24.

45 4 0
                                    

"i hope we can spend more time together . . . a few hours is better than never."

— fine time, eraserheads.

24. Walang Ikaw at Ako

---

WALA akong pinapasok maski isa sa kuwarto. Si Rowena, nakitulog kay Nanay sa kabila. Hindi rin ako lumabas kahit naka-ilang katok sila sa tuwing tatawagin ako para kumain.

Naiintindihan naman siguro nila.

Sana.

Pero sa ikalawang araw, dumating na ang text sa akin mula Manila. Kailangan ko na ulit lumuwas para ilakad ang visa ko. Nahihiya man, ti-next ko si Doc Eleand para pumayag sa alok niyang ihatid ako paluwas. Wala na akong magagawa, para iwas hassle na rin.

"Andiyan na ba lahat, Juls?" tanong sa akin ni Nanay. "ID, damit, selpon? Charger? Mga documents mo." Tumango-tango ako bilang sagot. Suminghap si Nanay bago ako ngitian.

Pinuntahan ko si Amang sa kuwarto niya para makapagpaalam bago umalis. Nang makita niya akong pumasok, agad siyang napangiti. Pinilit ko na lang rin ngumiti kahit mahirap. Kinaya ko naman.

Buti na lang.

"Aalis po ulit ako, Amang," usal ko. "Pakabait po kayo, ah? 'Wag pong pasaway para gumaling po kayo agad." Ngumiti ako.

Tumango-tango siya na mas lalong nagpalawak sa ngiti ko. Kinakaya ni Amang. Kaya dapat kayanin ko rin.

Mas mabigat ang dinadala niya kumpara sa akin kaya dapat lang.

"Alis na po ako," paalam ko bago halikan ang noo niya. "Bye po."

Pagkalabas ko ng kuwarto niya, umupo muna ako sa sala kasama ng mga pinsan ko habang nag-aantay sa pagdating ni Doc.

"Hindi mo na kami maaabutan dito," ani Daryl. "Aalis na kami sa makalawa, ingat ka, Juls."

Malungkot akong napatango. "Hindi na ba talaga kayo magtatagal dito?"

"Hindi na, Ate," ani Jeremy. "Pasukan na sa susunod, e."

"Basta 'wag mo kami ma-miss, Ate Juls," singit naman ni Larry. "Babalik naman kami bago ang lipad mo, despidida 'di ba?" Humalakhak siya. "Do'n, mas kumpleto tayo, baka dumating pa sila Auntie Karsing."

"Oo nga." Tumabi sa akin si Rowena. "Pero insan, akin na lang 'yung sweater mo, ah?" Humagikhik siya na ikinasimangot ko.

"Okay," usal ko na lang. "Oh, ayan na pala si Doc." Pinanood ko ang sasakyan niya hanggang sa lumabas siya mula roon.

"Ito, mas boto ako rito," biglang sabi ni Larry.

"Tumigil ka nga," saway ni Rowena sa kaniya na may kasamang hampas.

Hindi ko na sila pinansin at sinalubong na si Doc. Papalapit na siya sa amin, pinapasok ko muna para makapagpahinga.

"Hi," bati niya. "Hi guys." Bumaling siya sa mga pinsan ko pagkaupo. Binati rin nila ito bago magsi-alisan at nagkaniya-kaniya. Nahiya siguro.

Sa Susunod Na LangTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon