Junfeng as Andrew
Gunter’s POV
Ang buong akala ko ay matatapos ang araw na ito nang matiwasay. Simula nang umuwi si Kuya Eisen sa laguna ay nanumbalik na rin ang pakikitungo sa akin ni Lance bilang kapatid sa ama. Nagtungo lang naman ako sa building ng Engineering upang makausap si Lance ngunit hindi ko aasahang dito rin kami magtatagpong muli nang matalik kong kaibigan na si Andrew. Naging maayos ang aming kwentuhan dahil dalawang taon din kaming hindi nagkikita. Pero hindi ko malaman kay Lance kung bakit niya ako pinapapili sa kanilang dalawa eh ang usapan lang naman ay may sasabihin siya sa akin. Pwede naman niyang i-text o itawag sa akin pero heto ako ngayon nasa harapan niya’t di naman masabi.
“Tungkol saan ba kasi yun at bakit sa condo pa? Pinapunta mo ako dito para sabihing may pag-uusapan tayo sa condo? Ang labo mo naman tol!” inis kong sabi na tila ikinapikon niya.
“Sagutin mo ang tanong ko!” tugon niya at hindi na napigilan ni Andrew na sumali sa usapan.
“Ano bang problema neto?” sambit ni Andrew habang nakaduro kay Lance.
“Wag kang makisali dahil usapang magkapatid ito!” mariing sambit ni Lance at nilapitan si Andrew na para bang maghahamon ng suntukan. Mabilis akong pumagitna sa kanilang dalawa upang umawat. Marahan kong tinulak si Andrew palayo bago ko hinarap si Lance.
“Bakit ka ba nagkakaganyan ha? Kailan ba kita pinapili sa aming dalawa ni Angelique ha?” pasigaw kong sambit dahil sobra akong naiinis sa inaasal niya. Napadila siya sa pang-itaas niyang labi bago niya buong gigil na kagatin ang kaniyang pang-ibabang labi dahil sa pagpipigil sa sariling damdamin. Huminga siya nang malamim bago niya ipinatong sa aking balikat ang kaniyang kanang kamay.
“Eh bakit hindi mo itanong?” paghamon niya sa akin kung saan mabilis akong napailing.
“Sige kung papapiliin ka sa aming dalawa ni Angelique, sinong pipiliin mo?” tanong ko at nagawa ko pang tingnan si Angelique nang banggitin ko ang kaniyang pangalan. Ayokong masali siya sa gulo namin ni Lance ngunit masyado akong nilalamon ng galit.
“Syempre ikaw” mabilis niyang tugon na aming ikinagulat. Hindi ko inaasahang sasabihin niya sa harap mismo ng kaniyang nobya. Hindi tuloy malaman ni Angelique ang gagawin nang marinig niya mismo mula sa labi ni Lance ang mga salitang iyon.
“Kapatid kita, kadugo kita kaya natural na uunahin kita” dugtong niya habang tinatapik-tapik niya ang aking balikat. Muli akong napailing dahil sa kaniyang sinabi.
“Ang labo mo!” tugon ko at mabilis na inalis ang kaniyang kamay na nakapatong sa aking balikat.
Ayoko nang makarinig ng mga walang kwentang bagay mula sa kaniya kaya naman tinalikuran ko siya at lumayo kahit na ilang beses niyang sinisigaw ang pangalan ko. Gusto ko munang magkaroon ng pansamantalang katahimikan. Yung wala akong iisipin tungkol sa aking nakaraan, sa aking pamilya at lalong lalo na kay Lance.
Kanina pa ako nagpapalakad-lakad simula nang makalabas ako ng campus. Hindi ko alam kung saan ako pupunta basta hinayaan ko na lang ang aking paa na magdesisyon kung saan ako nito dadalhin. Sa layo ng aking nilakbay ay hindi ko namalayang kanina pa pala nakasunod si Andrew sa akin. Nang tanungin ko siya kung bakit niya ako sinusundan ay nais niya lang masigurong ligtas ako dahil wala raw ako sa sarili. Sa katunayan ay kanina pa raw niya tinatawag ang aking pangalan ngunit hindi ko raw siya sinasagot. Hindi ko alam kung bakit ako nagkakaganito. Kung tutuusin ay simpleng pagtatalo lamang ang namagitan sa amin ni Lance ngunit hindi ko alam kung bakit sobra akong apektado. Dahil wala naman akong kasiguraduhan sa aking pupuntahan ay hinayaan ko na lang si Andrew na dalhin ako sa lugar kung saan pansamantalang makakalimot ako.
Mabilis pumara ng taxi si Andrew upang mabilis naming marating ang nais niyang puntahan. Hindi ako nagtanong kung saan niya ako dadalhin dahil lubos kong pinapaubaya sa kaniya ang aking sarili. Kaya habang nasa taxi ay nanatiling tahimik kaming dalawa. Matagal na akong kilala ni Andrew kaya alam niyang mas gusto kong hindi nagsasalita sa ganitong sitwasyon. Ngunit habang nasa loob ng taxi ay hindi ko mapigilang mapaisip kung saang bar ba kami mag-iinom ni Andrew lalong lalo na’t nagiging pamilyar sa akin ang lugar na aming tinatahak.
Makalipas ang ilang minuto ay narating na rin namin ang lugar kung saan ang inaasahan kong bar ay nauwi sa tahanan nila Andrew. Pagbaba ko pa lang ng taxi ay kaagad akong napabalik tanaw sa lugar na aking kinagisnan. Ang bahay nila Andrew na dating dalawang palapag lang ay naging apat na palapag na. Dito ang lugar kung saan ako lumaki at kung saan ko nakilala ang mga matatalik kong kaibigan na sina Andrew at Kei. Tatlong kanto lang mula rito sa aking kinatatayuan ay ang lugar kung saan kami dating nakatira ni Ate Pritz. Wala pa ring pagbabago sa lugar na ito dahil marami pa ring batang naglalaro dahil malapit lang sa basketball court ang bahay nila Andrew. Mabilis akong napangiti nang muli kong malanghap ang amoy ng barbeque na niluluto ni Aleng Nena. Paglingon ko sa aking likuran ay muli kong nasilayan ang pwesto ng barbeque ni Aleng Nena. Tila nawala sa isipan ko ang dahilan kung bakit kami naparito dahil para bang hinatak ako ng nakakagutom na amoy patungo sa pinaggalingan nito.
“Anong sayo toy?” tanong ni Aleng Nena na hindi ko kaagad nasagot dahil napako ang aking mga mata sa masasarap na isaw, ulo ng manok, laman at Betamax na madalas ko pang ibabad sa maanghang na suka bago ito kainin.
“Sampung laman nga po, saka tatlong ulo ng manok, sampung isa at limang Betamax” masaya kong sabi at sunod-sunod niyang sinalang upang lutuin ang mga ito.
“Teka mauubos mo ba lahat yan?” tanong sa akin ni Andrew. Ngayon ko lang naalala na siya nga pala ang kasama ko sa lugar na to.
“Oo naman baka kulang pa nga sa akin to” masaya kong tugon habang sabik na nag-aantay ng mga nilulutong order ko. Kilala na sa lugar na to ang barbequehan ni Aleng Nena dahil sa masarap niyang pagtimpla sa mga sawsawan at maging sa pagmamarinate ng mga paninda niya. Kung hindi ako nagkakamali ay noong huling kain ko dito ay nagawa niyang pagtapusin ng kolehiyo ang dalawa niyang anak habang ang bunso na kaedaran ko lang ay patuloy na nag-aaral sa maayos na paaralan. Hanggang hangga ako sa sipag niya bilang nag-iisang tumatayong magulang ng kaniyang tatlong anak.
“Wag kang mag-alala toy marami pa akong nakahanda sa loob kaya kapag nabitin ka ay bumalik ka” sabi niya habang nagbabalot ng sukang hinihingi ng isang customer.
“Huwag naman ganun Aleng Nena, baka magalit sa inyo si mama kapag hindi na to nakakain ng hapunan sa bahay” tugon ni Andrew habang ginugulo ang buhok ko.
“Ikaw pala yan Andrew. Susme napakagwapong bata talaga nito ohh.. Hindi mo sinabi na bisita mo pala yan” sambit ni Aleng Nena at napatigil siya sa pagluluto nang titigan niya ang aking mukha.
“Teka parang kilala kita” sabi niya at napailing na lang ako dahil sa tagal ko nang naging suki niya ay nagawa niya pa ring makalimutan ako.
“Gon? Gon, ikaw na ba yan?” mabilis nagliwanag ang kaniyang mukha nang makilala niya ako.
“Ako nga po” ang nahihiyang sagot ko.
“Napakagwapong bata mo talaga!!” sabi niya na para bang teenager na kinikilig. Muntik na nga niya akong kurutin sa pisnge ngunit nagawang hatakin ako papalayo ni Andrew.
“Aleng Nena naman yung kamay niyo po mauling” reklamo ni Andrew habang nakaakbay sa akin.
“Ay pasensya na hindi ko lang talaga mapigilan ang sarili ko kapag nakikita ko ang batang ito” tugon niya habang pinupunasan ang kaniyang kamay.
“Ang bilis naman po magbago ng taste niyo. Kanina lang ay puring puri kayo sa kagwapuhan ko tapos ngayon kay Gon na kayo pumapabor” pilit na pagtatampo ni Andrew na mabilis kong ikinatawa.
“Ay heto naman parang hindi mo naman kilala si Gon. Alam mo namang crush na crush ito ng Unica Hija ko… Asan na ba yang si Dayang?” tanong niya habang palingon lingon sa paligid. Ang babaeng tinutukoy niya ay ang kababata namin na crush na crush ako. Ngayon ko lang napagtanto kung gaano ako ka pilyong bata noon dahil nagagawa kong pagsamantalahan ang damdamin ni Dianne upang makalibre ako ng barbeque sa tuwing bibili ako sa kanila. Ang sampung piso ko na pambili ng tatlong isaw ay nagiging lima kapag siya ang bantay. Tuwang tuwa lagi si Aleng Nena dahil andami kong nabibili sa kanila ngunit hindi niya alam na madalas ay libre ni Dianne ang karamihan sa mga iyon.
“Dayang asan ka??” sigaw ni Aleng Nena ngunit walang sumasagot. Sa ikatlong pagsigaw niya ay saka lang ito narinig ni Dianne na tila nasa loob lang ng kanilang tahanan.
“Ano ba yun Ma?? Kakaidlip ko pa lang eh!” sigaw nito mula sa loob ng kanilang tahanan.
“Bumaba ka rito, bilisan mo!” tugon ni Aleng Nena habang binabaliktad ang mga nakasalang na isaw.
“Ano ba yun?” rinig na rinig namin mula sa labas ang padabog na pagkilos nito. Walang pinagbago sa kanilang tahanan na tila naitayo pa noong panahon ng mga kastila. Lumang luma kong titingnan sa labas ngunit sobrang ganda at maaliwas ang nasa loob nito. Yari sa kahoy ang kanilang sahig kaya naman rinig na rinig namin ang padabog nitong pagkilos mula sa pangalawang palapag.
“Dalian mo dahil nandito na yung crush mo at mukhang balak nang manligaw sayo” sigaw ni Aleng Nena na ikinabigla ko. Tila bumilis ang mga hakbang ni Dianne nang marinig niya ang sinabi ng kaniyang ina dahil rinig na rinig namin ang bawat hakbang nito. Hindi rin nagtagal nang masundan ito ng isang malakas na kalabog.
“Ano yan yang??” sigaw ni Aleng Nena at maya-maya pa ay nakita namin si Dianne na iika-ikang maglakad palabas ng kanilang bahay. Hula ko ay nalaglag pa ito sa hagdan kakamadali.
“Anong nangyari sayo?” tanong ni Aleng Nena nang makitang magulo ang buhok ng anak at iika-ikang maglakad.
“Ahhh wala naman.. ikaw na ba yan Gon?” mabilis niyang hinawi ang magulong buhok na humaharang sa kaniyang mukha at kasabay din nito ang mabilis na pagbago ng kaniyang postura na para bang walang iniindang sakit.
“Hi Yang” ang tangi kong nasabi dahil hanggang ngayon ay nakakaaliw pa rin siya. Masasabi kong pumayat siya mula nang huli ko siyang makita. Ngayon ay mas naging kaaya-aya ang kaniyang postura.
“Totoo ba yung narinig ko na gusto mo akong ligawan kaya ka nandito?” nakapamaywang niyang sabi at muling hinawi ang buhok. Sasagot na sana ako pero pinigilan niya akong magsalita.
“Wait.. bago ka magsalita ay nais ko lang ipaalam sayo na hanggang ngayon ay virgin pa rin ako at kahit na nagkaboyfriend ako ay nakareserve pa rin ito para sayo” dugtong niya na tila nang-aakit pa ang kaniyang boses. Suportado naman siya ng kaniyang inay na pumapalkpak pa ngunit nang mapagtanto niya ang sinabi ng kaniyang anak ay kaagad niya itong sinaway.
“Anong boyfriend? Kailan ka pa naglihim sa akin na nagkaboyfriend ka pala?” tanong ni Aleng Nena sa anak habang dinuduro ng barbeque stick.
“Ano ba Ma, matagal na yun at saka hindi naman ako nagpagalaw” tugon niya sa ina na para bang tropa niya lang ang kausap. Inirapan naman siya ni Aleng Nena bago binaling ang atensyon sa akin.
“Hay naku Gon, kahit lokaret yang anak ko ay magaling yan magluto. Tiyak lagi kang mabubusog diyan” masayang sabi ni Aleng Nena na para bang nandito talaga ako para manligaw sa kaniyang anak.
“At saka virgin!” dugtong ni Dianne na nagpailing sa akin. Para ako pa ang nahihiya sa kaniyang mga sinasabi.
“Tama! Tama!” pagsang-ayon ni Aleng Nena habang pumapalakpak.
“Hoooy!! Ikaw Nena imbes na suwayin mo ang anak mo ay ikaw pa tong bumubugaw sa kaniya” nagulat kami nang may biglang sumali sa usapan ngunit mabilis akong napangiti nang mapagtanto ko kung sino ang taong ito.
“Walang ganun mars! Eto naman.. Alam mo namang patay na patay ang anak ko na to kay Gon kaya sinusuportahan ko lang” paliwanag niya at lumapit sa anak upang akbayan.
“Huwag na kayong mag-aksaya ng panahon dahil anak ko ang mapapangasawa ni Gon, di ba nak?” tugon ni Mama Minda na kung saan lumapit sa akin upang yakapin ako sa muli naming pagkikita. Hindi kaagad ako nakakibo sa kaniyang pagbati dahil napaisip ako sa kaniyang sinabi.
“Pano naman mangyayari iyon eh puro lalaki ang mga anak mo? Wag mong sabihing may anak ka sa labas?” pag-usisa ni Aleng Nena at gayon din ang kaniyang anak na si Dianne. Nakakagulat nang dumami ang mga tao sa paligid na tila inaantay ang magiging sagot ni Mama Minda.
“Siguro” maikling tugon ni Mama Minda na ikinadismaya ng mga taong nakarinig. Hindi ko alam na ganito pala kalala ang mga chismosa sa lugar na ito.
“Tara na at makapaghapunan. Baka lumamig pa yung mga pagkain” sambit ni Mama Minda. Pumagitna siya sa amin ni Andrew habang nakakapit ang kaniyang mga kamay sa aming tagiliran.
“Teka Mars yung order ni Gon!!” sigaw ni Aleng Nena na dali-daling binabalot ang mga inorder ko.
“Mamaya Mars, para yan sa pulutan. Babalik ako para sa kwento ng anak ko sa labas” tugon ni Mama Minda na kung saan napapalakpak si Aleng Nena sa tuwa.
“Sige Mars! Bukas kami hanggang madaling araw para sayo!” sigaw nito habang papalayo na kami.
Bago pa man kami makapasok sa loob ay hindi napigilan ni Andrew na magtanong tungkol sa anak sa labas na tinutukoy ni Mama Minda. Maging ako ay walang ideya sa kaniyang sinabi kaya kagaya ni Andrew ay nag-aantay rin ako ng kasagutan.
“Biro lang yun. Alam niyo namang uhaw sa chismis ang mga tao dito” tugon ni Mama Minda habang tinatapik ang braso ng kaniyang anak.
“Sobrang namiss ko tong anak ko” sabi ni Mama Minda sa akin at binigyan ako ng halik sa pisnge matapos niya akong yakapin ng mahigpit.
“Paboritong anak” dugtong ni Andrew. Bigla ko tuloy naalala na sa kanilang magkakapatid ay madalas na kay Andrew ang atensyon ni Mama Minda dahil ito ang pinakabunso at ang kaniyang mga panganay at pangalawa ay nasa sampung taon ang agwat kay Andrew. Sa kanilang tatlo ay si Andrew daw ang pinakapaborito dahil bunso ngunit kapag nasa bahay nila ako ay ako raw ang nagiging paboritong anak ni Mama Minda.
“Hindi kasi kayo marunong maglambing” mabilis na depensa ni Mama Minda.
“Halina’t pumasok na kayo nang makapaghapunan na tayong tatlo” pag-aya ni Mama Minda sa amin habang ako ay parang bata na nakalabas ang dila upang asarin si Andrew sa pagpanig sa akin ng kaniyang ina.
“Sige ilabas mo pa yan dila mo..kakagatin ko talaga yan!” pagbabanta niya sa akin at kaagad ko namang binawi ang pagdila ko.
“Gago” ang tangi kong nasabi at tumawa siya habang nakaakbay sa akin patungo sa kanilang kusina.
Muling nanumbalik ang aking mga alaala sa paglibot ng aking paningin sa loob ng kanilang tahanan. Sa kanang bahagi ng kanilang pader kung saan nakasabit ang mga pictures nilang buong pamilya. May kaniya-kaniya ring larawan sina Mama Minda, Tatay Fred, Kuya Tope, Kuya Don at si Andrew. Masaya akong makitang muli ang kanilang sala kung saan naging tambayan naming madalas nina Kei at Andrew. Nakakatuwang nandito pa rin ang PS1 at PS2 na niluma na ng panahon.
“Nasan po pala sina Kuya Tope at Kuya Don?” tanong ko nang makaupo ako habang inaasikaso ni Mama Minda ang mga pagkain.
“Si Christopher ay kasama ang Papa niya sa Macau dahil mayroon silang project doon. Si Brandon naman ay nasa California nagso-soul searching matapos makipagbreak ng girlfriend niyang hindi naman kagandahan” parehas kaming natawa ni Andrew sa huling binanggit ni Mama Minda. Nakakatuwa lang na naging Engineer na rin si Kuya Tope gaya ni Tatau Fred at si Kuya Don na madalas na wala sa bahay nila ay ngayon sa ibang bansa na naglilibot.
Nakakatuwa ngang isipin na ang unang letra ng kanilang pamilya ay magkakasunod. Una si Andrew na bunso na nagsisimula sa letrang ‘A’. Sumunod naman ay ang pangalawang si Kuya Don na ang tunay na pangalan ay Brandon na nagsisimula sa letrang ‘B’. Ang panganay nila na si Kuya Christopher o mas kilala bilang Tope ay nagsisimula sa letrang ‘C’. Si Mama Minda na may totoong pangalang Emilia na may bansag na Minda dahil tubong Mindanao ay nagsisimula sa letrang ‘E’ at si Tatay Fred na ang buong pangalan ay Frederick na nagsisimula sa letrang ‘F’. Ang tanging kulang na lang ay letrang ‘D’ upang magkasunod-sunod ang mga letra ng kanilang pangalan na ayon kay Mama Minda ay ang unang magiging apo nila ay magsisimula sa letrang ‘D’. Ako naman bilang paboritong ampon ng pamilya ang dumugtong na nagsisimula sa letrang ‘G’ ang pangalan.
Masaya naming pinagsaluhan ang pagkain na niluto ni Mama Minda. Walang kupas pa rin ang galing niya sa pagluluto lalong lalo na ang espesyal niyang recipe na Kaldereta na siyang paborito ko sa lahat. Napuno ng tawanan at kulitan ang aming pagsasalo-salo dahil sa mga usaping may kinalaman sa aming pagkabata. Saksi si Mama Minda sa paglaki naming tatlo. Mula sa kung papano kami nagkakilala hanggang sa samahan niya kaming magpatuli sa center at sa kung ano-ano pang kaganapang aming pinagdaanan. Sayang at hindi makakasama si Kei dahil may importante raw siyang gagawin kaya kaming tatlo lang ang nakapagsalo-salo. Habang kami ay kumakain ng panghimagas ay inutusan ni Mama Minda si Andrew na bumili ng coke. Tahimik akong kumakain ng leche plan nang biglang magtanong si Mama Minda.
“Nanliligaw na ba sayo si Andrew?” tanong niya sa akin na kung saan muntikan kong maibuga ang leche plan na kinakain ko.
“Po?” ang tangi kong naisagot sa kaniya dahil sa pagkabigla.
“Matagal ko ng alam ang pagkagusto ni Andrew sayo. High school pa lang kayo ng umamin siya sa akin” mas lalo akong nabigla nang sambitin ito ni Mama Minda.
“Noong mga bata pa lang kayo ay natural na kay Andrew ang pagiging malambing at pagiging over-protective niya sayo. Inisip ko noon na dahil malaki ang agwat ng kaniyang mga kapatid sa kaniya kaya naman tinuturing ka niyang nakakabatang kapatid. Ngunit habang tumatagal ay nag-iiba ang pakikitungo niya sayo na marahil ay hindi mo napapansin. Umamin lang siya sa akin nang makita ko ang litrato mo na kaniyang tinatago sa isang maliit na kahon” kwento ni Mama Minda at lumipat pa siya ng upuan upang mapag-usapan namin ng maayos.
“Anong litrato po?” tugon ko dahil wala namang naikwento sa akin si Andrew tungkol sa bagay na ito.
“Noong highschool pa kayo ay may tinatago yang maliit na kahon sa drawer niya. Nagagalit pa nga sa akin kapag namamali ako ng lagay. Nagtaka ako noon kung bakit niya sinisiksik ito sa pinakailalim ng kaniyang mga damit. Akala ko nga mga litrato mula sa mga bold magazine ang laman nito kaya niya tinatago pero nagulat na lang ako nang makita ko na puro litrato mo ang laman. Hindi sana ako magtataka kung magkahalong larawan niyo nila Kei ang laman nito ngunit tanging sayo lang ang laman nito. Kaya nang tanungin ko siya ay umamin rin siya sa akin at nangako ako sa kaniya na hindi ko ito ipagsasabi hanggang sa hindi pa raw siya handang umamin sayo”
Panandaliang natahimik ako sa naikwento ni Mama Minda. Hindi ko alam na ganun katagal na naglihim sa akin si Andrew. Maging ako ay wala masyadong naitabing mga larawan noong kabataan pa namain ngunit base sa kwento ni Mama Minda ay mayroon daw si Andrew nito mula noon hanggang ngayon. Nanatili akong tahimik dahil hindi ko alam kung ano ang sasabihin sa mga naikwento sa akin ni Mama Minda.
“Sa katunayan ay ayokong magkagusto sa lalaki itong si Andrew dahil napakagwapong bata at sayang ang lahi ngunit kong ikaw ang makakatuluyan niya ay hinding hindi ako hahadlang dahil mahal na mahal ko kayo… kahit hindi niyo ako mabibigyan ng apo” sabay kaming natawa ni Mama Minda sa mga huling salita na kaniyang binanggit na kung saan saktong sakto ang pagdating ni Andrew.
“Ayan na naman si Mama, pinangungunahan na naman ako” reklamo nito matapos niyang mailapag sa mesa ang nabiling coke.
“Pinagmamalaki mong habulin ka ng babae at magaling kang manligaw pero hindi mo pa rin napapasagot itong si Gon” tugon ni Mama Minda sa kaniyang anak.
“Binasted nga di ba po?” tugon ni Andrew habang nakatingin sa akin.
“Pero hayaan niyo Ma, sa susunod na pagbisita niya rito ay ipapakilala ko na siya bilang syota ko” dugtong niya at nagawa pang kindatan ako. Mabilis akong napailing sa sinabi niya at hinarap si Mama Minda.
“Pasensya na Ma, pero pakiramdam ko ay eto na po yung huling pagkikita nating dalawa” biro ko kay Mama Minda na mabilis niyang sinakyan.
“Pakiramdam ko nga nak” tugon niya habang kunwari’y pinupunasan ang kaniyang mga luha.
“Ahhh ganun pinagkakaisahan niyo ako!” sambit ni Andrew at lumapit sa akin. Ginapos niya ang kaniyang kanang kamay mula sa aking likuran patungo sa aking didbib upang hindi ako makawala at ang kaniyang kaliwang kamay naman ay pinuntirya ang aking tagiliran.
Halos mapatalon ako sa kakatawa dahil sa ginawa niyang pangingiliti sa akin. Ilang beses na sinaway ni Mama Minda si Andrew sa kaniyang ginawa dahil kakakain lang namin. Naging binge niya sa mga pagsaway ni Mama Minda at tinigilan niya lang ito nang magmakaawa ako dahil naluluha na ako sa kakatawa.
Hinang hina ako nang matapos ang pangingiliti sa akin ni Andrew. Kagaya noong mga bata kami ay wala pa rin akong kalaban laban sa kaniya sa tuwing gagawin niya iyon. Ganun na ganun siya sa akin sa tuwing napipikon siya at hanggang ngayon ay wala pa ring pinagbago sa kaniyang inaasal. At nang kami ay makapagpahinga ay saka namin sinimulan ang inuman sa kanilang rooftop. Nakakatuwa lang nang umakyat kami sa itaas ay nakahanda na ang lahat. May tatlong upuan at maliit na mesa sa gitna. Ang mga inihaw na inorder ko mula kay Aleng Nena ay narito na at nadagdagan pa. Nasa isang sulok matatagpuan ang isang malaking cooler na naglalaman ng mga in-can beers na aming iinumin.
Naging masaya ang inuman namin kahit kaming dalawa lang. Madalas naming napag-uusapan ang mga kalokahan namin noong kami ay bata pa. Maging ang mga nakakatawang tagpo ay muli naming binalikan. Sinamantala na rin namin ang pagkakataong mapag-usapan si Kei dahil wala siya ngayon. Nagawa kong ikwento sa kaniya ang biglang pagbabago ng ugali ni Kei na para bang iniiwasan na niya ako. Marahil ay may mabigat itong dahilan kung bakit niya ito nagagawa ayon kay Andrew kaya naman siya na raw ang bahalang kumausap rito.
Habang tumatagal ang aming inuman ay nagkakaroon na rin kami ng tama sa mga alak na aming iniinom. Ilang sandali pa ay nagkaroon na ako ng lakas ng loob na tanungin siya tungkol sa kahon na naglalaman ng aking mga larawan. Noong una ay tinatanggi niya pa at ayaw niyang aminin ngunit kalaunan ay napapayag ko rin siyang maipakita ito sa akin. Gusto ko rin kasing malaman kong ano-anong larawang ko ang naitabi niya kaya nang bumalik siya mula sa kaniyang kwarto ay dali-dali ko itong inagaw sa kaniya. Isa-isa kong tiningnan ang mga larawan kung saan kuha pa ito sa lumang camera ni Mama Minda. May litrato ako na naglalaro ng tumbang preso kung saan ang dungis-dungis ko. May larawan din ako kung saan nakikipag-agawan ako ng bola sa laro ng mga kabataan ng basketball. Karamihan sa mga ito ay stolen shots na minsan ay nagmumukhang katawa-tawa ang aking hitsura.
“Bakit mo naman naisipang itabi ang mga to eh parang engot naman ang mga kuha ko dito” sabi ko at bigla niya akong binatukan sa panlalait ko sa mga larawan.
“Syempre para may pang blackmail ako sayo kapag lumaki na tayo” tugon niya at binawi niya sa akin ang kahon na naglalaman ng mga larawan ko.
“Yung totoo..pinagjajakulan mo lang yang mga pictures ko eh” pang-aasar ko sa kaniya bago ako tumangga ng beer.
“Minsan” tugon niya at bigla kong nabuga sa kaniya ang alak na ininom ko.
“Tangina hindi ka man lang mabiro?” reklamo ni Andrew habang pinupunasan ang sarili. Hinubad niya ang kaniyang damit at ginamit na pamunas sa mga alak na naibuga ko.
Nagpatuloy kaming uminom na para bang walang bukas. Kagaya niya ay naghubad na rin ako ng pang-itaas na damit dahil nakakaramdam na rin ako ng init. Ang masaya naming pag-uusap ay naging seryoso nang magpasalamat ako sa kaniyang ginawa dahil kahit papano ay nakalimutan ko ang mga pinagdadaanan ko. Hindi ko nga maintindihan ang aking sarili kung bakit labis ang lungkot na aking nadarama hanggang sa maluha ako habang umiinom.
Nang mahimasmasan ako sa pag-iyak ay tinigil na namin ang pag-iinom. Inakay ako ni Andrew patungo sa kaniyang kwarto. Pagkapasok namin sa loob ng kaniyang kwarto ay kaagad siyang inabutan ni Mama Minda ng maliit na planggana na naglalaman ng bimpo at maligamgam na tubig. Pilit kong nilalabanan ang antok ko habang pinupunasan ni Andrew ang aking katawan. Nang masiguro niyang nasa maayos na akong kalagayan ay nagpaalam siya dahil sa kabilang kwarto raw siya matutulog. Bago pa man siya makaalis ay nagawa ko siyang pigilan.
“Samahan mo muna ako ngayong gabi” sabi ko na punong puno ng paglalambing habang nakayakap mula sa kaniyang likuran.
“Gon ginagawa ko ito dahil pinipigilan ko ang sarili ko sayo” tugon niya sa akin na para bang nagagalit.
“Walang kwenta! Sasabihin mong mahal mo ako tapos iiwanan mo lang ako di-” hindi ko na natapos ang aking sasabihin nang maitulak niya ako sa ibabaw ng kaniyang kama. Mabilis siyang pumaibabaw sa akin habang hawak-hawak niya ang magkabila kong kamay.
“Binabalaan kita Gon! Nirerespeto ko ang damdamin mo kaya huwag na huwag mong gagamitin ang damdamin ko laban sayo. Sinasabi ko ito sayo bilang babala dahil hindi ko alam kung anong magagawa ko sayo kapag nawalan na ako ng control” sabi niya habang buong pwersa niyang tinutulak ang aking katawan sa kama. Napailing ako sabay tawa ng mahina.
“Tangina ang dami mong sinasabi” tugon ko at bigla kong nilapit ang aking mukha sa kaniyang mukha upang magtagpo ang aming labi. Noong una ay hindi pa siya gumagalaw dahil sa pagkabigla ngunit nang tumagal ay siya na mismo ang naging dominante sa aming halikan.
Sobrang tindi ng aming halikan na hindi natitigil hanggang sa kapusin kami ng hininga. Ramdam na ramdam ko ang pagtulo ng aking laway dahil sa tindi ng paghalik ni Andrew sa akin. Ngunit kahit gaano man katindi ang halikan namin ay para bang wala akong maramdamang kakaiba. Hindi ko masabi kong nasisiyahan ba ako o gusto ko itong nangyayari. Paulit-ulit kong hinalikan ang kaniyang mga labi ngunit tila wala pa rin akong maramdamang kakaiba hanggang sa hinayaan ko na siyang gawin ang nais niyang mangyari. Napatingala na lang ako sa kisame nang halikan niya ang aking leeg. Sa pagtitig ko sa kisame ay tila nandidilim ang aking paningin hanggang sa tuluyang maipikit ko ang aking mata.
Kinaumagahan ay nagising ako dahil sa labis na pananakit ng aking ulo. Tela hinampas ng baseball bat ang aking ulo dahil sa tindi ng kirot nito. Halos mapabalikwas ako sa aking kinahihigaan nang makita kong iba na ang suot kong salawal. Ang kobre-kama, punda at kumot ay tila napalitan na ng bago. Lasing man ako ay tandang tanda ko ang kulay nito mula sa kulay asul ay naging kulay puti ang mga ito. Nang lingunin ko ang sahig ay kitang kita ko ang mga damit namin ni Andrew na nagkalat sa sahig maging ang lumang kumot na aming ginamit kagabi. Mas nabigla ako nang pumasok si Andrew na nakatapis ang tuwalya sa kaniyang baywang habang kinukuskos ang basang buhok.
“Good morning” masaya niyang pagbati sa akin.
“Sabihin mo nga sa akin ang totoo” sambit ko habang palipat lipat ang tingin ko sa bagong suot kong salawal, sa bagong palit na sapin at kumot pabalik sa kaniyang mukha na tila nagtataka sa aking inaasal.
“Ang alin?” tanong niya habang papalapit sa akin.
“May nangyari ba sa atin?” walang pag-alinlangan kong tanong. Ngumiti siya at tumayo sa may harapan ko bago muling magsalita.
“Sa tingin mo?” tanong niya sa akin at bigla na lang niyang binaba ang tuwalyang nakatapis sa kaniyang baywang kung saan kitang kita ko ang bagay na nakatago dito.
Itutuloy...
A/N: Sobrang rare ng ganitong pangyayari na makapag-update ako ng dalawang beses sa isang linggo kaya magbunyi ang lahat. Sobrang excited na ako sa susunod na chapter. Hindi ko magawang idugtong dito dahil aabutin na ako ng 9-10k words at hindi pa dapat mangyari yun kasi pang climax at ending lang ang wordings na ganun para sa akin. Magpapahinga lang ako ng ilang araw bago ako magsusulat ulit para sa chapter 39. I swear magugustuhan niyo ito pero syempre mabibitin pa rin dahil on-going.
Gusto ko lang batiin sina Franz Ezekiel at Jade Pareno na nagpaulan ng reaction sa facebook page ko. At kung nais niyong malaman kong kelan ang susunod na update ay maaaring I-like niyo ang Facebook page ko at I-follow ang Twitter account ko.
Facebook: https://facebook.com/Eisenchann
Twitter: https://twitter.com/eisenchan
Thank you and Keep Safe <3Updated 11:50, April 19
BINABASA MO ANG
The Curse of Fuentes Kiss (BL)
Storie d'amore"Siraulo lang ang maniniwala sa sumpa na yun. Malabong magkagusto ako sa kanya dahil alam ko sa sarili ko na babae pa rin ang gusto ko. Pero bakit siya na lang lagi ang nasa isipan ko?" -Gunter Kaya bang baguhin ng isang halik ang lahat? Status: Co...