"ngunit ngayon, kay bilis maglaho ng kahapon..."
- minsan, eraserheads.
31. Sundo
---
ATRASADO akong nagising. Malamang sa malamang dahil ito sa dalawang baso ng kape na ininom ko. Kagabi pa ako hindi mapakali, ang dami-daming pumapasok sa isip ko na ayoko namang tanggapin pero hindi ko mapigilan.
"Dadalaw ka sa ospital ngayon, 'di ba?" ani Nanay pagkaupo ko sa sala.
"Opo." Tumango ako. "Pero mga mamaya pa siguro."
Plano kong puntahan si Lola Eudo, tsaka para makamusta sila Nurse Kach, Bogie at Orly. Pati na rin si Doc Eleand, gusto ko ulit siyang pasalamatan doon sa vinyl na bigay niya.
"Pabili po."
Halos mapatalon ako sa gulat nang marinig ang boses nung anak ni Jero. Tumutuktok siya sa plywood na nakaharang sa pasukan. Hindi ko alam kung bakit napangiti ako nang makita ko siya.
"Pabili po ng milk, kasi po nakalimutan ni Daddy bumili kahapon." Humagikhik siya.
Hindi ko maalis ang ngiti ko habang kinukuha ang binibili niya. Pagkaabot, ngumiti ulit siya sa akin.
"Ang ganda mo naman," usal ko. "Siguro maganda rin ang mommy mo, 'no?"
Nakita ko kung paano unti-unting bumaba ang magkabilang gilid ng labi niya. Kinabahan ako nang bigla siyang tumungo at magpunas ng mata.
"Teka - bakit, umiiyak ka ba?" Inilapit ko ang sarili ko sa pasukan para makita siya.
Umiling siya sabay takbo. Ang bilis na para siyang hinahabol, nagpupunas pa ng mukha. Hindi ko tuloy mapigilang nerbyusin, baka akala ng tatay niya pinaiyak ko.
Ano bang problema niya sa mommy niya?
Sa sobrang pag-aalala ko, sinundan ko na lang siya sa bahay nila. Kinakabahan man dahil hindi ko inakalang tatapak ako sa mismong puder niya, ginawa ko na lang. Wala naman akong ibang sadya kundi 'yung bata, gusto ko lang kausapin para makapag-sorry sa kung ano man ang nasabi ko.
"It's okay, baby," rinig ko si Jero. Nasa harapan pa lang ako - handa nang kumatok pero pinili kong pakinggan na lang kung anong nangyayari.
Alam kong mali na makinig sa pinag-uusapan ng ibang tao lalo't hindi ko sila kaano-ano pero, hindi ko mapigilan. Parang nakokonsensiya ako kahit hindi ko naman alam kung anong ginawa kong mali.
"I don't know why I am crying," ani Juliana, humihikbi. "Everytime I hear mommy, or anything, nagka-cry ako."
Narinig ko ang paghagikhik ni Jero. "It's okay, baby girl, you're strong, 'di ba?" aniya. "It's okay, Super Inggo is here!" nag-modulate pa ng boses para magtunog brusko.
Hindi ko alam kung matatawa o maiiyak ako sa pag-uusap nila. Nang wala na akong marinig na pag-uusap - tanging hikbi na lang ni Juliana na naging tawa dahil sa daddy niya, tumalikod na ako para umalis.
Pero hindi pa ako nakakalayo, narinig ko ang pagbukas ng pintuan. "Juls?"
Nangatog ang tuhod ko, 'yung nerbyos ko kanina dahil sa iyak ni Juliana, mas nadagdagan.
BINABASA MO ANG
Sa Susunod Na Lang
HumorInspired by Eraserheads. Paasa. Update ng favorite mong author sa Wattpad. Crush mong pina-fall ka. 'Yung maliligo ka na sa ulan kaso hindi bumuhos. 'Yung maaabot mo na kaso biglang nawala. Pag-ibig na, naging bato pa. Pero anong magagawa natin? Sa...