"i hear her calling my name, julie tearjerky on the phone."
— julie tearjerky, eraserheads.
7. Salo
---
HUMIHILIK pa si Rowena nang magising ako. Nang dungawin ko ang wall clock sa kuwarto, alas-sais pa lang. Ang aga ko nga. Nasanay na masyado dahil sa shift.
Pero tumitilaok na ang mga tandang sa labas. Naisipan kong bumangon na, masarap kasi ang hangin dito kapag umaga. 'Yung parang sumisinghot ka ng menthol — ang weird.
"Good morning, Ate," bati ni Budd. "Ang aga ko 'no?" aniya.
Sabado kasi, walang pasok. Ang aga nga niyang bumangon.
"Bakit?" tanong ko.
Sumimangot siya. "Ang likot kasi nila Kuya Daryl," reklamo niya bago ilabas ang dala-dalang unan. "Kaya dun muna ako sa inyo."
Ayon.
"Sige, basta 'wag ka malikot tulog pa si Ate Rowe mo," utos ko.
Tumango pa siya bago dumiretso sa kuwarto, pupungay-pungay pa ang mata habang kinakamot. Napailing na lang ako bago diretso sa kusina. Naabutan ko si Nanay, nagkakape.
Himala nga na hindi niya hawak ang phone niya ngayon. Maaga siya palagi; magwawalis sa labas, tutulungan kami sa paghahanda sa pagpasok, tapos ML na.
"Good morning, Nanay," salubong ko. Iniwasan niya pa ako nang akmang hahalikan ko siya.
"Mumog muna," aniya. "Teka, timplahan kita ng kape."
Pabiro na lang akong umirap bago dumiretso sa lababo. Kumuha ako ng baso at nagmumog. Inabot ko na ang kapeng tinimpla ni Nanay.
"Bumili pala ng pandesal si Amang sa bayan," aniya. "Kunin mo na lang do'n sa ref," dagdag niya bago ako iwanan sa kusina.
"Maglalaro na kayo, 'Nay?" tanong ko.
Humagikhik lang siya. "Oo, tambay na ako ro'n sa tindahan, gisingin mo na mga pinsan mo." Saka na nagpatuloy papuntang sari-sari store.
Habang humihigop ng kape, hindi ko maiwasang isipin 'yung sinabi ni Rowena kagabi bago kami makatulog.
Pero agad kong binura sa utak ko.
Bakit ba wala silang ibang bukambibig kundi bagay kami ng Inggo na 'yon? Ni hindi nga kami close. Okay, siguro, sadyang feeling close siya. Pero ako, hindi ko siya tinuturing na kaibigan.
Manigas siya diyan. Hindi ko pa rin nakakalimutan 'yung ginawa niya sa 'kin sa terminal.
At ang bantot talaga ng pangalan niya. Galing siyang Maynila pero bakit ganun naman pinangalan sa kaniya? Ni hindi niya nga alam maglaro ng basketball kahapon.
Wala ba siyang kayang gawin?
"Huy, babaita!" Napatalon ako sa gulat. Halos mabuhos pa sa akin 'yung kape ko. "Ay, sorry!" aniya.
Leche 'to, ah.
"Ano ba 'yan," reklamo ko. "Dahan-dahan, pwede?"
BINABASA MO ANG
Sa Susunod Na Lang
HumorInspired by Eraserheads. Paasa. Update ng favorite mong author sa Wattpad. Crush mong pina-fall ka. 'Yung maliligo ka na sa ulan kaso hindi bumuhos. 'Yung maaabot mo na kaso biglang nawala. Pag-ibig na, naging bato pa. Pero anong magagawa natin? Sa...