Chapter 3: His Kiss

8.8K 500 36
                                    

Darren as Gunter

Gunter's POVMarami na akong away na pinasukan noong elementary kasama ang mga tropa ko

Oops! Ang larawang ito ay hindi sumusunod sa aming mga alituntunin sa nilalaman. Upang magpatuloy sa pag-publish, subukan itong alisin o mag-upload ng bago.


Gunter's POV

Marami na akong away na pinasukan noong elementary kasama ang mga tropa ko. Hanggang pagtungtong namin sa High school ay magkakasangga pa rin kami sa tuwing mapapaaway ang isa. Nakakalungkot lang at kailangan naming maghiwalay dahil kinakailangang samahan ko si ate dito sa laguna. Kung dati ay may kasangga ako sa bawat gulo na papasukin ko pero ngayon ay kailangan kong haraping mag-isa ito. Lunok laway kong tatanggapin ang pagkatalo.

Nang makausap ko si Lance ay mabilis ko siyang napapayag na ibalik ang trabaho ni ate fritz pati na rin ang aking scholarship pero sa isang kondisyon. Yun ay ang maging pet niya. Malabo pa rin sa akin kung ano ang ibig sabihin niya na maging pet niya ako basta ang alam ko ay dapat sundin ko ang lahat ng sasabihin niya sa akin. Mukhang mas malala pa to kaysa sa pagiging alipin. Inutusan niya akong dilaan ang sugat na mayroon sa kanyang kamao. Wala na akong choice sa mga sandaling yun kundi gawin ang gusto niyang mangyari. Pinikit ko na lang ang aking mata at buo ang loob na gagawin ang gusto niyang mangyari. Nang dumampi ang labi ko sa kanyang kamao ay yun na ang naging hudyat sa pagbaba ng tingin ko sa aking sarili. Ilang sandal pa nang ilalabas ko na sana ang aking dila nang bigla siyang magsalita.

"What the fuck? Gagawin mo talaga yun?" sabay bawi ng kamao niya at tumawa siya ng malakas. Kinimkim ko na lang ang galit na nararamdaman ko ngayon dahil alam kong hawak niya ang sitwasyon.

"You know what, I really like you!" nagulat ako nang bigla niya akong inakbayan sa unang pagkakataon.

"Don't worry, simula ngayon ay wala ng gagalaw sayo" sabay pitik ng malakas sa noo ko at napahawak ako sa aking noo dahil sa sakit ng pagkakapitik niya.

"Maliban sa akin" dugtong niya at tumatawa siya habang naglalakad papalayo sa akin.

Ang sakit ng noo ko dahil sa malakas na pagpitik niya. Bago ako pumunta sa aming classroom ay nagtungo muna ako sa banyo para maghilamos ng mukha. Pagtingin ko sa salamin, doon ko nakompirma na namumula nga ang aking noo. Anong klaseng kamay ba ang meron siya at sa tuwing lalapat ito sa katawan ko ay nag-iiwan ito ng pasa o marka. Pagkalabas ko ng banyo ay bigla akong nakatanggap ng tawag mula kay ate fritz.

"Gunteeeeeerrrrrrrrrrrrrrrrrrrrrrrr!" halos mabingi ako sa lakas ng pagsigaw niya sa phone.

"Ba-bakit po?" natataranta kong sagot.

"Binalik na nila yung trabaho ko, pati na rin yung scholarship moo!" naiiyak na sabi ni ate fritz.

"Buti naman po ate. Congrats, hayaan nyo po pagbubutihin ko ang pag-aaral ko" pinipilan ko ang sarili kong wag maluha.

"Oh siya pumasok kana sa classroom mo at huwag kang tatambay tambay sa labas" pagpapaalala niya. Malakas talaga ang kutob nitong si ate fritz kaya hindi ko magawang magsinungaling sa kanya eh.

"Opo" sagot ko at binaba na niya ang phone. Titiisin ko na lang ang pambubully sa akin ni Lance para sa ikabubuti namin ni ate fritz. Ayoko nang makita siyang nahihirapan ng dahil sa akin. Sa pagkakataong ito ay dapat ako rin ang maging kasangga niya lalong lalo na kami na lang ang magkatuwang sa buhay.

Parang bumalik ang lahat sa normal nang tanggapin ko ang pagiging pet ni Lance. Hindi na nila ako binubully sa tuwing sasasapit ang lunch break. Wala ng bumabato sa akin ng kung ano-ano at walang nambabasa sa tuwing pupunta ako ng banyo. Ang buong akala ko ay balik na sa normal ang buhay ko pero dun ako nagkakamali. Nang matapos ang klase ay naiwan kami ng mga ka-group mates ko sa loob ng room para pag-usapan ang magiging concept namin sa darating na foundation week. Bawat klase ay may kanya kanyang contribution sa pagsicelebrate ng foundation ng school. Panay lang ang tango ko sa mga suggestions nila dahil wala naman talaga akong interes sa mga ganyang event. Hindi ko nga rin alam kung papano ako napili para mag-organize sa aming klase. Bago pa man matapos ang pagpupulong namin ay may biglang tumawag sa akin na sa pagkakakilanlan ko ay isa sa mga bata ni Lance. Nagpaalam ako sa mga groupmates ko na makikibalita na lang ako kinabukasan kung ano man ang magigig desisyon nila dahil alam kong hindi ako basta basta paalisin ni Lance.

Hindi ko alam kung bakit kailangan panghawakan ako ng kumag na to sa kwelyo habang hinahatid niya ako kung nasaan man si Lance ngayon. Ang lakas ng loob niyang kaladkarin ako na para bang ang laki-laki ng katawan niya para maghamon. Kapag nasapak ko to, tiyak na bukas pa to magigising. Hindi ko alam kung saan niya hinuhugot ang sobrang kayabangan niya eh sobrang payat naman niya. Hindi nga ako nagkakamali dahil hinatid niya ako sa may rooftop kung saan ang paboritong tambayan ni Lance. Nagsalubong agad ang mga kilay niya nang makita niya ako.

"Anong sa tingin mo ang ginagawa mo?" tanong niya.

"Ahh-anong ibig mong sabihin?" sagot ko dahil wala naman akong atraso sa kanya para magalit siya sa akin.

"Manahimik ka! Hindi ikaw ang kausap ko" mabilis niyang sagot. Ang kausap niya pala ay yung patpating may hawak sa kwelyo ko.

"Hinatid ko po siya gaya ng utos niyo sa akin" ang sagot ng loko.

"At sinong may sabi sayong kaladkarin mo ang tuta ko ng ganyan?" inis niyang sambit.

"Tutaaa?" hindi ko napigilang magsalita at saka niya ako tinitigan ng masama.

"Aww..aww" paggaya ko sa boses ng tuta habang tinatakpan ko ang aking bibig. Mas mabuti nang magmukha akong tanga para sa kanya kaysa pahirapan niya pa ako ng husto.

"Alis!" sabay tapik niya sa kamay ng payat na lalaki at sinipa niya ito hanggang sa matumba. Bigla akong nakaramdam ng awa sa kanya dahil kahit mismo hangin ay kaya siyang patumbahin. Pano pa kaya ang malakas na sipa ni Lance sa kanya.

"Sorry Boss, hindi na po mauulit" sabi niya at saka tumakbo palayo.

Ang akala ko ay makakaligtas rin ako sa pananakit niya pero nagkamali ako nang bigla niyang pitikin ang noo ko. Hindi ko napigilang mapahiyaw sa sakit at sabay hawak sa aking noo.

"Hindi ka special sakin para pag-antayin mo ako ng matagal" inis niyang sabi. Bigla siyang dumukot sa kanyang bulsa at inabot sa akin ang isang collar.

"Anong gagawin ko dito?" tanong ko.

"Isuot mo, dahil di ba simula ngayon tuta na kita" sagot niya at ako naman ay napalunok laway sa kanyang sinabi. Hindi ko aakalaing totohanin niya ang kanyang sinabi. Nang titigan ko ang collar ay may nakakabit pa ditong silver coin-plate na may nakasulat na Lance's Pet.

"Si-sigurado ka?" pag-aalangan ko dahil alam kong magmumukha akong katawa-tawa sa collar na to. Okay sana kung wala ng silver-plate dahil magmumukha lang tong accessory kapag ganun. Kaso asong aso talaga ang dating ko sa binigay niya.

"Mukha ba akong nagbibiro? Dali isuot mo na!" utos niya at agad ko namang isinuot ito. Laking gulat ko na saktong sakto ito sa aking leeg na para bang sinukat. Agad kong tiningnan ang hitsura ko sa reflection ng screen ng cellphone ko. At ayun nagmukha akong may suot na choker. Ang lakas makabading. Pero kailangan kong pagtiisan to hanggang magsawa si Lance sa pambubully sakin.

"Huwag na huwag mong tatanggalin yan. Lalong lalo na dito sa school!" pagbabanta niya.

"Eh paano kung tanggalin ko?" pagbibiro ko.

"Sinusubukan mo ba ang pasensya ko?" inis niyang sabi.

"Hindi, biro lang. eh pano pagnasa bahay ako pwede kong tanggalin to?" seryosong tanong ko.

"Basta wag na wag kong makikitang hindi mo suot-suot yan. Kung hindi malilintikan ka sa akin!" mukhang seryoso talaga siya sa kanyang pagbabanta kaya dapat lang talaga na hindi ko to tanggalin.

Hindi nagtagal ay umalis na din siya at iniwan akong nakatayong mag-isa. Siguro kailangan ko nang pag-isipan kong papano ko to itatago kay Ate Pritz. Kasi pagnalaman niyang binubully ako sa school ay tiyak susugod yun dito. Hindi pu-pwedeng mawala ang trabaho niya pati na rin ang scholarship ko kaya kailangan kong tiisin ang panggagago sakin ni Lance.

Nang makauwi ako sa bahay ay ang pagtanggal ng collar ang una kong ginawa. Para akong nakalaya sa preso ng ilang taon. Mas nakahinga ako ng mabuti nang tanggalin ko ito. Kaagad kong tinago ito sa aking bag para madali ko siyang makukuha kapag hinanap ko ito. Buti na lang at mas nauna akong nakarating kay ate pritz. Balik naman sa normal ang aming pamumuhay nang maibalik ang trabaho niya. Naging madaldal na siya ulit at palasermon na nakasanayan ko na. Para sa akin ay mas okay yung ganito kaysa makikita ko siyang umiiyak palagi.

Kinabukasan sa school ay naging naging agaw pansin ang suot-suot kong collar. Ang akala nga nila ay nababakla na ako at naiisipan kong magsuot ng choker. Pero hinayaan ko na lang sila kung ano man ang gusto nilang isipin dahil nakasalalay sa choker na to este sa collar na to ang magiging katinuan ni Lance. Ang ilang kaklase kong babae ay naging mausisa sa suot kong collar dahil bagay daw sa akin. Ano bagay sa akin ang maging aso? Pero ang sabi ng isa naming kaklase ay nagmukha daw akong K-Pop idol sa suot kong collar. Para daw akong member ng STB, BST o BTS ba yun? Ay ewan wala akong alam diyan. Laking gulat ko nang biglang humiyaw si Ailene habang hawak hawak ang silver plate ng collar ko.

"Girls, tingnan nyo!!" sabi niya sa iba naming kaklaseng babae. At nagsilapitan sila sa akin na para bang gusto nila akong halikan lahat pero ang mata nila ay nasa collar kong suot suot. Nang makita nila ang nakasulat ay sabay-sabay silang nagsisipag hiyawan.

"OMG, si Lance ba ang nagbigay nito?" tanong ng isa kong kaklase na hindi ko matandaan ang pangalan. Kilala ko lang siya sa tali ng buhok niya na parang si Ariana Grande. Tanging pagtango lang ang naisagot ko sa kanya.

"Huhu, gusto ko rin nito. Papano ka niya binigyan nito?" tanong ng isa naming kaklase na kamukha ni Maymay. Parang andami atang look-a-like ng mga celebrity dito sa klase namin. Hindi ko alam kung bakit na lang nila ako pinagkakausap bigla. Sasagutin ko na sana ang tanong niya nang biglang..

"Pwedeng umalis kayo sa upuan ko?" naiinis na tanong ni Lance. Wala atang araw na hindi ito nababadtrip. Parang mga langaw na nagsialisan ang mga kaklase kong babae.

At naupo naman kaagad sa tabi ko si Lance. Hinawakan niya ang leeg ko at tiningnan ng mabuti ang suot kong collar. Bigla na lang naghiyawan ang mga kaklase kong babae nang gawin ni Lance yun. Lumingon siya sa kinaroroonan ng mga kaklase kong babae at isa-isa rin silang nanahimik. Hindi ba niya alam na ang awkward ng ginagawa niya?

Makalipas ang ilang klase ay naging bakante ang oras namin dahil isa sa mga teacher namin ay absent ngayon at walang makakapag-sub sa kanya. Nanatili lang kami sa aming classroom pero ang iilan sa mga kaklase naming ay nagsilabasan na dahil break time narin pagkatapos ng klaseng to. Nakakapagtaka namang nanatili lang din sa klase si Lance at piniling maglaro sa kanyang Nintendo Switch. Isang upuan ang naging agwat namin sa isa't isa dahil nakapatong ang kanyang paa sa upuang katabi ko. Naglaro na lang ako ng Cytus sa cellphone ko habang nakasuot ng earphone ang isa kong tenga. Habang naglalaro ay nakarinig na lang ako ng pagsitsit at nang lingunin ko ay si Lance pala ang tumatawag sa akin. Bigla na lang niya akong binato sa mukha. Nang tingnan koi to ay isang M&M na chocolate.

"Bakit?" tanong ko sabay tanggal ng earplug sa tenga ko. Pero imbes na sagutin ang tanong ko ay muli niya akong binato ng M&M sa mukha. Hindi ko talaga siya maintindihan kong minsan. At sa pangatlong pagbato niya ay saka ko lang napagtanto kung ano ang ibig niyang sabihin. Sinalo ko ang binato niyang chocolate gamit ang bibig ko na para bang aso na hinagisan ng pagkain. Nang masalo ko ito ay natuwa naman ang kumag. Narinig ko na naman ang mga hiyawan ng mga kaklase naming babae. Ang iba ay nagkomento pa na nakakainggit daw. Kung alam niyo lang kung gaano kalala ang maging tuta ni Lance ay hinding-hindi niyo sasabihin yan.

Nang dumating ang break time ay lumabas na rin ako ng classroom para kumain kahit wala akong gana. Baka kasi kung ano-anong bagay ang ipagawa sa akin ni Lance kapag nag-stay pa ako sa classroom. Halos mabilaukan na ako sa kakasalo ng mga M&Ms na binabato niya sa akin. Ayoko ring isipin ng mga kaklase kong may namamagitan sa aming dalawa dahil alam ko sa sarili kong lalaki ko. Pagnatapos na tong pambubully ni Lance ay maglalakas loob akong ligawan yung babaeng crush ko sa ibang section. Ewan ko ba sa unang tingin ko pa lang sa kanya ay para bang nakuha na niya ang loob ko. Paano ko ba ipapaliwanag ang pagkatao niya? Para siyang Maria Clara sa modern time na napakahinhin pero alam mong hindi rin ganun ka conservative. Palangiti at napaka-elegante.

"Hi Gunter" bati sa akin ni Chloe. Para akong hinagis papuntang cloud 9 sa sobrang saya. Sino ba naman ang mag-aakalang babatiin niya ako? At tinawag niya ako sa pangalan ko, papano niya nalaman? Eh hindi nga kami nagkakausap.

"Ha-Hi Chloe" nauutal kong sagot. Para akong torpeng lalaking nakikipag-usap sa crush niya. Parang ganun na nga talaga ang dating ko. Hindi kayo nagkakamali dahil ang maria clarang tinutukoy ko ay ang kausap ko ngayon.

"Cute ng choker mo" masaya niyang sabi. Sasagutin ko na sana siya ng biglang.

"Yep, it suits him!" sabay akbay sa akin ni Lance. Kelan pa kaya siya nakabuntot sa akin?

"Ohh...nice" naiilang na sagot ni Chloe at bigla siyang nagpaalam at lumayo sa akin.

Grabe minsan lang ang pagkakataong kakausapin ka ng crush mo tapos saka naman susulpot tong gago na to para sirain yung pag-uusap naming dalawa. Ang kamay niya na nasa balikat ko na nakapatong kanina ay nasa ibabaw na ng ulo ko ngayon at dahan-dahan niya itong hinihimas na para ba akong aso. Hindi nagtagal ay humigpit ang kapit ng kamay niya at bahagya akong nasabunutan.

"Sino naman ang nagsabi sayong pwede ka na magbreak ng hindi nagpapaalam sa akin?" sabi niya habang nasa ulo ko pa ang kamay niya.

"Sorry nagugutom na talaga ako eh" siguro kong may totoong alagang aso to ay agad namamatay sa sobrang mapanakit niya.

"Talaga, nagugutom kana? Sige pakakainin kita!" sarkastiko niyang sabi. At dinala niya ako sa canteen habang ang kanyang kamay ay nasa batok ko.

Nang makarating kami sa loob ng cafeteria ay agad niya akong pinahawak ng tray. Tapos lahat ng binili niyang pagkain ay nilalagay niya sa tray ko. Ang dami niyang nilagay sa tray ko, pang apat hanggang limang tao na ang kakain nito pero dadalawa lang naman kami ang uubos nito. Siguro sobrang takaw nitong gagong to kaya ganito kadami ang inorder niya. Pagkatapos naming makaorder ay naupo kami sa isang bakanteng mesa para kainin ito.

"You only have 15 minutes to finish all of these" bigla niyang sabi.

"Haa?" hindi ako makapaniwalang sasabihin niya yun.

"Di ba sabi mo nagugutom ka? Kaya ayan binilhan kita para mabusog ka!" at ngumiti siyang sarkastiko sa akin. Tinitigan ko siya nang mabuti kong nagbibiro lang ba siya. Pero..

"Your time is running..." sabi niya sabay pakita ng timer na nasa phone. Nataranta naman ako at hindi ko malaman kong anong uunahin kong kainin.

Habang tumatakbo ang oras na nilaan niya ay hindi ako magkanda-ugaga sa pagkain ng mga pagkaing binili niya na para sa limang katao. Halos mabulunan ako sa pagmamadaling maubos ang lahat ng ito. Aliw na aliw naman siyang tinitingnan akong nahihirapan sa pagkain ng mga ito. Nang matapos ang oras na binigay niya sa akin ay naubos ko rin lahat-lahat ng mga ito. Halos pumutok ang tiyan ko sa sobrang kabusugan. Todo ngisi naman ang gagong to habang nakikita niya akong nahihirapan.

Maya-maya ay nakaramdam ako ng kakaiba sa katawan ko. At ayun na nga sa dinami-dami ng kinain ko ay tinawag na ako ng kalikasan. Nagpaalam naman ako sa kanya na magbabanyo lang ako pero noong una ay ayaw niya akong payagan dahil tatakasan ko lang daw siya. Pero nang marinig niya ang pag-utot ko ay hinayaan na niya akong makaalis habang siya ay mamatay matay sa kakatawa dahil marami ang nakarinig ng pag-utot ko dahil na sa cafeteria kami nun. Ang dami ko ng kahihiyang ginawa dahil sa kanya. Sana mamatay na lang siya sa kakatawa sa upuan niya. Ang mahalaga sa akin ngayon ay ang mailabas itong sama ng tiyan ko. Nang makaupo ako sa kubeta ay agad ko namang nilabas ito. Kanina pa tumunog ang bell na hudyat na tapos na ang break time pero hindi ako agad makaalis sa kinauupuan ko dahil mukhang ansama talaga ng tama ng mga kinain ko sa tiyan ko.

Makalipas ang ilang minuto ay bumuti ang kalagayan ng tiyan ko at nakatayo na rin ako sa mabahong trono nato. Pagkatapos kong maghugas ng kamay ay agad akong lumabas ng banyo at nagmamadaling lumabas ng banyo dahil sampung minuto na akong late sa susunod kong klase. Laking gulat ko nang makita ko si Lance sa labas ng banyo.

"What took you so long? Tumae ka ba talaga o nagmasturbate ka lang?" derechong sabi niya.

"Syempre tumae ako, ang sama kaya ng tiyan ko." Inis kong sabi.

"Ganun ka tagal?" inis niyang tanong.

"Eh bakit sino ba nagsabi sayong antayin mo ako?" sagot ko habang hinihimas ang tiyan ko na nagsisimulang humilab na naman.

"Sino naman ang nagsabi sayong inaantay kita dito?" sagot niya. Sasagutin ko pa sana siya pero binatukan niya ako at pinalakad habang nasa batok ko ang kanyang kamay.

Hindi na ako nagsalita dahil wala akong lakas para makipagtalo sa kanya. Sabay kaming pumasok ng classroom ng late. Dahil kasabay ko si Lance ay hindi na nag-usisa ang guro namin kung bakit kami late. Kung gaano kabilis matapos ang maghapon naming klase ay ganun din ang pagkalat ng pagiging pet ko kay Lance. Sa unang pagkakataon ay nagkaroon ng pet si Lance sa campus. Madalas na nakakakuha ng atensyon niya ay mga babaeng nagiging girlfriend niya o kaya mga target niya na binubully niya. Pero kakaiba daw ang sakin dahil parang pinagsama daw ako ng dalawa. Sa idea pa lang nila na maging kasintahan ko si Lance ay kinikilabutan na ako.

Hindi ko aakalaing magiging katawa-tawa ang susunod na araw ko sa school. Pagpasok ko ng campus ay maraming babae at iilang binabae ang may suot ng choker o collar nakagaya ng sa akin. Parang biglang naging fashion trend itong suot suot ko. Imbes na mahiya ako ay bigla akong natuwa dahil hindi na ako naiiba sa karamihan. Nang malaman ito ni Lance ay galit na galita siya sa mga nagsuot nito kasi gayang gaya talaga ng sa akin at may nakasulat pang Lance's Pet sa silver coin plate na gaya ng sa akin. Ilang hambas sa batok ang inabot ko sa kanya dahil hindi ko talaga mapigilang matawa sa tuwing may makakasalubong kaming may suot suot na collar na kagaya ko.

Sobrang tawang tawa talaga ako dahil asar-asar talaga siya. Mukhang ito yung araw na nakaganti ako ng tuluyan sa kanya. Kahit na ilang pananakit ang inabot ko sa kanya ay sulit na sulit yung makita siyang galit na galit dahil sa ginawa ng ibang estudyante. Habang tumatagal ay nasasanay din ako sa pag-uugali ni Lance pero biglang nagbago ang lahat ng sumapit ang foundation week namin.

Abala ang bawat isa sa kani-kanilang school activities na sinalihan. Ang ilan ay naghahanda para sa cheerleading competition. Meron ding mga naghahanda para sa highlight ng event ngayong week yun ay ang basketball competition kung saan kalahok si Lance na inaabangan ng bawat isa. Maliban sa akin, wala akong interes panoorin ang laro niya. Ngayon ang huling araw ng foundation week naming kaya mas naging abala kami dahil open-campus kami kapag last day ng foundation week at maraming tao ang bumibisita sa bawat booth ng bawat section. Sobrang haba ng pila sa horror booth sa kabilang section na pinipilahan ng karamihan. Isa rin sa naging agaw pansin ang wedding booth kung saan pwede kayong ikasal ng gusto mong maging kapareha sa araw na yun. kami naman ay marami ding naging customer dahil sa idea naming maid-café. Nasa amin ba naman ang maraming magagandang babaeng estudyanteng nakasuot ng maid-costume habang nagsiserve ng order.

Laking gulat ko nang biglang pinasara ni Ailene ang booth namin ng panandalian para mag-usap. Nabalitaan kong tatlo sa aming kaklaseng nagsusuot ng costume bilang maid ay hindi makakapasok ngayong araw dahil na-food poison daw kahapon at kasalukuyang nasa hospital. Hindi naman kakayanin ng dalawa naming kaklase na gawin lahat ng gawain sa pagsisilbi sa dami ng mga customer namin. Si ailene na nagsisilbing manager ay nagsuot na rin ng maid costume para lang madagdagan ang mga magsiserve. At ang president ng klase naming lalaki ang pumalit sa kanya bilang manager.

"Gunter kailangan na kailangan ko ang tulong mo ngayon at ikaw lang sa mga lalaking to ang makakatulong sa atin. Please!!" pakiusap ni Ailene.

"Sige ano bang gagawin ko?" tanong ko.

"Gumanap ka bilang maid" seryoso niyang sabi.

"Haa.. bat ako?" gulat kong tanong.

"Ikaw lang ang makakapagcover ngayon. Please last day na to ng event" pakikiusap niya sa akin.

"Ehh bat ako? Eh lalaki ako at saka ang sagwa tingnan pagnabihis babae pa ako. Pwede naman magbihis waiter na lang ako" hindi ko talaga inaasahang sasabihin niya sa akin yun.

"Di pupwede. Kasi maid-café ang theme natin. Kaya kailangan magbihis ka bilang maid please!!!" bigla akong napakamot ulo sa hinihingi niyang pabor.

"Sige na pre, sa pogi mong niyan tiyak magmumukha kang magandang babae" sabat ng kaklase naming lalaki.

"Ikaw na lang kaya!" inis kong sabi.

"Sa laki ng braso niyan ay hindi madadala ng make-up ang pagkabrusko niya. Please Gunter, after nito ay gagawin ko lahat ng favor na ipapagawa mo sa akin!" pakiusap ni Ailene. Pinag-isipan kong mabuti ang sainabi niya. Napag-alaman ko pa namang pinsan niya si Chloe. Siguro hihilingin ko na lang na favor na maaya ko si Chloe ng date pagnatapos ang linggong to. Huminga ako ng malalim bago ako pumayag sa gusto niya.

Mabilis niya akong pinagbihis ng maid-costume. Sobrang hapit na hapit ito sa aking katawan pero napakasiya ko ito. Nilagyan naman kaagad ako ni Ailene ng make-up at pinagsuot ng wig. Nang matapos niya akong ayusan ay nagdadalawang isip akong tingnan ang aking sarili sa salamin dahil alam kong mukha akong katawa-tawa ngayon. Pero nang makita ko ang aking sarili sa salamin ay laking-gulat ko dahil halos hindi ko makilala ang aking sarili. Para bang nasa loob ako ng katawang ng isang babae. Kahit ako ay hindi ko nakilala ang aking sarili. Ang sabi sa akin ni Ailene ay magpanggap lang akong babae at huwag na huwag magsasalita dahil doon ako mabubuko.

Naging maayos naman ang pagpapanggap ko. Naglagay na din si Ailene ng name-tag sa dibdib ko dahil maraming nagtatanong ng pangalan ko. Dumadami na rin ang mga taong pumapasok sa booth naming dahil kakatapos lang ng main event at nabalitaan kong panalo ang team nila Lance. Buti naman at wala pa ring nakakabisto sa pagkatao ko pero bigla akong nataranta ng pumasok si Lance at ang ibang mga ka team mates niya sa loob ng booth namin. Ang malas ko pa ay bigla niya akong kinausap para humingi ng tubig. Gaya ng ibang customer ay pagtango lang ang sinasagot ko. Aalis na sana ako nang bigla niyang hawakan ang kamay ko.

"Wait, Do I know you?" tanong niya. Todo iling naman ako para tumanggi. Buti na lang at hindi natanggal ang wig ko. kundi mabubulilyaso ang pagpapanggap ko. Lalo akong mananagot dahil hindi ko suot suot ang collar na binigay niya. Buti na lang at andun si Ailene at kinausap si Lance para mabaling ang atensyon ni Lance.

Todo iwas ako sa mga tingin niya habang nasa loob sila ng booth namin. Siguro ay nakikilala na niya ako pero hindi lang talaga siya sigurado kaya panay ang tingin niya sa akin. Hindi ko tuloy mapigilan ang sariling kabahan. Anim lang kasi sa amin ang nakakaalam sa pagpapapanggap ko at nangako ang bawat isa na walang magkukwento sa pagpapanggap ko. Akala ko ay matatapos na ang kalbaryo ko nang makaalis sila sa loob ng booth pagkatapos nilang kumain. Pero makalipas ang ilang minuto ay bumalik siya sa loob habang may mga babaeng naghahabol sa kanya para hatakin siya sa wedding booth.

"Hey you, come with me" sabi ni Lance. Napalingon naman ako sa likod ko kung sino ang tinutukoy niya at laking gulat ko ng hatakin niya ako palabas ng booth namin. Nagpumiglas ako pero nanatili akong hindi nagsasalita para hindi mabuko.

Dahil mas malakas siya sa akin ay hindi naging mahirap para sa kanya ang pagdala sa akin sa wedding booth. Kasunod namin ang mga babaeng nagkakandarapa sa kanya na panay ang pag-irap sa akin. Kung alam lang talaga siguro nila ang totoong pagkatao ko ay matatawa na lang siguro sila.

"Itigil nyo na ang kakahabol sa akin kasi ikakasal na kami ngayon" sabi ni Lance sa mga babae. Hinayaan ko na lang siya sa gusto niya dahil kahit naman magmatigas ako ay gagawin niya pa rin ang gusto niya. Ang mahalaga ngayon ay hindi niya pa rin ako nabibisto.

At ayun na nga, nagsimula ang seremonya kono ng kasal. Nang tanungin ako ng kunwaring pari kung papayag ba akong maikasal sa kanya ay tanging pagtango lang naisagot ko. Pero kailangan daw ay magsalita ako kaya naman inipit ko ng husto ang boses ko para masabi ang I do na yan. Ang akala ko ay matatapos na ang kalokohang ito nang magsabi kami ng I do sa isa't isa. Pero kinagulat naming lahat ng biglang halikan ako sa labi ni Lance ng sabihin ng pekeng pari ang mga katagang "You may kiss the bride". Sa gulat ko ay naitulak ko siya ng malakas at agad akong tumakbo.

Hindi ako makapaniwalang hinalikan ako ni Lance. Tangina hindi ko kasama sa plano. Hindi ko alam kung saan ako magtatago dahil hinahabol pa rin niya ako. Saktong Lunch break at natigil ang horror booth kaya pumasok ako sa loob para magtago. Madilim ang loob kaya saktong sakto pwede akong magtago ng panandalian dito. Nagulat ako nang may humatak sa akin.

"Hindi kana makakatago pa ngayon!" sabi ni Lance. Nanlaki ang mata ko ng ma-corner niya ako. Hanggang ngayon ay inaakala niya pa ring isa akong babae.

"How come na hindi kita nakikita sa campus? Sa ganda mong yan, bakit ngayon lang kita nakita?" gusto kong masuka sa mga pinagsasabi niya. Nang makakita ako ng pagkakataon ay tumakas ako pero mas mabilis ang mga kamay niya at nahatak niya akong muli.

"Wag ka ngang pa-hard to get na parang ayaw mo rin sa akin." At muling hinalikan niya ako. Pinilit kong magpumiglas pero mas malakas talaga siya sa akin. Naramdaman ko na lang na pinasok na niya ang kanyang dila sa aking loob ng aking bibig. Para akong nakuryente na hindi ko maipaliwanag ang nararamdaman ko. Parang biglang nanlambot ang mga tuhod ko. Bago pa man mabakla ako sa pinaggagawa niya ay tinulak ko siya para matigil ang ginagawa niya pero mukhang hindi siya na kontento.

"Lance, TAMA NA!" sabi ko. Kapwa kaming nagulat sa ginagawa ko. Nasabi ko ang mga salitang yun sa normal kong boses na lalaking lalaki. Tinititgan niya ako ng mabuti bago magsalita.

"Ga-Gunter?" tanong niya. Sa mga sandaling yun ay alam kong nabisto na ako sa pagpapanggap ko. Hindi ko alam kung papano ko ipapaliwanag sa kanya ang lahat-lahat. Ang alam ko lang ay malilintikan ako ng husto dahil sa panloloko ko sa kanya.




Itutuloy.....



A/N: Sorry sa matagal na update. Hindi maganda ang pakiramdam ko nitong mga nakaraang araw. Pinilit ko lang talaga mag-update dahil may iilang nag-aantay sa update nito.

Please vote and let me know your thoughts sa comment section.

Thank you <3

The Curse of Fuentes Kiss (BL)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon