya ang pagkwento sa istorya ng moon-eater serpent na si Bakunawa. Hindi ko alam at bigla na lang ako naging interesado sa history dahil dito. Dati-rati ay halos katulugan ko ang subject na to. Napamangha pa ako nang banggitin ng aming guro na may pitong buwan raw noon sa kalangitan kung saan isa sa mga buwan na yun ay nagngangalang 'BULAN'. Kinagulat namin nang sabihin ng aming guro na si Bulan ay isang batang lalaki na ginawang asawa ng diyos ng kamatayan na si 'SIDAPA'. Ang akala pa nga namin ay nagkamali lang siya ng nabanggit pero batang lalaki daw talaga si Bulan kung saan sinagip siya ni Sidapa mula kay Bakunawa at ginawa siyang bana o asawa sa tagalog. Nakakatawa lang at lahat naging tahimik at interesado sa topic lalung lalo na si Lance na halos hindi na mawala ang paningin sa harapan pero nagulat na lang ako nang lumingon siya sa akin. Ngumiti siya at nagsabi ng BULAN. Walang boses ang pagkakasabi niya pero hindi na kakailanganin dahil madaling basahin ang ibig niyang sabihin. Binalik ko na lang paningin ko sa aming guro baka ano pa ang isipin niya.
Sa wakas dumating na rin ang pinakahihintay ko na uwian. Mabilis kong niliigpit ang mga kagamitan ko at pinasok ang mga ito sa aking bag. Tumayo sa harapan namin ang presidente ng aming klase at nag-abot ng mga papel. Ito yung authorization letter na kailangang lagdaan ng mga magulang o guardians para sa darating na field trip sa susunod na linggo. Kumuha na ako ng isang kopya at saka tinupi at pinasok sa aking bag. Lalabas na sana ako ng classroom pero bigla na lang akong inakbayan ni Lance.
"Tara na uwi na tayo!" masaya niyang sabi. Bigla na namang naghiyawana ang mga kaklase namin lalong lalo na ang mga kababaihan. Tinulak ko siya palayo sa akin at napabitaw naman siya.
"Bakit ba ang sungit mo? Ahh alam ko na gusto mong lambingin kita. Halika ka ikikiss na kita" papalapit siya sa akin at umakmang hahalikan ako sa harapan ng aming mga kaklase. Nabigla ako kaya hindi ko sinasadyang masuntok siya sa mukha. Nagsigawan ang mga kaklase ko at gaya nila ay ako rin ay nagulat sa nagawa ko. May mga kaklase akong humawak sa magkabila kong braso dahil akala nila ay pupuruhan ko si Lance. Kitang kita ko ang pagdugo ng kaniyang nguso.
"Tatatawagin ko si Mam!" patakbong sabi ng aming presidente pero bago pa siya makalabas ng aming classroom ay natumba siya nang batuhin siya ni Lance gamit ang sariling bag.
"Walang magsusumbong sa inyo! Kung hindi ako ang makakalaban nyo!" sigaw niya sa loob ng classroom.
Ilang sandali pa ay lumapit siya sa akin. Walang naglakas loob na awatin siya sa kung ano man ang balak niyang gawin sa akin. Nanatili ang dalawa kong kaklase na nakahawak pa rin sa magkabila kong braso. Wala naman akong pakialam kung gumanti siya sa akin. Sa totoo nga niyan dapat lang naman talaga na gumanti siya sa akin dahil hindi naman tama ang ginawa ko sa kanya. Pinikit ko ang aking mata nang makita kong papalapit na ang kaniyang kamay sa aking mukha. Ang buong akala ko ay sasampalin niya ako pero laking gulat ko nang maramdaman ko ang paghimas niya sa aking pisngi kaya naman dinilat ko ang aking mga mata. Bumaba ang kaniyang kamay patungo sa aking leeg hanggang sa mahawakan niya ang kwelyo ng aking uniform. Habang tumatagal ay humihigpit ang pagkakahawak niya rito.
"Gustong gusto kong gumanti sayo, tangina hindi ko alam kung bakit hindi ko magawa" bumitaw siya sa pagkakahawak sa aking kwelyo at ngumiti. Makikita mo ang bakas ng dugo sa kaniyang namumulang ngipin. Hindi ko alam kung papano niya nagagawang ngumiti sa ganong kalagayan. Bago niya ako talikuran ay nagawa niya pang himasin ang aking ulo at saka umalis. Pinulot niya ang kaniyang bag sa sahig at saka lumabas ng classroom.
Pagkalabas ni Lance ay saka lang ako binitawan ng dalawa kong kaklase. Kaniya kaniyang labas na rin ang iba ko pang kaklase hanggang sa ako na lang ang naiwan. Halata sa mukha nila na sinisisi nila ako at ako ang naging masama sa ginawa ko kay Lance. Ano nga ba ang nagawa ni Lance sa akin para magawa ko yun sa kaniya? Sampung minuto ang nakalipas nang magsialisan ang mga kaklase ko sa aming classroom. Gumayak na din ako dahil naalala kong dapat makauwi na ako kaagad para makapagsalang ng sinaing. Bilin ni ate fritz yun bago siya umalis. Nagmamadali akong umuwi ng bahay dahil baka maunahan pa ako ni ate. Pagkarating ko sa aming bahay ay bukas na ang pinto. Malamang nasa loob na si ate. Yari na naman ako. Laking gulat ko nang makita ko na nasa loob ng aming bahay si Lance at nakaupo ito sa ibabaw ng couch habang nanonood ng tv.
"Anong ginagawa mo dito?" tanong ko. Hindi naman ako galit pero sadyang nagulat lang ako kaya naiba ang tono ng aking pananalita.
"Walang hiya kang bata ka, wala kang utang na loob!" sigaw ni ate sabay bato ng sapatos sa akin.
"Aray ko ate bakit na naman po?" tanong ko.
"Pano mo nagawa kay Lance to?" tanong ni Ate fritz. At saka ko napagtanto na nagsumbong na pala si gago kay ate. Alam na alam niya talaga ang kahinaan ko.
"Kasalanan niya naman po kasi eh" pangangatwiran ko.
"At mangangatwiran ka pa talaga. Baka nakakalimutan mo na pamilya nila ang nag-iisponsor ng scholarship mo tapos ganyan ang igaganti mo?" sabay palo sa akin ni ate fritz sa braso.
"Eh siya naman po kasi talaga ang nagsimula eh!" hindi talaga ako papaawat dahil alam kung may kasalanan din si Lance kaya nangyari sa kaniya yan. Kanina lang ay nakaramdam ako ng awa sa kaniya dahil sa ginawa ko pero ngayon ay bigla na lang itong naglaho.
"Sasagot-sagot ka pa! Bumili ka ng yelo dun para mawala yung pamamaga ng nguso ni Lance!" sabay kurot sa akin ni Ate fritz. Kitang kita ko na nagpipigil ng tawa si gago. Humanda ka lang sa akin mamaya dadagdagan ko yang pasa mo sa mukha.
Dali-dali akong pumunta sa kalapit na tindahan para bumili ng yelo na isasapok ko sa mukha ni Lance. Hindi man lang ako pinagbihis muna ni ate. Suot-suot ko pa rin ang uniform ko at black shoes. Pagkatapos kong makabili ng yelo ay kaagad akong bumalik sa bahay.
"Oh eto ang ice pouch. Ilagay mo dyan ang yelo at tulungan mo si Lance" utos ni Ate fritz. Aangal sana ako pero bigla na lang niya akong pinandilatan ng mata kaya naman hindi na ako umangal. Pumasok ako sa aking kwarto para magbihis muna at naabutan ko siyang nakahiga na sa aking kama.
"At home na at home ahh" sarkastiko kong sabi.
"Ohh andyan kana pala, bilisan mo at lalagyan mo pa ng yelo yung nguso at pisngi ko!" sabi niya na lalong kinainis ko.
Maghuhubad na sana ako pero bigla kong naalala na may kasama ako sa loob ng aking kwarto.
"Hindi ka ba tatalikod?" tanong ko sa kaniya.
"Bakit babae ka ba para may makita akong kakaiba sayo?" sagot niya sa inis ko ay nabato ko siya ng stress ball na malapit sa akin. Napaungol siya sa sakit at mukhang sinadya niya yun para marinig ni ate fritz.
Tumalikod na lang ako sa kaniya at nagmadaling hinubad ang uniform at saka nagpalit ng pambahay. Nakakailang lang kasi habang ginagawa ko yun ay ramdam kong may mga matang nakatitig sa akin habang naghuhubad at nagbibihis ako. Nang lingunin ko siya bigla naman niyang iniwas ang tingin sa akin. Kinuha ko ang ice pouch at lumapit sa kinauupuan niya. Walang pasabi na nilapat ko ang ice pouch sa mukha niya. Napahiyaw siya sa kirot na ikinagulat ko rin.
"Dahan-dahan lang" sabi niya at sa pagkakataong yun ay gusto ko na talagang tumawa ng malakas.
"May nakakatawa ba?" tanong niya at ako naman ay umiiling na parang baliw habang pinipigilan ang pagtawa. Marahan kong dinadampi sa mukha niya ang ice pouch. Hindi ko siya tinitingnan sa mukha dahil baka matawa ako lalo.
"Sige hahayaan kitang tumawa ngayon!" bigla na lang niya akong pinagkikiliti kaya naman nagawa kong bitawan ang ice pouch.
"Tama na!" sigawa ko habang tumatawa pero wala siyang pakialam kahit halos kapusin na ako ng hininga. Maya-maya pa ay naawa na rin siya at tinigilan niya ang pagkiliti sa akin. Saka lang namin napansin ang kasalukuyang ayos namin. Nasa ibabaw ko siya habang ang kaniyang mga kamay ay nasa tagiliran ko. Sobrang lapit ng aming mukha sa isa't isa. Kahit na may pamamaga sa kanang bahagi ng kaliwang bahagi ng kaniyang labi ay napakagwapo pa rin ng pagmumukha niya. Para kaming nagpapasahan ng hininga ng bawat isa sa sobrang lapit ng mga mukha namin sa isa't isa. Nanatili kami sa ganong posisyon hanggang sa.
"Anong ingay ang naririnig ko kanina?" sabi ni ate fritz pagkatapos niyang buksan ang pinto. Ako naman ay bumalikwas ng tayo at naitulak ko si Lance. Tumama ang mukha niya sa unan buti na lang at hindi sa bakal ng kama.
"Ano pa bang pinaggagawa nyo dyan? Dalian nyo at kakain na tayo!" lumabas din kaagad si ate fritz. Ewan ko ba kung nakita nya yung tagpo namin ni Lance pero mabuti na lang at umalis na siya kaagad.
Sumapit ang hapunan naming tatlo kung saan ako ang naging sentro ng usapan. Panay ang bulyaw sa akin ni ate fritz kahit na nasa harap kami ng pagkain. Eto namang si Lance ay halos mautot na kakapigil ng kaniyang pagtawa. Gumaganti na lang ako sa pamamagitan ng pagsipa sa kaniyang paa. Sa totoo lang ay hindi ako nabusog dahil mas marami pa yung sermon ng ate kaysa sa nakain ko. Bago ako nakabalik sa aking kwarto ay tinapos ko muna ang hugasin habang nanood ng tv ang bwesita namin sa sala. Wala siyang balak na umuwi sa katunayan pa nga ay nagpaalam siya kay Ate na dito matutulog. May makikihati na naman sa kama ko. Pagsapit ng tulugan ay naglagay ako muli ng unan sa pagitan naming dalawa para magkaroon ng division sa aming dalawa. Hindi naman siya nangulit at natulog na din. Sa kalagitnaang ng gabi ay nakaramdam na lang ako ng mga kamay sa loob ng aking tshirt. Ang mga kamay ni Lance ay nakahawak sa aking tiyan habang yakap-yakap niya ako.
"Namiss ko to" rinig kong sabi niya. Hindi na ako nagsalita dahil halos matunaw ako sa hininga niya na dumadampi sa aking batok hanggang sa makatulog ako.
BINABASA MO ANG
The Curse of Fuentes Kiss (BL)
Romance"Siraulo lang ang maniniwala sa sumpa na yun. Malabong magkagusto ako sa kanya dahil alam ko sa sarili ko na babae pa rin ang gusto ko. Pero bakit siya na lang lagi ang nasa isipan ko?" -Gunter Kaya bang baguhin ng isang halik ang lahat? Status: Co...