"pumunta ako sa tindahan ni aling nena para bumili ng suka."
— tindahan ni aling nena, eraserheads.
29. Balik sa Umpisa
---
MAIKSI lang ang tulog ko pero parang sulit na sulit. Si Doc, maaga raw umalis sabi ni Nanay. Hindi na ako nahintay dahil may duty pa. Sayang, hindi tuloy ako nakapagpasalamat ulit sa paghatid sa akin at sa vinyl na binigay niya.
Nagbago nang kaunti ang Piloan. Sa apat na taon kong nawala, medyo, pero ganoon pa rin naman. Menthol na hangin sa umaga, halos green ang buong paligid dahil sa mga halaman at punong nakakalat — simple.
Gaya lang ng dati.
"Na-miss ko magbantay sa tindahan," usal ko habang nagkakape sa sala.
"Ikaw, toka mo ngayon, Ate." Humagikhik si Budd.
"Okay." Tumayo na ako para dumiretso sa tindahan. Lumawak din nang kaunti 'yung tindahan ni Nanay. Ngayon mas marami na ang laman.
Gusto ko nga sanang tanggalin na lang ito dati, buti na lang hindi pumayag si Nanay. Tama naman siya, walang ibang pagbibilhan ang mga kapitbahay namin kung sakali.
"Juls, nandito ka na pala," ani Aling Nene nang magawi siya sa tindahan. "Kamusta? Mas lalo kang gumanda ngayon, 'neng, ah."
Bigla akong nahiya sa sinabi niya. "Ayos naman po, mamaya bibigay po ni Nanay 'yung mga pasalubong ninyo," usal ko. "Ano pong bibilhin niyo?"
Umiling siya. "Wala naman," aniya. "Makikipagkwentuhan lang ako kay Nanay mo, nasaan ba?"
"Ahh, nando'n po sa likod," sagot ko.
Nagpaalam na siya at dumiretso sa likuran kung nasaan si Nanay. Naglilinis ata ng kanal.
"Pabili po." Napalingon ako sa tumawag.
Kumunot ang noo ko nang walang makitang tao. Nang dumungaw ako para tuluyang makita kung sinong nagtatawag, bata pala.
Pero hindi siya pamilyar. Taga-rito ba ito?
"Ano 'yon, neneng?" tanong ko.
"Dawalang egg, dalawang toyu, tsaka dalawang kape raw po sabi ni Daddy," aniya na tinuro pa ang twin pack na nasa taas. Mahina pa akong napatawa sa pagkakabigkas niya.
Tumango ako. "Ahh, sige, pero taga-saan ka?" Habang kinukuha ko ang mga binibili niya.
"Sa kabila po," sagot niya bago ituro ang bahay na katabi namin. "Bakit po?"
Umiling ako. "Wala naman, ngayon lang kasi kita nakita."
"Ako rin po, ano pong pangalan niyo?"
Ngumiti ako pagkaabot sa kaniya ng mga pinamili niya. "Ako si Julie, ikaw?" tanong ko.
"Wow, parang parehas po tayo ng name!" masayang sambit niya. "Ako po si Juliana."
Napangiti ako lalo. "Oo nga 'no?"
Kumunot ang noo niya, humawak pa sa baba na parang may pumasok sa isip. "Wait, parang kilala ka po ni Daddy, parang nasabi na niya po sa akin ang name mo."

BINABASA MO ANG
Sa Susunod Na Lang
HumorInspired by Eraserheads. Paasa. Update ng favorite mong author sa Wattpad. Crush mong pina-fall ka. 'Yung maliligo ka na sa ulan kaso hindi bumuhos. 'Yung maaabot mo na kaso biglang nawala. Pag-ibig na, naging bato pa. Pero anong magagawa natin? Sa...