34.

30 5 0
                                    

"'di nagtagal, naging ganun na rin ang tema, kulang na lang ay sagot niya."

— pare ko, eraserheads.

34. Yakap

---

WALANG tigil ang buhos ng malakas na ulan simula pa nang gumising ako kaninang umaga. Hindi tuloy kami nakapaglaba ni Nanay na plano naming gawin. Bukas na lang siguro kung sakaling umayos ang panahon.

"Kain na." Nilapitan kami ni Nanay habang pirming nanonood sa sala kasama ng mga pinsan ko. "Tawagin niyo na rin si Amang, nandoon sa babuyan."

Nag-presenta si Daryl na magtawag kay Amang. Pagkaalis niya, sunod-sunod na kaming pumunta sa kusina para kumain ng tanghalian. Tumabi sa akin si Budd, sinimangutan pa ako.

"Problema mo?" tanong ko sa kaniya.

"Wala." Nagsandok siya ng kanin. "Nag-usap na kayo ni Kuys?"

Narinig ko na ang mahihinang kantyaw ng mga pinsan ko.

"Hindi pa," sagot ko bago ituon ang atensyon sa mga pagkain. "Bakit?"

"Kausapin mo na siya, Ate, gusto ko kasing hiramin 'yung isa sa collections niyang kotse." Humagikhik siya.

"Ewan ko sa 'yo."

Bumuntong-hininga siya. "Sige na, Ate, hindi lang para do'n," aniya. "Para magkaayos na rin kayo, no'ng isang araw ka pa niya gustong maka-usap."

"Kaya nga, e," singit ni Rowena, hindi na niya napigilan. "Um-oo ka pa nga, tapos pinaasa mo lang." Sumimangot din siya.

Nailing na lang ako bago magsimula sa pagkain. Hindi ko na sila pinansin pero napalingon ako kay Nanay nang magsalita siya.

"Aalis na raw 'yung kasamabahay nila diyan sa kabila," sabi niya. "Kaya matitigil na raw si Inggo sa mga gigs niya sa Maynila."

Kumunot ang noo ko.

Sa Manila pa siya nag-gi-gig? Hindi ba masyadong hassle 'yon? Ilang oras din ang biyahe niya, ah.

Ano bang pakialam ko?

"Ang astig lang ni Kuys Inggo, 'no?" ani Jeremy. "Angas niya, ang sipag."

"Pero manloloko."

Napalingon silang lahat sa akin. Isa-isa ko silang tinaasan ng kilay bago umiling. Kumunot ang mga noo nila pero doon na sila tumahimik.

Buti naman.

Itinulog ko ang pagkaburyo ko pagkatapos kumain. Hindi ako kinulit ni Rowena sa kahit anong bagay kaya madali akong nakaidlip. Maayos din naman ang tatlong oras na tulog ko.

"Napapadalas pagtulog mo insan, ah," salubong ni Rowena pagkalaba ko ng kwarto. "Naglilihi ka ba?"

"Pinagsasabi mo?" Nilagpasan ko siya na ikinahalakhak niya. "Adik ka talaga."

"Biro lang, e."

Inirapan ko siya. "Nanay, oh, si Rowena."

Sa Susunod Na LangTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon