"Siraulo lang ang maniniwala sa sumpa na yun. Malabong magkagusto ako sa kanya dahil alam ko sa sarili ko na babae pa rin ang gusto ko. Pero bakit siya na lang lagi ang nasa isipan ko?"
-Gunter
Kaya bang baguhin ng isang halik ang lahat?
Status: Co...
Oops! Ang larawang ito ay hindi sumusunod sa aming mga alituntunin sa nilalaman. Upang magpatuloy sa pag-publish, subukan itong alisin o mag-upload ng bago.
Gunter's POV
Meron na lamang akong dalawang linggo para matapos ang plano sa surprise birthday party ni Lance. Nagkasabay-sabay pa ang mga projects, homework at ang plano naming magkaroon ng love life si kuya Eisen. Hindi naman ako nagrereklamo na matulungan siya kaso nahahati ang time ko sa pagtulong na magkadevelopan ang dalawa at ang time ko para sa paghahanda ng birthday ni Lance. Mas lalong naging busy si Lance simula nang mag-ensayo siya para sa darating na regional competition at ang school namin ang magiging host. Naging puspusan ang kanilang pag-eensayo kung saan gabi na kami nagkikita ni Lance sa tuwing matutulog ako sa kanila. Matapos niyang makapaglinis ng katawan ay nakakatulog siya kaagad sa tabi ko kaya hindi ko magawang itanong sa kaniya kung anong gusto niyang matanggap sa birthday niya.
Isang araw bago maganap ang opening ceremony ng regional competition sa school ay nakatanggap ako ng tawag mula kay Kei.
"Kamusta ang heartfelt confession sayo ni Andrew?" pambungad na pang-aasar niya sa akin.
"Gago!" mabilis kong tugon na ikinatawa niya ng malakas sa kabilang linya.
"Gusto ko rin sanang umamin sayo kaso naunahan ako ni Drew" dugtong niya na ikinatawa ko dahil alam kong nagbibiro lamang siya.
"Mukha mo! Malabong magkagusto ka sa akin dahil hindi ka mapakali sa tuwing hindi ka nakakatikim ng bagong hiyas" tugon ko sabay pigil sa pagtawa.
"Mismo!" mabilis niyang sagot at tumawa kami nang malakas. Matagal-tagal na rin nang makapag-usap kami ng ganito na para bang kausap namin ang isa't isa sa personal na walang halong pagkukunwari.
"Napatawag ka?" tanong ko matapos kaming huminahon sa kakatawa.
"Regional competition na bukas!" sambit niya na tila may binabalak na masama sa tono ng kaniyang pananalita.
"Oooh ano naman?" wala sa sarili nang maitanong ko.
"Wag mong sabihing kasali ka?" mabilis kong dugtong na para bang batang sabik na marinig ang kaniyang isasagot.
"Naman!" buong pagmamayabang niya sa akin na ikinatuwa ko.
"Naku yari mukhang matatalo ang team nyo kaagad dahil sayo tapos wala nang magbubuhat sa team nyo dahil wala na si Andrew" pang-aasar ko sa kaniya habang sinisilip ang nakasalang na sinaing.
"Dyan ka nagkakamali dahil lalampasuhin namin ang school niyo!" matapang niyang tugon na ikinatawa ko.
"At sino naman ang ipanglalaban niyo? Ikaw? Eh halos magkasing galing lang tayo sa basketball" pang-aasar ko sa kaniya at halata sa boses niya na napipikon siya sa aking sinasambit.
"Naalala mo ba si Ryle Damulag?" tanong niya sa akin at napaisip ako dahil pamilyar sa akin ang taong binanggit niya pero hindi ko maalala kung anong hitsura niya at kung saan ko siya nakilala.
"Wait parang pamilyar kaso hindi ko matandaan kung sino" tugon ko bago uminom ng tubig.
"Yung first love mo noong elementary pa tayo" bigla kong naibuga ang iniinom kong tubig dahil sa sinabi niya.
"Anong pinagsasabi mo?" reklamo ko sabay punas sa tubig na tumapon sa sahig.
"Paglaki ko pakakasalan ko si Gon! Paglaki ko magkakaroon kami ng malaking bahay" sambit niya na para bang may ginagaya siyang bata dahil sa uri ng kaniyang pananalita. Bigla akong kinilabutan nang maalala ko yun.
Noong elementary pa lang kasi kami ay nagkaroon kami ng kaklase na para bang hindi angkop ang tangkad niya sa kaniyang edad. Madalas siyang mapagkamalang highschool dahil sa tangkad niya. Kahit na malaking bata siya ay nagiging tampulan siya ng tukso dahil sa pagiging malamya nito at pagiging iyakin. Kung tutuusin ay matatakot dapat ang mga kaklase namin dahil sa pangangatawan pa lang nito ay kaya niyang bugbugin na walang kahirap-hirap ang mga nanunukso sa kaniya. Minsan nang makaramdam ako ng awa ay pinagtanggol ko siya sa mga nanunukso sa kaniya at sa di inaasahang pangyayari ay bigla na lang niyang sinabi na nagustuhan niya raw ako dahil sa unang pagkakataon ay may taong nagtanggol sa kaniya.
Noong una ang akala ko ang ibig sabihin niya ng pagkagusto ay pagkagusto bilang kaibigan dahil naging mas close siya sa akin na ipinagtataka nila Kei at Andrew. Madalas niya akong bigyan ng baon niya na mas masarap pa kaysa sa mga binibenta sa canteen. Hindi rin nawawala sa isang linggo na mabigyan niya ako ng mga chocolates na nagmula pa sa Italy. Labis ang pagkainggit sa akin nila Kei at Andrew kaso ayaw ni Ryle na pamahagian ko sila kaya naman patago kong binibigyan ng chocolates ang dalawa.
Nakakapanibago lang dahil simula nang maging malapit kami sa isa't isa ay bigla na lang lumakas ang loob niya. Sa tuwing magkasama kami ay hindi niya hinahayaang may manloko sa kaniya o manukso. Hahawakan pa lang niya ang kwelyo ng mga nanukso sa kaniya ay umiiyak na ang mga ito sa takot. Maging ako ay hindi nakaligtas sa pangngungutya ng mga bata nang maging malapit kami sa isa't isa. Sa tuwing mangyayari iyon ay lagi niya akong pinagtatanggol bilang ganti sa minsang pagtanggol ko sa kaniya. Sa tingin ko ay kaya siya kinukutiya ng mga kaklase namin ay dahil sa inggit nila kay Ryle. Hindi klaro kung anong lahi ng ama niya dahil hindi niya naman ito nabanggit basta ang pagkakaalam ko ay nagtatrabaho ito sa Italy. Sa kaniya ako unang nakahawak ng Gameboy advance na madalas niyang ipahiram sa akin na kalaunan ay binigay niya dahil nagpabili siya ng bago para makapaglaro kaming dalawa. Marami siyang bagay na kinaiinggitan ng mga kabataan noon kaya naman nagiging tampulan siya ng tukso.
Habang tumatagal ang pagiging magkaibigan namin ay naging hudyat din ito ng madalas na alitan sa pagitan nila ni Andrew. Nagalit pa nga sakin si Andrew noon dahil mas marami pa raw akong oras na kasama si Ryle kaysa sa kanila ni Kei. Noong una ay hindi ko maintindihan kung bakit ganun na lang ang galit niya kay Ryle samantalang nakakasama ko lang si Ryle sa school at palagi ko naman silang nakakalaro sa tuwing sasapit ang uwian at kapag walang pasok.
Siguro ay naiintindihan ko ang nararamdaman ni Ryle bilang isang anak at walang kasamang magulang habang lumalaki. Ayun sa kaniya ay tanging mga kasambahay ang kaniyang kasama sa bahay at miminsan lang siya dalawin ng kaniyang mga kamag-anak. Kaya labis ang awa na nadarama ko para sa kaniya kaya kahit anong sabihin ni Andrew ay hindi ko magawang layuan si Ryle dahil alam ko ang pakiramdam na lumaki na walang magulag na gumabay.
"Naalala mo na ba? Lalong lalo na ang unang beses na mahalikan ka sa pisngi?" bigla akong natauhan sa aking pagbabalik tanaw ng muling magsalita si Kei. Muli kong naalala yung sandaling halikan ako ni Ryle sa pisngi nang magpaalam siya na sa Italy na raw siya mag-aaral. Ilang araw akong tinukso nila Kei at Andrew noon dahil bakas na bakas ang laway sa pisngi ko matapos niya akong halikan. Madalas rin kasing mangilid ang mga laway niya sa bawat dulo ng kaniyang labi dahil sa makakapal na bakal sa kaniyang ngipin dahil sa braces na nakakabit dito.
"Napakaluma na ng kwentong yan para gamitin mong panukso sakin!" tugon ko na tila ba hindi naapektuhan sa kaniyang pang-aasar.
"Hahaha ang sabihin mo ay napakaluma na pero hinding hindi mo pa rin makakalimutan" pangatiyaw niya sa akin.
"Bakit ba nasama sa usapan si Ryle?" tanong ko habang siya ay patulot pa rin sa pagtawa.
"Siya kasi ang star player namin ngayon" tugon niya na tila natatawa pa rin kaya naman nagdududa akong totoo ang mga pinagsasabi niya.
"Gago? Seryoso nga?" dugtong ko at bigla na lang siyang tumigil sa pagtawa.
"Basta bukas makikita mo!" tugon niya at bigla na lang pinutol ang linya ng pagtawag.
Kahit kailan ay napakaisip bata ni Kei. Napakaluma na ng panukso na yun at kinakailangan niya pang balik-balikan. Malabong umuwi si Ryle mula sa Italy para lang maglaro ng basketball o kaya mag-aral dahil kung ako man ang nasa katayuan niya ay mas pipiliin kong mag-aral sa ibang bansa. Yari sa akin to bukas si Kei, minsan na nga lang kami mag-usap at kung ano-ano pa ang pinagsasabi.
Kinabukasan ay naging abala ang school sa para opening ceremony ng regional competition. Literal na hindi mahulugang karayom ang gymanasium sa sobrang dami ng taong nasa loob nito. Mapapansin mo ang pagkakaiba ng mga estudyanteng nasa loob base sa uniforme na suot-suot nila. Naging bukas ang aming ekwelahan para sa ibang mag-aaral na nais i-cheer ang kani-kanilang team. Nagdadalawang isip pa nga akong manood dahil sobrang ingay at sobrang daming tao. Hindi ko alam kung saan ako pupwesto, mabuti na lang at tinawag ako ng mga kaklase ko na nagawang makapagreserve ng upuan para sa aming section. Gumawa pa sila ng banner para magbigay suporta kay Lance. Ang iba ay gumamit pa ng balloon na may tatak ng team ng aming school bilang pagsuporta.
Nagsimula sa opening prayer at nasundan ng opening remarks mula sa aming principal at iilang personalidad. Nagawa rin naming ipagmalaki ang galing ng cheer leading team ng aming school sa kanilang pagpapakitang gilas bilang parte ng programa. Ilang sandali lang ang lumipas nang umpisahan ang paligsahan sa pagitan ng aming school at ng school na nagmula mula pa sa quezon. Ang bawat team ay inanyayahan na magtungo sa court upang masimulan na ang laban. Dumagundong ang buong gymnasium ng sandaling pumasok ang koponan ng aming paaralan. Nangingibabaw ang boses ng mga estudyanteng nagchecheer para kay Lance.
"L.O.V.E. Lance! Lance!" paulit-ulit na sigaw ng mga kababaihan mula sa iba't ibang section. Hindi ko mapigilang matawa dahil bigla kong naalala ang pagchecheer ng mga kababaihan kay Rukawa sa anime na Slam Dunk. Nang marinig niya ito ay kaagad siyang lumingon sa bleachers para ngumiti at kumaway sa mga nagchecheer sa kaniya. Maging ang ibang estudyante sa kalaban naming koponan ay biglang nahulog ang mga loob nang masilayan ang pagngiti ni Lance. Dahil sa naging reaksyon ni Lance sa paraan ng kanilang pagcheer ay mas lalo nilang nilakasan ito.
"L.O.V.E. Lance! Lance!" paulit-ulit nilang sigaw na halos maubusan na sila ng boses. Hindi ko inaasahan na bigla na lang itong dudugtungan ng mga loko-loko kong kaklase.
"SABI NI GUNTER!" buong buo ang pagkakasigaw dahil karamihan sa mga nagsabi nito ay ang mga kaklase kong lalaki. Pinagmumura ko sila sa kanilang pinaggagawa pero hindi sila natinag sa kakasigaw sa tuwing magchecheer ang mga kababaihan. Siraulo talaga itong si Lance dahil nagawa pang pumatol sa kalokohan ng aming mga kaklase at naggawa pang mag flying kiss sa direksyon. Tangina lang, pinagtinginan ako ng maraming tao na halos gusto ko ng ibaon ang sarili ko sa kahihiyan. Samantalang itong mga gago kong kaklase ay hindi mapirmi sa kanilang kinauupuan dahil sa panunukso sa akin.
Kinalaunan ay huminto rin ang lokohan sa pagchecheer ng bawat team nang simulan ang paligsahan. Ilang beses ko na ring nakita kong papano maglaro si Lance kaya malaki ang tiwala ko na maipapanalo niya ang laban. Sa bawat sandali na siya ay makakascore ay talaga namang dumadagundong ang buong gymanasium sa sobrang ingay ng bawat sigaw at palakpakan. May mga pagkakataong lumilingon siya sa aking kinaroroonan sa mga sandaling napapagod siya o kaya sumasablay ang kaniyang pagtira. Syempre sinusuklian ko ito ng pagngiti at nagbibigay ng thumbs-up upang hindi siya mawalan ng gana sa paglalaro kahit na walang humpay ang pang-aasar sa akin ng aming mga kaklase.
Napagtagumapayan ng koponan nila Lance na maipanalo ang laban na ikinatuwa ng bawat isa na akala mo ay championship na ang kanilang napanalunan. Gusto ko sana siyang batiin mula sa kanilang pagkakapanalo kaso hindi kami makaalis sa aming kinauupuan dahil may susunod pang laban kaya hindi kami pinayagang umalis. Wala kaming nagawa kundi ang manatili upang panoorin ang susunod na laban mula sa magkaibang paaralan. Nagulat na lang ako nang biglang banggitin ang pangalan ng dati kong paaralan. Sa kanilang pagpasok sa court ay kaagad kong nakita ang isa sa matalik kong kaibigan na si kei. Wala pa ring pinagbago si gago, feeling sikat pa rin na akala mo ay kilala talaga siya ng mga tao sa loob ng stadium dahil grabe siya makakaway sa mga audience. Habang tawang tawa ako sa pagkakakaway niya ay bigla na lang may umagaw ng atensyon ko. Yun ay ang isang player nila na nangingibabaw sa lahat dahil sa kaniyang katangkaran. Masasabi mong siya ang pinakamatangkad na player sa lahat ng mga dumalo. Hindi rin mapirmi ang mga kababaihan dahil mabilis nitong nabihag ang loob ng mga kababaihan dahil sa kagwapuhan nito. Ilang beses ko siyang tinitigan dahil namumukhaan ko siya pero hindi ko maalala kung saan ko siya nakita hanggang sa tumalikod siya at nakita ko ang kaniyang apelyido.
"Gallo? Ryle Gallo?" hindi ko mapigilang sambitin dahil hindi ako makapaniwala na tama ang sinabi sa akin ni Kei kagabi.
"Kilala mo siya Gunter?" tanong ng mga grupo ng babae kong kaklase mula sa likuran ko.
"Si Ryle Gallo?" tanong ko habang nag-aalangan kung tama nga ba ang hinala ko. Sabay-sabay silang tumango bilang pagsang-ayon.
"Kaklase ko siya noong grade school" ang tangi kong nasabi at bigla na lang nagtilian ang mga ito sa hindi ko malamang dahilan.
"OMG! So kilala mo rin si Keisuke Takahashi?" tanong ng isa sa kanila na ikinagulat ko dahil papano nila nalaman ang totoong pangalan ni Kei.
"Matalik kong kaibigan si Kei" naiilang kong tugon dahil para silang clown kung makangiti habang inaantay ang sagot ko.
"Nakakaloka girls. Totoong magnet ng mga hot guys itong si Gunter" sambit ng isa sa kanila at sabay-sabay silang nagtilian.
"Teka-teka papano nyo sila nakilala?" tanong ko dahil wala naman akong napagkukwentuhan tungkol kina Kei at Ryle sa mga kaklase ko.
"Syempre nagresearch muna kami ng mga team ng bawat school na lalaban at hindi namin pinalagpas ang paghahanap ng mga hot guys" malanding tugon ng isa.
"Si Kei hot?" napailing na lang ako habang pinipigilan ang pagtawa. Kaya naman pala ang lakas ng loob niyang kumaway-kaway sa audience eh alam niya pa lang may mga nakakakilala sa kaniya.