21.

31 5 0
                                    

"you can never be too happy in this life."

— with a smile, eraserheads.

21. Bunga

---

KUNG hindi lang sana siya nag-text kagabi, maayos siguro ang tulog ko kahit papaano. Kung hindi lang sana ganito ang asta niya, sana hindi ako maguguluhan — sana hindi ako matutulala magdamag.

Hindi ko sana siya hihintayin na bumili ng almusal sa amin tuwing umaga.

Nasasanay na ako.

Habang kumakain kinabukasan, pinipilit kong maging hindi mailap sa harapan nila Nanay. Kahit alam kong hindi lang nila pinapansin ang halos pagtunganga ko at pagkukulong sa kuwarto, meron at meron na silang napapansin.

Hindi lang sila nagsasalita.

"Ano na?" tanong ni Rowena sa akin habang nakatambay kami sa sala. "Lumulubog pa ang ship ko?"

Hindi ko siya pinansin at pumirmi sa interesting na palabas sa TV. Napaka-corny at baduy, pero wala akong ibang magagawa kundi 'wag pansinin ang pang-aasar ng pinsan ko.

"Huy!" singhal niya. "Ano ba?!"

Bumuntong-hininga ako bago siya lingunin. "Pinagsasasabi mo?"

Umirap siya bago humalukipkip. "Ship ko? Inggo and Juls love team, asa'n na?" aniya.

Iniwas ko ang tingin ko, tumutok ulit sa napaka-corny na palabas. Hindi ko alam kung saan ako maiinis: kay Rowena ba o sa palabas.

Leche.

"Hindi ko kilala," sagot ko na lang.

"Hay, nako." Suminghap siya na dismayadong-dismayado pa ang itsura. "Ewan ko sa 'yo, basta dapat hindi lulubog ang ship ko. Mag-usap nga kayo!"

Nailing na lang ako sa sinabi niya.

"Ang kapal ng mukha mo!"

Tumaas ang balahibo ko sa sigaw ni Nanay. Agad akong tumayo para dungawin siya sa labas at malaman kung anong nangyayari. Pagkakita ko sa lalaking kaharap niya, tuluyan nang tumulo ang luha ko na parang hinihintay na lang magatungan ng isa pang problema.

Si Tatay ko.

"Lumayas ka rito!" sigaw ni Nanay habang hinahampas-hampas siya at pinagtatabuyan. Sinasalo lang lahat ni Tatay lahat ng 'yon. Wala siyang sinasabi, pero alam kong umiiyak siya.

Lumapit ako sa kanila para pigilan si Nanay sa pagwawala. Nang magtama ang tingin naming dalawa ni Tatay, hindi ko alam kung anong mararamdaman; kung sasaya pa dahil nandito siya o magagalit dahil sa ginawa niya. Hindi ko na alam. Wala akong sigurado.

"Umalis ka na," utos ni Nanay habang hawak-hawak siya ni Rowena. Lumapit na rin sila Dary para mailayo si Tatay pero nagulat na lang kami nang dumating si Amang.

Bumulagta si Tatay dahil sa suntok niya. Agad kong pinalapit 'yung tatlo para umawat. Pinaglayo silang dalawa pero nagpupumiglas si Amang.

"Hayop ka, matapos mong gaguhin 'tong anak ko, nandito ka?" singhal niya. "Lumayas ka rito kung ayaw mong basagin ko 'yang pagmumukha mo!" Muntik pa siyang mabitawan nila Larry buti na lang nahila kaagad.

Sa Susunod Na LangTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon