19.

27 5 0
                                    

"pasensiya na kung ako ay 'di nagsasalita."

— torpedo, eraserheads.

19. Paalam Muna

---

SALAMAT sa mga pinsan kong kabute dahil bigla silang dumating. Nagawa kong humakbang paatras hanggang sa tuluyan nang makapasok sa bahay. Hindi ko na alam kung anong mararamdaman.

Diretso ang mga paa ko sa kusina — uminom ng isang basong tubig na halos ikamatay ko pa dahil sa pagkakasamid. Tubig na nga lang, e.

"Kain na," ani Nanay bago ilapag ang mga niluto niya sa mesa. "Anyare sa 'yo?" magkasalubong ang dalawang kilay niya.

Umiling na lang ako habang mahinang umuubo. Lecheng tubig 'to.

"May bumibili, insan." Halos matapon ang tubig sa basong hawak ko nang bigla akong sundutin ni Rowena sa tagiliran. "May bumibili ~" pakanta-kanta pa habang naglalakad papuntang lababo.

"Tingnan mo nga, 'nak," utos ni Nanay.

Wala akong nagawa kundi sundin ang utos niya. Alam ko si Inggo 'yung bumibili. Araw-araw naman siya ang bumibili ng almusal nila rito.

"Ikaw, ah," bungad niya. "Tinakbuhan mo ako kanina humihingi lang ng good morning, e."

"Anong bibilhin?" tanong ko. "Walang good sa morning, sir."

"Pabili po ng kasungitan niyo," aniya. "Akin na lang tapos itapon ko sa ilog para mawala na." Inilapag niya ang bayad. "Kape, tatlo."

Umirap ako bago siya talikuran at abutin ang kapeng binibili niya. Pagkabigay, patalikod na ako nang magsalita siya.

"Seryoso, 'wag ka nang masungit," aniya. "Please?"

Hindi ako mag-re-react. Kahit na napaka-amo ng mukha niya habang sinasabi 'yon, hindi dapat ako mag-react pero ang puso ko . . . traydor.

Tumalikod na siya habang nakatitig ako — estatuwa na parang naiputan ng Ibong Adarna. Ano ba 'to, leche?

Pagkatapos mag-agahan, tumambay ako sa labas kasama si Budd na busy sa pagdudutdot. Minsan napapaisip ako, kung hindi sana binilhan ni Nanay 'to ng phone e 'di sana mas humaling siya sa pagtulog sa bahay.

Gano'n kaya ako no'ng bata, palibhasa wala pang gadgets at talagang simple lang ang pamumuhay.

"Budd," tawag ko sa kaniya.

"Bakit?" tanong niya nang hindi ako tinitingnan. Pirming-pirmi sa pagkatutok.

Matalo sana.

"Daryl!" Napalingon sa mga dumating. Mga kabarkada ata ng mga pinsan ko galing sa kabilang baranggay.

"Oh," ani Larry na agad lumapit sa kanila. "Laro na ba?"

"Wala pa si Kuys," singit ni Jeremy. "Teka, tawagin ko na lang." Umalis siya para puntahan si Inggo.

Kahit kailan talaga, pa-VIP.

"Tatanong-tanong ka, Ate, hindi mo naman pala sasagutin." Sumimangot ang kapatid ko. "Hanla, talo!" reklamo niya.

"Hi." Tinabihan ako ni Rowena. "Teka, sino 'yon?" Turo niya sa isang kalaro nila Daryl. "Ang cute, 'te," bulong niya.

Sa Susunod Na LangTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon