20.

28 5 0
                                    

"if i only had a rocketship to fly, i'd be right there in a minute."

— lightyears, eraserheads.

20. Saang Banda?

---

ISANG buong linggo. Sa loob ng pitong araw na iyon — mula nang umalis siya, wala akong natanggap ni isang message o tawag galing sa kaniya. Kahit sinabi sa akin ni Tita Joyce na may kailangan siyang asikasuhin sa Manila, hindi sapat. Hinding-hindi.

Gusto ko, magpaliwanag siya. Pero, bakit?

Ano bang problema ko?

"Huy, bangon na," ani Rowena. "Tulala ka na naman diyan, babalik din 'yon."

At oo, isang buong linggo na rin akong walang maayos na tulog. Tutulala magdamag, mag-iisip ng mga bagay na agad kong binubura sa isipan dala ng pagtataka kung bakit kailangang magkaganito ang sistema ko.

Bumangon ako mula sa pagkakahiga. Lumabas ng kuwarto at dumiretso sa kusina para solusyonan ang kumakalam kong tiyan. Masyado ata akong busog sa pag-iisip kaya hindi na nakapaghapunan.

Diretso ako sa tindahan pagkatapos kumain. Wala si Nanay para magbantay, Linggo ngayon kaya sigurado nasa palengke siya.

"Pabili."

Una siyang pumasok sa isip ko. Sa araw-araw ba naman na siya ang makikita ko pagbungad — kakatok para bumili ng almusal nila, mang-aasar para sirain ang araw ko, hindi na dapat ako magulat.

Nasasanay na ako sa kaniya.

"Isang sardinas, 'neng," ani Aling Nene. "Wala kasing tinda sila Alicia sa kabila, malapit na ata ma-bankrupt." Humagikhik siya.

Ngumiti ako para hindi ako maging bastos kahit papaano. Binigay ko ang binibili niya, nag-abot siya ng bayad tapos umalis.

Tumulala na naman ako, hindi na namalayan si Aling Nene na bumalik pala. "Juls, kulang pala sukli ko, oh." Pinakita niya ang barya sa akin. "Singkwenta pera ko, 'neng, bente lang sinukli mo."

Agad kong nasapo ang noo. "Ay, sorry po," usal ko bago dumukot ng barya sa lagayan. "Ito po, pasensiya na."

"Okay lang, 'neng," aniya. "May sakit ka ata? Parang hinang-hina ka, e."

Ngumiti ako. "Wala po."

Umalis na siya habang tumatango-tango.

Naupo ulit ako. Ano ba, umayos ka nga, Juls.

"Depressed?" Dumungaw si Daryl mula sa labas. "Anyare?" Humagikhik siya.

"Pinagsasabi mo?"

Nailing siya habang nangingisi. "Babalik din si Kuys, ikaw talaga Juls."

"Ewan ko sa 'yo," sagot ko bago siya irapan. "Do'n ka nga," pagtataboy ko.

Natatawa siyang umalis. Bumuntong-hininga hinga ako, malalim — sobrang lalim na parang panghuli ko na. Leche, ano bang nangyayari sa akin?

Uminit ang pisngi ko dahil sa tumulong luha. Mas lalong kumunot ang noo ko habang umiiling, naguguluhan na sa nararamdamang lungkot.

Sa Susunod Na LangTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon